Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pagtulong sa mga Kabataang Nasa Krisis (Abril 8, 2005) Napakarami ko pong natutuhan sa seryeng ito. Kung minsan, isang hamon ang pagiging tin-edyer, subalit pinagagaan ito ng nakapagpapatibay na mga artikulong tulad nito. Tamang-tama po ang impormasyong ito upang mapatibay kami sa “mga panahong [ito na] mapanganib [at] mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang mga paalaala sa mga artikulong ito ay tutulong sa amin upang hindi kami masila ng “mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11) Salamat po sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon.

K. S., Estados Unidos

Malinis na Tahanan​—Ang Papel na Ginagampanan Nating Lahat (Hunyo 8, 2005) Noong bata ako, parehong nagtatrabaho ang mga magulang ko at kaming tatlong magkakapatid ay lagi na lamang naglalaro sa bahay. Napakagulo ng bahay namin. Hanggang sa ngayon, ayaw na ayaw ko pa ring maglinis ng bahay. Pero nang mabasa ko ang artikulong ito, para ko na ring naririnig ang nanay ko na may-kabaitang nagtuturo sa akin kung paano maglinis. Malalaki na rin ang mga anak ko, at hindi rin nila nakahiligang maglinis. Napakarami kong dapat ituro sa kanila. Napasigla ako ng artikulong ito.

Y. E., Hapon

Bilang Pampamilyang Repaso (Mayo 8, 2005) Napaluha ako nang mabasa ko ang artikulong ito. Ipinakita ko ito sa aking anak na babae. Pagkatapos ay sinabi niyang nabasa na niya ang artikulo tungkol sa nasaktang maya at nasagot na niya ang dalawang tanong sa “Bilang Pampamilyang Repaso.”

L. S., Estados Unidos

Mga Aklatan​—Mga Pintuang-daan ng Kaalaman (Mayo 22, 2005) Nais ko lang itawag-pansin na ang larawan sa pahina 18 ay hindi si Haring Ashurbanipal ng Asirya. Sa katunayan, ang ipinakikita sa larawan ay si Haring Esar-hadon ng Asirya.

A. W., Alemanya

Sagot ng “Gumising!”: Salamat at itinawag-pansin ninyo ito. Gaya ng binabanggit sa isang reperensiyang akda hinggil sa Bibliya na “Insight on the Scriptures,” Tomo 1, pahina 757, si Esar-hadon ay ang nakababatang anak na lalaki at kahalili ni Haring Senakerib ng Asirya. *

Ang Kahanga-hangang Kalendaryo ng mga Maya (Abril 8, 2005) Naudyukan ako ng artikulong ito na magsaliksik sa Internet. Nalaman kong may malapit na kaugnayan pala sa astrolohiya ang kalendaryo ng mga Maya. Sa palagay ko, ang paglalathala ng ganitong mga artikulo ay mag-uudyok sa mga mambabasa na magkainteres sa astrolohiya at sa mga sining ng mahika.

J. K., Poland

Sagot ng “Gumising!”: Gaya ng binabanggit sa pahina 4 ng “Gumising!,” “iniuulat [ng babasahing ito] ang mga balita, inilalahad ang tungkol sa mga tao sa maraming lupain, sinusuri nito ang relihiyon at siyensiya.” Tiyak na hindi nito ipinahihiwatig na itinataguyod namin ang mga nagaganap sa mga larangang ito. Sa maikling artikulo na tinutukoy ninyo, iniulat namin ang tungkol sa sinaunang mga Maya, na naging dalubhasa sa pagkalkula ng panahon, na siya namang nagamit upang makagawa ng isang kahanga-hanga at tumpak na kalendaryo. Ang bagay na ginamit ang kalendaryong ito sa panghuhula​—na binanggit sa artikulo​—ay hindi dapat mag-udyok sa aming mga mambabasa na pag-aralan ang astrolohiya.

Sa pana-panahon, nakatatanggap kami ng katulad na mga tanong hinggil sa mga ginagamit na larawan sa aming mga publikasyon. Ang mga larawan ng idolo, mga simbolo sa relihiyon, o mga bagay na ginagamit sa espiritismo ay hindi nilayong antigin ang pagkamausisa ng mga tao kundi alisin ang anumang misteryong bumabalot dito at babalaan ang aming mga mambabasa na huwag gumamit ng mga ito. Marami sa mga komentong natatanggap namin ang nagsasabing nakinabang sila sa aming mga artikulo at sa mga ginamit na larawan.

[Talababa]

^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.