Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Michael Servetus—Nag-iisa sa Paghahanap ng Katotohanan

Michael Servetus—Nag-iisa sa Paghahanap ng Katotohanan

Michael Servetus​—Nag-iisa sa Paghahanap ng Katotohanan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

Noong Oktubre 27, 1553, sinunog sa tulos si Michael Servetus sa Geneva, Switzerland. Ang mga nagmamasid ay binabalaan ni Guillaume Farel​—tagapaglapat ng hatol at bikaryo ni John Calvin: “[Si Servetus] ay isang matalinong tao na malinaw na nag-akalang nagtuturo siya ng katotohanan, subalit nahulog siya sa mga kamay ng Diyablo. . . . Mag-ingat kayo upang hindi kayo matulad sa kaniya!” Ano ba ang nagawa ng kaawa-awang biktimang ito para danasin niya ang gayon kasaklap na kamatayan?

ISINILANG si Michael Servetus noong 1511 sa nayon ng Villanueva de Sijena, sa Espanya. Mula pagkabata, mahusay na siyang estudyante. Ayon sa isang manunulat ng talambuhay, “pagsapit niya ng 14 anyos, marunong na siya ng wikang Griego, Latin, at Hebreo, at malawak na ang kaniyang kaalaman sa pilosopiya, matematika, at teolohiya.”

Tin-edyer pa lamang si Servetus nang gawin siyang tagapaglingkod ni Juan de Quintana, ang personal na relihiyosong tagapayo ng emperador ng Espanya na si Charles V. Sa kanilang opisyal na mga paglalakbay, naobserbahan ni Servetus ang pangunahing pagkakabaha-bahagi sa relihiyon sa Espanya, kung saan pinalayas o puwersahang kinumberte sa Katolisismo ang mga Judio at Muslim. *

Sa edad na 16, nag-aral ng abogasya si Servetus sa Unibersidad ng Toulouse, sa Pransiya. Doon lamang siya nakakita ng kumpletong Bibliya. Bagaman mahigpit na ipinagbabawal ang pagbabasa ng Bibliya, palihim itong binasa ni Servetus. Nang mabasa niya ang kabuuan nito sa kauna-unahang pagkakataon, nanata siyang basahin ito nang “sanlibong ulit pa.” Malamang na ang Bibliyang pinag-aralan ni Servetus sa Toulouse ay ang Complutensian Polyglot, isang bersiyon kung saan niya nabasa ang Kasulatan sa orihinal na mga wika (Hebreo at Griego), pati na ang salin nito sa Latin. * Dahil sa pag-aaral niya ng Bibliya, at sa nakita niyang pagbaba ng moralidad ng klero sa Espanya, nawalan siya ng tiwala sa relihiyong Katoliko.

Lalo pang tumindi ang pag-aalinlangan ni Servetus nang dumalo siya sa koronasyon ni Charles V. Ang hari ng Espanya ay kinoronahan ni Pope Clement VII bilang emperador ng Banal na Imperyong Romano. Ang papa, na nakaupo sa kaniyang nabubuhat na trono, ay bumati sa hari, na humalik naman sa kaniyang mga paa. Ganito ang isinulat ni Servetus nang maglaon: “Nakita ko mismo kung paano pinasan ng mga prinsipe ang papa [sa kaniyang trono], taglay ang karangyaan, anupat sinasamba siya ng nakapalibot na mga tao sa lansangan.” Hindi mapag-ugnay ni Servetus ang luho at karangyaang iyon sa kasimplihan ng Ebanghelyo.

Ang Paghahanap Niya ng Katotohanan sa Relihiyon

Mataktikang nagbitiw si Servetus sa kaniyang paninilbihan kay Quintana at sinimulan niya ang paghahanap sa katotohanan nang mag-isa. Naniniwala siyang hindi para sa mga teologo at pilosopo ang mensahe ni Kristo kundi para sa pangkaraniwang mga tao na makauunawa at susunod dito. Kaya ipinasiya niyang suriin ang teksto ng Bibliya sa orihinal na mga wika at iwaksi ang anumang turo na salungat sa Kasulatan. Kapansin-pansin na ang salitang “katotohanan” at ang mga salitang nauugnay rito ay lumitaw nang mas madalas kaysa iba pang salita sa kaniyang mga akda.

Dahil sa pag-aaral ni Servetus ng kasaysayan at ng Bibliya, nakumbinsi siyang narumhan ang Kristiyanismo noong unang tatlong siglo ng ating Karaniwang Panahon. Nalaman niyang itinaguyod ni Constantino at ng mga humalili sa kaniya ang huwad na mga turo kung kaya napagtibay ang Trinidad bilang opisyal na doktrina nang maglaon. Sa edad na 20, inilathala ni Servetus ang kaniyang aklat na On the Errors of the Trinity, isang akda na naging dahilan kaya naging pangunahing puntirya siya ng Inkisisyon.

Naging malinaw kay Servetus ang mga bagay-bagay. “Sa Bibliya,” ang isinulat niya, “walang binabanggit na Trinidad. . . . Nakikilala natin ang Diyos, hindi sa pamamagitan ng ating matayog na mga konsepto sa pilosopiya, kundi sa pamamagitan ni Kristo.” * Naunawaan din niya na ang banal na espiritu ay hindi isang persona kundi ang aktibong puwersa ng Diyos.

May ilang sumang-ayon kay Servetus. Ganito ang isinulat ng Protestanteng repormador na si Sebastian Franck: “Ikinakatuwiran ng Kastilang si Servetus sa kaniyang pulyeto na iisang persona lamang ang Diyos. Pinanghahawakan naman ng simbahang Romano na may tatlong persona sa iisang diyos. Mas pabor ako sa Kastila.” Gayunman, hindi kailanman pinatawad ng Simbahang Romano Katoliko ni ng mga simbahang Protestante si Servetus sa ginawa niyang pagtuligsa sa kanilang pangunahing doktrina.

Dahil sa pag-aaral niya ng Bibliya, tinutulan din ni Servetus ang iba pang doktrina ng simbahan, at itinuring niyang di-makakasulatan ang paggamit ng mga imahen. Kaya makalipas ang isa’t kalahating taon mula nang ilathala niya ang On the Errors of the Trinity, ganito ang sinabi ni Servetus sa mga Katoliko at Protestante: “Wala akong sinasang-ayunan o tinututulang anumang bagay sa magkabilang panig. Sa palagay ko, pareho silang may ilang katotohanan at ilang pagkakamali, pero bagaman nakikita ng bawat isa ang pagkakamali ng kabilang panig, hindi naman nila makita ang sarili nilang pagkakamali.” Nag-iisa siya sa paghahanap ng katotohanan. *

Bagaman taimtim si Servetus, may mga maling pananaw rin siya. Halimbawa, inakala niyang mangyayari ang Armagedon at ang Milenyong Paghahari ni Kristo noong panahon niya.

Pagsasaliksik sa mga Katotohanan sa Siyensiya

Dahil napilitan siyang tumakas sa kaniyang mga mang-uusig, pinalitan ni Servetus ang kaniyang pangalan at ginawang Villanovanus at nanirahan sa Paris, kung saan siya nakapagtapos ng sining at medisina. Palibhasa’y interesado sa siyensiya, nag-opera siya at nagsuri ng mga bangkay upang maunawaan kung paano gumagana ang katawan ng tao. Kaya malamang na si Servetus ang kauna-unahang Europeo na nakapagpaliwanag hinggil sa sistema ng sirkulasyon ng dugo sa baga. Ang kaniyang tuklas ay inilakip sa kaniyang akdang The Restitution of Christianity. Ang mga komentong ito ni Sevetus ay nauna pa nang 75 taon sa paliwanag ni William Harvey hinggil sa kumpletong sistema ng sirkulasyon ng dugo.

Isinulat din ni Servetus ang bagong edisyon ng Geography ni Ptolemy. Naging napakapopular nito anupat tinawag siya ng ilan na ama ng pahambing na pag-aaral ng heograpiya at etnograpiya. Sa kalaunan, noong nililitis si Servetus sa Geneva, binatikos siya dahil sinabi niyang kakaunti ang sakahan at tigang ang lupain ng Palestina. Ipinagtanggol ni Servetus ang kaniyang sarili sa pagsasabing ang kasalukuyang Palestina ang inilarawan niya, hindi ang Palestina noong panahon ni Moises kung kailan tiyak na inaagusan ito ng gatas at pulot-pukyutan.

Isinulat din ni Servetus ang Universal Treatise on Syrups, na nagharap ng bago at timbang na pananaw hinggil sa isang uri ng gamot. Dahil sa dami ng impormasyong pangmedisina sa aklat na iyon, nanguna siya sa larangan ng parmakolohiya at sa paggamit ng mga bitamina. Dahil sa husay ni Servetus sa napakaraming larangan, inilarawan siya ng isang istoryador bilang “isa sa pinakamatatalinong tao sa kasaysayan, na nagkaroon ng mahalagang papel sa pagsulong ng kaalaman ng sangkatauhan.”

Isang Mahigpit na Kalaban

Noon pa man, marami nang kaaway ang mga humahanap ng katotohanan. (Lucas 21:15) Kabilang sa maraming kaaway ni Servetus si John Calvin, na nagtatag ng isang diktadura at Protestanteng estado sa Geneva. Ayon sa istoryador na si Will Durant, “ang diktadura [ni Calvin] ay hindi nakabatay sa batas o puwersa kundi sa determinasyon at personalidad,” at si Calvin “ay kasinghigpit ng sinumang papa sa pagtutol sa pagkakaniya-kaniya ng paniniwala.”

Malamang na nagkita sina Servetus at Calvin sa Paris noong mga kabataan pa sila. Mula’t sapol, hindi na sila magkasundo, at naging pinakamahigpit na kaaway ni Servetus si Calvin. Bagaman lider ng Repormasyon si Calvin, nang bandang huli ay inakusahan niya si Servetus sa harap ng Katolikong Inkisisyon. Si Servetus ay muntik nang hindi makalabas ng Pransiya, kung saan sinunog ang kaniyang larawan. Gayunman, namukhaan siya at ikinulong sa hangganang lunsod ng Geneva, kung saan hindi nababali ang utos ni Calvin.

Pinagmalupitan ni Calvin si Servetus sa bilangguan. Gayunman, noong nakikipagdebate si Servetus kay Calvin sa panahon ng paglilitis, hinamon niya ito na papayag siyang baguhin ang kaniyang mga pananaw kung makapagbigay lamang ang kaniyang kalaban ng nakakukumbinsing argumento mula sa Kasulatan. Hindi ito nagawa ni Calvin. Pagkatapos ng paglilitis, hinatulang sunugin sa tulos si Servetus. Sinasabi ng mga istoryador na si Servetus lamang ang erehe na ang larawan ay sinunog ng mga Katoliko at ang katawan ay buháy namang sinunog ng mga Protestante.

Tagapagtanggol ng Kalayaan sa Relihiyon

Bagaman nailigpit ni Calvin ang kaniyang karibal, nasira naman ang kaniyang kredibilidad. Ikinagalit ng palaisip na mga tao sa buong Europa ang di-makatarungang pagpatay kay Servetus, at nagkaroon ng matibay na argumento ang mga tagapagtaguyod ng karapatang sibil na naninindigang hindi dapat patayin ang sinuman dahil sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Naging mas determinado silang ipagpatuloy ang kanilang laban para sa kalayaan sa relihiyon.

Ganito ang pagtutol ng Italyanong makata na si Camillo Renato: “Hindi ang Diyos ni ang kaniyang espiritu ang nag-utos ng gawang iyon. Hindi pinakitunguhan ni Kristo sa gayong paraan ang mga sumalansang sa kaniya.” At isinulat ng humanistang Pranses na si Sébastien Chateillon na ang pagpatay dahil sa doktrina ay hindi makapagsasanggalang dito, kundi kikitil lamang sa buhay ng isang tao. Sinabi mismo ni Servetus: “Itinuturing kong isang seryosong bagay ang pumatay ng mga tao dahil lamang nagkamali sila sa pagpapakahulugan sa kasulatan, gayong alam naman nating kahit ang mga pinili ay maaaring malihis ng landas at magkamali.”

Hinggil sa naging matinding epekto ng pagpatay kay Servetus, ganito ang sabi ng aklat na Michael Servetus​—Intellectual Giant, Humanist, and Martyr: “Ang kamatayan ni Servetus ang nagpabago sa ideolohiya at saloobing nangingibabaw mula noong ikaapat na siglo.” Sinasabi rin nito: “Batay sa kasaysayan, namatay si Servetus upang ang kalayaan ng budhi ay maging karapatang sibil ng isang indibiduwal sa makabagong lipunan.”

Noong 1908, isang monumento para kay Servetus ang itinayo sa lunsod ng Annemasse sa Pransiya, mga limang kilometro mula sa lugar kung saan siya pinatay. Ganito ang mababasa sa inskripsiyon: “Michel Servet[us], . . . heograpo, manggagamot, pisyologo, nakatulong sa kapakanan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang mga tuklas sa siyensiya, ng kaniyang debosyon sa mga maysakit at mahihirap, at ng kaniyang matibay na paninindigan at matatag na budhi. . . . Hindi natitinag ang kaniyang mga prinsipyo. Isinakripisyo niya ang kaniyang buhay alang-alang sa katotohanan.”

[Mga talababa]

^ par. 5 Pinalayas ng mga awtoridad sa Espanya ang 120,000 Judio na hindi tumanggap sa Katolisismo, at libu-libong Moro ang sinunog sa tulos.

^ par. 6 Tingnan ang artikulong “Ang Complutensian Polyglot​—Isang Makasaysayang Tulong sa Pagsasalin,” sa Abril 15, 2004 isyu ng Ang Bantayan.

^ par. 11 Sa kaniyang akda na A Statement Regarding Jesus Christ, sinabi ni Servetus na masalimuot at nakalilito ang doktrina ng Trinidad, at binanggit pa niya na “walang isa mang pantig” sa Kasulatan na sumusuporta rito.

^ par. 13 Samantalang nakabilanggo, nilagdaan ni Servetus ang kaniyang huling liham na may ganitong pananalita: “Si Michael Servetus, nag-iisa, subalit nagtitiwala sa pinakamaaasahang proteksiyon ni Kristo.”

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 21]

Si Servetus at ang Pangalang Jehova

Ang paghahanap ni Servetus sa katotohanan ay umakay sa kaniya na gamitin ang pangalang Jehova. Ilang buwan matapos gamitin ni William Tyndale ang pangalang ito sa kaniyang salin ng Pentateuch, inilathala ni Servetus ang On the Errors of the Trinity​—kung saan paulit-ulit niyang ginamit ang pangalang Jehova. Ganito ang paliwanag niya sa akdang ito: “Ang isa pang pangalan, ang kabanal-banalan sa lahat, יהוה, . . . ay maaaring ipakahulugan nang ganito, . . . . ‘Pinangyayari niyang maging,’ ‘siya na nagpapairal,’ ‘ang sanhi ng pag-iral.’” Ganito pa ang sabi niya: “Ang pangalang Jehova ay angkop na tumukoy lamang sa Ama.”

Noong 1542, inedit din ni Servetus ang kilaláng salin ng Bibliya sa wikang Latin ni Santes Pagninus (makikita sa ibaba). Sa kaniyang detalyadong panggilid na mga nota, muling inilakip ni Servetus ang pangalan ng Diyos. Isinama niya ang pangalang Jehova sa panggilid na mga reperensiya sa mahahalagang teksto gaya ng Awit 83:18, kung saan lumitaw ang salitang “Panginoon” sa mismong teksto.

Sa kaniyang huling akda na The Restitution of Christianity, ganito ang sinabi ni Servetus hinggil sa banal na pangalang Jehova: “Maliwanag . . . na maraming bumigkas sa pangalang ito noong sinaunang panahon.”

[Larawan]

Ang monumento sa Annemasse, Pransiya

[Larawan sa pahina 18]

Lilok noong ika-15 siglo na naglalarawan sa sapilitang pagbabautismo sa mga Muslim na nanirahan sa Espanya

[Credit Line]

Capilla Real, Granada

[Larawan sa pahina 19]

Unang pahina ng “On the Errors of the Trinity”

[Credit Line]

From the book De Trinitatis Erroribus, by Michael Servetus, 1531

[Larawan sa pahina 20]

Pinag-aralan ni Servetus ang sirkulasyon ng dugo sa baga

[Credit Line]

Anatomie descriptive et physiologique, Paris, 1866-7, L. Guérin, Editor

[Larawan sa pahina 20]

Nagharap ng bagong mga ideya sa larangan ng parmakolohiya ang aklat ni Servetus na “Universal Treatise on Syrups”

[Larawan sa pahina 21]

Naging mabalasik na kaaway ni Servetus si John Calvin

[Credit Line]

Biblioteca Nacional, Madrid

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Biblioteca Nacional, Madrid