Ang Pangmalas ng Bibliya
Talaga Bang sa Krus Namatay si Jesus?
ANG krus ang isa sa pinakakilalang relihiyosong simbolo. Milyun-milyong tao ang sumasamba rito at itinuturing ito na sagradong instrumento kung saan ibinayubay si Jesus. Ganito ang sinabi ng Romano Katolikong manunulat at arkeologo na si Adolphe-Napoleon Didron: “Ang pagsamba sa krus ay kagaya, kung hindi man kapantay, ng pagsamba kay Kristo; ang sagradong sagisag na ito na gawa sa kahoy ay sinasamba nang halos katulad ng pagsamba sa Diyos mismo.”
Sinasabi ng iba na nagiging mas malapít sila sa Diyos kapag gumagamit sila ng krus sa pananalangin. Ginagamit naman ito ng iba bilang anting-anting, na iniisip na iingatan sila nito mula sa masama. Pero dapat bang gamitin ng mga Kristiyano ang krus sa kanilang pagsamba? Talaga bang sa krus namatay si Jesus? Ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil dito?
Ano ba ang Isinasagisag ng Krus?
Matagal na panahon bago pa umiral ang mga Kristiyano, ginagamit na ng sinaunang mga Babilonyo ang mga krus bilang sagisag ng kanilang pagsamba sa diyos ng pag-aanak na si Tamuz. Ang paggamit ng krus ay lumaganap sa Ehipto, India, Sirya, at Tsina. Pagkalipas ng maraming siglo, dinumhan ng mga Israelita ang kanilang pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ng mga gawa ng pagsamba sa huwad na diyos na si Tamuz. Itinuturing ng Bibliya ang anyong ito ng pagsamba na “karima-rimarim na bagay.”—Ezekiel 8:13, 14.
Ginamit ng mga ulat ng Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ang salitang Griego na stau·rosʹ kapag tinutukoy ang instrumento kung saan namatay si Jesus. (Mateo 27:40; Marcos 15:30; Lucas 23:26) Ang salitang stau·rosʹ ay tumutukoy sa isang tuwid na tulos, o poste. Ganito ang paliwanag ng aklat na The Non-Christian Cross ni J. D. Parsons: “Wala ni isa mang pangungusap sa Bagong Tipan, sa orihinal na Griego, ang nagpapahiwatig na may iba pang stauros na ginamit kay Jesus maliban sa pangkaraniwang stauros; at lalo nang walang patotoo na ito ay binubuo hindi lamang ng isang piraso ng kahoy, kundi ng dalawang piraso na pinagpako upang makabuo ng krus.”
Gaya ng nakaulat sa Gawa 5:30, ginamit ni apostol Pedro ang salitang xyʹlon, na nangangahulugang “punungkahoy,” bilang singkahulugan ng stau·rosʹ, na nagpapahiwatig ng isang piraso ng pangkaraniwang tuwid na kahoy o punungkahoy at hindi ng dalawang biga ng kahoy na ginawang krus. Noon lamang mga 300 taon pagkamatay ni Jesus itinaguyod ng ilang nag-aangking Kristiyano ang ideya na si Jesus ay namatay sa isang krus na binubuo ng dalawang biga ng kahoy. Gayunman, ang pananaw na ito ay nakasalig sa tradisyon at sa maling paggamit ng salitang Griego na stau·rosʹ. Kapansin-pansin na sa ilang sinaunang drowing tungkol sa mga pagpatay na isinagawa ng mga Romano, ang makikita ay isang posteng kahoy o punungkahoy.
“Bantayan Ninyo ang Inyong Sarili Mula sa mga Idolo”
Ang mas mahalagang isyu para sa mga tunay na Kristiyano ay kung angkop nga bang sambahin ang instrumentong ginamit sa pagpatay kay Jesus. Ito man ay isang tuwid na pahirapang tulos, krus, palaso, sibat, o kutsilyo, dapat bang gamitin sa pagsamba ang gayong instrumento?
Ipagpalagay nang isang mahal mo sa buhay ang may-kalupitang pinatay at ang sandatang ipinampatay ay ibinigay sa hukuman bilang ebidensiya. Sisikapin mo bang makuha ang sandatang iyon, kuhanan ito ng litrato, at gumawa ng maraming kopya para ipamahagi sa iba? Gagawa ka ba ng mga replika ng sandata na iba’t iba ang laki? Gagawin mo bang alahas ang ilan sa mga ito? O magpapagawa ka kaya ng marami nito at ipagbibili ang mga ito sa mga kaibigan at mga kamag-anak upang sambahin? Tiyak na ang isipin man lamang ito ay nakapangingilabot na! Subalit ganiyan mismo ang ginagawa sa krus!
Bukod diyan, ang paggamit ng krus sa pagsamba ay walang ipinagkaiba sa paggamit ng mga imahen sa pagsamba, isang gawain na hinahatulan ng Bibliya. (Exodo 20:2-5; Deuteronomio 4:25, 26) May-katumpakang ipinakita ni apostol Juan ang mga turo ng tunay na Kristiyanismo nang payuhan niya ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa pagsasabi: “Bantayan ninyo ang inyong sarili mula sa mga idolo.” (1 Juan 5:21) Sinunod nila ito kahit mangahulugan pa ito ng kamatayan sa arena ng Roma.
Gayunman, lubhang pinahalagahan ng unang-siglong mga Kristiyano ang kamatayan ni Kristo bilang hain. Sa katulad na paraan sa ngayon, bagaman hindi dapat sambahin ang instrumentong ginamit sa pagpapahirap at pagpatay kay Jesus, ginugunita ng mga tunay na Kristiyano ang kamatayan ni Jesus bilang paglalaan ng Diyos upang maligtas ang di-sakdal na mga tao. (Mateo 20:28) Ang sukdulang kapahayagang ito ng pag-ibig ng Diyos ay magdudulot ng walang kahulilip na mga pagpapala, kasama na rito ang pag-asang buhay na walang hanggan, para sa mga umiibig sa katotohanan.—Juan 17:3; Apocalipsis 21:3, 4.
[Larawan sa pahina 12]
Makikita sa ilang sinaunang drowing tungkol sa mga pagpatay na isinagawa ng mga Romano ang paggamit ng posteng kahoy
[Credit Line]
Rare Books Division, The New York Public Library, Astor, Lenox and Tilden Foundations