Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Mga isa sa apat katao” sa Estados Unidos ang “nagkakaroon ng di-kukulangin sa isang sakit sa isip sa anumang taon, at halos isa sa dalawa katao ang nakararanas ng gayong sakit sa kanilang buhay.”​—SCIENCE NEWS, E.U.A.

Noong Setyembre 2004, ang Bagyong Ivan ay lumikha ng di-kukulangin sa 24 na alon na mahigit 15 metro ang taas sa Gulpo ng Mexico. Ang pinakamalaking alon ay umabot nang 27.7 metro.​—MAGASING SCIENCE, E.U.A.

Ang drayber na gumagamit ng cell phone habang nagmamaneho, hawak man niya ito o hindi, ay apat na beses na mas malamang na maaksidente nang malubha anupat kailangan siyang maospital.​—BMJ, BRITANYA.

▪ Isang bagong edisyon ng katalogo na dinisenyo para tulungan ang mga tagapagsalin ng Bibliya ang nagtala ng 6,912 wika na ginagamit sa kasalukuyan.​—THE NEW YORK TIMES, E.U.A.

▪ Sa kabila ng mga babala na makasásamâ sa kanilang mga anak ang paninigarilyo, 30 porsiyento pa rin ng mga babae sa Poland ang naninigarilyo sa panahon ng kanilang pagdadalang-tao o pagpapasuso.​—MAGASING ZDROWIE, POLAND.

Pangmalas sa Kayamanan

Natuklasan ng Australia Institute sa kanilang isinagawang pag-aaral hinggil sa pangmalas sa kayamanan na 1 lamang sa 20 milyunaryong Australiano ang nagsasabing mayaman sila, ang ulat ng ABC News Online. Ayon kay Clive Hamilton, ehekutibong direktor ng Institute, “habang lalo tayong yumayaman, lalo tayong hindi nasisiyahan sa ating mga kinikita.” Sa katunayan, 13 porsiyento lamang sa grupo ng mga taong may pinakamataas na kita ang talagang nasisiyahan sa buhay. Sinabi ni Hamilton: “Talagang magtataka ka kung bakit masugid na itinataguyod ng ating lipunan ang pagkakaroon ng pinansiyal na kasaganaan, samantalang kitang-kita naman na ibang mga aspekto ng buhay ang talagang nagdudulot ng tunay na pagkakontento at kaligayahan.”

Basura sa Kalawakan

“Isip-isipin mo ang magiging kaguluhan kung basta na lamang iiwan ng mga drayber ang kani-kanilang sasakyan sa lansangan kapag naubusan sila ng gasolina,” ang sabi ng magasing New Scientist. Ngunit ganito ang nangyayari sa mga satelayt na hindi na gumagana at dahil dito, malaki ang posibilidad na bumangga ang mga bagong sasakyang pangkalawakan sa iniwang mga basura sa kalawakan. Tinatayang nasa 1,120 satelayt na mahigit 60 sentimetro ang lapad ang malapit na sa geostationary ring, ang angkop na posisyon sa kalawakan para sa mga kagamitang pangkomunikasyon, subalit mga 300 lamang sa mga satelayt na ito ang gumagana. Kabilang sa mapanganib na mga basurang ito na nakakalat sa kalawakan ay ang 32 nuclear reactor na hindi na gumagana.

Mga Sandata at Digmaan

Nang matapos ang Cold War, bumagsak ang bentahan ng mga armas. Subalit nitong nakaraang mga taon, muling umunlad ang negosyo. Noong 2004, ayon sa ulat ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI), umabot sa isang trilyong dolyar ang gastos sa militar sa buong daigdig. Ang halagang ito ay katumbas ng $162 para sa bawat lalaki, babae, at bata sa buong planeta. Ayon sa SIPRI, 19 na digmaan ang naganap noong 2004, na ang bawat isa ay kumitil ng mahigit 1,000 buhay. Labing anim sa mga digmaang iyon ang umabot na nang mahigit sampung taon.

Mga Sasakyang Maaaring Paandarin ng Gasolina at ng Alkohol

Sangkatlo sa mga bagong sasakyang ibinebenta sa Brazil ay maaaring paandarin ng gasolina at ng alkohol, ang ulat ng magasing Veja. Ang mga sasakyang ito ay pinaaandar ng gasolina, ng alkohol mula sa tubó, o kombinasyon ng dalawang ito. Mula 2003 hanggang 2004, tumaas nang 34 na porsiyento ang bentahan ng alkohol na pansasakyan. Ang pagdami ng gayong sasakyan ay walang kinalaman sa kapakinabangan ng kapaligiran. Ito ay dahil lamang sa mas makatitipid ang mga motorista kung gagamit sila ng alkohol. Ang mga sasakyang pinaaandar ng gasolina at alkohol ay makatutulong sa “mga mamimili laban sa krisis sa gasolina at sa pabagu-bagong presyo nito,” ang paliwanag ni Rafael Schechtman, direktor ng Brazilian Center of Infrastructure. “Kung mahal ang alkohol, gumamit ka ng gasolina, kung gasolina naman ang mahal, alkohol ang gamitin mo.”