Ang Pangmalas ng Bibliya
Praktikal Bang Maging Mapagpayapa?
SA KANIYANG pinakabantog na sermon, sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya ang mga mapagpayapa.” Sinabi rin niya: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5, 9) Hindi lamang pagiging payapa o panatag ang nasasangkot sa pagiging mapagpayapa. Ang isang taong mapagpayapa ay nauunang magpakita ng kabaitan at aktibong nagtataguyod ng kapayapaan.
Praktikal ba sa panahon natin ang mga salita ni Jesus na sinipi sa itaas? Iniisip ng ilan na kailangang maging arogante, agresibo, at marahas pa nga ang isa para magtagumpay sa makabagong daigdig na ito. Katalinuhan bang gumanti nang ngipin sa ngipin, o praktikal na maging mapagpayapa? Isaalang-alang natin ang tatlong dahilan kung bakit dapat nating pag-isipan ang sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mapagpayapa.”
▪ KAHINAHUNAN NG PUSO “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan,” ang sabi ng Kawikaan 14:30. Ipinakikita ng maraming ulat sa medisina na maaaring humantong sa istrok o atake sa puso ang galit at pagkapoot. Sa pagkokomento hinggil sa mga taong may sakit sa puso, sinabi kamakailan ng isang babasahing pangmedisina na ang silakbo ng galit ay gaya ng lason. Sinabi pa ng babasahing iyon na “maaaring mauwi sa malubhang sakit ang matinding galit.” Gayunman, ang mga nagtataguyod ng kapayapaan ay maaaring magkaroon ng “pusong mahinahon” at umani ng mga pakinabang.
Isang halimbawa nito si Jim, 61 taóng gulang at isa na ngayong tagapagturo ng Bibliya sa isang komunidad ng mga Vietnamese. Ganito ang paliwanag niya: “Pagkalipas ng anim na taon sa militar at ng tatlong misyon sa pakikipaglaban sa Vietnam, alam na alam ko ang ibig sabihin ng karahasan, galit, at pagkabigo. Binabagabag ako ng aking nakaraan, at hindi ako mapagkatulog. Di-nagtagal, humina ang katawan ko dahil sa kaigtingan at sakit sa tiyan pati na sa nerbiyo.” Ano ang nakapagpaginhawa sa kaniya? Ganito ang sagot niya: “Nailigtas ang buhay ko dahil sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nang malaman ko ang layunin ng Diyos hinggil sa isang mapayapang bagong sanlibutan at kung paano ko maisusuot ang ‘bagong personalidad,’ nagkaroon ako ng pusong mahinahon. Bumuti nang husto ang kalusugan ko dahil dito.” (Efeso 4:22-24; Isaias 65:17; Mikas 4:1-4) Napatunayan ng maraming iba pa buhat sa kanila mismong karanasan na nakabubuti sa emosyonal, pisikal, at espirituwal na kalusugan ang pagkakaroon ng mapagpayapang disposisyon.—Kawikaan 15:13.
▪ MAS MALILIGAYANG UGNAYAN Mas magiging maganda ang pakikipag-ugnayan natin sa iba kung mayroon tayong mapagpayapang saloobin. Binabanggit Efeso 4:31) Ang mga palaaway ay kadalasang nilalayuan ng iba kung kaya wala silang mga kaibigan na masasandigan. Sinasabi ng Kawikaan 15:18: “Ang taong nagngangalit ay pumupukaw ng pagtatalo, ngunit ang mabagal sa pagkagalit ay nagpapatahimik ng pag-aaway.”
ng Bibliya na ang “galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita” ay dapat “alisin . . . , pati na ang lahat ng kasamaan.” (Sa lugar na kinalakihan ni Andy, isang 42-taóng-gulang na Kristiyanong elder sa New York City, palaaway ang karamihan sa mga nakakasama niya. Ganito ang paliwanag niya: “Sa edad na walo, isinabak na ako sa ring at sinanay magboksing. Hindi tao ang turing ko sa mga kalaban. Sa halip, ang iniisip ko lang ay manuntok para huwag masuntok ng kalaban. Di-nagtagal, sumama ako sa isang gang. Madalas kaming masangkot sa mga away at bugbugan sa kalye. Naranasan ko nang matutukan ng baril sa ulo at ambaan ng patalim. Marami sa mga pakikipagkaibigan ko ang mabuway at nakabatay lamang sa takot.”
Ano ang nagpakilos kay Andy na itaguyod ang kapayapaan? Ganito ang sabi niya: “Isang araw, dumalo ako sa pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, at agad kong nadama ang maibiging saloobin ng mga tao roon. Mula noon, ang pakikisama ko sa mga taong ito na maibigin sa kapayapaan ay tumulong sa akin na magkaroon ng pusong mahinahon at, sa kalaunan, baguhin ang dati kong paraan ng pag-iisip. Nagkaroon ako ng maraming panghabambuhay na kaibigan.”
▪ PAG-ASA SA HINAHARAP Ang pinakamahalagang dahilan upang maging mapagpayapa ay ito: Pagbibigay-dangal ito at paggalang sa ipinahayag na kalooban ng ating Maylalang. Ganito ang paghimok sa atin ng mismong Salita ng Diyos, ang Bibliya: “Hanapin mo ang kapayapaan, at itaguyod mo iyon.” (Awit 34:14) Kung kikilalanin natin na umiiral ang Diyos na Jehova saka pag-aaralan at susundin ang kaniyang nagbibigay-buhay na mga turo, maaari tayong magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya. Kapag may ganito tayong matibay na kaugnayan, matatamo natin ang “kapayapaan ng Diyos.” Nakahihigit na kapayapaan ito anuman ang mga hamong mapaharap sa ating buhay.—Filipos 4:6, 7.
Bukod diyan, sa pagiging mapagpayapa, ipinakikita natin kay Jehova kung anong uri ng pagkatao ang gusto nating linangin. Mapatutunayan natin sa Diyos ngayon na nababagay tayo sa ipinangako niyang mapayapang bagong sanlibutan. Kapag inalis na niya ang ubod-samang mga tao at ‘ipinamana ang lupa’ sa mga mahinahong-loob, gaya ng sabi ni Jesus, masasaksihan natin ito. Kaylaki ngang pagpapala nito!—Awit 37:10, 11; Kawikaan 2:20-22.
Oo, kitang-kita natin ang praktikal na kahalagahan ng sinabi ni Jesus na “maligaya ang mga mapagpayapa.” Magkakaroon tayo ng pusong mahinahon, makabuluhang mga ugnayan, at tiyak na pag-asa sa hinaharap. Mapapasaatin ang mga pagpapalang ito kung gagawin natin ang ating buong makakaya na “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
[Mga larawan sa pahina 28]
“Bumuti nang husto ang kalusugan ko.”—Jim
[Mga larawan sa pahina 29]
“Nagkaroon ako ng maraming panghabambuhay na kaibigan.”—Andy