Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Sa Brazil, ang paggamit ng amphetamine upang mawalan ng gana sa pagkain at pumayat ay tumaas nang 500 porsiyento mula 1997 hanggang 2004.​—FOLHA ONLINE, BRAZIL.

Ang mga piloto ng pampasaherong eroplano ay tatlong beses na mas malamang na magkaroon ng katarata, marahil dulot ng mas madalas na pagkakahantad sa mga cosmic ray.​THE WALL STREET JOURNAL, E.U.A.

Sa susunod na dekada, halos kalahati ng 1.27 bilyong bata sa Asia ang mapagkakaitan ng kanilang pangunahing mga pangangailangan, gaya ng malinis na tubig, pagkain, pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at tirahan.​—PLAN ASIA REGIONAL OFFICE, THAILAND.

Ang usok ng sigarilyo na nalalanghap ng mga hindi naninigarilyo ay “mas mapanganib kaysa sa inaakala ninuman.” Sa loob ng 18 buwan mula nang ipagbawal ang paninigarilyo sa mga opisina, restawran, at iba pang gusali sa Pueblo, Colorado, E.U.A., bumaba nang 27 porsiyento ang bilang ng mga residenteng inatake sa puso.​—TIME, E.U.A.

Dumarami ang Naghihiwalay at Nagdidiborsiyo sa Espanya

Noong taóng 2000, mas marami nang dalawang beses ang bilang ng mga nag-aasawa sa Espanya kung ihahambing sa bilang ng mga naghihiwalay at nagdidiborsiyo. Pero pagsapit ng 2004, dalawa sa bawat tatlong pag-aasawa ang nauuwi sa paghihiwalay o pagdidiborsiyo. Mula nang magkabisa ang mga batas na nagpapahintulot sa diborsiyo noong 1981, mahigit isang milyong bata ang nakasaksi sa paghihiwalay o pagdidiborsiyo ng kanilang mga magulang. Ano ang dahilan ng pagdaming ito ng nabibigong pag-aasawa? Ayon sa sikologong si Patricia Martínez, “ang marupok na ugnayan ng mga mag-asawa [ay] pangunahin nang dahil sa mga pagbabago sa kultura, kawalan ng mga relihiyoso at moral na pamantayan, pagtatrabaho ng kababaihan, at hindi pakikipagtulungan ng mga lalaki sa mga gawaing-bahay.”

Sobrang Katabaan sa Tsina

“Sa loob ng susunod na 10 taon, 200 milyon katao [sa Tsina] ang manganganib dahil sa sobrang timbang,” ang sabi ng The Guardian ng London. Ang mga tindahan ng fast food “ay naglipana sa maraming lunsod​—ang dumaraming bilang ng medyo nakaririwasa ay madalang nang mag-ehersisyo, mas madalas magmaneho, at mas maraming oras na nakaupo sa harap ng telebisyon, computer, at mga video game.” Ang bilang ng mga batang maituturing na sobrang taba ay nadaragdagan nang 8 porsiyento taun-taon, at mahigit sa 15 porsiyento ng mga batang nag-aaral sa elementarya sa Shanghai ay napakataba na.

Nalaman Mula sa Ilog ang Laganap na Pag-abuso sa Droga

Ipinakikita ng mga sampol ng tubig mula sa Ilog Po ng Italya na mas maraming cocaine ang ginagamit ng mga taong nakatira sa lunas ng ilog kaysa sa opisyal na mga pagtaya, ayon sa pag-aaral na inilathala ng magasing Environmental Health. May kasamang benzoylecgonine ang ihi ng mga gumagamit ng cocaine. Kapag nasuri ang substansiyang ito sa katawan ng isang ng tao, kadalasang ginagamit ito sa hukuman bilang ebidensiya na gumamit siya ng cocaine. Ipinakikita ng dami ng kemikal na umaagos sa ilog sa pamamagitan ng sistema ng mga imburnal na mga apat na kilo ng cocaine, o 40,000 dosis, ang napupunta bawat araw sa catchment area​—80 beses na mas mataas kaysa sa naunang mga pagtaya.

Kamatayang Maiiwasan Sana

“Sa taóng ito, halos 11 milyong bata na wala pang limang taóng gulang ang mamamatay dahil sa mga sanhi na karaniwan namang maiiwasan sana,” ang sabi sa ulat ng World Health Organization noong 2005. Mga 90 porsiyento ng mga pagkamatay na ito ay dahil sa iilang sanhi lamang: malubhang kalagayan ng mga bagong-silang gaya ng pagiging kulang sa buwan nang ipanganak, impeksiyon, at kakulangan ng oksiheno sa katawan ng isinisilang na sanggol; impeksiyon sa baga, karaniwan ay pulmonya; pagtatae; malarya; tigdas; at HIV/AIDS. “Karamihan sa pagkamatay na ito ay maiiwasan sana sa pamamagitan ng simple, abot-kaya at mabisang paggamot na makukuha ngayon,” ang sabi ng ulat. Bukod diyan, mahigit sa kalahating milyong kababaihan ang namamatay sa pagbubuntis o sa panganganak taun-taon, pangunahin nang dahil “hindi [sila] napangalagaan ng mga propesyonal sa kalusugan.”