Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanda sa Iyong Anak sa Kaniyang Unang Regla

Paghahanda sa Iyong Anak sa Kaniyang Unang Regla

Paghahanda sa Iyong Anak sa Kaniyang Unang Regla

Ang pagdadalaga ay panahon ng maraming pagbabago. Para sa mga batang babae, ang kanilang unang regla, na tinatawag na “menarche,” ang palatandaan na nagsisimula na ang panahong ito ng pagbabago.

ANG pagdating ng unang regla ay maaaring maging napakaigting na panahon para sa mga batang babae, at kadalasan nang magkakahalo ang nararamdaman nila sa panahong ito. Gaya ng iba pang mga pagbabagong kaugnay ng pagdadalaga, maaaring magdulot ito ng kalituhan. Natatakot at nababalisa ang maraming kabataang babae sa una nilang regla karaniwan nang dahil sa maling impormasyon o, kadalasan pa nga, dahil sa kawalan ng impormasyon.

Ang mga kabataang babae na naihanda o naturuan tungkol sa kanilang unang pagreregla ay hindi gaanong nababalisa kapag dumating na ito. Ngunit ipinakikita ng mga pag-aaral na maraming kabataang babae ang hindi handa para rito. Sa isang surbey sa mga kabataang babae mula sa 23 bansa, halos sangkatlo ang nagsabi na hindi sila naihanda para sa kanilang unang regla. Dahil hindi sila handa, hindi alam ng mga kabataang babaing ito kung ano ang gagawin nila nang una silang datnan ng regla.

Ang ilan sa hindi magagandang karanasan ay mula sa mga babaing hindi man lamang naturuan tungkol sa pagreregla. Sa isang pag-aaral, nang inilalarawan ang kanilang unang regla, ginamit ng mga babae ang mga salitang “panik,” “nahiya,” “natakot,” at “nakakatrauma” nang maalaala nila ang kanilang karanasan.

Natatakot ang karamihan kapag nakakakita sila ng dugo yamang karaniwan nang iniuugnay sa kirot o pinsala ang pagdurugo. Kaya naman hindi nakapagtatakang dahil sa kawalan ng tamang impormasyon o paghahanda, mga paniniwala ng kanilang kultura, mga pamahiin, o maging dahil sa kawalang-alam, napagkakamalang isang sakit o pinsala o itinuturing pa ngang kahiya-hiya ang pagreregla.

Kailangang malaman ng iyong anak na babae na ang pagdurugo sa panahon ng pagreregla ay normal na nangyayari sa lahat ng malulusog na kabataang babae. Bilang magulang, matutulungan mo ang iyong anak na mapanatag o hindi matakot. Paano?

Napakahalaga ng Papel ng mga Magulang

Maraming mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa pagreregla, gaya ng mga guro sa paaralan, propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan, mga babasahin, at maging mga panooring nakapagtuturo. Nasumpungan ng maraming magulang na ang mga ito ay nakapaglalaan ng mahalagang impormasyon tungkol sa biyolohiya ng pagreregla gayundin sa mga bagay na may kaugnayan sa wastong kalinisan sa panahon ng pagreregla. Ngunit maaaring may mga katanungan at pangangailangan pa rin ang mga kabataang babae na hindi masasagot ng ganitong mga mapagkukunan ng impormasyon. Kahit na alam na ng mga kabataang babaing ito ang kanilang gagawin kapag niregla sila, kadalasan nang hindi pa rin nila gaanong alam kung paano kokontrolin ang iba’t ibang emosyon at damdaming nararanasan sa panahon ng pagreregla.

Makatutulong sa mga kabataang babaing ito ang kanilang mga lola, ate, at lalo na ang kanilang mga nanay upang bigyan sila ng karagdagang impormasyon at emosyonal na suporta na kailangan nila. Karaniwang itinuturing ng mga kabataang babae ang kanilang ina bilang pinakamahalagang pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa pagreregla.

Makatutulong ba ang mga ama? Maraming kabataang babae ang nahihiyang makipag-usap sa kanilang ama tungkol sa pagreregla. Gusto ng ilan na tulungan sila ng kanilang ama sa di-tuwirang paraan sa pamamagitan ng pagsuporta at pag-unawa sa kanila, samantalang ayaw naman ng iba na isangkot ang kanilang ama.

Sa maraming bansa, dumami ang mga sambahayang may nagsosolong ama nitong nakalipas na mga dekada. * Kaya naman dumarami rin ang mga amang napapaharap sa hamong turuan ang kanilang mga anak na babae tungkol sa pagreregla. Kailangang maging pamilyar ang mga amang ito sa mga katotohanan tungkol sa pagreregla gayundin sa iba pang pisikal at emosyonal na mga pagbabago na nararanasan ng kanilang mga anak na babae. Maaaring konsultahin ng mga amang ito ang kanilang sariling ina o mga kapatid na babae para sa praktikal na payo at tulong sa bagay na ito.

Kung Kailan Sisimulan ang Pakikipag-usap

Sa industriyalisadong mga bansa, gaya ng Estados Unidos, Timog Korea, at iba’t ibang bahagi ng Kanluraning Europa, ang katamtamang edad sa pagsisimula ng pagreregla ay karaniwan nang sa pagitan ng 12 at 13 taon, ngunit maaari rin itong dumating nang mas maaga sa edad na 8 at mas mahuli naman sa edad na 16 o 17. Sa mga lugar sa Aprika at Asia, karaniwan nang mas huling nagsisimula ang pagreregla. Halimbawa, sa Nigeria, ang katamtamang edad ay 15. Maaaring makaapekto sa pagsisimula ng regla ang maraming salik gaya ng henetikong kayarian, kalagayan sa ekonomiya, nutrisyon, pisikal na aktibidad, at altitud.

Pinakamabuting simulan mong kausapin ang iyong anak na babae tungkol dito bago pa dumating ang kaniyang unang regla. Kaya ang pakikipag-usap sa iyong anak tungkol sa mga pagbabago sa katawan at pagreregla ay dapat umpisahan hangga’t bata pa siya, marahil sa edad na mga walong taon. Baka iniisip mong napakaaga naman nito, ngunit kung ang iyong anak ay nasa pagitan ng edad walo at sampu, malamang na nagkakaroon na ng pagbabago sa loob ng kaniyang katawan dahil sa pagdami ng mga hormon. Habang nagdadalaga, mapapansin mong nagbabago ang kaniyang katawan, maaaring pinamumukulan na siya at tinutubuan ng buhok sa ilang bahagi ng katawan. Ang karamihan sa mga kabataang babae ay nakararanas ng biglang paglaki at pagbigat bago pa man dumating ang kanilang unang regla.

Kung Paano Mo Ipakikipag-usap Ito

Madalas na nagiging mausisa ang mga batang babae na malapit nang datnan ng kanilang unang regla. Marahil ay naririnig nilang pinag-uusapan ito ng ibang kabataang babae sa paaralan. Mayroon silang gustong itanong, pero hindi alam ng marami sa kanila kung paano magsisimula. Baka nahihiya silang pag-usapan ito.

Gayundin ang mga magulang. Bagaman ang mga nanay ang dapat na kauna-unahang magsabi sa kanilang mga anak tungkol sa pagreregla, madalas na nadarama nilang hindi sila handa at naaasiwa pa nga silang talakayin ang paksang ito. Baka ganito ang nadarama mo. Kaya paano mo uumpisahan ang pakikipag-usap sa iyong anak na babae tungkol sa pagdating ng una at buwanang regla?

Simple at espesipikong impormasyon lamang ang malamang na maiintindihan ng mga batang babae na wala pang 13 taóng gulang. Maaaring sabihin mo sa kanila kung gaano kadalas at katagal ang pagreregla o kung gaano karaming dugo ang lumalabas. Kaya ang pinakamabuting unang ituro mo tungkol sa pagreregla ay kung ano ang dapat niyang gawin kapag dumating na ito. Baka kailanganin mo ring sagutin ang mga tanong na gaya ng: Ano ba ang pakiramdam ng nireregla? o Ano ba ang dapat kong asahang mangyayari kapag dinatnan ako?

Sa kalaunan, baka gusto mong talakayin ang mga detalye ng biyolohiya ng pagreregla. Karaniwan nang makakakuha ka ng edukasyonal na babasahin mula sa mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan o sa mga aklatan o tindahan ng mga aklat. Maaaring makatulong ang gayong mga reperensiya sa pagpapaliwanag ng mga detalye. Baka gusto ng ilang batang babae na basahing mag-isa ang ganitong materyal. Baka mas komportable naman ang iba kung magkasama ninyo itong babasahin.

Pumili ng tahimik na lugar para makapag-usap. Magsimula sa isang simpleng pagtalakay tungkol sa paglaki at pagdadalaga. Siguro maaari mong sabihin: “Darating ang araw na mararanasan mo rin ang isang bagay na normal na nangyayari sa lahat ng batang babae. Alam mo ba kung ano iyon?” O maaaring magsimula ang isang ina sa pagkokomento na gaya ng: “Noong kaedad mo ako, iniisip ko kung ano kaya ang pakiramdam ng may regla. Pinag-uusapan namin itong magkakaibigan sa paaralan. Napag-usapan n’yo na bang magkakaibigan ang tungkol dito?” Alamin mo kung ano ang alam na niya tungkol sa pagreregla at linawin ang anumang maling akala. Asahan mo na sa una ninyong pag-uusap, malamang na halos ikaw lamang ang magsasalita.

Bilang isang babae na nakaranas mismo ng mga kabalisahan at alalahaning kaugnay ng pagsisimula ng regla, maaari mong ikuwento ang iyong sariling karanasan kapag pinag-uusapan ito. Anu-ano ba ang kinailangan mong malaman noon? Anu-ano ba ang gusto mong malaman noon? Anong impormasyon ang nakatulong sa iyo? Sikapin mong ipakita ang timbang na pananaw hinggil sa positibo at negatibong mga aspekto ng pagreregla. Maging handa kang sagutin ang anumang tanong.

Isang Patuloy na Pagtuturo

Ang pagtuturo hinggil sa pagreregla ay dapat ituring na patuluyan at hindi minsanang pagtalakay lamang. Hindi mo naman kailangang talakayin ang lahat ng detalye sa minsanang pag-uusap lamang. Makalilito sa isang kabataang babae kung pagsasabay-sabayin mo ang napakaraming impormasyon. Matututo ang mga bata nang paunti-unti lamang. Baka kailanganin mo ring ulitin ang ilang impormasyon sa iba’t ibang pagkakataon. Habang lumalaki ang mga kabataang babae, mas madali na nilang maiintindihan ang karagdagang impormasyon.

Isa pang salik ang pagbabago ng saloobin ng mga kabataang babae hinggil sa pagreregla habang nagkakaedad sila. Habang mas maraming nararanasan ang iyong anak na babae sa kaniyang pagreregla, malamang na mapaharap siya sa bagong mga alalahanin at katanungan. Kaya naman, kailangang patuloy mo siyang turuan at sagutin ang kaniyang mga tanong. Magtuon ng pansin sa impormasyong pinakamahalaga at pinakaangkop sa edad ng iyong anak at sa kakayahan niyang umunawa.

Ikaw ang Maunang Makipag-usap

Pero ano ang gagawin mo kung waring hindi interesado ang iyong anak na pag-usapan ang paksang ito? Marahil atubili siyang pag-usapan ninyo ang personal na mga bagay. O baka naman kailangan lamang niya ng kaunting panahon para mapalagay siya at magsimula nang magtanong. Maaari pa ngang sabihin niya na alam na niya ang lahat ng kailangan niyang malaman.

Sa isang pag-aaral sa mga batang babae na nasa ikaanim na grado sa Estados Unidos, ang karamihan sa kanila ay nagsabi na handa na sila para sa kanilang unang regla. Gayunman, nang tanungin pa sila, maliwanag na kulang ang kanilang alam tungkol dito at na pinaniwalaan nila ang sari-saring maling akala na salig sa mga paniniwala ng kanilang kultura at mga pamahiin. Kaya kahit sabihin pa ng iyong anak na handa na siya sa kaniyang unang regla, kailangan mo pa rin siyang kausapin tungkol dito.

Malamang na ikaw ang kailangang magsimula ng pag-uusap ninyo tungkol sa pagreregla at ipagpatuloy ito. Talagang responsibilidad mo ito bilang magulang. Aminin man niya o hindi, kailangan ng anak mo ang iyong tulong. Baka mabigo ka sa umpisa at madama mong hindi ka kuwalipikado, ngunit huwag kang susuko. Maging matiyaga. Pagdating ng araw, siguradong mauunawaan ng iyong anak kung gaano kahalaga ang ginawa mong pagsisikap.

[Talababa]

^ par. 12 Sa Hapon, nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga sambahayang may nagsosolong ama noong 2003. Sa Estados Unidos, 1 sa bawat 6 na sambahayang may nagsosolong magulang ay mga nagsosolong ama.

[Blurb sa pahina 11]

Pinakamabuting magbigay sa iyong anak ng impormasyon tungkol sa pagreregla bago pa man dumating ang kaniyang unang regla

[Kahon sa pahina 13]

KUNG PAANO MO KAKAUSAPIN ANG IYONG ANAK TUNGKOL SA PAGREREGLA

Alamin kung ano ang alam na niya tungkol dito. Linawin ang anumang maling akala. Tiyaking tama ang impormasyon ninyong dalawa.

Ikuwento ang iyong karanasan. Kung aalalahanin mo ang iyong sariling karanasan noong una kang datnan ng regla at ikukuwento mo iyon sa iyong anak, maibibigay mo ang emosyonal na tulong na kailangang-kailangan niya.

Magbigay ng praktikal na impormasyon. Madalas na itinatanong ng mga kabataang babae ang ganito: “Ano ang gagawin ko kung datnan ako ng regla sa eskuwelahan?” “Anu-anong produkto gaya ng sanitary napkin ang gagamitin ko?” “Paano ba gamitin ang mga iyon?”

Gumamit ng simpleng mga termino sa pagpapaliwanag. Ibagay ang materyal sa edad at kakayahang umunawa ng iyong anak.

Patuloy siyang turuan. Kausapin ang iyong anak tungkol sa kaniyang unang regla bago pa man dumating ito, at ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa kaniya tungkol dito kahit dinatnan na siya, hangga’t kinakailangan.

[Larawan sa pahina 12, 13]

Maging maunawain. Baka atubili ang iyong anak na babae na pag-usapan ninyo ang personal na mga bagay