Malaki ang Nagawa ng Pakikinig sa Babala
Malaki ang Nagawa ng Pakikinig sa Babala
MIYERKULES, Agosto 24, 2005—isang mainit at maumidong araw noon sa New Orleans, Louisiana, E.U.A. Umalis ng bahay si Alan at ang kaniyang pamilya para magbakasyon nang ilang araw sa Beaumont, Texas, mahigit 300 kilometro pakanluran. Nagdala sila ng damit para sa limang araw. Ganito ang paliwanag ni Alan: “Hindi namin alam na darating ang Bagyong Katrina, na namumuo na pala nang panahong iyon sa gawing silangan ng Florida. Pero noong gabi ng Biyernes, malinaw na daraan sa New Orleans ang mapangwasak na bagyo.”
Noong Linggo, Agosto 28, malinaw na magiging pagkalakas-lakas na bagyo ang tinawag nilang Katrina. Mahigpit na ipinag-utos ng alkalde ng New Orleans ang paglikas sa lunsod. Kaya libu-libong sasakyan ang umusad pahilaga at pakanluran, at nagkabuhul-buhol sa mga haywey. Libu-libo katao na walang sasakyan ang dumagsa sa mga kanlungan o sa malaking istadyum na tinatawag na Superdome. Ipinasiya naman ng iba na hindi lumikas at manatili na lamang sa kanilang tahanan.
‘Sa Susunod, Ako ang Unang-unang Aalis!’
Si Joe, isang Saksi ni Jehova, ang isa sa mga nanatili sa bahay. Kumbinsido siyang ligtas naman sa bahay nila. Inisip niyang noong mga nakaraang bagyo, hindi naman malaki ang naging pinsala gaya ng inaasahan ng mga awtoridad. “Inakala kong maliligtas ako,” ang sabi niya. “Biglang-biglang nagbago ang opinyon ko! Humagupit ang hangin at ulan. Walang anu-ano, nilipad ang bubong ng bahay namin. Biglang tumaas ang tubig—tatlong metro sa loob lamang ng tatlong oras! Humuhugos ang tubig anupat kinailangan kong umakyat sa ikalawang palapag. Natakot talaga ako dahil humuhugong ang hangin at parang babagsak ang mga pader. Nagbabagsakan ang mga kisame. Inisip ko kung paano ako makalalabas.
“Sumagi sa isip kong tumalon sa rumaragasang tubig. Pero pagkalakas-lakas ng alon sa labas. Humihihip ang napakalakas na hangin anupat namumuti sa alon ang tubig sa katabing mga kalsada. Alam ko na kapag tumalon ako, malamang na malunod ako.”
Sa kalaunan, may dumating na bangka na sumagip kay Joe at naghatid sa kaniya sa isang tulay. Naglutangan ang mga bangkay sa ilalim ng tulay at nagkalat ang dumi ng tao. Nagpalipas siya ng magdamag sa kompartment ng kotse. Saka siya isinakay sa helikopter at pagkatapos ay sa bus patungong New Orleans Civic Center. “Inasikaso akong mabuti ng mga tao roon,” ang sabi niya. “Tulirung-tuliro ako. Ang tanging laman ng isip ko ay, ‘Saan kaya ako kukuha ng susunod kong maiinom na tubig?’”
Kapag ginugunita ni Joe ang nangyari, naiisip niyang naiwasan sana niya ang gayong paghihirap. “Natuto na ako,” ang sabi niya. “Sa susunod na sabihin nilang ‘Lumikas,’ ako ang unang-unang aalis!”
Hindi Siya Nakinig sa Babala, Kumapit sa Puno
Napakalaki ng pinsala at marami ang nasawi sa mga lunsod ng Biloxi at Gulfport, sa baybayin ng Mississippi. Ayon sa The New York Times ng Agosto 31, 2005, sinabi ni Vincent Creel, tagapangasiwa ng pampublikong kapakanan ng Biloxi: “Maraming tao ang hindi nakinig sa utos na lumikas dahil nakaligtas sila, o ang kanilang mga tahanan, sa Bagyong Camille [noong 1969].” Itinuturing na mas malakas ang Bagyong Camille kaysa sa Katrina, pero gaya ng sinabi ni Creel, ang Bagyong Katrina ay ‘bumuo ng pagkalaki-laking pader ng tubig na parang tsunami.’
Si Inell, na matagal nang naninirahan sa Biloxi, ay isa sa mga hindi nakinig sa babala. Sinabi niya: “Nakaligtas na kami sa maraming bagyo sa loob ng maraming taon. Kaya hindi ako masyadong nabahala sa Bagyong Katrina.” Pagkatapos nilang magsama-sama ng kaniyang 88-taóng-gulang na biyenang babae, anak na lalaki, anak na babae, at manugang na lalaki—pati na ang kanilang dalawang aso at tatlong pusa—ipinasiya nilang manatili sa bahay, na matibay naman. Dumating ang bagyo sa Biloxi nang mga 10:00 n.u. noong Agosto 29. Naalaala ni Inell: “Napansin kong tumatagos ang tubig sa isa sa mga kuwarto sa gawing likod ng bahay. Maya-maya, ang buong bahay ay pinapasok na ng tubig. Nag-akyatan kami sa atik para hindi malunod. Pero tumaas nang tumaas ang tubig. Kinailangan naming lumikas mula sa atik sa takot na hindi na kami makalabas. Pero saan naman kami pupunta?
“Binutas ng anak kong lalaki ang iskrin para makalangoy kami palabas at makaahon sa tubig. Pagkatapos, kumapit kami sa gilid ng bubong para makalutang. Tatlo sa amin ang nagpunta sa kanang bahagi ng bahay, at nagtungo naman sa kaliwa ang anak kong babae. May nakita akong malaking puno sa malapit. Lumangoy kami ng anak kong lalaki at biyenang babae papunta sa puno at kumapit nang mahigpit. Narinig kong nagsisisigaw ang anak kong babae, “Mama! Mama!” Lumangoy ang manugang kong lalaki, na pinakahuling lumabas ng atik, para sagipin siya. Nakasampa sila sa bangkang ipinarada
sa daanan ng kotse at na palutang-lutang malapit sa bahay. Pinasasampa nila ako sa bangka. Pero ayokong makipagsapalaran sa tubig na waring buhawi. Inisip kong mas ligtas ako sa puno kaya hindi ako bumitiw.“Mula sa kinaroroonan ko, nakikita kong humuhugos ang tubig sa kalye at sa palibot ng bahay. Naisip ko ang kalagayan ko, at nainis ako sa sarili ko dahil hindi ko sinunod ang babalang lumikas.
“Sa kalaunan, humupa ang tubig, at sa wakas, nagkasama-sama kami sa bangka! May dumating na trak na pamatay-sunog at dinala kami sa ospital. Nagpapasalamat kami at buháy pa kami!”
Mga Plano sa Paglikas ng mga Saksi
Naapektuhan ng Bagyong Katrina ang kahabaan ng Gulf Coast, kung saan libu-libong tahanan ang nasalanta mula Louisiana pasilangan hanggang Alabama. Pero dati nang binabagyo ang rehiyong iyon ng Estados Unidos. Kaya ilang taon nang may nakahandang mga plano sa paglikas ang mga Saksi ni Jehova. Taun-taon, karaniwan na tuwing Hunyo, bago magsimula ang mabagyong panahon, nirerepaso ng 21 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa New Orleans at sa kalapit na mga lugar ang pangkagipitang plano sa paglikas. Kaya alam na ng karamihan sa mga Saksing tagaroon kung ano ang gagawin sa panahon ng kagipitan. Paano nasunod ang plano noong dumating ang Bagyong Katrina?
Sa sandaling ianunsiyo ng mga opisyal ng lunsod ang pangangailangang lumikas, ang mga elder ng bawat kongregasyon ay nakipag-ugnayan sa mga miyembro ng kani-kanilang kongregasyon upang himukin silang umalis ng lunsod. Marami ang nakagawa ng sarili nilang mga kaayusan para lumikas kasama ng kanilang mga pamilya o kaibigan. Pinaglaanan ng espesyal na transportasyon at tulong ang mga may-edad na at ang mga may mahinang kalusugan. Sinabi ni John, miyembro ng isang komite ng mga Saksi sa pagtulong sa panahon ng kasakunaan, “Naniniwala talaga ako na sa pagsunod sa planong ito, nailigtas namin ang maraming buhay.” Dahil dito, nakalabas ng lunsod ang karamihan sa mga Saksi ni Jehova bago pa dumating ang bagyo. Upang makapagbigay kaagad ng praktikal na tulong sa apektadong mga rehiyon, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ay bumuo ng pangkagipitang mga komite sa pagtulong.
Paghahanap sa mga Saksi sa Astrodome
Sa Astrodome sa Houston, Texas, pinaglaanan ng pagkain, tubig, at matutuluyan ang mga 16,000 lumikas, na ang karamihan ay mula sa Louisiana. Nabalitaan ng komite ng mga Saksi sa pagtulong sa Houston na kasama sa malaking grupong iyon ang ilang Saksi. Pero paano nila hahanapin ang mga ito?
Maagang-maaga noong Biyernes, Setyembre 2, dumating sa Astrodome ang isang grupo ng mga elder na Saksi para hanapin ang kanilang mga kapatid. Nagulat sila nang tumambad sa kanila ang libu-libong lalaki, babae, tin-edyer, bata, at sanggol sa napakalaking istadyum. Punung-puno ang palaruan ng football ng libu-libong teheras, at mga lumikas na matiyagang naghihintay ng solusyon sa kani-kanilang mga suliranin. Mahaba ang pila ng mga taong nagpapagamot, at may nagtatakbuhang medikal na mga boluntaryo para isakay ang mga pasyente sa mga ambulansiya.
“Pakiramdam ko’y nasa kampo ako ng mga lumikas dahil sa digmaan o pulitikal na kaguluhan,” ang bulalas ni Samuel, isa sa mga elder na naghahanap sa mga kapuwa niya Saksi. Paano nila makikita ang iilang Saksi sa napakalaking grupong ito? Noong una, nagparoo’t parito sa daanan ang mga elder bitbit ang
malalaking poster na nananawagan sa mga Saksi na magpakilala. Matapos ang tatlong oras na paglilibot, wala silang nahanap kaya naisip nilang kailangan ang mas praktikal na sistema. Nakiusap sila sa Red Cross na ipanawagan sa pampublikong mikropono: “Sa lahat ng bautisadong mga Saksi ni Jehova, pakisuyong magtungo sa rampa sa gawing silangan ng unang palapag.”Sa wakas, unti-unting nagdatingan ang nakangiting mga Saksi. Sinabi ni Samuel: “Tuwang-tuwa sila at naluluha. Niyakap nila kami nang mahigpit at hinawakan nila ang aming mga kamay. Natatakot silang bumitiw dahil baka mawala sila sa dami ng tao.” Noong Biyernes at Sabado, 24 na Saksi ang nahanap at dinala sa lugar kung saan binibigyan ng tulong ang mga Saksi.
Walang ibang dala ang karamihan sa kanila maliban sa suot nilang damit na marumi na. Isang Saksi ang may bitbit na maliit na kahong kasinlaki ng kahon ng sapatos. May laman itong mahahalagang papeles—ang tanging nailigtas niya sa mapangwasak na bagyo.
Sa Astrodome, maraming tao ang nakakilala sa dumadalaw na mga elder bilang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova at lumapit sa kanila para humingi ng mga Bibliya at mga literaturang salig sa Bibliya. Mahigit 220 Bibliya ang hiniling sa kanila. Inialok din ng mga Saksi sa mga tao ang Hulyo 22, 2005 isyu ng Gumising! na tamang-tama namang nagtatampok sa serye sa pabalat na “Likas na mga Kasakunaan—Lumalala Ba?”
Binalikan ng Ilan ang Kanilang Bahay
Isa sa mga nakaligtas sa bagyo ay batikang reporter at general manager ng isang istasyon ng TV sa New Orleans. Sa trabaho niya, marami na siyang nasaksihang kapahamakan. Bumalik siya sa kaniyang bahay sa Jefferson Parish, Louisiana, para kunin ang iba pa niyang gamit.
“Natulala ako,” ang sabi niya. “Wasak lahat at walang natira. Napanood namin sa TV ang tubig-baha nang gumuho ang mga dike at rumagasa ang tubig mula sa mga kanal. Pero napakalaki rin ng pinsalang idinulot ng napakalakas na hangin. Gumuho ang apartment ko. Amag at bulok na mga bagay ang nasa palibot kaya masangsang ang amoy. Napakatindi ng amoy. Kalunus-lunos. Pero mabuti na lamang at buhay pa kami.”Bumalik si Alan, na binanggit sa simula, sa kaniyang tahanan sa Metairie, na nasa labas ng New Orleans sa gawing kanluran. Napakamapangwasak ng bagyo. “Nakakatraumang makita, nakapangingilabot,” ang sabi niya. “Para bang may bumagsak na bomba atomika sa lunsod. Maaaring narinig mo ito sa balita o napanood sa TV. Pero ibang-iba kapag naglakad ka o nagmaneho sa inyong pamayanan at nakita mo mismo ang pinsala at pagkawasak—napakalaki at napakalawak. Mahirap tanggapin ang nangyari.
“Halimbawa, ang masangsang na amoy—parang amoy ng nabubulok na bangkay. Maraming negosyo ang lubusang nawasak o binaha. Naglipana ang mga pulis at sundalo. Parang lugar ng digmaan.”
Pagsasaayos ng Tulong
Nagsaayos ng tulong ang mga awtoridad ng lunsod, estado, at pederal na pamahalaan. Ang pangunahing pederal na ahensiya sa pagtulong ay ang FEMA (Federal Emergency Management Agency). Nagsaayos din ng tulong para sa libu-libong biktima ang ibang organisasyon. Inihatid ng trak ang napakaraming pagkain, damit, at tubig sa binahang mga lugar. Di-nagtagal, namigay ang FEMA ng tseke at iba pang pinansiyal na tulong para makaraos ang mga tao sa unang mga araw o linggo. Samantala, kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova?
Pagsusuri sa Pinsala at Pagkukumpuni
Nang manalanta ang bagyo, nag-organisa ang mga Saksi ng mga pangkat na pupunta sa apektadong mga lugar para alamin kung gaano karaming tahanan ng mga Saksi at mga Kingdom Hall ang nasira o nagiba. Paano nila gagawin ang mahirap na atas na ito? Nagbigay ng pahintulot ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, na nasa Brooklyn, New York, upang bumuo ng mga komite sa pagtulong sa ilalim ng pangangasiwa ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos. Inanyayahan naman ang mga Regional Building Committee sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos upang simulan ang muling pagtatayo. * Ano ang nagawa nila?
Noong Pebrero 17, 2006, iniulat ng grupo sa pagtulong sa Long Beach, Mississippi, na sa lugar nila, sa 632 nasirang bahay ng mga Saksi, 531 ang lubusang nakumpuni, samantalang may 101 pang kailangang gawin. Tinulungan din ng mga Saksi ang kanilang mga kapitbahay na hindi nila kapananampalataya. Nasira ang bubong ng 17 Kingdom Hall, at noong kalagitnaan ng Pebrero, napalitan na ang bubong ng 16 sa mga ito. Kumusta naman ang komite sa Baton Rouge, Louisiana?
Inaasikaso ng grupong ito ang lugar ng Louisiana, kung saan pinakamalaki ang naging pinsala ng Bagyong Katrina. Sa 2,700 bahay ng mga Saksi na kailangang kumpunihin doon, 1,119 lamang ang natapos pagsapit ng kalagitnaan ng Pebrero, kaya marami pang dapat gawin ang komiteng iyon sa pagtulong. Tinulungan din ang mga kapitbahay at kapamilyang mahigpit na nangangailangan ng tulong. Malaki ang naging sira ng 50 Kingdom Hall. Pagsapit ng Pebrero, 25 na sa mga ito ang nakumpuni. Sa Texas, 871 bahay na sinalanta ng Bagyong Rita noong Setyembre ang kinailangang kumpunihin ng grupo sa Houston. Pagsapit ng Pebrero 20, natapos na ang 830.
Mga Aral Mula sa Bagyong Katrina
Natutuhan ng libu-libong tao na naapektuhan ng Bagyong Katrina ang mapait na aral na kailangang makinig sa babala. Marami sa kanila ang sumasang-ayon sa sinabi ni Joe, na binanggit kanina: “Sa susunod na sabihin nilang ‘Lumikas,’ ako ang unang-unang aalis!”
Nagbibigay pa rin ng tulong ang mga Saksi ni Jehova sa mga biktima sa rehiyon ng Gulpo. (Galacia 6:10) Subalit hindi lamang pagkakawanggawa ang kanilang ministeryo. Sa kabaligtaran, ang pangunahing gawain ng mga Saksi ni Jehova—na isinasagawa sa 235 lupain sa buong daigdig—ay ang magbigay ng babala na may darating pang mas matindi kaysa sa bagyo. Inihula ng Bibliya na malapit nang wakasan ng Diyos ang di-makadiyos na sistemang ito ng mga bagay, anupat lilinisin ang lupa at ibabalik ang kalagayang nilayon niya para rito. Kung nais mong malaman kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa panahong ito ng paghatol, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa angkop na adres sa pahina 5 ng babasahing ito.—Marcos 13:10; 2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 14:6, 7; 16:14-16.
[Talababa]
^ par. 32 Ang mga Regional Building Commitee ay binubuo ng mga pangkat ng mga Saksi ni Jehova—mga boluntaryo—na makaranasan na sa pagtatayo at pagkukumpuni ng mga Kingdom Hall. May humigit-kumulang 100 grupo sa buong Estados Unidos at mas marami pa sa buong daigdig.
[Larawan sa pahina 14, 15]
Hitsura ng mata ng Bagyong Katrina na kuha mula sa satelayt
[Credit Line]
NOAA
[Larawan sa pahina 15]
Binahang New Orleans
[Credit Line]
AP Photo/David J. Phillip
[Mga larawan sa pahina 15]
Sinira ng Bagyong Katrina ang mga gusali at kumitil ito ng maraming buhay
[Credit Line]
AP Photo/Ben Sklar
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang Astrodome sa Houston, Texas, na tinuluyan ng mga 16,000 nagsilikas
[Mga larawan sa pahina 17]
Hinanap ng mga Kristiyanong elder ang mga Saksing kasama sa mga lumikas
[Larawan sa pahina 18]
Kinukumpuni ng mga boluntaryo ang nasirang bubong
[Larawan sa pahina 18]
Laking pasasalamat ng mga Saksi dahil nakumpuni ang kanilang mga bahay
[Larawan sa pahina 18]
Namigay ng pagkain ang mga boluntaryo
[Larawan sa pahina 19]
Alan