Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malalampasan Kaya ng Pag-aasawa ang Bagyo?

Malalampasan Kaya ng Pag-aasawa ang Bagyo?

Malalampasan Kaya ng Pag-aasawa ang Bagyo?

“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”​—MATEO 19:6.

NATANGAY ang mga bahay na waring matibay ang pundasyon, nawasak ang mga dingding at bubong ng mga ito. Habang hinahampas ng nagngangalit na bagyo nitong kamakailan ang malalaking lugar sa palibot ng globo, nasubok nang husto ang kalidad at tibay ng maraming gusali.

Gayunman, may isang uri ng bagyo na sumisira sa pundasyon at balangkas ng napakatagal nang institusyon ng pag-aasawa. “Sa hirap at ginhawa, ang pag-aasawa ay nawala na sa mahalagang posisyon nito sa personal at sosyal na buhay,” ang sabi ng istoryador na si Stephanie Coontz.

Nakikita mo ba ang mga epekto ng kalakarang ito? Sa palagay mo, nawawala na ba ang pag-aasawa sa marangal na dako nito sa lipunan? Kung oo, bakit kaya? At may pag-asa pa bang magkaroon o mapanatili ang isang maligayang pag-aasawa? Pero bago ang lahat, bakit kaya nalalagay sa panganib ang pag-aasawa?

Binabagyo ang Ugnayan ng Mag-asawa

Hindi na bago ang mga bagyong dinaranas ng mag-asawa; nangyayari na ito simula pa lamang ng kasaysayan ng tao. Ang mga katangian at saloobin ng ating unang mga magulang ang naging dahilan ng krisis sa pag-aasawa na dinaranas natin ngayon. Nagkasala sina Adan at Eva nang magpadaig sila sa makasariling mga pagnanasa, at sa gayon “ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan.” (Roma 5:12) Sinasabi sa ulat ng kasaysayan ng Bibliya na di-nagtagal pagkatapos nito, “ang bawat hilig ng mga kaisipan ng . . . puso [ng tao] ay masama na lamang sa lahat ng panahon.”​—Genesis 6:5.

Walang gaanong nagbago mula noon. Kabilang sa mga nakapipinsalang hilig na sumasalot sa pag-aasawa ay ang walang-taros na pagbibigay-kaluguran sa sakim na pagnanasa. Wari ngang lipas na sa panahon ang mismong pag-aasawa, anupat hindi na nababagay sa makabagong daigdig na nabighani ng bagong moralidad. At dahil niluwagan ang mga batas sa paghihiwalay, nawala na ang kahihiyang dati’y kakambal ng diborsiyo.

Ang mga mainiping indibiduwal, na nagmamadali sa mga resulta at dagliang kaluguran, ay hindi na gaanong nag-iisip o tuluyan pa nga nilang inalis sa isip ang mga epekto ng diborsiyo. Dahil sa mapanuksong mga pangako ng kalayaan at pagsasarili, naniwala sila na mapaliligaya sila ng diborsiyo.

Ang iba naman, kapag nagkakaproblema nang malubha ang kanilang relasyon, ay humihingi ng tulong sa mga terapist at mga tagapayo sa pag-aasawa o sa mga aklat na isinulat ng gayong mga awtoridad. Nakalulungkot sabihin, mas sinusuportahan ng ilan sa mga “ekspertong” ito ang diborsiyo kaysa sa pag-aasawa. “Sa unang pagkakataon marahil sa kasaysayan ng tao,” sinabi ng aklat na The Case for Marriage, “ang patuloy na pagsalakay sa minimithing pag-aasawa ay nakapagtatakang nagtatagumpay. Kung minsan, ang pagsalakay ay tuwiran at salig sa ideolohiyang nagmumula sa mga ‘ekspertong’ naniniwala na ang habambuhay na sumpaan ng katapatan ay di-makatotohanan o nakasasakal.”

Nagbagong Pananaw

Nagbago na rin ang pananaw tungkol sa katangian at layunin ng pag-aasawa. Marahil ay napansin mong hindi na itinuturing na mahalaga sa mag-asawa ang pagiging tapat at matulungin sa isa’t isa kundi ang mahalaga sa kanila ay kung nasusunod ang gusto nila​—kadalasan nang sa ikapipinsala naman ng kani-kanilang asawa. Ang pagbabago tungo sa makasariling pangmalas na ito sa pag-aasawa ay “nagsimula noong mga taon ng 1960 at lalong tumindi noong mga taon ng 1970,” ang sabi ng Journal of Marriage and Family. Ang tradisyonal na mga dahilan ng pag-aasawa​—gaya ng paghahangad ng pag-ibig, matalik na ugnayan, katapatan, mga anak, at kasiyahan sa isa’t isa​—ay nawawala na.

Ilan pang mga pangyayari sa ngayon ang lalong nagpabago sa pag-aasawa sa maraming lupain. Una, ang tradisyonal na mga papel ng mga lalaking naghahanapbuhay at mga babaing nag-aasikaso sa bahay ay nagbago na sa maraming bansa. Nang maghanapbuhay ang mga babae, dumami na nang dumami ang mga sambahayan na parehong nagtatrabaho ang mag-asawa. Ikalawa, ang pagiging mga dalagang ina ay patuloy na tinatanggap, na nagiging dahilan ng pagdami ng mga pamilyang may nagsosolong magulang. Ikatlo, parami nang parami ang nagsasama na lamang sa halip na magpakasal. (Tingnan ang kahong “Hindi Kasintatag ng Pag-aasawa.”) Ikaapat, marami na ang sumasang-ayon sa pagpapakasal ng magkasekso at sa pangangampanya na gawin itong legal. Apektado ba ng makabagong kalakarang ito ang pangmalas mo sa pag-aasawa?

Nauuso ang Diborsiyo

Suriin natin ang ilang bansa at tingnan kung paano lalo nang nawawasak ang mga pag-aasawa dahil sa nauusong diborsiyo. Ayon sa isang kamakailang ulat, “dumami nang apat na ulit ang nagdidiborsiyo sa pagitan ng 1970 at 1996” sa Estados Unidos. Mga 1 sa 5 adulto ang hinahampas ng mapaminsalang hangin ng pagdidiborsiyo. Sino ang pinakamadalas mabigo sa pag-aasawa? Ipinakikita ng estadistika na mga 60 porsiyento ang nagdidiborsiyo sa loob ng unang sampung taon ng pagsasama.

Tumaas din ang bilang ng nagdidiborsiyo sa ibang mga bansa. Ang kabuuang bilang ng nagdidiborsiyo sa Inglatera at Wales ay umabot na sa 153,490 noong 2004. Inaasahan ng mga Australiano na mga 40 porsiyento ng pag-aasawa roon ang hahantong sa diborsiyo. Sa Republika ng Korea, nadagdagan ng 21,800 ang nagdiborsiyo sa loob lamang ng isang taon​—mula 2002 hanggang 2003​—sa kabuuan, 167,100 mag-asawa ang nagdiborsiyo. Ang Hapon, kung saan 1 sa bawat 4 na pag-aasawa ang humahantong sa diborsiyo, ay malapit nang makapantay ng Europa sa dami ng nagdidiborsiyo. “Noong araw, nagdidiborsiyo lamang ang mag-asawa kapag wala nang pag-asa ang kanilang pagsasama,” ang sabi ng isang eksperto sa pag-aaral tungkol sa mga pamilya sa Red Cross University ng Hapon. “Ngayon, isa na lamang itong simpleng isyu sa istilo ng pamumuhay.”

Sa maraming bansa, malaki ang naitulong ng matatagal nang institusyon ng relihiyon at mga tradisyon ng lipunan sa katatagan ng pag-aasawa. Subalit hindi na kayang pigilin ng mga ito ang pagdami ng mga taong sumasang-ayon sa diborsiyo. Halimbawa, pansinin ang Simbahang Romano Katoliko, kung saan ang pag-aasawa ay itinuturing na sagrado. Noong 1983, niluwagan ng simbahan ang patakaran nito tungkol sa tali ng pag-aasawa at naging madali na para sa mga Katoliko na putulin ang ugnayan ng mag-asawa. Kaya naman mula noon, dumami na ang nagpapawalang-bisa sa kanilang kasal.

Maliwanag, ang taling nagbubuklod sa pag-aasawa ay lumuluwag na. Subalit hindi lahat ng dahilan ay kitang-kita. Sa katunayan, bukod sa pangkalahatang pagkawasak ng lipunan, may isa pang pangunahing dahilan ng pagdami ng bigong pag-aasawa​—isa na hindi nakikita ng karamihan ng mga tao.

Nakatagong Sanhi ng Bagyo

Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Satanas na Diyablo, ang sukdulan ng kasakiman, ay may di-nakikita at tumitinding impluwensiya na pumipinsala sa buong daigdig. Bakit? Sapagkat inihagis na siya sa lupa mula sa langit at siya’y galit na galit. Oo, desidido siyang magdulot ng napakaraming ‘kaabahan,’ o kaguluhan, hangga’t maaari, at ang pag-aasawa na pinasimulan ng Diyos ang isa sa pinagtutuunan ng matinding galit ni Satanas.​—Apocalipsis 12:9, 12.

Tungkol sa panahon matapos palayasin si Satanas sa langit, sinabi ni Jesus: “Dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mateo 24:12) Gayundin naman, sumulat si apostol Pablo: “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal [o, pagmamahal sa pamilya], mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:2-4) Ang masasamang paggawing ito ay umiiral na noon pa man, subalit lumulubha ito sa ngayon, at talagang aminado rito ang karamihan ng mga tao.

Dahil sa bagyong humahampas sa institusyon ng pag-aasawa, ano ang magagawa natin upang makaiwas at sa gayo’y magkaroon ng talagang maligaya at panghabambuhay na pagsasama bilang mag-asawa? Susuriin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.

[Blurb sa pahina 5]

“Sa isang lipunang mahilig magtapon, malamang na gayundin ang maging saloobin ng mga tao tungkol sa pagsasama.”​—SANDRA DAVIS, EKSPERTO SA BATAS TUNGKOL SA PAMILYA

[Kahon/​Larawan sa pahina 4]

“Hindi Kasintatag ng Pag-aasawa”

Maraming babae at lalaki ang nagsasama nang hindi kasal. Subalit ang gayong pagsasama ay lalo nang “hindi kasintatag ng pag-aasawa,” ang iniulat ng Centers for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos. Ang ilan sa mga ito ay nagsasama muna bago magpakasal para malaman kung sila’y magkakasundo o hindi. Nakatulong kaya ito para hindi na magkamali sa pagpili ng mapapangasawa at para gumanda ang takbo ng pagsasama kapag ikinasal? Ayon sa Journal of Marriage and Family, ipinahihiwatig ng mga katibayan na kabaligtaran ang nangyayari. “Sa mga mag-asawa, ang pagsasama bago ikasal ay iniuugnay sa di-gaanong kasiya-siyang pag-aasawa . . . , mas maraming iniuulat na mga problemang pangmag-asawa, at . . . mas malamang na maghiwalay,” ang sabi ng Journal.

[Kahon/​Larawan sa pahina 5]

Haba ng Buhay at Pag-aasawa

Mas mahaba ang buhay ng mga tao sa ngayon. Maging ang magandang pangyayaring ito ay nakaragdag din ng tensiyon sa pag-aasawa. Noon, nagwawakas ang pag-aasawa dahil sa kamatayan, pero ngayon, nagwawakas ito dahil sa diborsiyo. Tingnan natin ang isang kakaibang karamdaman sa pag-aasawa na dinaranas ng mga babae sa Hapon na matatagal nang kasal. Ayon sa The Washington Post, tinawag ito ng mga eksperto na “RHS,” o “retired husband syndrome.” Naalaala ng isang 40-taon nang kasal na asawang babae na noong magretiro ang kaniyang asawa ay naisip niya: “Dapat ko na siyang diborsiyuhin ngayon. Nagtitiis na nga lamang ako sa kasisilbi sa kaniya kapag umuuwi ng bahay galing sa trabaho. Pero ngayong palagi ko na siyang makakasama sa bahay, hindi ko na talaga ito makakayanan.”