Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Bangka sa Galilea—Isang Kayamanang Nagmula sa Panahon ng Bibliya

Ang Bangka sa Galilea—Isang Kayamanang Nagmula sa Panahon ng Bibliya

Ang Bangka sa Galilea​—Isang Kayamanang Nagmula sa Panahon ng Bibliya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ISRAEL

NAGANAP sa Dagat ng Galilea * ang ilan sa pinakakapana-panabik na yugto sa ministeryo ni Jesus. Sa mga dalampasigan nito o sa tubig ng lawang ito naglakad ang mismong Anak ng Diyos, nagpakalma ng maunos na mga alon, makahimalang nagpakain ng libu-libo, at nagpagaling ng mga maysakit.

Noong 1986, isang nakagugulat na bagay ang natuklasan sa pinakasahig ng lawa malapit sa sinaunang Capernaum. Isa itong bangka na naglayag sa lawang ito noong panahon ng ministeryo ni Jesus. Paano ito natuklasan? At ano ang matututuhan natin mula rito?

Nakita Dahil sa Tagtuyot

Ang maraming taon ng kaunting ulan na sinundan pa ng mainit na tag-araw noong 1985 ay nagkaroon ng masamang epekto sa Dagat ng Galilea, at ang tubig-tabang na lawang ito ay pinagkukunan din ng patubig para sa mga pananim. Dahil dito, labis na bumaba ang tubig, anupat lumitaw ang malawak na sahig ng lawa. Dalawang magkapatid na lalaki na nakatira sa isang kalapit na pamayanan ang nakaisip na magandang pagkakataon ito para maghanap ng natatagong kayamanan. Habang naglalakad sila sa maputik na lupa, nakakita sila ng ilang bronseng barya at ilang lumang pako. Pagkatapos ay nakita nila ito​—isang biluhabang balangkas sa putik, na nagpapahiwatig na may nakabaon na isang sinaunang bangka sa dakong iyon. Nakahanap nga sila ng kayamanan!

Hindi inaasahan ng mga arkeologo na matutuklasan ang isang 2,000-taóng-gulang na bangka sa Dagat ng Galilea. Ipinapalagay nilang matagal nang sinira ng mga mikroorganismo ang anumang kahoy na ginamit sa bangka. Gayunman, batay sa carbon dating na ginawa sa bangka gayundin ang mga baryang nakuha sa lugar na iyon, nanghinuha ang mga eksperto na ang bangka ay nagmula noong unang siglo B.C.E. o unang siglo C.E. Nakagugulat na ang kasko ay lubhang napreserba. Paano nangyari iyon?

Lumilitaw na ang bangka ay lumubog sa isang hindi nagagalaw na lugar, na naging dahilan upang ang buong ibabang seksiyon ng bangka ay mabalutan ng pinong banlik. Sa kalaunan, tumigas ang banlik. Kaya ang sinaunang bangkang ito ay naingatan sa loob ng mga 20 siglo!

Nang kumalat ang balita hinggil sa natuklasang bangka, binansagan itong Bangka ni Jesus. Sabihin pa, wala naman talagang nag-angkin na ang mismong bangkang ito ay ginamit ni Jesus o ng kaniyang mga alagad. Subalit dahil sa edad nito at pagkakatulad sa mga bangkang inilarawan sa mga ulat ng Ebanghelyo, naging interesado rito hindi lamang ang mga istoryador kundi maging ang mga iskolar ng Bibliya.

Ang bangka ay 8.2 metro ang haba at 2.3 metro ang lapad. Ang gumawa nito ay gumamit ng shell-first na pamamaraan sa konstruksiyon. Ibig sabihin, sa halip na ikabit ang mga tabla sa balangkas, direkta niyang ikinabit ang mga ito sa kilya at binuo ang gilid ng bangka upang maporma ang pinakakasko nito. Ito ang karaniwang pamamaraang ginagamit sa paggawa ng mga bangka na dinisenyong maglayag sa Dagat Mediteraneo. Gayunman, ang bangka sa Galilea ay maaaring dinisenyo para sa paglalayag sa lawa.

Maliwanag, ang bangka ay may isang kuwadradong layag lamang noon. Ang apat na sagwan nito ay nagpapakita na nangangailangan ito ng di-bababa sa limang tripulante​—apat na tagasagwan at isang taga-ugit ng bangka. Gayunman, ang bangkang ito ay kayang maglulan ng walong tao o higit pa. Madaling maguguniguni ang gayundin kaliit na bangka kapag binabasa mo ang tungkol sa pitong alagad na nangingisda nang makita nila si Jesus pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli.​—Juan 21:2-8.

Walang alinlangan na ang bangka sa Galilea ay may kubyerta sa popa na taguan ng malalaking lambat na pangisda. Sa ilalim ng pinakasahig nito, ang gayong kubyerta ay naglalaan ng medyo nakabukod na dakong mapagpapahingahan ng pagod na mga mangingisda. Maaaring ginamit ni Jesus ang gayong bahagi ng bangka noong “siya ay nasa popa, na natutulog sa unan” nang magkaroon ng isang buhawi. (Marcos 4:38) Ipinapalagay na ang “unan” ay maaaring isang sako ng buhangin na nasa bangka na nagsisilbing panimbang (ballast). *

Mga Mangingisda sa Palibot ng Dagat ng Galilea

Gunigunihin na isa kang pasahero sa isang bangkang katulad nito noong unang siglo. Habang naglalayag kayo sa Dagat ng Galilea, ano ang maaari mong makita? May mga mangingisda, ang ilan ay nakasakay sa maliliit na bangka at ang iba naman ay lumulusong sa mababaw na tubig at inihahagis ang kanilang lambat. Palibhasa’y sanay na sanay na, isang kamay lamang ang ginagamit nila sa paghahagis ng pabilog at may-pabigat na mga lambat na ito na 6 hanggang 8 metro ang diyametro. Ang mga lambat ay inihahagis sa ibabaw ng tubig at pagkatapos, sa paglubog nito ay nahuhuli ang mga isda. Nakukuha ng mangingisda ang kaniyang mga huli sa pamamagitan ng paghila sa lambat patungo sa dalampasigan o marahil sa pamamagitan ng paglusong sa tubig para isa-isang kunin ang nahuling mga isda o hilahin ang lambat sa bangka kasama na ang mga laman nito. Sina Simon at Andres ay inilarawan sa Bibliya na “naghahagis” ng kanilang mga lambat, marahil sa gayunding paraan.​—Marcos 1:16.

Maaaring mapansin mo rin ang isang grupo ng mga mangingisda na masiglang nagkukuwentuhan habang inihahanda nila ang isang uri ng lambat na pangubkob. Ang lambat na ito ay maaaring 300 metro ang haba, may lapad na posibleng umabot nang hanggang 8 metro sa bandang gitna, at may taling hilahan sa magkabilang dulo. Pumipili ang mga mangingisda ng lugar, pagkatapos kalahati sa kanila ang aahon patungong pampang hila ang isang dulo ng taling hilahan. Deretsong maglalayag ang bangka palayo sa pampang, anupat hinihila ang lambat hanggang sa kabuuang haba nito; pagkatapos ay liliko ang bangka at unti-unting hihilahin ang lambat, na parang hugis-arko na ngayon, patungo sa pampang. Pagkatapos nito, bababa ang iba pang mangingisda para hilahin ang ikalawang taling hilahan. Habang nagsasalubong ang dalawang grupo ng mga mangingisda, hinahakot nila ang kanilang huli.​—Mateo 13:47, 48.

Sa malayo ay nakita mo ang isang nagsosolong mangingisda na gumagamit ng pamingwit. Sinabi minsan ni Jesus kay Pedro na maghagis ng kawil sa mismong lawang ito. Maguguniguni mo ang pagkamangha ni Pedro nang makahuli siya ng isang isda at matagpuan sa bibig nito ang isang baryang pilak​—ang eksaktong halagang kailangan na pambayad sa buwis sa templo.​—Mateo 17:27.

Pagkagat ng dilim, tahimik na sa lawa. Biglang-bigla, ang katahimikan ay binasag ng mga mangingisda na pumapadyak sa sahig ng bangka at inihahampas ang kanilang sagwan sa tubig upang gumawa ng malaking ingay. Bakit? Nakapaglagay na sila sa tubig ng mga lambat na pangulong upang ang mga isda na natakot sa ingay ay dederetso sa bitag. Ang lambat na ito, na inihuhulog hanggang sa sahig ng dagat at hindi nakikita sa dilim, ay dinisenyo upang madaling masalabid dito ang mga isda. Paulit-ulit na ibinababa sa lawa ang mga lambat na ito sa buong magdamag. Sa umaga, hinuhugasan ang mga ito at isinasampay upang matuyo. Marahil naisip mo, ‘Ang makahimalang huli kaya ng mga isda na inilarawan sa Lucas 5:1-7 ay ginamitan ng lambat na pangulong?’

Pagkukumpuni at Paglilinis

Balikan natin ang kasalukuyan. Ano kaya ang nangyari sa nahukay na bangka? Bagaman buo ito, ang istraktura nito ay kasinrupok ng basang karton. Hindi ito puwedeng basta na lamang hukayin mula sa putik. Nakalulungkot nga kung ang bangka, matapos manatiling buo nang napakatagal na panahon, ay masisira lamang sa panahon ng pagkuha rito! Dahil posibleng tumaas-muli ang tubig sa lawa, ginawan ng dike ang palibot ng lugar na pinaghuhukayan. Gumawa ng mga tunel sa ilalim ng kasko ng bangka upang malagyan ito ng mga suportang gawa sa fiberglass. Pagkatapos, habang maingat na inaalis ang putik, ang istraktura ng bangka ay inispreyan ng polyurethane foam sa loob at labas na siyang nagsilbing parang balot nito.

Ang sumunod na hamon ay kung paano ililipat ang maselang kargadang ito patungo sa isang inihandang lugar na 300 metro ang layo upang mapasimulan ang pagpepreserba rito. Matibay ang polyurethane na naging parang lalagyan nito, pero kung biglang maalog ito, maaaring madurog ang marupok na kahoy na nasa loob nito. Nakaisip ang grupo ng isang malikhaing paraan. Binuksan nila ang dike upang makapasok ang tubig. Sa kauna-unahang pagkakataon makalipas ang maraming siglo, ang bangka, na nakalagay ngayon sa isang makabagong pambalot, ay lumutang sa Dagat ng Galilea.

Isang kongkretong tangke ng tubig ang ginawa upang doon ilagay ang bangka sa panahon ng pagpepreserba rito, na tumagal nang 14 na taon. Nagkaroon ng problema nang pamahayan ng maraming kitikiti ang tangke, anupat naging di-kasiya-siya ang kalagayan ng mga lumulusong sa tubig para magtrabaho sa bangka. Gayunman, ang grupong nagpepreserba sa bangka ay nakasumpong ng isang solusyon na kapuwa orihinal at sinauna. Ginamit nila ang ilang isdang St. Peter, na siyang kumain sa mga kitikiti kung kaya nalinis ang tubig.

Di-nagtagal, panahon na para patuyuin ang bangka. Napakaselan pa rin nito para hayaang matuyo sa natural na paraan. Ang tubig na siyang bumabad sa kahoy ay kailangang palitan ng ibang bagay. Gumamit ang grupo ng isang teknik kung saan pinalitan ang tubig ng sintetikong pagkit na natutunaw sa tubig, na naging dahilan upang matuyo ang kahoy nang hindi nagbabago ang hugis.

Ngayong tapos na ang pagpepreserba, isang simpleng bangka ang makikita. Gawa ito sa 12 iba’t ibang uri ng kahoy. Bakit? Ang isang posibilidad ay maaaring kakaunti ang kahoy nang panahong iyon. Ang isang mas malamang na posibilidad ay hindi mayaman ang may-ari ng bangka. Ilang beses na kinumpuni ang bangka bago ito tuluyang lumubog sa lawa.

Ang bangka sa Galilea ay maaaring walang anumang kaugnayan kay Jesus. Ngunit para sa marami, ito ay isang kayamanan. Nagbibigay ito ng pagkakataon upang magbalik-tanaw sa panahon maraming siglo na ang nakalilipas at gunigunihin kung ano ang uri ng buhay sa Dagat ng Galilea noong napakahalagang mga araw ng ministeryo ni Jesus sa lupa.

[Mga talababa]

^ par. 3 Bagaman tinatawag itong Dagat ng Galilea, isa talaga itong lawa.

^ par. 12 Tingnan ang artikulong “Sa Dagat ng Galilea,” sa isyu ng Ang Bantayan, Agosto 15, 2005, pahina 8, na inilathala rin ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 15]

Buong-ingat na inalis ng mga manggagawa ang putik mula sa loob ng bangka

[Larawan sa pahina 15]

Nakabalot sa “polyurethane foam”

[Larawan sa pahina 15]

Makalipas ang halos 2,000 taon, muling lumutang ang bangka

[Larawan sa pahina 15]

Modelo ng bangka na maaaring hitsura nito noong unang siglo

[Larawan sa pahina 15]

Ang bangka sa Galilea na nakadispley​—tapos na ang pagpepreserba

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Lahat ng larawan maliban sa modelo at dagat: Israel Antiquities Authority-The Yigal Allon Center, Ginosar