Ang Pananampalataya ng Isang Bata
Ang Pananampalataya ng Isang Bata
PAMINSAN-MINSANG sumasama si Dustin sa kaniyang ina kapag nakikipag-aral ito ng Bibliya sa isang Saksi ni Jehova. Kahit na 11 taóng gulang pa lamang siya, malalim na siyang mag-isip at nagbabangon siya ng maraming seryosong mga tanong. Di-nagtagal, sinabi niya sa dating misyonera, na nagdaos ng pag-aaral sa kaniyang ina, na gusto rin niyang mag-aral ng Bibliya. Ibinabahagi na rin niya ang kaniyang natututuhan sa kaniyang mga kaeskuwela.
Nagsimulang dumalo si Dustin sa mga pagpupulong sa Kingdom Hall sa kanilang lugar at nakikibahagi pa nga siya sa pagkokomento kapag hinihiling ito. Nang dalawin niya at ng kaniyang mga kapatid ang kaniyang tunay na ama, sinabi ng ama na silang lahat ay sama-samang magsimba. Ipinaliwanag ni Dustin kung bakit mas gusto niyang pumunta sa Kingdom Hall. Sumang-ayon naman ang kaniyang ama at pinayagan siyang dumalo roon.
Isang gabi pagkatapos dumalo ng pulong sa Kingdom Hall, hindi makita si Dustin ng kaniyang ina. Lingid sa kaalaman ng kaniyang ina, lumapit siya sa tagapangasiwa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at sinabing gusto niyang magpatala sa paaralan. Pumayag naman ang kaniyang ina. May-pananabik niyang hinintay ang kaniyang unang atas na pahayag. Subalit habang hinihintay ang kaniyang atas, nakadama siya ng matinding kirot sa kaniyang balakang, kung kaya’t dinala siya sa iba’t-ibang doktor para sa pagsusuri. Sa wakas, dumating din ang kapana-panabik na gabi ng pahayag ni Dustin sa Kingdom Hall. Nakasaklay na siya nang mga panahong iyon. Bagaman halatang nahihirapan, pumunta siya sa plataporma nang hindi nakasaklay.
Di-nagtagal, natuklasan na si Dustin ay may Ewing’s sarcoma, isang bihirang uri ng kanser sa
buto. Ginugol niya ang kalakhang bahagi ng sumunod na taon sa ospital para sa mga bata sa San Diego, California. Bagaman sumailalim siya sa chemotherapy at radyasyon, at bandang huli ay pinutol ang kaniyang kanang hita at buto sa balakang, hindi kailanman humina ang kaniyang matibay na pananampalataya at hindi lumamig ang kaniyang pag-ibig kay Jehova. Kapag hindi siya makabasa dahil sa sobrang panghihina, binabasahan siya nang malakas ng kaniyang ina, na halos hindi umaalis sa tabi niya.Bagaman lumala ang kalagayan ni Dustin, hindi siya kailanman nagreklamo. Gamit ang kaniyang silyang de-gulong, abala siya sa pagdalaw sa ibang mga pasyente at sa kanilang mga magulang para pasiglahin sila, pati na rin ang isang pasyenteng Saksi. Nakita ng mga tauhan sa ospital na naiiba si Dustin at ang kabataang Saksi na iyon—na ang kanilang pananampalataya ang nagpapalakas sa kanila.
Gustong magpabautismo ni Dustin. Kaya tinalakay sa kaniya ng Kristiyanong matatanda ang mga katanungan para sa mga kandidato sa bautismo ng mga Saksi ni Jehova, habang nakahiga siya sa sopa dahil sa panghihina. Noong Oktubre 16, 2004, nabautismuhan si Dustin sa isang pansirkitong asamblea nang siya’y 12 at kalahating taóng gulang.
Nang magsisimula na ang pahayag sa bautismo, inihatid si Dustin, sakay ng kaniyang silyang de-gulong, sa kaniyang upuan kasama ng iba pang kandidato sa bautismo. Nang hilingang tumayo ang mga kandidato, si Dustin, suot ang kaniyang pinakamagandang amerikana, ay tumayo sa isang paa habang nakahawak sa patungan ng kamay ng upuan. Sinagot niya ang mga katanungan sa bautismo sa malakas at malinaw na tinig. Dumalo ang buong pamilya ni Dustin, pati ang kaniyang tunay na ama at madrasta. Naroroon din ang mga tauhan ng ospital at mga magulang ng iba pang batang pasyenteng may kanser.
Kinabukasan, pagkatapos ng bautismo ni Dustin, ibinalik siya sa ospital. Kumalat na ang kanser sa lahat ng buto niya sa katawan. Habang lalo siyang nanghihina at nadaramang mamamatay na siya, tinanong niya ang kaniyang ina kung talaga nga bang mamamatay na siya. “Bakit mo itinatanong iyan?” ang sagot niya, “natatakot ka bang mamatay?”
“Hindi po,” ang sabi niya. “Ipipikit ko lang po ang mga mata ko at pagmulat ko sa pagkabuhay-muli, parang saglit lamang akong pumikit. Wala na po akong mararamdamang kirot.” Ipinaliwanag niya pagkatapos, “Nag-aalala lang po ako sa pamilya ko.”
Namatay si Dustin nang sumunod na buwan. Ang serbisyo ng kaniyang libing ay dinaluhan ng mga doktor, mga nars, pamilya ng mga empleado ng ospital, mga guro, mga kapitbahay at, siyempre pa, ng pamilya ni Dustin—kapuwa yaong mga Saksi ni Jehova at di-Saksi. Hiniling ni Dustin na mabigyan ng magandang patotoo tungkol sa kaniyang mga paniniwala ang lahat ng dadalo sa serbisyo ng kaniyang libing. Ang tagapangasiwa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na nag-atas sa kaniya ng kaisa-isang pahayag ng estudyante na nagampanan niya, ang nagbigay ng napakaganda at nakapagpapatibay-pananampalatayang pahayag sa napakaraming nagsidalo.
Inimprenta para sa mga naroroon sa kaniyang libing ang dalawa sa mga paboritong teksto ni Dustin—Mateo 24:14 at 2 Timoteo 4:7. Ang kaniyang matibay na pananampalataya at katapatan ay nagpatibay sa lahat ng nakakakilala sa kaniya. Inaasam-asam natin ang pagsalubong sa kaniya sa pagkabuhay-muli.—Ayon sa salaysay ng Saksi na nakipag-aral kay Dustin.
[Blurb sa pahina 27]
“Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.”—2 Timoteo 4:7
[Larawan sa pahina 26]
Itaas: Si Dustin, nang mabuti pa ang kaniyang kalusugan
[Larawan sa pahina 26]
Ibaba: Bautismo ni Dustin nang siya’y 12 1⁄2 taóng gulang