Natuto Akong Magtiwala sa Diyos
Natuto Akong Magtiwala sa Diyos
AYON SA SALAYSAY NI ELLA TOOM
NAKATIRA ang pamilya namin malapit sa maliit na bayan ng Otepää, sa timugang Estonia, mga 60 kilometro mula sa hangganan ng Russia. Noong Oktubre 1944, ilang buwan pagkaraan kong magtapos sa haiskul, malapit nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II. Habang tinutugis ng hukbong Ruso ang mga Aleman pabalik sa Estonia, kami ng aming mga kapitbahay—mga 20 kami—ay nagtago sa kagubatan kasama ng aming mga alagang hayop.
Sa dalawang buwang nagbabagsakan ang mga bomba sa palibot namin, waring napagitna kami sa pook ng labanan. Mag-uumpukan kami, at babasahin ko ang mga bahagi ng Bibliya, lalo na ang Mga Panaghoy. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na binasa ko ang Bibliya. Isang araw, umakyat ako sa mataas na burol, lumuhod, at nanalangin, “Kapag natapos na po ang digmaan, ipinangangako kong magsisimba ako tuwing Linggo.”
Di-nagtagal, naging pakanluran ang labanan. Sa wakas, natapos ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa nang sumuko ang Alemanya noong Mayo 1945. Samantala, tinupad ko ang aking pangako sa Diyos na magsimba linggu-linggo. Subalit iilang matatandang babae lamang ang naroroon. Nahihiya akong magsimba roon. Kapag di-inaasahang may dumalaw sa bahay namin, itinatago ko ang Bibliya sa ilalim ng mesa.
Di-nagtagal, nakakuha ako ng trabaho bilang guro sa isang paaralan doon. Nang panahong ito, nanaig na ang rehimeng Komunista at lumaganap ang ateismo. Pero tumanggi akong sumali sa Partido Komunista. Naging abala ako sa sosyal na mga pagtitipon, tulad ng pag-oorganisa ng katutubong mga sayaw para sa mga bata.
Nakilala Ko ang mga Saksi
Kailangan ng mga bata ng mga kostiyum para sa kanilang pagtatanghal, kaya noong Abril 1945, nagpunta ako kay Emilie Sannamees, isang mahusay na mananahi. Hindi ko alam na isa pala siyang Saksi ni Jehova. Nagtanong siya, “Ano ang masasabi mo sa kalagayan ng daigdig?” Yamang isang komperensiya para sa kapayapaan ang idinaraos noon sa San Francisco, E.U.A., sinabi ko, “Malapit nang magwakas ang pamahalaang ito, at tiyak ko na idinaraos ang komperensiyang ito para sa kapayapaan upang garantiyahang mangyayari nga ito.”
Sinabi ni Emilie na walang maidudulot na pangmatagalang pakinabang ang komperensiyang ito, at tinanong niya ako kung maaari niyang ipakita sa akin mula sa Bibliya kung bakit gayon nga. Hindi pa ako handang makinig sa mahinahong babaing ito na nasa katanghaliang gulang, kaya nag-iwan siya sa akin ng tanong, “Alam mo ba kung saan nilayon ng Diyos na tumira sina Adan at Eva?” Yamang hindi ako makasagot, sinabi na lamang niya, “Itanong mo sa tatay mo.”
Itinanong ko nga kay Itay nang makauwi na ako. Hindi niya masagot ito at sinabi niyang hindi naman namin kailangang pag-isipan pa ang pag-aaral ng Genesis 1:28; 2:8, 9, 15; Awit 37:29; Isaias 45:18; Apocalipsis 21:3, 4.
Bibliya; basta maniwala na lamang kami. Nang bumalik ako para kunin ang mga kostiyum, sinabi ko na hindi alam ni Itay ang sagot sa tanong niya. Inilabas niya at ng kaniyang ate ang kanilang Bibliya at binasa sa akin ang tagubilin ng Diyos kina Adan at Eva—tungkol sa pangangalaga sa kanilang harding tahanan at maligayang pamumuhay roon magpakailanman. Ipinakita nila sa akin mula sa Bibliya na layunin ng Diyos na magkaanak sina Adan at Eva at palawakin ang kanilang Paraisong tahanan sa buong lupa. Namangha ako sa katibayan mula sa Kasulatan!—Ang Una Kong Pagdalo sa Kristiyanong Pagpupulong
Yamang dadalo ako ng tatlong-buwang kurso sa Tartu para sa mga guro nang tag-araw na iyon, ibinigay sa akin ni Emilie ang adres ng isang Saksi sa lunsod na iyon. Binigyan din niya ako ng aklat na Creation, na hinangaan ko dahil sa malinaw na pagkakalahad ng pangunahing mga katotohanan sa Bibliya. Kaya noong Agosto 4, 1945, pinuntahan ko ang adres na ibinigay sa akin.
Nang walang sumasagot, nilakasan ko pa ang pagkatok anupat binuksan ng isang kapitbahay ang kaniyang pinto at ibinigay sa akin ang ibang adres—56 Salme Street. Doon ako nagtanong sa isang babaing nagtatalop ng patatas sa isang pagawaan, “May relihiyosong pagpupulong ba na idinaraos dito?” Nagalit siya at ipinagtabuyan ako. Yamang iginiit ko na gusto kong pumunta sa pagpupulong, inanyayahan niya akong sumama sa grupong nag-aaral ng Bibliya sa itaas. Di-nagtagal, pahinga na sa tanghali, at naghanda na akong umalis. Pero hinikayat ako ng iba na manatili pa.
Habang tumitingin-tingin ako sa palibot noong pahinga sa tanghali, nakita kong nakaupo malapit sa bintana ang dalawang lalaking napakaputla at napakapayat. Nalaman ko nang maglaon na noon palang panahon ng digmaan, mahigit isang taon silang nagtago kung saan-saan upang hindi sila madakip. * Sa panghapong sesyon, ginamit ni Friedrich Altpere ang salitang “Armagedon” sa pahayag. Yamang hindi ako pamilyar sa termino, tinanong ko siya pagkatapos tungkol dito, at ipinakita niya ito sa akin sa Bibliya. (Apocalipsis 16:16) Nang makita niyang nagulat ako, nagulat din siyang malaman na bago ito sa akin.
Unti-unti kong naunawaan na isinaayos ang pagpupulong na iyon para lamang sa mga kilala at pinagkakatiwalaang Saksi. Nalaman ko nang maglaon na iyon pala ang kauna-unahang pulong nila pagkatapos ng digmaan! Mula noon, batid ko na nang lubusan ang pangangailangang magtiwala sa Diyos. (Kawikaan 3:5, 6) Pagkaraan ng isang taon, noong Agosto 1946, sa edad na 20, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay sa tunay na Diyos, si Jehova.
Pagharap sa Pagsalansang ng Pamilya
Iginiit ng pamahalaan ang pagtuturo ng ateismo sa paaralan, kaya naging hamon ito sa aking budhing sinanay sa Bibliya. Gusto ko nang magpalit ng propesyon. Nang banggitin ko ito kay Inay, galit na galit siya at sinabunutan ako. Ipinasiya kong umalis sa amin. Pero hinikayat ako ni Itay na magtiis, anupat sinabing tutulungan niya ako.
Sinalansang din ako ng aking kapatid na lalaking si Ants. Pero isang araw, humingi siya sa akin ng ilang literatura, na binasa naman niya at lubhang nagustuhan. Lalong nagalit si Inay. Ibinabahagi pa nga ni Ants sa paaralan ang tungkol sa Diyos, pero nang bumangon ang pag-uusig, huminto na siyang makisama sa mga Saksi. Di-nagtagal pagkatapos nito, napinsala ang kaniyang ulo sa isang aksidente dahil sa pagda-dive. Nakaratay na lamang siya sa isang teheras at paralisado, pero malinaw pa rin ang kaniyang pag-iisip. “Mapatatawad kaya ako ni Jehova?” ang tanong niya. “Oo naman,” ang sabi ko. Pagkaraan ng ilang araw, namatay si Ants. Labimpitong taóng gulang lamang siya.
Noong Setyembre 1947, nagbitiw ako bilang guro sa paaralan. Galít pa rin sa akin si Inay. Nang ihagis niya sa labas ng bahay ang lahat ng damit ko, umalis ako sa bahay namin at kinupkop ng magkapatid na babaing Sannamees. Napatibay ako ng kanilang mga paalaala na hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod.
Mga Pagsubok Pagkatapos ng Digmaan sa Estonia
Pinatulong ako ng magkapatid na Sannamees sa kanilang pananahi para sa mga pamilyang
nagtatrabaho sa bukid. Madalas naming naibabahagi ang mga katotohanan sa Bibliya sa kanila. Maligayang panahon iyon, sapagkat hindi lamang ako natutong manahi kundi naging mas bihasa ako sa ministeryong Kristiyano. Bukod sa pananahi, naging tutor din ako sa matematika. Gayunman, noong 1948, nagsimulang arestuhin ng mga awtoridad ang mga Saksi.Nang sumunod na taon, noong Oktubre, nagtatrabaho ako sa bukid nang sabihan akong nagpunta ang mga awtoridad sa bahay ng mga Sannamees para arestuhin ako. Nang pumunta ako sa bukid ni Brother Hugo Susi upang magtago, nalaman ko na kaaaresto lamang niya. Isang babaing nagpatahi sa akin ang nag-alok na sa kaniya muna ako tumuloy. Nang maglaon, nagpalipat-lipat ako sa mga bukid, nananahi at nagpapatuloy sa gawaing pangangaral.
Nang magtaglamig na, naabutan ako ng Komiteng Panseguridad ng Estado ng Sobyet (KGB) sa Tartu sa bahay ni Linda Mettig, isang masigasig na Saksi na mas matanda sa akin nang ilang taon. Inaresto nila ako at dinala sa presinto para pagtatanungin. Yamang ipinahubad ang lahat ng damit ko at pinagtitinginan ako ng mga kabataang pulis, laking kahihiyan ang dinanas ko. Pero pagkatapos kong manalangin kay Jehova, napanatag ang kalooban ko at naging kalmado ako.
Pagkatapos nito, inilagay ako sa napakaliit na selda, kung saan hindi man lamang ako makahiga. Nakalalabas lamang ako kapag pinagtatatanong ako. Sasabihin ng mga opisyal: “Hindi naman namin sinasabing itanggi mong may Diyos. Basta ihinto mo lamang ang walang-kuwentang pangangaral mo! Maaari kang magkaroon ng magandang kinabukasan.” At nagbabanta pa sila: “Gusto mo bang mabuhay? O gusto mong mamatay kasama ng Diyos mo sa Siberia?”
Sa loob ng tatlong araw, hindi nila ako pinayagang matulog sa pagitan ng paulit-ulit na pagtatanong. Nakatulong sa akin ang pagbubulay-bulay sa mga simulain ng Bibliya upang makapagbata. Sa wakas, pinapirmahan sa akin ng isang tagatanong ang dokumentong nagsasaad na hihinto na ako sa pangangaral. “Napag-isipan ko na itong mabuti,” ang sabi ko, “at mamatamisin ko pang tumira sa bilangguan na buo ang kaugnayan sa aking Diyos kaysa lumaya at maiwala ang pagsang-ayon niya.” Pagkarinig nito, binulyawan ako ng tagatanong: “Sira ka talaga! Aarestuhin kayong lahat at ipadadala sa Siberia!”
Di-inaasahang Paglaya
Nakapagtataka, bago maghatinggabi, sinabihan ako ng mga tagatanong na kunin ang mga gamit ko at umalis. Yamang alam kong susundan ako, hindi ako nagpunta sa bahay ng mga kapuwa Kristiyano dahil mahahantad sila. Habang naglalakad ako sa kalsada, tatlong lalaki nga ang sumunod sa akin. Habang nananalangin ako kay Jehova para sa patnubay, pumasok ako sa isang madilim na kalsada at nagtatakbo sa isang hardin. Habang nakahiga ako sa lupa, tinakpan ko ng mga dahon ang sarili ko. Naririnig ko ang yabag ng mga lalaking naglalakad, at nakikita ko ang liwanag ng mga flashlight nila.
Lumipas ang ilang oras, at namanhid na ang aking mga buto sa lamig. Sa wakas, naglakad ako sa mga kalsadang-bato na bitbit ang aking sapatos upang hindi ako mag-ingay. Pagkaalis sa lunsod, naglakad ako sa estero sa haywey. Kapag may dumarating na kotse, humihiga ako. Pagsapit ng alas singko ng umaga, nakarating ako sa tahanan nina Jüri at Meeta Toomel, di-kalayuan sa Tartu.
Kaagad na pinainit ni Meeta ang sauna para sa akin para mainitan ako. Pumunta siya kinabukasan sa Tartu at kinausap si Linda Mettig. Hinikayat ako ni Linda, “Magsimula na tayong mangaral ngayon at dalhin natin sa buong Estonia ang mabuting balita.” Pagkatapos kong baguhin ang aking hitsura sa pamamagitan ng bagong istilo ng buhok, paglalagay ng kaunting make-up, at pagsusuot ng salamin, nagsimula kaming mangaral. Sa sumunod na mga buwan, nalakbay namin ang malalayong lugar sakay ng bisikleta. Pinatibay namin ang aming mga kapananampalatayang nakatira sa mga bukid na nadaanan namin.
Nag-organisa ang mga Saksi ng kombensiyon *
na idaraos sa Hulyo 24, 1950, sa malaking kamalig ng dayami ng isang estudyante sa Bibliya malapit sa Otepää. Nang malaman naming natuklasan ng KGB ang mga plano para sa pagtitipon, nabigyan namin ng babala ang karamihan sa mga Saksing patungo roon. Nagsaayos ng ibang lokasyon para sa sumunod na araw, at mga 115 ang dumalo. Umuwi ang bawat isa na lipos ng kagalakan at mas determinado higit kailanman na manatiling tapat sa harap ng mga pagsubok.Pagkatapos nito, nagpatuloy kami ni Linda sa pangangaral at pagpapatibay sa aming mga kapuwa Kristiyano. Nang bandang dulo ng taóng iyon, sumama kami sa pag-aani ng patatas at ibinahagi namin ang mensahe ng Kaharian sa mga katrabaho namin. Huminto pa nga sa pagtatrabaho ang may-ari ng isang bukid at nakinig nang isang oras sa amin at nagsabi, “Wala kang maririnig na ganiyang balita sa araw-araw!”
Bumalik kami ni Linda sa Tartu, kung saan nalaman namin na marami pang Saksi ang inaresto, pati na ang ina ni Linda. Karamihan sa mga kaibigan namin ay inaresto na rin, pati na ang magkapatid na Sannamees. Yamang alam naming pinaghahanap kami ng KGB, kumuha kami ng dalawang bisikleta at patuloy na nangaral sa labas ng Tartu. Isang gabi, naabutan ako ng KGB sa bahay ni Alma Vardja, isang Saksing kababautismo lamang. Pagkatapos siyasatin ang pasaporte ko, isa sa mga kinatawan ng KGB ang napabulalas: “Ella! Kung saan-saan ka na namin hinanap!” Disyembre 27, 1950 noon.
Nabilanggo Saka Napunta sa Siberia
Kalmado kaming nag-impake ni Alma ng ilang gamit, at pagkatapos ay kumain kami. Namangha ang mga KGB agent at nagsabi, “Hindi man lamang kayo umiiyak. Nakaupo lang kayo riyan at kumakain.” Sumagot kami, “Papunta kami sa aming bagong atas, at hindi namin alam kung kailan kami ulit makakakain.” Nagdala ako ng kumot na ginawa kong medyas at guwantes na pampainit nang maglaon. Matapos mabilanggo nang ilang buwan, noong Agosto 1951, ipinatapon ako kasama ng iba pang Saksi sa Estonia. *
Mula sa Estonia, isinakay kami sa tren patungong Leningrad (St. Petersburg na ngayon), Russia, at mula roon ay dinala kami sa kinatatakutang kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa Vorkuta, Komi, sa itaas ng Arctic Circle. May tatlong Saksi sa aming grupo. Nakapag-aral ako ng wikang Ruso sa paaralan at nagsanay akong magsalita sa wikang ito mula nang arestuhin ako. Kaya mahusay na akong magsalita ng wikang Ruso pagdating namin sa mga kampo.
Nakilala namin sa Vorkuta ang isang babaing taga-Ukraine na naging Saksi habang nasa kampong piitan ng Nazi sa Poland. Noong 1945, siya at ang 14 na iba pang Saksi ay pinasakay sa isang barko na nilayong palubugin ng mga Aleman sa Dagat ng Baltic. Gayunman, nakarating nang ligtas ang barko sa Denmark. Nang maglaon, pagbalik niya sa Russia, inaresto siya dahil sa pangangaral at ipinadala sa Vorkuta, kung saan naging pampatibay siya sa amin.
Nakilala rin namin ang dalawang babae, na nagtanong sa wikang Ukrainiano, “Sino rito ang Saksi ni Jehova?” Kaagad naming nakilala na sila ay mga kapatid naming Kristiyano! Pinatibay nila kami at inasikaso. Sinabi ng ibang bilanggo na para bang may pamilya kami na naghihintay sa pagdating namin.
Paglipat sa mga Kampo sa Mordovia
Noong Disyembre 1951, nang matuklasan sa isang medikal na pagsusuri na may sakit ako sa thyroid, inilipat ako mga 1,500 kilometro patimog-kanluran sa napakalaking bilangguan sa Mordovia na mga 400 kilometro sa timog-silangan ng Moscow. Sa sumunod na mga taon, nakilala ko ang mga Saksing Aleman, Hungaryo,
Polako, at Ukrainiano sa mga kampo para sa kababaihan kung saan ako nabilanggo. Nakilala ko rin si Maimu, isang pulitikal na bilanggo mula sa Estonia.Habang nasa bilangguan sa Estonia, nanganak si Maimu, at ibinigay ng isang mabait na guwardiya ang sanggol sa ina ni Maimu. Sa bilangguan sa Mordovia, nagdaos kami kay Maimu ng pag-aaral sa Bibliya, at tinanggap niya ang kaniyang natututuhan. Sumulat siya sa kaniyang ina, na tumanggap din sa mga katotohanan sa Bibliya at itinuro ang mga ito sa anak ni Maimu, si Karin. Pinalaya si Maimu makalipas ang anim na taon at muli silang nagkasama ng kaniyang anak. Nang lumaki na si Karin, napangasawa niya ang isang kapuwa Saksi. Labing-isang taon na silang naglilingkod ngayon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Tallinn, Estonia.
Ang isa sa mga kampong piitan sa napakalaking pasilidad sa Mordovia ay may tinatawag na hawla. Isa itong maliit na baraks na guwardiyadong mabuti at nasa loob ng napapaderang kampo. Ako at ang anim pang Saksi ay inilagay roon dahil sa aming gawaing Kristiyano. Pero kahit noong naroon kami, gumawa kami ng maliliit na sulat-kamay na mga kopya ng mga artikulo sa Bantayan at ipinuslit ang mga ito sa iba sa kalapit na mga kampo. Ang isang paraan namin ay butasan ang isang sabon, ilagay ang artikulo sa loob nito, at takpan ulit ang sabon.
Noong nakabilanggo ako sa mga kampo sa Mordovia, natulungan ko ang mahigit sa sampung tao na manindigan upang maglingkod sa Diyos. Sa wakas, noong Mayo 4, 1956, sinabi sa akin, “Malaya ka nang umalis at maniwala sa iyong Diyos na si Jehova.” Sa buwan ding iyon, naglakbay ako pauwi sa Estonia.
Halos 50 Taon Mula Nang Makauwi Ako
Wala akong trabaho, pera, at tirahan. Pero mga ilang araw lamang pagdating ko, may natagpuan akong babae na nagpakita ng interes sa mga turo ng Bibliya. Pinatuloy niya ako sa tirahan nilang mag-asawa na may iisang silid. Bumili ako ng lana gamit ang inutang na pera at naggantsilyo ng mga pangginaw, na ibinenta ko sa palengke. Nang maglaon, inalukan akong magtrabaho sa Tartu Cancer Hospital, kung saan ako humawak ng iba’t ibang trabaho sa sumunod na pitong taon. Samantala, bumalik na rin si Lembit Toom mula sa pagkakatapon sa Siberia, at noong Nobyembre 1957, ikinasal kami.
Minamanmanan pa rin kami ng KGB, at lagi kaming nililigalig, yamang bawal pa rin ang aming gawaing pangangaral. Pero ginawa namin ang aming makakaya upang maibahagi ang aming pananampalataya. Isinalaysay ni Lembit ang bahaging ito ng buhay namin sa Pebrero 22, 1999, isyu ng Gumising! Noong huling bahagi ng dekada ng 1950 at sa buong dekada ng 1960 at 1970, pinauwi ang mga tapong Saksi. Pagsapit ng bandang dulo ng dekada ng 1980, mahigit 700 Saksi na kami sa Estonia. Naging legal ang aming gawaing Kristiyano noong 1991, at mula noon ay dumami na kami at umabot sa mahigit na 4,100 Saksi sa Estonia!
Mahigit 60 taon na ang nakalilipas mula nang dumalo ako sa unang palihim na pulong ng mga Saksi sa Estonia pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Mula noon, determinado akong sundin ang payo ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti.” Natutuhan ko na sa paggawa nito, tatanggapin mo “ang mga kahilingan ng iyong puso.”—Awit 37:3, 4.
[Mga talababa]
^ par. 14 Ang kuwento ng isa sa mga lalaking ito, si Lembit Toom, na siya mismo ang nagsalaysay ay lumitaw sa Pebrero 22, 1999, isyu ng Gumising!
^ par. 30 Tingnan ang Gumising! ng Pebrero 22, 1999, pahina 12-13, para sa mas detalyadong salaysay tungkol sa kombensiyong ito.
^ par. 34 Pero ang karamihan sa mga Saksi sa Estonia ay ipinatapon noong Abril 1951. Tingnan ang Gumising! ng Abril 22, 2001, pahina 6-8, at ang video na Faithful Under Trials—Jehovah’s Witnesses in the Soviet Union.
[Blurb sa pahina 23]
“Magsimula na tayong mangaral ngayon at dalhin natin sa buong Estonia ang mabuting balita.”—Linda Mettig
[Larawan sa pahina 24]
Kasama ang siyam na iba pang Saksi sa loob ng piitan sa Mordovia
[Larawan sa pahina 24]
Ngayon, kasama ang aking asawa, si Lembit