Ang Pangmalas ng Bibliya
Persona ba ang Banal na Espiritu?
ANO ba ang banal na espiritu ng Diyos? Sa pambungad na mga salita ng Bibliya, ang banal na espiritu—na isinalin ding “aktibong puwersa ng Diyos”—ay binabanggit na “gumagalaw nang paroo’t parito sa ibabaw ng tubig.” (Genesis 1:2) Sa ulat ng bautismo ni Jesus, bagaman inilalarawan ang Diyos bilang nasa “langit,” ang banal na espiritu ay lumitaw na “bumababa na tulad ng isang kalapati” at lumapag kay Jesus. (Mateo 3:16, 17) Karagdagan pa, binanggit ni Jesus ang banal na espiritu bilang “katulong.”—Juan 14:16.
Dahil dito at sa iba pang mga talata sa Bibliya, inakala ng ilan na ang banal na espiritu ay isang persona, kung paanong ang Diyos, si Jesus, at ang mga anghel ay indibiduwal na mga espiritung persona. Sa katunayan, ilang siglo nang sinasabi ng ilan sa pinakamaimpluwensiyang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na may personalidad ang banal na espiritu. Sa kabila ng matagal nang doktrinang ito, maraming miyembro ng simbahan ang nalilito pa rin, at kinokontra pa nga ng ilan ang mga lider ng kanilang relihiyon. Halimbawa, ayon sa kamakailang surbey, 61 porsiyento ng mga kinapanayam ang naniniwala na ang espiritu ng Diyos ay “sagisag ng presensiya o kapangyarihan ng Diyos ngunit hindi isang buháy na nilalang.” Subalit ano naman ang sinasabi ng Bibliya?
Ang Sinasabi ng Bibliya
Hindi maiiwasan ng isang taimtim na taong nagbabasa ng Bibliya na isiping ang banal na espiritu ay naiiba sa opisyal na paglalarawan dito ng simbahan bilang isang persona. Pansinin ang sumusunod na mga ulat sa Bibliya.
1. Nang dalawin ni Maria, ina ni Jesus, ang kaniyang pinsang si Elisabet, sinasabi ng Bibliya na ang sanggol sa sinapupunan ni Elisabet ay lumukso, “at si Elisabet ay napuspos ng banal na espiritu.” (Lucas 1:41) Makatuwiran bang sabihin na ang isang persona ay “napuspos” ng isa pang persona?
2. Nang banggitin ni Juan na Tagapagbautismo sa kaniyang mga alagad na si Jesus ang isa na papalit sa kaniya, sinabi ni Juan: “Ako, sa ganang akin, ay nagbabautismo sa inyo sa tubig . . . , ngunit ang isa na dumarating na kasunod ko ay mas malakas kaysa sa akin, na sa kaniyang mga sandalyas ay hindi ako nararapat mag-alis. Babautismuhan kayo ng isang iyon sa banal na espiritu.” (Mateo 3:11) Tiyak na hindi tinutukoy ni Juan ang banal na espiritu bilang isang persona nang sabihin niyang babautismuhan ang mga tao sa pamamagitan nito.
3. Nang dumalaw si apostol Pedro sa isang opisyal ng hukbong Romano at sa pamilya nito, tinukoy niya si Jesus bilang ang isa na pinahiran ng Diyos ng “banal na espiritu at kapangyarihan.” (Gawa 10:38) Di-nagtagal pagkatapos nito, “ang banal na espiritu ay bumaba” sa sambahayan ng opisyal ng hukbo. Sinasabi sa ulat na marami ang namangha “sapagkat ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu ay ibinubuhos din sa mga tao ng mga bansa.” (Gawa 10:44, 45) Muli, ang ginamit na pananalita ay hindi tugma sa ideya na isang persona ang banal na espiritu.
Karaniwan nang gumagamit ng personipikasyon ang Salita ng Diyos sa paglalarawan ng mga bagay na hindi isang persona. Kabilang dito ang karunungan, kaunawaan, kasalanan, kamatayan, at di-sana-nararapat na kabaitan. (Kawikaan 8:1–9:6; Roma 5:14, 17, 21; 6:12) Sinabi mismo ni Jesus na “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng mga anak nito,” o ng magagandang resulta nito. (Lucas 7:35) Maliwanag na ang karunungan ay hindi isang persona na may literal na mga anak! Gayundin naman, ang banal na espiritu ay hindi masasabing isang persona dahil lamang gumagamit ng personipikasyon sa paglalarawan dito kung minsan.
Ano ba ang Banal na Espiritu?
Sa Bibliya, ang banal na espiritu ng Diyos ay ipinakikilala bilang kumikilos na kapangyarihan ng Diyos. Kaya naman, ang isang tumpak na salin ng Hebreong teksto sa Bibliya ay tumutukoy sa espiritu ng Diyos bilang “aktibong puwersa ng Diyos.” (Genesis 1:2) Ang konseptong ito ay maliwanag na sinusuportahan sa buong Bibliya.—Mikas 3:8; Lucas 1:35; Gawa 10:38.
Taliwas sa paniniwala ng marami, hindi totoo na ang Diyos ay nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon. Sa halip, nananahan siya sa dako ng mga espiritu, sa isang “tatag na dakong tinatahanan,” o tirahan. (1 Hari 8:39; 2 Cronica 6:39) Bumabanggit din ang Kasulatan ng isang partikular na dakong tirahan ng Diyos na kinaroroonan ng kaniyang “trono.” (1 Hari 22:19; Isaias 6:1; Daniel 7:9; Apocalipsis 4:1-3) Gayunman, mula sa kaniyang “tatag na dakong tinatahanan,” nagagamit niya ang kaniyang aktibong puwersa upang marating ang lahat ng lugar, ito man ay sa dako ng mga espiritu o sa pisikal na daigdig.—Awit 139:7.
Noong 1879, angkop na inilarawan ng iskolar sa Bibliya na si Charles L. Ives ang kakayahan ng Diyos na gamitin ang kaniyang kapangyarihan mula sa isang partikular na lugar. Sumulat siya: “Halimbawa, sinasabi natin, ‘Buksan mo ang bintana, at hayaang pumasok sa kuwarto ang araw.’ Hindi literal o pisikal na araw ang ibig nating sabihin, kundi ang sinag ng liwanag, na nanggagaling sa araw.” Sa katulad na paraan, hindi na kailangang puntahan ng Diyos ang mga lugar na gusto niyang paggamitan ng kaniyang aktibong puwersa. Basta ginagamit lamang niya ang kaniyang banal na espiritu, na nakararating hanggang sa mga dulong bahagi ng sangnilalang. Ngayong alam mo na kung ano talaga ang banal na espiritu—ang makapangyarihan at aktibong puwersa ng Diyos—makapagtitiwala kang tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
▪ Itinuturo ba ng Bibliya na ang banal na espiritu ay isang persona?—Gawa 10:44, 45.
▪ Ano ang banal na espiritu?—Genesis 1:2.
▪ Hanggang saan nakaaabot ang banal na espiritu ng Diyos?—Awit 139:7.