Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ Animnapung porsiyento ng mga bata sa Brazil ang may sirang ngipin na pagsapit sa edad na tatlo. Ang isa sa mga dahilan ay ang hindi pagsisipilyo sa ngipin ng mga bata sa gabi matapos silang pasusuhin sa bote, kadalasan na ng matamis na inumin.—FOLHA ONLINE, BRAZIL.
▪ Dalawampu’t limang porsiyento ngayon ng mga ipinanganganak sa Estados Unidos ay sa pamamagitan ng Cesarean section. Sa New York City, tumaas nang limang beses ang bilang kung ihahambing noong 1980. Ang isang dahilan ay ang kaalwanan sa pag-iiskedyul, subalit “napakalaki” ng panganib sa pagsasagawa ng gayong di-kinakailangang operasyon.—THE NEW YORK TIMES, E.U.A.
▪ Sa nakalipas na 100 taon, ang aberids na temperatura sa Mexico City ay tumaas nang mga 4 digri Celsius, kung ihahambing sa 0.6 digri Celsius na pagtaas ng temperatura sa buong daigdig. Sinisisi ng mga eksperto ang pagkalbo sa kagubatan at urbanisasyon.—EL UNIVERSAL, MEXICO.
▪ Mahigit kalahati ng bilang ng mga nag-aasawa sa Estados Unidos ang nagsasama na bago pa magpakasal. Ang gayong mga mag-asawa ay halos dalawang beses na mas malamang na magdiborsiyo kung ihahambing sa mga nagpakasal muna bago magsama.—PSYCHOLOGY TODAY, E.U.A.
Pinakanakayayamot na Kaugalian sa Trabaho
“Ang maingay na pag-uusap sa telepono, [paggamit ng] mga speakerphone at walang lubay na pagrereklamo sa dami ng trabaho ang nangunguna sa talaan ng pinakanakayayamot na kaugalian ng ating mga katrabaho,” ang ulat ng Washington Post. Kabilang sa iba pang kaugalian na ikinagagalit ng mga katrabaho ay ang “pagpapangkat-pangkat . . . , pagdating nang huli sa trabaho, pagsasalita nang mag-isa, pag-uusap ng magkakatrabaho sa magkabilang cubicle, pagiging marumi sa katawan at maingay na pagnguya.” Nakapagpapabagal din sa trabaho ang gayong di-magagandang kaugalian. Gayunman, inamin ng mga taong kinapanayam ng mga mananaliksik na hindi pa nila kailanman pinagsabihan ang mga taong nakayayamot sa kanila. “At may makatuwiran namang dahilan,” ang sabi ng pahayagan. “Baka ginagawa rin nila ito.”
Mas Maraming Tao ang Naninirahan sa mga Lunsod
“Dalawang taon mula ngayon, kalahati ng populasyon ng daigdig ang maninirahan sa mga lunsod,” ang sabi ng CBC News. Ayon sa ulat ng United Nations, ang Estados Unidos ang may pinakamataas na porsiyento ng mga naninirahan sa lunsod, anupat halos 9 sa bawat 10 katao ang naninirahan sa mga lunsod. Limampu’t limang taon pa lamang ang nakalilipas, ang New York at Tokyo lamang ang dalawang lunsod na may sampung milyon o higit pang naninirahan. Sa ngayon, tumaas ang bilang na iyon tungo sa 20 lunsod na may mahigit 10 milyong residente, kasali na ang Jakarta, Mexico City, Mumbai, at São Paulo. Ganito ang sabi ni Kofi Annan, kalihim-panlahat ng UN: “Ang gayong mabilis na pagdami ay nangangailangan ng malalaking pagbabago sa ekonomiya at lipunan ng karamihan sa mga bansa.”
Pagtutol Udyok ng Budhi
Sinasabi ng Pambansang Komite ng mga Karapatang Pantao ng Republika ng Korea na ang pagtutol sa paglilingkod-militar udyok ng budhi ay isang karapatang hindi maaaring ipagkait. Inirekomenda ng komite na magsaayos ng alternatibong paglilingkod-sibil bilang paggalang sa karapatang ito. Sinasabi ng The Korea Times na “salungat” ang rekomendasyong ito sa kamakailang pasiya ng Konstitusyonal na Hukuman. Itinataguyod ng pasiyang ito ang kasalukuyang batas militar, na walang probisyon para sa mga tumututol udyok ng budhi. Sinasabi ng Korte Suprema na ang lehislatura, hindi ang mga hukuman, ang dapat lumikha ng karapatang ito sa batas. Taun-taon, mga 500 hanggang 700 kabataang lalaking Saksi ni Jehova sa Republika ng Korea ang nabibilanggo dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Sa paglipas ng mga taon, mga 10,000 Saksi na ang nabilanggo dahil dito.