Seda—“Ang Reyna ng mga Hibla”
Seda—“Ang Reyna ng mga Hibla”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON
MAY pagkakatulad ang ilan sa pinakamagagandang damit sa buong daigdig—kasali na ang kimono ng Hapon, ang sari ng India, at ang hanbok ng Korea. Kadalasang yari ang mga ito sa seda, ang makintab na tela na tinaguriang reyna ng mga hibla. Mula sa mga maharlika noon hanggang sa karaniwang mga mamamayan ngayon, ang mga tao sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ay nabighani sa pagiging elegante ng seda. Pero hindi ito madaling makuha noon di-tulad ngayon.
Noong sinaunang panahon, sa Tsina lamang ginagawa ang seda. Wala nang iba pang nakaaalam kung paano ito ginagawa, at ang sinuman sa Tsina na magbunyag ng lihim ng paggawa ng seda sa pamamagitan ng silkworm ay maaaring ipapatay bilang traidor. Hindi nga nakapagtataka na napakamahal ng seda dahil sa monopolyong ito. Halimbawa, sa buong Imperyo ng Roma, parang ginto ang halaga ng seda.
Sa kalaunan, nakontrol ng Persia ang pagluluwas ng lahat ng seda mula sa Tsina. Subalit napakamahal pa rin nito, at mahirap makapaglabas ng seda na hindi dumaraan sa mga negosyanteng Persiano. Nang maglaon, gumawa ng pakana ang Bizantinong emperador na si Justinian. Noong mga 550 C.E., nagpadala siya ng dalawang monghe na may lihim na misyon sa Tsina. Bumalik sila pagkalipas ng dalawang taon. Nakatago sa loob ng kanilang tungkod na kawayan ang pinakahihintay na kayamanan—ang mga itlog ng silkworm. Nabunyag na ang lihim. Sa gayon nagwakas ang monopolyo sa seda.
Ang Lihim ng Seda
Ang seda ay ginagawa ng mga silkworm, o mga higad ng silkworm moth. May daan-daang uri ng silkworm, ngunit ang makasiyensiyang pangalan ng gumagawa ng pinakamataas na kalidad ng seda ay Bombyx mori. Marami-raming silkworm ang kailangan para makagawa ng mga telang seda, kaya naman nagkaroon ng sericulture, ang pag-aalaga ng mga silkworm. Ang pamilya ni Shoichi Kawaharada, na nakatira sa Gunma Prefecture, Hapon, ang isa sa humigit-kumulang 2,000 sambahayan sa bansang ito na gumagamit pa rin ng mahirap na pamamaraang ito. Ang kaniyang bahay, na may dalawang palapag at itinayo para sa pag-aalaga ng mga silkworm, ay nasa gilid ng burol kung saan matatanaw ang kakahuyan ng mulberi (1).
Ang babaing silkworm moth ay nangingitlog nang hanggang 500, bawat isa ay kasinlaki ng ulo ng aspile (2). Pagkalipas ng mga 20 araw, mapipisa ang mga itlog. Napakalakas kumain ng maliliit na silkworm. Gabi’t araw silang kumakain ng dahon ng mulberi—puro dahon ng mulberi lamang (3, 4). Sa loob lamang ng 18 araw, 70 ulit nang mas malaki ang mga silkworm kaysa sa orihinal nilang laki at nakapaghunos na nang apat na beses.
Mga 120,000 silkworm ang inaalagaan sa bukid ni Mr. Kawaharada. Kapag kumakain ang mga ito, parang malakas na ulang pumapatak sa mga dahon ang maririnig. Kapag hustong gulang na ang silkworm, bumigat na ito nang 10,000 ulit! Handa na ngayon itong mag-ikid ng bahay-uod.
Tahimik na mga Tagaikid
Kapag husto na ang laki ng silkworm, nagiging parang malinaw na kristal ang kulay nito, anupat hudyat ito na panahon na para magsimulang mag-ikid. Kapag hindi na mapakali ang mga silkworm at naghahanap ng mapaglalagyan ng kanilang mga bahay-uod, maililipat na ang mga ito sa kahon na maraming dibisyong parisukat. Doon nila inilalabas ang kanilang manipis na puting sinulid (5), anupat binabalot nila ang kanilang sarili ng seda.
Ito ang pinakaabalang panahon para kay Mr. Kawaharada, yamang halos sabay-sabay nag-iikid ang 120,000 silkworm. Hile-hilera ang nakabiting mga kahon sa malamig at mahanging atik sa ikalawang palapag ng bahay (6).
Samantala, kamangha-mangha ang nagaganap na pagbabago sa loob ng silkworm. Ang nakaing mga dahon ng mulberi ay nagiging fibroin, isang uri ng protina na nakaimbak sa magkapares na mga glandulang kasinghaba ng katawan ng higad. Habang pumapasok sa mga glandulang ito ang fibroin, nababalot ito ng madagtang substansiya na
tinatawag na sericin. Bago lumabas sa spinneret na nasa bibig ng higad, ang dalawang hibla ng fibroin ay pinagdirikit ng sericin. Sa sandaling mahanginan ito, tumitigas ang likidong seda na ito at nagiging isang hibla na lamang ng sinulid.Kapag nagsimula nang gumawa ng seda ang silkworm, tuluy-tuloy na ito. Nag-iikid ang silkworm sa bilis na 30 hanggang 40 sentimetro bawat minuto, habang walang hinto ang paggalaw ng ulo nito. Ayon sa isang artikulo, pagkatapos mabuo ang bahay-uod, tinatayang 150,000 beses nang gumalaw-galaw ang ulo ng silkworm. Pagkatapos mag-ikid nang dalawang araw at dalawang gabi, nakagagawa ang silkworm ng hibla ng sinulid na hanggang 1,500 metro ang haba. Mas mataas pa iyan nang mga apat na beses kaysa sa napakataas na gusali!
Sa loob lamang ng isang linggo, aanihin na ni Mr. Kawaharada ang 120,000 bahay-uod, na ibibiyahe para gawing tela. Kailangan ng mga 9,000 bahay-uod para makagawa ng isang kimono at mga 140 para makagawa ng kurbata, samantalang mahigit 100 naman ang kailangan para sa sedang bandana.
Ang Paggawa ng Telang Seda
Ang proseso ng paglilipat ng seda sa ikiran mula sa bahay-uod ay tinatawag na reeling. Paano nagsimula ang paglilipat ng seda sa ikiran? Maraming kuwento at alamat tungkol dito. Ayon sa isang alamat, napansin ni Emperatris Hsi Ling-Shi ng Tsina na may nalaglag na bahay-uod sa kaniyang tasa ng tsa mula sa punong mulberi. Nang inaalis na niya ito, malambot na sedang sinulid ang nakuha niya. Sa gayon nagsimula ang paglilipat ng seda sa ikiran, isang prosesong makina na ang gumagawa ngayon.
Upang maibenta ang mga bahay-uod, kailangang patayin ang uod sa loob bago pa ito lumabas. Pinaiinitan ang mga ito para mamatay. Inaalis ang mga bahay-uod na may depekto, at ang natitira naman ay maaari nang gawing tela. Una, ibinababad ang mga bahay-uod sa mainit na tubig o pinasisingawan upang lumuwag ang mga hibla. Saka kumakapit ang nakausling dulo ng hibla sa umiikot na mga brutsa (7). Depende sa nais na kapal, maaaring pagsamahin ang mga hibla ng dalawa o higit pang bahay-uod para makagawa ng sinulid. Pinatutuyo ang sinulid habang iniikid ito sa ikiran. Muling iniikid sa mas malaking ikiran ang seda para makabuo ng mas maluwag na ikid ayon sa nais na haba at bigat (8, 9).
Baka alam mo na kung gaano kakinis at kalambot ang seda anupat halos gusto mong idampi ito sa iyong pisngi. Ano ang dahilan ng naiibang kinis at lambot nito? Ang isang salik ay ang pagtanggal ng sericin na bumabalot sa fibroin. Kapag hindi pa ito natatanggal, magaspang at mahirap itina ang seda. Ang telang chiffon ay medyo magaspang dahil may natitira pa ritong kaunting sericin.
Ang isa pang dahilan ay ang higpit ng pagpilipit sa sinulid ng seda. Malambot at makinis ang telang habutai sa Hapon. Halos hindi, o hindi nga talaga, ito pinipilipit. Sa kabaligtaran, ang telang crepe ay medyo matigas at lukot. Pinipilipit kasi ito nang husto.
Mahalaga ring proseso ang pagtitina. Madaling itina ang seda. Dahil sa kayarian ng fibroin, nakatatagos nang husto ang tina, kaya hindi ito basta-basta kumukupas. Bukod dito, di-tulad ng mga hiblang sintetik, may positibo at negatibong mga ion ang seda, anupat maganda ang nagiging resulta ng halos anumang tina na gamitin dito. Maaaring itina ang sinulid na seda bago (10) o pagkatapos itong ihabi. Sa sikat na yuzen na pagtitina ng mga kimono, pagkagagandang disenyo ang iginuguhit at itinitina nang manu-mano sa seda pagkatapos itong ihabi.
Bagaman ang karamihan ng seda ay ginagawa na ngayon sa mga bansang tulad ng Tsina at India, nangunguna pa rin sa pagdidisenyo ng seda ang mga tagadisenyo ng damit sa Pransiya at Italya. Siyempre pa, marami na ngayong abot-kayang mga tela sa pamilihan na yari sa artipisyal na mga hiblang tulad ng rayon at nylon. Pero wala pa ring katulad ang seda. “Kahit masulong na ang siyensiya sa ngayon, hindi pa rin tayo makagawa ng sintetikong seda,” ang sabi ng tagapangasiwa ng Silk Museum sa Yokohama, Hapon. “Alam na natin ang lahat, mula sa pormula ng molekula hanggang sa istraktura nito. Pero hindi pa rin natin ito magaya. Ito ang tinatawag kong misteryo ng seda.”
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
MGA KATANGIAN NG Seda
Matibay: Ang seda ay kasintibay ng kasinlaki nitong alambre.
Makintab: Elegante ang malaperlas na kintab ng seda. Dahil ito sa kayarian ng fibroin na susun-suson, parang prisma, at nagkakalat ng liwanag.
Banayad sa balat: Ang mga amino acid na bumubuo sa seda ay banayad sa balat. Sinasabing naiingatan ng seda ang nagsusuot nito mula sa iba’t ibang sakit sa balat. Ang ilang kosmetik ay yari sa pinulbos na seda.
Sumisipsip ng pawis: Ang mga amino acid at ang pagkaliliit na mga espasyo sa hibla ng seda ay sumisipsip at nagpapasingaw ng pawis, anupat malamig sa balat kapag mainit ang panahon.
Hindi madaling masunog: Hindi madaling masunog ang seda ni naglalabas man ito ng nakamamatay na gas kapag nasunog.
Nagbibigay ng proteksiyon: Sinisipsip ng seda ang mga ultraviolet ray at sa gayon ay nagsisilbing proteksiyon sa balat.
Hindi agad lumilikha ng static electricity: Yamang ang seda ay may positibo at negatibong mga ion at sumisipsip ng pawis, hindi agad ito lumilikha ng static electricity, di-gaya ng ibang tela.
PANGANGALAGA SA Seda
Paglalaba: Karaniwan nang pinakamabuting i-dry-clean ang mga damit na yari sa seda. Kung lalabhan ito sa bahay, gumamit ng banayad na sabong panlaba at maligamgam na tubig (mga 30 digri Celsius). Marahang labhan, at huwag itong pigain. Hayaang matuyo sa hangin.
Pagpaplantsa: Sapnan ng tela ang ibabaw ng seda. Plantsahin nang paayon sa hibla nito sa temperaturang mga 130 digri Celsius. Huwag gumamit o kaunti lamang ang gamiting steam.
Pag-aalis ng mantsa: Kung kailangang alisin agad ang mantsa, ilapat sa tuyong tela ang harap na panig ng namantsahang seda. Gamit ang medyo basang tela, pukpukin at huwag kuskusin ang likod ng seda. Saka ito ipa-dry-clean.
Pagtatago: Iwasan ang umido, ingatan mula sa tangà, at huwag ihantad sa liwanag. Gumamit ng mga hanger na may pading na espongha, o ilagay ito nang hindi gaanong nakatupi sa patag na lalagyan.
[Larawan sa pahina 25]
Mga bahay-uod na seda
[Picture Credit Lines sa pahina 26]
Photos 7-9: Matsuida Machi, Annaka City, Gunma Prefecture, Japan; 10 and close-up pattern: Kiryu City, Gunma Prefecture, Japan