Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat Makarating ang Mensahe

Dapat Makarating ang Mensahe

Dapat Makarating ang Mensahe

BAGO maimbento ang telegrapo, ang komunikasyon sa malalayong lugar ay kadalasan nang mabagal at mahirap, depende sa daan at paraan ng paglalakbay. Pansinin ang mga hamong kinaharap ng mga Inca, na may napakalaking imperyo sa Timog Amerika.

Sa kasikatan nito noong huling bahagi ng ika-15 siglo at unang bahagi ng ika-16 na siglo C.E., sakop ng Imperyong Inca ang bahagi ng modernong-panahong Argentina, Bolivia, Chile, Colombia, Ecuador, at Peru, na kinaroroonan ng Cuzco, ang sinaunang kabisera ng imperyo. Napakahirap maglakbay noon dahil sa nagtataasang mga bundok, masusukal na kagubatan, at malalayong distansiya. Bukod dito, ang mga Inca ay walang mga hayop na pantrabaho maliban sa mga llama, walang sasakyang de-gulong, at walang nakasulat na wika. Kaya paano sila nagkaroon ng komunikasyon sa malawak na lugar na ito na may iba’t ibang anyo ng lupa?

Quechua ang wikang ginamit ng mga Inca sa imperyo. Gumawa rin sila ng maraming kalsada. Ang kanilang maringal na kalsada, o pangunahing haywey, ay bumabagtas nang mahigit 5,000 kilometro sa kahabaan ng bulubunduking bahagi ng Andes, at ang katapat na kalye naman ay bumabagtas nang mga 4,000 kilometro sa kahabaan ng Baybaying Pasipiko. May mga kalsada sa gilid na nagdurugtong sa dalawang ito. Gumawa rin ang mga Inca ng sementado at baytang-baytang na kalsada sa matataas na lagusan, mga tulay na balsa sa itaas ng mga latian, at mapanganib na mga tulay sa mga bangin. May isang tulay na 45 metro ang haba na sinusuportahan ng mga kableng sinlaki ng katawan ng tao, at tinulayan sa loob ng 500 taon, hanggang 1880!

Nagkaroon ng komunikasyon ang mga Inca sa tulong ng isang organisasyon ng mga mananakbong tinatawag na mga chasqui, na may kani-kaniyang istasyon sa pangunahing mga ruta. Bawat isa ay tumatakbo nang tigatlo o tig-apat na kilometro hanggang mahigit sa sandaang kilometro kung umaga. Bibigan silang naghahatid ng maraming mensahe subalit kapag ang dala nila ay may kinalaman sa mga estadistikang pampamahalaan, inilalagay nila iyon sa isang kakaibang kagamitang tinatawag na quipu. Ang quipu ay pangunahin nang isang masalimuot na pantulong sa memorya na yari sa lubid at panaling may iba’t ibang kulay. Ang mga buhol sa panali ay kumakatawan sa mga bilang na isa, sampu, at sandaan. Nang malupig ng mga Kastila ang mga Inca, hindi na ginamit ang quipu at nalimutan na ang mga kodigo.

‘Pagkaganda-gandang mga Paa sa Ibabaw ng mga Bundok’

Sa ngayon, ang pinakamahalagang mensahe ay inihahatid sa milyun-milyong nagsasalita ng Quechua​—ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, isang pandaigdig na pamahalaang magdadala ng kapayapaan sa lahat ng magpapasakop sa pamamahala nito. (Daniel 2:44; Mateo 24:14) Mahirap pa ring maglakbay sa lupaing minsan ay pinamahalaan ng mga Inca, at halos hindi pa rin maisulat ang wikang Quechua. Subalit ang mga Saksi ni Jehova​—na marami sa kanila ay marunong nang magsalita ng Quechua​—ay maligayang namamahagi ng nakasulat at napakikinggang mga publikasyon na nasa ilang makabagong diyalekto ng wikang Quechua.

Ang gawain ng mga ebanghelisador na ito ay nagpapagunita sa atin ng kinasihang mga salita: “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.”​—Isaias 52:7.