Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tawag na Pang-Emergency—London

Tawag na Pang-Emergency—London

Tawag na Pang-Emergency​—London

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

“SINISIKAP naming makarating sa malulubha at sugatang mga pasyente sa loob ng walong minuto saanman sa London na may lawak na 1,600 kilometro kuwadrado,” ang paliwanag ng operations manager ng ambulansiya na si Rob Ashford, ng London Ambulance Service. “Nagagawa namin ito sa mahigit na 75 porsiyento ng mga kaso, sa kabila ng taunang pagtaas sa bilang ng mga insidente.”

Inimbitahan ako sa Central Ambulance Control ng London na nasa istasyon ng tren sa Waterloo sa timugang pampang ng ilog ng Thames. Ito ang pinakamalaking sentrong pang-emergency sa Europa na tumutugon sa mga 3,000 tawag araw-araw. Nanggagaling ang tawag na ito sa populasyon na humigit-kumulang pitong milyon katao na nagsasalita ng mahigit sa 300 wika. Paano inoorganisa ang 300 kawani sa control room para matugunan ang hamon?

Pagkakategorya sa mga Tawag

Pinagmasdan ko ang isang opereytor na sumasagot sa pumapasok na mga tawag sa 999, na siyang numero ng telepono para sa emergency sa Britanya. Kaagad na inalam ng opereytor kung saan nagaganap ang problema at ang pinakamalapit na kanto. Lumabas agad sa kaniyang computer ang mapa ng kalsada. Para malaman kung gaano kalubha ang situwasyon, ganito ang sunud-sunod niyang itinanong: Ilan ang nangangailangan ng tulong? Anu-ano ang edad nila? Ilan ang lalaki at ilan ang babae? May malay pa ba sila? Humihinga pa ba sila? Sumasakit ba ang dibdib nila? Duguan ba sila?

Habang ipinapasok ng opereytor sa computer ang impormasyong ito, awtomatikong kinakategorya ng computer ang insidente: pula​—nag-aagaw-buhay na, kulay-kahel​—malubha pero hindi pa nag-aagaw-buhay, o berde​—hindi nag-aagaw-buhay ni malubha man. Saka ipinapasa ng opereytor ang impormasyong ito sa isang kasama na magpapadala ng tulong sa biktima.

Pagtulong Kung Saan May Emergency

Ang ahensiya ay may 395 ambulansiya at 60 kotse na mabilis na nakatutugon sa mga tawag. Kapag may nag-ulat ng emergency, pinapupunta roon ang pinakamalapit na angkop na sasakyan. Handa rin ang mga paramedik na sakay ng motorsiklo kung kinakailangan, dahil mas madali silang nakalulusot sa masisikip na daloy ng trapiko. Bukod dito, 12 doktor ang handang tumulong sa mga paramedik anumang oras.

Habang nasa sentro ako, iniulat ng lokal na pulis ang isang malubhang aksidente sa isang haywey na dinaraanan ng maraming sasakyan. May ambulansiya nang dumating, pero tumawag pa rin ang pulis sa punong-tanggapan ng ambulansiya. Bakit? Para maghanda ang kawani roon sakaling kailanganin ang serbisyo ng kanilang helikopter. Ginagamit ang naiibang pulang helikopter na ito para sa humigit-kumulang 1,000 misyon bawat taon. Sakay nito ang isang paramedik at isang doktor, na kadalasan nang nagdadala sa malulubhang nasugatan sa Royal London Hospital, kung saan sila agad gagamutin.

Noong 2004, isa pang pamamaraan ang pinasimulan​—sinubukang gamitin ang grupo ng ambulansiyang bisikleta sa Heathrow Airport ng London, ekstensiyon ng ahensiya na nagseserbisyo na sa Dulong Kanluran ng lunsod. Kabilang sa pangkat na ito ang medikal na mga teknisyan at mga paramedik na pang-emergency, kaya maaasikaso na ng mga ambulansiya ang ibang mga tawag. Bawat bisikleta ay may asul na ilaw at sirena, at basket na nagkakarga ng 35 kilo ng kasangkapan, kabilang na ang defibrillator, oksiheno, at mga analgesic.

Ilang araw lamang mula nang simulang gamitin ang mga bisikleta, nakita na ang kahalagahan ng mga ito. Sumamâ ang pakiramdam ng 35-anyos na babae sa Terminal 4 ng Heathrow Airport at huminto ng paghinga. Dalawang paramedik ang tumugon sa tawag sa 999 sa loob lamang ng ilang segundo, binigyan siya ng oksiheno, at agad pinasimulan ang resuscitation (pagpapamalay-tao). Isinugod siya ng ambulansiya sa pinakamalapit na ospital. Nang gumaling na, personal niyang pinasalamatan ang mga paramedik sa pagliligtas ng kaniyang buhay.

Lumalawak na Serbisyo

Kapag hindi nagsasalita ng Ingles ang mga tumatawag sa 999, inililipat sila sa isang interprete. Siyempre pa, isang hamon ang pag-alam sa wika ng tumatawag, lalo na kung mabilis magsalita ang tumawag dahil sa pagkabalisa o kaigtingan!

Para maturuan ang publiko hinggil sa pangangalagang pangkalusugan sa panahon ng emergency, isang maikling pelikula na may subtitle sa Ingles ang makukuha na sa DVD. Ang tunguhin ay himukin ang mga taga-London na galing sa Timog Asia na “matuto kung paano magsasagawa ng cardio-pulmonary resuscitation,” ang sabi ng LAS News, isang publikasyon ng London Ambulance Service. Ipinakikita rin sa DVD kung ano ang nangyayari kapag may tumawag sa 999.

Ang mga mamamayan ng kabisera ng Inglatera na nagmula sa iba’t ibang lahi ay nagpapasalamat sa maagap na pagtugon sa kanilang medikal na mga emergency, kahit isa o maraming tao ang nasasangkot at kahit nagaganap pa ito sa ilalim ng lupa o sa napakataas na gusali. May kinalaman sa mga kawani ng London Ambulance Service, isang boluntaryong doktor ang nagsabi: “Sila ang ilan sa pinakamahuhusay na propesyonal sa medisina na nakatrabaho ko.” Mainam na komendasyon ito para sa mga kawani ng pinakamalaking walang-bayad na serbisyo ng ambulansiya sa buong daigdig.

[Kahon sa pahina 11]

Mga Problema at Kabiguan

Ang di-angkop na mga tawag para humingi ng personal na impormasyon, mga tawag hinggil sa simpleng mga sakit at pinsala, at pagtawag sa 999 nang di-sinasadya o para lamang sa katuwaan ay nagdudulot ng mga problema sa mga serbisyong pangkagipitan. Ang mas masama pa nito, ang mga tauhan sa panggagamot na dumarating upang tumulong ay pinagsasalitaan o sinasaktan pa nga ng ilang pasyente at ng iba pa, pati na ng kanilang mga kapamilya! Ang galit na nadarama ng mga taong ito ay posibleng dahil sa kaigtingan o pag-abuso sa droga o pagkairita dahil iniisip nilang napakatagal dumating ng tulong. Walang simpleng solusyon sa mga problemang ito, subalit nakatutulong ang pagtuturo sa publiko.

[Mga larawan sa pahina 10]

Inaasikaso ng sentro ang mga 3,000 tawag na pang-“emergency” araw-araw

[Picture Credit Line sa pahina 10]

All photos: Courtesy of London Ambulance Service NHS Trust