Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tunay na Halaga ng Dugo

Ang Tunay na Halaga ng Dugo

Ang Tunay na Halaga ng Dugo

“Iisa ang pinagmumulan ng buhay ng lahat ng tao sa buong daigdig: ang dugo. Ito ang puwersa ng buhay ng lahat ng tao, anuman ang kanilang kulay, lahi o relihiyon.”​—Presidente ng General Assembly ng United Nations.

WALANG-ALINLANGANG totoo ang mga salitang iyan sa paanuman. Mahalaga ang dugo sa buhay ng lahat ng tao. Mahalagang likido ito. Subalit kumbinsido ka ba na ligtas at isang katalinuhan para sa mga tao na ibahagi ang likidong ito para sa paggagamot?

Gaya ng nalaman na natin, lubhang magkakaiba ang mga pamantayang pangkaligtasan sa buong daigdig, at ang paggagamot nang may pagsasalin ng dugo ay mas mapanganib kaysa sa inaakala ng marami. Karagdagan pa, lubha ring magkakaiba ang mga doktor sa paraan ng paggamit nila ng dugo dahil sa kanilang edukasyon, kakayahan, at pananaw. Gayunman, maraming manggagamot ang lalo pang nagiging maingat sa pagsasalin ng dugo. Dumarami ring doktor ang pumipili ng paggagamot na hindi gumagamit ng dugo.

Kaya isaalang-alang natin ang tanong na ibinangon sa pasimula ng unang artikulo ng seryeng ito. Ano ba talaga ang dahilan kung bakit napakahalaga ng dugo? Kung lalong nagiging kaduda-duda ang paggamit ng dugo sa paggagamot, may iba pa bang gamit ang dugo?

Ang Ating Maylalang at ang Dugo

Noong panahon ni Noe, isang ninuno ng sangkatauhan, nagbigay ang Diyos ng isang kapansin-pansing kautusan. Bagaman pinahintulutan ang mga tao na kainin ang karne ng mga hayop, pinagbawalan niya silang kainin ang dugo. (Genesis 9:4) Ibinigay rin niya ang kaniyang dahilan, sa pagsasabing katumbas ng dugo ang kaluluwa, o buhay, ng nilalang. Sinabi niya nang maglaon: “Ang kaluluwa [o buhay] ay nasa dugo.” Sa paningin ng Maylalang, sagrado ang dugo. Kumakatawan ito sa mahalagang kaloob na buhay na taglay ng bawat buháy na kaluluwa. Paulit-ulit na sinabi ng Diyos ang simulaing ito.​—Levitico 3:17; 17:10, 11, 14; Deuteronomio 12:16, 23.

Di-nagtagal pagkatapos maitatag ang Kristiyanismo mga 2,000 taon na ang nakalilipas, ang mga mananampalataya ay inutusan ng Diyos na “umiwas sa . . . dugo.” Ang pagbabawal na ito ay nakasalig, hindi sa panganib nito sa kalusugan, kundi sa pagiging sagrado ng dugo. (Gawa 15:19, 20, 29) Ikinakatuwiran ng ilan na kapit lamang ang bigay-Diyos na pagbabawal na ito sa pagkain ng dugo, pero napakaliwanag ng kahulugan ng salitang “umiwas.” Kung sasabihan tayo ng doktor na umiwas sa alkohol, tiyak na hindi natin iisipin na puwede itong iturok sa ating mga ugat.

Ipinaliwanag pa ng Bibliya kung bakit napakasagrado ng dugo. Ang itinigis na dugo ni Jesu-Kristo, na kumakatawan sa buhay-tao na ibinigay niya alang-alang sa sangkatauhan, ang saligan ng pag-asa ng mga Kristiyano. Nangangahulugan ito ng kapatawaran ng mga kasalanan at pag-asang buhay na walang hanggan. Kapag umiiwas ang isang Kristiyano sa dugo, sa diwa ay ipinahahayag niya ang kaniyang pananampalataya na ang itinigis na dugo lamang ni Jesu-Kristo ang talagang makatutubos sa kaniya at makapagliligtas ng kaniyang buhay.​—Efeso 1:7.

Kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mahigpit na pagsunod sa mga utos na ito ng Bibliya. Tinatanggihan nila ang lahat ng pagsasalin ng purong dugo o ng apat na pangunahing sangkap ng dugo​—mga pulang selula, plasma, mga puting selula, at mga platelet. Tungkol naman sa iba’t ibang maliliit na bahagi na makukuha mula sa mga pangunahing sangkap na ito​—at sa mga produktong may gayong maliliit na bahagi​—walang sinasabi ang Bibliya hinggil dito. Kaya ang bawat Saksi ang personal na magpapasiya sa gayong mga bagay. Ang paninindigan bang ito na salig sa Bibliya ay nangangahulugang tinatanggihan ng mga Saksi ang paggagamot o hindi mahalaga sa kanila ang kanilang kalusugan at buhay? Hinding-hindi!​—Tingnan ang kahong “Ang mga Saksi ni Jehova at ang Kalusugan.”

Nitong nakalipas na mga taon, kinilala ng maraming doktor na ang pagsunod sa pamantayan ng Bibliya ay nakabuti sa kalusugan ng mga Saksi. Halimbawa, kamakailan isang neurosurgeon ang positibong nagkomento hinggil sa pagpili ng mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo. Sinabi niya: “Talagang ito ang pinakaligtas na paraan ng paggagamot, hindi lamang para sa mga Saksi ni Jehova, kundi para sa lahat.”

Ang mabibigat na pasiya hinggil sa kalusugan ay maaaring magdulot ng matinding kaigtingan at kadalasan nang mahirap gawin. May kinalaman sa nakasanayang pagsasalin ng dugo, pansinin ang sinabi ng isang espesyalista sa baga at medikal na direktor na si Dr. Dave Williams: “Mahalaga na igalang natin ang kagustuhan ng mga tao, . . . at kailangang mag-ingat tayong mabuti sa kung ano ang ipinapasok natin sa ating katawan.” Kapit na kapit ang mga salitang iyan​—at lalung-lalo na ngayon higit kailanman.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 11]

Ano ba ang Hemoglobin-Based Oxygen Carrier?

Sa bawat pulang selula ng dugo, may mga 300 milyong molekula ng hemoglobin. Mga sangkatlo ng isang pulang selula na husto ang laki ay binubuo ng hemoglobin. Ang bawat molekula ay may protinang globin at sangkap na nagbibigay ng kulay na tinatawag na heme​—na may kasamang atomo ng iron. Kapag dumaan ang pulang selula ng dugo sa mga baga, ang mga molekula ng oksiheno ay pumapasok sa selula at kumakapit sa mga molekula ng hemoglobin. Sa loob lamang ng ilang segundo, ang oksiheno ay dinadala sa mga himaymay ng katawan at sa gayo’y tinutustusan ang buhay ng mga selula.

Sa ngayon, pinoproseso na ng ilang kompanya ang hemoglobin. Kinukuha nila ito sa mga pulang selula ng dugo ng tao o baka. Pagkatapos, ang nakuhang hemoglobin ay sinasala upang alisin ang mga dumi, binabago at dinadalisay sa pamamagitan ng mga kemikal, hinahaluan ng iba pang likido, at saka inilalagay sa mga sisidlan. Ang produkto ng prosesong ito​—na hindi pa inaaprubahang gamitin sa maraming lupain​—ay tinatawag na hemoglobin-based oxygen carrier, o HBOC. Yamang heme ang dahilan ng matingkad na pulang kulay ng dugo, ang isang yunit ng HBOC ay kamukhang-kamukha ng isang yunit ng pulang selula ng dugo, ang pangunahing sangkap na pinagkunan ng HBOC.

Di-tulad ng mga pulang selula ng dugo, na kailangang panatilihing malamig at itapon pagkalipas ng ilang linggo, ang HBOC ay maaaring iimbak sa karaniwang temperatura at puwede pa ring gamitin kahit ilang buwan na ang lumipas. At yamang wala itong cell membrane, na naglalaman ng mga antigen, walang panganib na magkaroon ng matitinding reaksiyon sa katawan dahil sa di-magkaparehong type ng dugo. Gayunman, para sa maingat na mga Kristiyanong nagsisikap na sundin ang kautusan ng Diyos tungkol sa dugo, mas maraming bagay ang dapat isaalang-alang hinggil sa HBOC kung ihahambing sa pagtanggap sa ibang maliliit na bahagi ng dugo. Bakit? Yamang galing sa dugo ang HBOC, may dalawang argumento na maaaring ibangon. Una, ang ginagawa ng HBOC ay ang pangunahing gawain ng pangunahing sangkap ng dugo, ang mga pulang selula. Ikalawa, ang hemoglobin, kung saan kinuha ang HBOC, ang bumubuo ng malaking bahagi ng pulang selula. Kaya may kinalaman dito at sa mga produktong tulad nito, ang mga Kristiyano ay napapaharap sa mabigat na pasiya. Dapat na maingat at may-pananalangin nilang bulay-bulayin ang mga simulain ng Bibliya hinggil sa pagiging sagrado ng dugo. Taglay ang masidhing pagnanais na mapanatili ang mabuting kaugnayan kay Jehova, dapat magpaakay ang bawat isa sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya.​—Galacia 6:5.

[Larawan]

MOLEKULA NG HEMOGLOBIN

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Kaakit-akit na Mapagpipilian

“Dumaraming ospital ang nag-aalok ng alternatibo: pag-oopera nang ‘walang dugo,’” ang ulat ng The Wall Street Journal. “Noong una ay ginawa ito upang matugunan ang mga kahilingan ng mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng babasahin, “pero lumaganap ang paggagamot na ito, anupat maraming ospital ang nag-aanunsiyo sa publiko ng kanilang programa ng pag-oopera nang walang dugo.” Natutuklasan ng mga ospital sa buong daigdig ang maraming kapakinabangan, partikular na sa mga pasyente, ng paggamit ng mga pamamaraan na naglilimita sa pagsasalin ng dugo. Sa kasalukuyan, ginagamot ng libu-libong doktor ang kanilang mga pasyente nang hindi nagsasalin ng dugo.

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Ang mga Saksi ni Jehova at ang Kalusugan

Ang mga Saksi ni Jehova, na ang ilan ay mga doktor at mga nars, ay kilala sa buong daigdig sa kanilang pagtangging magpasalin ng purong dugo o ng pangunahing mga sangkap ng dugo. Ang kanila bang nagkakaisang paninindigan laban sa paraan ng paggagamot na ito ay nagmula sa doktrina ng tao o sa paniniwalang makapagpapagaling ang pananampalataya ng isa? Malayung-malayo iyan sa katotohanan.

Palibhasa’y pinahahalagahan nila ang kanilang buhay bilang kaloob mula sa Diyos, nagsisikap nang husto ang mga Saksi na mamuhay alinsunod sa Bibliya, na sa kanilang paniniwala ay “kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16, 17; Apocalipsis 4:11) Pinasisigla ng Bibliya ang mga mananamba ng Diyos na iwasan ang mga gawain at kaugaliang nakapipinsala sa kalusugan o nagsasapanganib ng buhay, gaya ng labis na pagkain, paninigarilyo o pagnguya ng tabako, pag-abuso sa alak, at paggamit ng droga bilang libangan.​—Kawikaan 23:20; 2 Corinto 7:1.

Kapag pinananatili nating malinis ang ating katawan at kapaligiran at nag-eehersisyo tayo para maging malusog, kumikilos tayo kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. (Mateo 7:12; 1 Timoteo 4:8) Kapag nagkakasakit ang mga Saksi ni Jehova, ipinakikita nila ang kanilang pagkamakatuwiran sa pamamagitan ng pagpapagamot at pagtanggap sa napakaraming mapagpipiliang paraan ng paggagamot. (Filipos 4:5) Totoo, sinusunod nila ang utos ng Bibliya na “patuloy na umiwas sa . . . dugo,” anupat iginigiit ang paggagamot nang walang dugo. (Gawa 15:29) At kadalasan, ang resulta nito ay mas mataas na uri ng paggagamot.