Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tradisyonal na Hardin na May Naiibang Ganda

Tradisyonal na Hardin na May Naiibang Ganda

Tradisyonal na Hardin na May Naiibang Ganda

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GUADELOUPE

MAGANDANG lugar nga ang tinitirhan nila, pero hindi naman nila makuhang masiyahan dito. Mula noong ika-17 siglo, ganiyan ang naging buhay ng libu-libong kaawa-awang Aprikano na kinidnap mula sa kanilang sariling bayan at dinala sa Guadeloupe at Martinique. Halos buong buhay silang nagtrabaho bilang mga alipin sa mga tubuhan sa mga islang ito sa Carribean.

Maraming may-ari ng plantasyon sa isla ang hindi naglalaan ng pagkain sa mga alipin, kaya ang mga alipin na mismo ang nagtanim ng kani-kanilang mga hardin. Bagaman dagdag na trabaho ito sa kanila, nakapagtatanim naman sila ng mga pagkaing gusto nila. Nagtanim sila ng kamoteng-kahoy, tugî, at iba pang pagkain na mas masarap at mas masustansiya kaysa sa anumang maibibigay ng kanilang mga amo. Nagtanim din sila ng mga halamang-gamot at mga pampalasa sa pagkain.

Noong 1848, winakasan ng pamahalaang Pranses ang pang-aaliping ito sa mga isla, pero nagpatuloy sa pagtatanim sa kanilang mga hardin ang mga mamamayang kalalaya pa lamang. Sa ngayon, naglilinang pa rin ang mga mamamayan ng Guadeloupe at Martinique, na ang karamihan ay mga inapo ng masisipag na Aprikanong iyon, ng tinatawag ngayong mga harding Creole.

Munting Maulang Kagubatan

Ang mga sambahayan ng alipin ay kadalasang may dalawang uri ng hardin. Ang hardin ng mga gulay ay karaniwan nang malayu-layo sa bahay. Ang “hardin sa bahay” (o, jardin de case, gaya ng tawag nila rito) ay malapit sa bahay, at ganito ang tipikal na mga harding Creole sa ngayon. Tabi-tabi sa gayong mga hardin ang napakaraming bulaklak, damo, puno, at palumpong na maaaring kasinlago ng mga halaman sa maulang kagubatan. Dahil siksikan ang mga pananim, baka maisip mong maganda nga ang harding ito pero medyo wala sa ayos. Pero napakaorganisado ng harding ito at nahahati sa mga seksiyon. Dahil sa makikitid na pagitan, madaling malapitan ng hardinero ang lahat ng kaniyang halaman.

Ang hardin ay mula sa likod ng bahay patungo sa harapan na nagsisilbing napakagandang tanggapan ng mga panauhin. Sinasalubong ng pamilya ang mga bisita sa gitna ng mga halamang sagilala na may makisap na kulay, golden-trumpet, at ng matitingkad na dahon ng bogambilya at santan.

May nakatanim na mga halamang-gamot sa ibang bahagi ng harding Creole, karaniwan na sa bahaging nalililiman ng bahay. Ang basil, kanela, goatweed, bay leaf, at jack in the bush ay ilan lamang sa tradisyonal na mga koleksiyon ng mga halamang-gamot sa mga isla. May nakatanim ding tanglad sa hardin, at ang pagsisiga ng tuyong dahon nito ay nagtataboy sa mga lamok.

Napakahalaga para sa maraming tagaisla ang kanilang kaalaman sa mga halamang-gamot. Kapag may nagkasakit o nasugatan noon, madalas na napakalayo ng doktor. Kaya mga halaman sa harding Creole ang ipinanggagamot ng mga tao sa kanilang sarili. Ginagamit pa ring gamot ang mga halamang ito, pero maaaring mapanganib ang paggamot sa sarili. Sa halip na mapagaling ang pasyente, baka lumubha pa nga ang lagay niya kapag mali ang paggamit sa halaman. Kaya ang mga residente ngayon sa mga isla ay karaniwan nang nagpapagamot lamang sa mga bihasa sa paggamit nito.

Ang pangunahing bahagi ng harding Creole, yaong nasa likod ng bahay, ay tinatamnan lamang ng mga halamang nakakain. Makakakita ka rito ng tugî, talong, mais, spleen amaranth, letsugas, at iba pang pananim, samantalang tumutubo naman sa tabi ng mga ito ang mga pampalasa na isinasangkap sa mga pagkaing ito. Maaaring tumubo rito ang puno ng saging, at baka makakita ka rin ng mga punong gaya ng rimas, abokado, bayabas, o mangga.

Mamasyal Tayo sa Hardin

Kapag napadaan ka sa harding Creole, maaakit kang pagmasdan nang malapitan ang kagandahan nito. Kapag pumasok ka na sa hardin, mapagmamasdan mo ang mga bulaklak at ang ayos ng mga dahon nito na ang mga kulay ay pinatitingkad ng sikat ng araw. Samantala, malalanghap mo naman ang iba’t ibang samyo na hindi kayang tapatan ng nabibiling mga pabango. Oo, sa pamamasyal pa lamang sa hardin ay masisiyahan ka na. Gaano pa kaya ang maybahay na nagtanim ng harding iyon at araw-araw na nag-aalaga nito?

Magtatagal kaya ang harding Creole? Nalulungkot ang ilang tagaisla dahil hindi masyadong interesado ang mga kabataan na ipagpatuloy ang kaakit-akit at kapaki-pakinabang na tradisyong ito. Gayunpaman, malapit pa rin sa puso ng maraming kabataan at may-edad na ang kagandahan ng hardin at ang kahalagahan nito sa kultura. Ang bawat harding Creole ay nagsisilbing paalaala sa matagumpay na pagsisikap ng mga aliping Aprikano sa kabila ng kanilang di-kaayaayang kalagayan.

[Kahon sa pahina 27]

ANO ANG IBIG SABIHIN NG “CREOLE”?

Ang salitang Creole ay tumutukoy lamang noong una sa mga Europeo na ipinanganak sa mga lupain sa Amerika, pero nagkaroon ito ng iba’t ibang kahulugan. Ginagamit ng ilang taga-Haiti ang salitang Creole upang ilarawan ang isang bagay na napakaganda o mataas ang kalidad. Ang ilang wika sa Jamaica, Haiti, at iba pang lugar ay tinatawag na Creole. Ang creole ay pangunahin nang isang wika na nagmula sa isang wikang pabalbal subalit naging katutubong wika na ng isang grupo ng mga tagapagsalita.

Ang creole ay tumutukoy na rin sa isang espesipikong paraan ng pamumuhay, ang katutubong kultura na lumaganap sa maraming isla sa Carribean. Sa Puerto Rico at Dominican Republic, ganiyan din ang kahulugan ng kaugnay na salitang Kastila na criollo. Sa loob ng maraming siglo, ang mga inapo ng mga katutubo, Aprikano, at Europeo sa Carribean ay namuhay nang magkakasama at nagpakasal sa isa’t isa, kaya nagkaroon sila ng magagandang anak at kawili-wiling mga tradisyon. Dahil sa gayong mga tradisyon kung kaya nabuo ang katawagang harding Creole sa Guadeloupe at Martinique.

[Mga larawan sa pahina 26]

Nakasingit na mga larawan (mula sa itaas): lankawas na pula, paminta, pinya, kakaw, at kape