Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Kung Paano Maghahanap ng Trabaho at Makapananatili Rito (Hulyo 8, 2005) Pinasasalamatan ko ang mungkahi ninyong magtanung-tanong hinggil sa bawat oportunidad na makapasok sa trabaho, kahit na waring mababang uri lamang ito ng trabaho. Kamakailan, gusto kong magtrabaho na lamang nang part time para mas marami akong magugol na panahon sa ministeryong Kristiyano. Pero masyado akong naging pihikan sa uri ng trabahong tatanggapin ko. Pagkatapos ay inalukan ako ng isa pang trabaho, na tinanggap ko naman. Mababang uri ng gawain ito, pero sinisikap kong masiyahan dito. Ang mahalaga ay hindi masyadong pagod ang isip ko pag-uwi ng bahay kaya nakapagtutuon ako ng pansin sa aking personal na pag-aaral ng Bibliya.

M. I., Hapon

May Day​—Ano ang Kahulugan Nito sa Iyo? (Abril 22, 2005) Nasa huling taon ako sa haiskul, at taun-taon ay idinaraos ang kapistahang May Day sa aming paaralan. May dress rehearsal, at ang lahat ng estudyante sa haiskul at ikalima hanggang ikawalong grado ay hinihilingang manood. Dati ko nang pinanonood ito, pero nababagabag ang budhi ng ate ko sa kapistahang ito. Dahil sa artikulong ito, natanto kong tama siya! Maraming salamat po. Tamang-tama ang pagdating ng artikulong ito!

C. C., Estados Unidos

May Sakit Na, Palabiro Pa Rin (Abril 22, 2005) Anim na taon na akong nakikipaglaban sa kanser sa obaryo, at maraming beses na akong naoperahan at sumailalim sa chemotherapy. Tulad ni Conchi, sinisikap kong suportahan ang aming kongregasyon at daluhan ang lahat ng pulong at kombensiyon hangga’t kaya ko. Mahirap ang may kanser, kaya pinahahalagahan ko ang mga komento ni Conchi kung paano haharapin ng mga pasyenteng may kanser na katulad namin ang masasamang balitang tila laging naririnig namin mula sa mga doktor. Talagang napatibay ako ng karanasan ni Conchi!

B. F., Estados Unidos

May lupus ako, at minsan ay pansamantala pa ngang nagka-amnesya. Habang nagpapagaling, sinikap ko pa ring maging palabiro. Kamakailan, nang maospital ako dahil sa gastritis, ganoon din ang sinikap kong gawin. Sang-ayon ako sa sinabi ni Conchi, “Hindi isang biro ang magkasakit, pero dapat mong sikapin na mapanatili ang iyong pagiging palabiro.”

M. A., Venezuela

Pagmamasid sa Daigdig (Hulyo 8, 2005) Hinggil sa artikulo na pinamagatang “Mga Suplementong Bitamina at ang Kanser,” gusto kong idiin na hindi sinasang-ayunan ng maraming nutrisyonista ang mga pananaw ni Dr. Sullivan na sinipi rito. Ipinakikita ng mga ulat sa di-mabilang na mga publikasyon sa siyensiya at ng napakaraming pag-aaral na ang mga substansiyang binanggit ninyo ay napatunayang kapaki-pakinabang sa paghadlang​—at paggamot​—sa ilang uri ng kanser. Sa palagay ko, ang paglalathala ng gayong may-kinikilingang impormasyon ay pagkokompromiso sa neutral na paninindigan ng Gumising!

A. B., Netherlands

Sagot ng “Gumising!”: Gaya ng sinabi ng mambabasang ito, maliwanag na ipinakikita ng mga pag-aaral na sa ilang situwasyon, ang mga substansiyang nabanggit sa aming artikulo ay nagdulot ng kapaki-pakinabang na epekto sa mga pasyenteng may kanser. Ikinalulungkot namin ang anumang di-pagkakaunawaan na maaaring idinulot ng paglalathala sa artikulong ito. Neutral ang paninindigan ng “Gumising!” hinggil sa paggamot. Bagaman naglalathala kami ng impormasyon tungkol sa kalusugan na maaaring isaalang-alang ng mga mambabasa, hindi nangangahulugang inirerekomenda namin ito. Sa katulad na paraan, kapag sinisipi namin ang isang publikasyon o eksperto sa isang larangan ng pag-aaral, alam namin​—gaya ng madalas mangyari​—na maaaring naiiba ang pananaw ng ibang mga publikasyon o eksperto. Ipinauubaya namin sa aming mga mambabasa ang paggawa ng matatalinong pasiya pagdating sa kanilang kalusugan.