Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Espongha—Simple Pero Kamangha-mangha

Espongha—Simple Pero Kamangha-mangha

Espongha​—Simple Pero Kamangha-mangha

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

MASISIYAHAN ka kayang gamitin sa paliligo ang kalansay ng hayop? Hindi yata magandang ideya ito. Gayunman, ang likas na esponghang pampaligo ay mula talaga sa mahiblang kalansay ng gayong hayop.

“Ang mga espongha ang pinakamatanda at pinakamababang uri ng hayop,” ang sabi ng National Geographic News. Kaya nga iniisip ng ilan na ang sinaunang espongha ang ninuno ng mga hayop at tao sa teoriya ng ebolusyon. Sinabi pa nga sa isang dokumentaryong pantelebisyon na ipinalabas sa media na ang espongha ang “Eva sa daigdig ng mga hayop”​—ang “ninuno na pinagmulan nating lahat.”

Ano na ba ang natutuhan ng mga siyentipiko hinggil sa mga espongha? Simpleng nilalang lamang ba ang mga ito, o may makikita ritong katibayan ng kamangha-manghang disenyo?

Walang Puso, Walang Utak, Walang Problema

Maaaring mukha ngang halaman ang mga espongha, pero tama sina Aristotle at Pliny na Nakatatanda sa pagsasabing hayop ang mga espongha. Tinataya ng mga eksperto na di-kukulangin sa 15,000 uri ng espongha ang nakatira sa mga lawa at karagatan sa buong daigdig at kahanga-hanga ang pagkakasari-sari ng hugis at kulay ng mga ito. May mga espongha na mukhang mahahabang daliri, punggok na mga bariles, malalapad na karpet, eleganteng pamaypay, at babasaging kristal na plorera pa nga​—ilan lamang ito sa mga disenyo. Ang ilan ay mas maliliit pa sa butil ng bigas, samantalang ang iba naman ay lumalaki nang lampas-tao. Sinasabi ng mga siyentipiko na may ilang espongha na malamang na daan-daang taon na ang edad.

“Naiiba ang kayarian, gawain, at paglaki ng mga espongha kung ihahambing sa iba pang mga hayop,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica. Sa anong paraan? Di-tulad ng ibang mga hayop, walang mga laman-loob ang mga espongha. Paano nabubuhay ang mga espongha gayong wala silang puso, utak, o sistema ng nerbiyo? May maliliit na selula sa loob ng espongha na gumagana para manatiling buháy ang mga espongha. May pantanging mga selula na kumukuha ng pagkain, nagdadala ng mga nutriyente, o nag-aalis ng dumi. Ang iba naman ay gumagawa ng mga sangkap ng kanilang kalansay o balat. May mga selula pa nga na nagbabagu-bago ng uri depende sa pangangailangan.

Ang mga espongha ay natatangi sa iba pang paraan. Durugin mo man at salain ang buháy na espongha, magsasama-samang muli ang mga selula nito at mabubuo na gaya ng dati. Kapag dinurog mo namang magkasama ang dalawang espongha, unti-unting maghihiwa-hiwalay ang mga selula at mabubuong muli ang bawat isa sa mga espongha. “Walang ibang halaman o hayop ang makabubuhay-muli sa kaniyang sarili sa ganitong paraan,” ang sabi ng National Geographic News.

May iba’t iba ring kahanga-hangang paraan ng pagpaparami ang mga espongha. Ang ilang espongha ay nagbubuga ng mga selula na parang mga sasakyang pangkalawakan upang makapagparami sa ibang lugar. Di-aktibo ang mga selulang ito habang naglalakbay subalit lalapag sa wakas ang mga “nandarayuhang” ito, muling magigising, at lalabas sa kanilang “sasakyan” upang maging bagong espongha. Ang ilang espongha ay nagpaparami sa seksuwal na paraan, at ang bawat espongha ay maaaring maging lalaki o babae kapag kinailangan. Ang ilang espongha ay nangingitlog. “Habang mas masusi nating sinusuri maging ang pinakasimpleng mga organismo, higit nating nakikita na mas masalimuot ang mga ito,” ang namamanghang sinabi ng manunulat na si Paul Morris.

Tagalinis ng Karagatan

Ang mga espongha ay may “kakaibang paraan ng panginginain kung ihahambing sa iba pang hayop,” ang isinulat ng soologong si Allen Collins. Ang pagkaliliit na butas sa panlabas na balat ng mga ito ay patungo sa masalimuot na mga lagusan at espasyo sa buong katawan ng espongha. Milyun-milyong pagkaliliit at tila nagsasagwang mga selula, o choanocyte, ang makikita sa pinakadingding ng mga lagusang ito. May nakausling mga hibla sa bawat selula na kumakawag-kawag. “Tulad ng mga tagagaod sa barko ng mga Romano, walang-tigil na pinadadaloy [ng mga selulang ito] ang tubig sa iba pang selula ng mga espongha, na dinisenyo naman para sipsipin at lunukin ang maliliit na piraso ng pagkain na nasa tubig,” ang paliwanag ng manunulat na si Ben Harder. Bawat oras, ang espongha ay bumobomba ng tubig na hanggang sampung beses ang dami kaysa sa kayang dalhin ng katawan nito, kaya nahihigop nito ang mga nutriyente, nakalalasong kemikal, at mga 90 porsiyento ng lahat ng baktirya sa tubig. Maaari pa ngang pabagalin o pabilisin ng espongha ang pagbomba ng tubig papasok o palabas ng katawan nito kapag nagbago ang daloy ng tubig o para ilabas ang latak sa katawan nito. “Ang mga espongha . . . ang pinakamagaling na tagalinis ng karagatan,” ang sabi ni Dr. John Hooper.

Dahil walang-tigil ang daloy ng pagkain at tubig sa katawan ng espongha, angkop na tirahan ito ng mga hipon, alimango, at iba pang pagkaliliit na nilalang. May isang espongha na tinirhan ng 17,128 hayop. Maraming baktirya, alga, at fungus ang may simbiyotikong ugnayan sa mga espongha. Maaaring kalahati ng bigat ng basang espongha ay binubuo ng baktirya.

Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mga espongha at ang maliliit na nilalang na namamahay rito ay posibleng mapagkunan ng bago at naiibang mga gamot. Naniniwala ang ilan na ang gayong mga gamot ay makatutulong sa pagsugpo sa AIDS, kanser, malarya, at iba pang mga sakit. Hinggil sa isa sa gayong mga substansiyang matatagpuan sa espongha, sinabi ng mananaliksik na si Shirley Pomponi: “Mas kapana-panabik ang mga molekulang makukuha sa kalikasan kaysa sa anupamang magagawa ng mga computer.”

Pagkamalikhain Gamit ang Kristal

Di-tulad ng malambot at mahiblang esponghang pampaligo, maraming espongha ang magaspang o matigas. Ang mga esponghang ito ay may milyun-milyong pagkaliliit na kristal na tinatawag na mga spicule. Kapag sinuri ang mga spicule sa ilalim ng mikroskopyo, kamangha-mangha ang ganda at pagkasari-sari ng mga ito. Ang mga spicule ay kawing-kawing sa iba’t ibang paraan at maaaring bumuo ng masinsing kalansay ng espongha, pananggalang na baluti, at mga kable pa nga na hanggang tatlong metro ang haba at isang sentimetro ang kapal. Isang espongha na kumakain ng karne ang gumagamit ng lambat na may maliliit na kawit para makapanila.

Ginagamit ng mga Venus’s flower-basket sa pusod ng dagat ang mga spicule upang maghabi ng napakaganda at masinsing kristal na sala-sala. Ang mga hiblang gawa sa purong silica ay kahawig na kahawig ng komersiyal na mga kableng fiber optic. “Napakatibay ng likas na mga optical fiber na ito,” ang paliwanag ng isang siyentipiko. “Maibubuhol mo nang mahigpit ang mga ito nang hindi napuputol, di-tulad ng komersiyal na mga fiber.” Hindi pa rin maunawaan ng mga siyentipiko kung paano nabubuo ang sopistikadong mga fiber na ito sa tubig-dagat na mababa ang temperatura. “Sa kasong ito, ang maituturing na simpleng organismo ay may solusyon sa isang napakasalimuot na problema sa integrated optics at pagdisenyo ng mga materyales,” ang sabi ni Cherry Murray ng Bell Laboratories.

Nagkataon o Dinisenyo?

Matapos pag-aralan ang maraming kamangha-manghang likas na katangian ng espongha, ganito ang sinabi ni Hooper: “Ang totoo, ang ‘simpleng espongha’ ay napakasalimuot [na hayop], na hindi pa rin lubusang nauunawaan hanggang sa ngayon.” Makatuwiran lamang na itanong: Paano at bakit nabuo ang ganito kasalimuot na nilalang? Nagkataon lamang ba ito? O nakakukumbinsing katibayan ang espongha na may isang matalinong Disenyador?

Bagaman maaaring ayaw maniwala ng ilan na umiiral ang isang Maylalang, marami ang sasang-ayon sa obserbasyon ng sinaunang salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha . . . , mga nilalang na buháy, maliliit at malalaki.”​—Awit 104:24, 25.

[Dayagram/​Mga Larawan sa pahina 23]

Karaniwang hitsura ng espongha. Pinalaking larawan ng mga selulang nagbobomba ng tubig

[Larawan sa pahina 24]

Mga “spicule” ng espongha

[Larawan sa pahina 24]

“Venus’s flower-basket”

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Sea horse: Rudie H Kuiter; 3 right-hand inset photos: Dr. John Hooper, Queensland Museum

[Picture Credit Lines sa pahina 24]

Top: Eye of Science/Photo Researchers, Inc.; bottom: Kim Taylor/Warren Photographic