Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Nagsimula ang Potograpiya

Kung Paano Nagsimula ang Potograpiya

Kung Paano Nagsimula ang Potograpiya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SWEDEN

Ayon sa kuwento, nagitla ang mga panauhin ng italyanong pisiko na si Giambattista Della Porta (1535?-1615). Sa dingding na nasa harapan nila, may larawan ng maliliit at pabaligtad na mga taong gumagalaw. Nagtakbuhan palabas ng silid ang nahintakutang mga tagapagmasid. Nilitis si Della Porta sa kasong panggagaway!

IYAN ang napala niya sa pagtatangkang pahangain ang kaniyang mga panauhin at itanghal sa kanila ang isang camera obscura​—sa Latin ay literal na nangangahulugang “madilim na silid.” Simple lamang ang prinsipyong nagpapagana sa kamera, pero mamamangha ka sa nagagawa nito. Paano ito gumagana?

Kapag lumagos ang liwanag sa isang maliit na butas papasók sa isang madilim na kahon o silid, lilitaw sa katapat na pader ang pabaligtad na larawan ng kapaligiran sa labas. Ang talagang nakita ng mga panauhin ni Della Porta ay mga artistang nagsasadula sa labas ng silid. Ang camera obscura ang ninuno ng makabagong kamera. Sa ngayon, marahil isa ka sa milyun-milyon katao na may sariling kamera o nakagamit na ng popular at abot-kayang disposable na kamera.

Hindi naman bagong imbensiyon ang camera obscura noong panahon ni Della Porta. Naobserbahan na ni Aristotle (384-322 B.C.E.) ang prinsipyong ginamit nang maglaon sa kamera. Detalyado itong inilarawan ng Arabeng iskolar noong ika-10 siglo na si Alhazen, at may isinulat tungkol dito ang ika-15-siglong pintor na si Leonardo da Vinci sa kaniyang mga kuwaderno. Nang simulang gamitin ang mga lente noong ika-16 na siglo, mas luminaw ang larawang nabubuo ng kamera at ginamit ito ng maraming pintor upang makaguhit ng larawan na may tamang perspektiba at proporsiyon. Pero sa kabila ng maraming pagsisikap na ito, hindi pa rin alam kung paano gagawing permanente ang nabubuong mga larawan hanggang sa sumapit ang ika-19 na siglo.

Ang Kauna-unahang Litratista sa Daigdig

Malamang na sinimulan ng Pranses na pisikong si Joseph-Nicéphore Niepce ang pagsisikap niyang makabuo ng permanenteng litrato noon pang 1816. Subalit ang una niyang totoong tagumpay ay naganap noong nag-eeksperimento siya sa litograpiya at natuklasan niya na maaari palang gamitin ang substansiyang sensitibo sa liwanag na tinatawag na bitumen ng Judea. Noong mga 1825, pinahiran niya ng bitumen ang platong gawa sa lata at tingga at ikinabit ito sa isang camera obscura na nakatapat mismo sa bintana ng tinitirhan niya, at inihantad ito sa liwanag sa loob ng walong oras. Hindi masisiyahan maging ang mga litratistang amatyur sa nabuong malabong larawan ng isang gusali, puno, at kamalig, pero may dahilan si Niepce na masiyahan. Ang nabuo niyang larawan ang malamang na kauna-unahang permanenteng litrato!

Para mapasulong pa ang kaniyang pamamaraan, nakisosyo si Niepce noong 1829 sa mapagsapalarang negosyante na nagngangalang Louis Daguerre. Nang sumunod na mga taon pagkamatay ni Niepce noong 1833, may mahahalagang natuklasan si Daguerre. Nilagyan niya ng silver iodide ang mga platong tanso. Napatunayang mas sensitibo ito sa liwanag kaysa sa bitumen. Di-sinasadya, natuklasan niya na kapag pinasingawan ng asoge ang plato matapos itong mahantad sa liwanag, makikita nang malinaw ang larawang hindi pa nadedebelop. Hindi na pala kailangang ihantad nang matagal sa liwanag ang plato. Sa kalaunan, nang matuklasan ni Daguerre na maiiwasan ang pangingitim ng litrato habang tumatagal kapag hinugasan ito sa tubig na may asin, malapit nang pagkaguluhan ng daigdig ang potograpiya.

Ipinakilala sa Daigdig

Nang iharap sa publiko noong 1839 ang imbensiyon ni Daguerre, na tinatawag na daguerreotype, nakagugulat ang reaksiyon ng mga tao. Ganito ang isinulat ng iskolar na si Helmut Gernsheim sa kaniyang aklat na The History of Photography: “Marahil bukod sa daguerreotype, wala nang iba pang imbensiyon ang bumihag sa imahinasyon ng mga tao nang gayon na lamang katindi at hinangaan ng daigdig nang gayon na lamang kabilis.” Ganito ang isinulat ng isang nakasaksi nang iharap sa publiko ang imbensiyong ito: “Makalipas ang isang oras, dinumog ang lahat ng klinika ng mga optiko, pero hindi makapagtipon ang mga ito ng sapat na instrumento para sa nagkukumahog na pulutong ng mga taong gustong sumubok sa daguerreotype; makalipas ang ilang araw, makikita mo sa lahat ng liwasan sa Paris ang maiitim na kahong may tatlong paa sa harapan ng mga simbahan at palasyo. Ang lahat ng pisiko, kimiko, at matatalinong lalaki sa kabisera ay makikitang nagpapakintab ng mga platong may silver iodide, at maging ang nakaririwasang mga may-ari ng groseri ay hindi nakapagpigil gumastos para sa iodine at singaw ng asoge alang-alang sa bagong tuklas na ito.” Ang pagkukumahog na ito ay binansagang daguerréotypomanie ng mga tagapagbalita sa Paris.

Dahil sa napakagandang kalidad ng mga daguerreotype, ganito ang isinulat ng siyentipikong taga-Britanya na si John Herschel: “Hindi kalabisang sabihin na makahimala ang mga ito.” Inisip pa nga ng ilan na may mahikong kapangyarihan ang imbensiyong ito.

Subalit hindi pinapurihan ng lahat ang bagong imbensiyong ito. Noong 1856, ipinagbawal ng hari ng Naples ang potograpiya, marahil dahil ipinapalagay noon na nauugnay ito sa mapaminsalang mahika. Nang makita ng pintor na si Paul Delaroche ng Pransiya ang daguerreotype, napabulalas siya: “Mula ngayon, patay na ang pagpipinta!” Ang imbensiyong ito ay nagdulot din ng malaking kabalisahan sa mga pintor na nag-akalang banta ito sa kanilang kabuhayan. Ipinahayag ng isang komentarista ang takot na nadarama ng ilan nang sabihin niya: “Baka makaapekto sa ideya ng mga tao sa kagandahan ang buháy na buháy na larawang nalilikha ng potograpiya.” Bukod diyan, pinintasan pa nga ang mga litrato dahil sinisira ng realidad na makikita rito ang ilusyon ng kagandahan at kabataan.

Daguerre Laban kay Talbot

Ipinalagay ni William Henry Fox Talbot, isang pisikong Ingles, na siya ang nakaimbento ng potograpiya, kaya nagulat siya nang mapabalita ang imbensiyon ni Daguerre. Mga pilyego ng papel na nilagyan ng silver chloride ang inilalagay ni Talbot sa camera obscura. Pinapahiran niya ng pagkit ang nabuong negatibo para luminaw ito, ipinapatong sa isa pang papel na may silver chloride, at saka inihahantad sa sikat ng araw upang mabuo ang larawan.

Bagaman hindi popular noong una at mas mababa ang kalidad ng prosesong ginamit ni Talbot, napatunayang mas malaki ang potensiyal nito. Sa prosesong ito, makagagawa ng maraming kopya ng larawan mula sa iisang negatibo, at ang mga papel na kopya ay mas mura at mas madaling bitbitin kaysa sa daguerreotype. Ang makabagong potograpiya ay batay pa rin sa proseso ni Talbot, samantalang ang daguerreotype, sa kabila ng popularidad nito noong una, ay hindi na sumulong pa.

Gayunman, hindi lamang sina Niepce, Daguerre, at Talbot ang nag-agawan sa titulong Ama ng Potograpiya. Matapos ipatalastas ni Daguerre ang kaniyang imbensiyon noong 1839, di-kukulangin sa 24 na kalalakihan​—mula sa Norway sa hilaga hanggang sa Brazil sa timog​—ang nag-angking sila ang umimbento ng potograpiya.

Malalaking Pagbabago Dahil sa Potograpiya

Sa pagsisimula ng potograpiya, nakita ng isang repormador ng lipunan na si Jacob August Riis na magandang pagkakataon ito upang itawag-pansin sa publiko ang karalitaan at pagdurusa. Noong 1880, sinimulan niyang litratuhan ang mga barung-barong sa New York City pagkagat ng dilim gamit ang nagliliyab na pulbos ng magnesyo sa kawali bilang flash​—napakapanganib na pamamaraan ito. Dalawang beses niyang nasilaban ang bahay na pinagtatrabahuhan niya, at nasunog pa nga minsan ang suot niyang damit. Ang mga litratong kuha niya ang sinasabing isa sa mga dahilan kung bakit gumawa ng ilang reporma sa lipunan si Theodore Roosevelt nang maging presidente siya. Ang nakaaakit at magagandang litratong kuha ni William Henry Jackson ay nag-udyok din sa Kongreso ng Estados Unidos na gawing kauna-unahang pambansang parke sa daigdig ang Yellowstone noong 1872.

Para sa Masa Na ang Potograpiya

Noong huling mga taon ng dekada ng 1880, maraming potensiyal na litratista ang hindi pa rin makapag-aral ng potograpiya dahil magastos at masalimuot ito. Subalit noong 1888, nang maimbento ni George Eastman ang Kodak, isang kamerang hugis-kahon, nabibitbit, madaling gamitin, at may rolyo ng malambot na film, puwede nang maging litratista kahit sino.

Pagkatapos maglitrato gamit ang rolyo ng film, dadalhin ng kostumer ang buong kamera sa pabrika. Ipoproseso roon ang film, lalagyan ng bagong rolyo ang kamera, at saka ito ibabalik sa may-ari, kasama ng nadebelop nang mga litrato​—ang lahat ng ito sa mas murang halaga. Talagang totoo ang islogan na “Pindutin mo lang ang buton, kami na ang bahala.”

Para sa masa na ang potograpiya, at ang bilyun-bilyong kuha ng kamera taun-taon ay patunay na hindi pa rin kumukupas ang interes ng mga tao rito hanggang sa kasalukuyan. At ngayon, nakadagdag pa sa popularidad nito ang mga digital camera na nakabubuo ng larawan sa pamamagitan ng mga megapixel. May maliit na memory stick ang mga ito na makapaglalaman ng daan-daang larawan. Maaari pa ngang makapag-imprenta ng litratong mataas ang kalidad gamit ang sariling computer at printer. Walang-dudang malaki na ang isinulong ng potograpiya.

[Larawan sa pahina 20]

Malayuang kuha ng Paris gamit ang “daguerreotype,” mga 1845

[Larawan sa pahina 20]

Reproduksiyon ng malamang na kauna-unahang litrato, mga 1826

[Larawan sa pahina 20]

Drowing ng “camera obscura,” na ginamit ng maraming pintor

[Larawan sa pahina 21]

Niepce

[Mga larawan sa pahina 23]

Litrato ni Louis Daguerre na kuha sa “daguerreotype” noong 1844, at ang kaniyang kamera

[Mga larawan sa pahina 23]

Istudyo ni William Talbot, mga 1845, at ang kaniyang mga kamera

[Mga larawan sa pahina 23]

Litrato noong 1890 ni George Eastman hawak ang kamerang Kodak No. 2, at ang kaniyang kamerang No. 1 na may ikiran ng “film”

[Larawan sa pahina 23]

Tanawin sa tinatawag ngayong Yellowstone National Park, na kuha ni W. H. Jackson, 1871

[Larawan sa pahina 23]

Nagrerekord ng mga litrato na may mga “megapixel” ang makabagong mga “digital camera”

[Picture Credit Lines sa pahina 20]

Panoramic of Paris: Photo by Bernard Hoffman/Time Life Pictures/Getty Images; Niepce’s photograph: Photo by Joseph Niepce/Getty Images; camera obscura: Culver Pictures

[Picture Credit Lines sa pahina 22]

Pahina 23: Talbot’s studio: Photo by William Henry Fox Talbot & Nicholaas Henneman/Getty Images; Talbot’s camera: Photo by Spencer Arnold/Getty Images; Kodak photo, Kodak camera, and Daguerre camera: Courtesy George Eastman House; Yellowstone: Library of Congress, Prints & Photographs Division, LC-USZ62-52482