Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Medisina ng Pagsasalin ng Dugo—Magtatagal Kaya Ito?

Medisina ng Pagsasalin ng Dugo—Magtatagal Kaya Ito?

Medisina ng Pagsasalin ng Dugo​—Magtatagal Kaya Ito?

“Ang medisina ng pagsasalin ng dugo ay patuloy na magiging gaya ng paglakad sa isang maulang kagubatan sa tropiko, kung saan kitang-kita naman ang mga landas pero kailangan pa ring maging maingat, at maaaring may nakakubli pa ring bago at di-nakikitang mga panganib upang bitagin ang mga di-maingat.”​—Ian M. Franklin, propesor ng medisina ng pagsasalin ng dugo.

PAGKATAPOS pagtuunan ng pansin ng madla ang dugo dahil sa epidemya ng AIDS sa buong daigdig noong dekada ng 1980, lalong sumidhi ang pagsisikap na alisin ang “di-nakikitang mga panganib” ng dugo. Gayunpaman, mayroon pa ring malalaking hadlang. Noong Hunyo 2005, inamin ng World Health Organization: “Ang tsansa na masalinan ng ligtas na dugo . . . ay lubhang nakadepende sa bawat bansa.” Bakit?

Sa maraming lupain, walang isinaayos na pambansang mga programa upang matiyak na natutugunan ang mga pamantayang pangkaligtasan hinggil sa pangongolekta, pagsusuri, at pagdadala ng dugo at mga produkto nito. Kung minsan, mapanganib pa nga ang paraan ng pag-iimbak ng dugo​—sa di-namamantining mga repridyeretor na pambahay at sa mga cooler na pampiknik! Kapag walang naitatag na mga pamantayang pangkaligtasan, posibleng manganib ang buhay ng mga pasyente dahil sa dugong kinuha sa isa na nakatira daan-daan​—kung hindi man libu-libo​—na kilometro ang layo.

Ligtas na Dugo​—Mahirap Makuha

Inaangkin ng ilang bansa na noon pa man ay ligtas na ang kanilang suplay ng dugo. Subalit may mga dahilan pa rin upang mag-ingat. Isang “Sirkular ng Impormasyon” na magkakasamang inihanda ng tatlong ahensiyang nangongolekta ng dugo sa Estados Unidos ang nagsasabi sa unang pahina nito: “BABALA: Dahil ang purong dugo at ang mga sangkap ng dugo ay galing sa dugo ng tao, maaaring may panganib ang mga ito na magpasa ng nakahahawang mga mikroorganismo, halimbawa, mga virus. . . . Ang maingat na pagpili sa mga donor at ang mga paraang ginagamit sa pagsusuri ng dugo sa laboratoryo ay hindi nag-aalis sa panganib na ito.”

May makatuwirang dahilan kung bakit ganito ang sinabi ni Peter Carolan, ang mataas na opisyal ng International Federation of Red Cross at ng Red Crescent Societies: “Hindi kailanman lubusang magagarantiyahan ang pagiging ligtas ng suplay ng dugo.” Idinagdag pa niya: “Palaging magkakaroon ng bagong mga impeksiyon, at wala pang paraan upang masuri ang mga ito.”

Paano kung may lumitaw na bagong sakit na nakahahawa​—gaya ng AIDS na napakatagal bago matuklasan at madaling naipapasa sa pamamagitan ng dugo? Sa isang komperensiya ng mga manggagamot sa Prague, Czech Republic, noong Abril 2005, tinawag ni Dr. Harvey G. Klein ng U.S. National Institutes of Health ang posibilidad na iyon bilang isang seryosong bagay. Sinabi pa niya: “Gaya noong nagsisimula pa lamang ang epidemya ng AIDS, hindi rin mapipigilan ng mga nangongolekta ng sangkap ng dugo ang epidemyang maidudulot ng pagsasalin ng dugo.”

Mga Pagkakamali at Reaksiyon sa Pagsasalin ng Dugo

Ano ang pinakamalalaking panganib ng pagsasalin ng dugo sa mga pasyenteng nasa mauunlad na bansa? Mga pagkakamali sa pagsasalin ng dugo at reaksiyon ng imyunidad. Sa pagtukoy sa isang pag-aaral sa Canada noong 2001, iniulat ng pahayagang Globe and Mail na libu-libong pagsasalin ng dugo ang muntik nang makamatay dahil sa “pagkolekta ng sampol ng dugo sa maling pasyente, paglalagay ng maling etiketa sa dugo at paghiling na salinan ng dugo ang maling pasyente.” Dahil sa mga pagkakamaling ito, aktuwal na ikinamatay ito ng di-kukulangin sa 441 katao sa Estados Unidos mula 1995 hanggang 2001.

Ang mga nasalinan ng dugo na galing sa ibang tao ay napapaharap sa mga panganib na kagaya ng mga sumasailalim sa pagta-transplant ng sangkap ng katawan. May tendensiya ang imyunidad na tanggihan ang himaymay na hindi orihinal na bahagi ng katawan. Sa ilang kaso, maaari pa ngang mapigilan ng pagsasalin ng dugo ang likas na reaksiyon ng imyunidad. Kapag nangyari iyon, madaling tatablan ang pasyente ng mga impeksiyon at virus na dating hindi naman aktibo. Hindi kataka-taka na pinasisigla ni Propesor Ian M. Franklin, na sinipi sa pasimula ng artikulong ito, ang mga manggagamot na “mag-isip nang isa, dalawa, o tatlong beses bago salinan ang mga pasyente.”

Nagsalita ang mga Eksperto

Taglay ang gayong kaalaman, dumaraming tagapangalaga ng kalusugan ang lalo pang nagsusuring mabuti pagdating sa medisina ng pagsasalin ng dugo. Ganito ang ulat ng reperensiyang akda na Dailey’s Notes on Blood: “Naniniwala ang ilang doktor na ang dugong allogeneic [dugo mula sa ibang tao] ay isang mapanganib na gamot at malamang na ipagbawal ang paggamit nito kung ito ay tatayahin batay sa mga pamantayang ginagamit sa ibang mga droga.”

Noong huling bahagi ng 2004, ganito ang sinabi ni Propesor Bruce Spiess hinggil sa pagsasalin ng isang pangunahing sangkap ng dugo sa mga pasyenteng inooperahan sa puso: “Iilang artikulo [tungkol sa medisina], kung mayroon man, ang sumusuporta sa ideya na ang pagsasalin ay aktuwal na nagpapabuti sa kalagayan ng pasyente.” Sa katunayan, isinulat niya na maraming gayong pagsasalin “ang maaaring makasama pa nga sa halip na makabuti sa halos lahat ng kaso maliban sa malubhang pinsala sa katawan” at pinatitindi nito “ang panganib ng pagkakaroon ng pulmonya, impeksiyon, atake sa puso at istrok.”

Nagugulat ang marami kapag nalaman nilang hindi pare-pareho ang mga pamantayan sa pagbibigay ng dugo gaya ng inaasahan. Kamakailan, pinaalalahanan ni Dr. Gabriel Pedraza ang kaniyang mga kasamahan sa Chile na ang “pagsasalin ng dugo ay isang malabong pamamaraan” at ‘mahirap ipatupad dito ang mga panuntunang tinatanggap ng daigdig.’ Hindi kataka-takang hilingin ni Brian McClelland, direktor ng Edinburgh and Scotland Blood Transfusion Service, sa mga doktor na “tandaan na ang pagsasalin ng dugo ay tulad ng pagta-transplant ng sangkap ng katawan kung kaya’t hindi ito isang maliit na bagay lamang.” Iminungkahi niyang bulay-bulayin ng mga doktor ang tanong, “Kung ako o ang anak ko ang pasyenteng ito, papayag ba ako sa pagsasalin ng dugo?”

Ang totoo, maraming tagapangalaga ng kalusugan ang nagpahayag ng gaya ng ipinahayag ng isang espesyalista sa dugo, na nagsabi sa Gumising!: “Kaming mga espesyalista sa medisina ng pagsasalin ng dugo ay hindi pumapayag na masalinan o magsalin ng dugo.” Kung ganito ang nadarama ng ilang indibiduwal na sinanay na mabuti sa larangan ng medisina, ano ang dapat madama ng mga pasyente?

Magbabago Kaya ang Medisina?

‘Kung napakapanganib pala ng paggagamot nang may pagsasalin ng dugo,’ baka itanong mo, ‘bakit laganap pa rin ang paggamit ng dugo, lalo na kung may mga alternatibo naman?’ Ang isang dahilan ay ayaw ng maraming doktor na magbago ng paraan ng paggagamot o kaya’y hindi nila alam ang mga paggagamot na kasalukuyang ginagamit bilang alternatibo sa pagsasalin ng dugo. Ayon sa isang artikulo sa babasahing Transfusion, “nagpapasiya ang mga doktor hinggil sa pagsasalin depende sa kanilang napag-aralan, nakaugalian, at ‘pasiya batay sa ginawang pagsusuri sa pasyente.’”

Malaking bagay rin ang kakayahan ng siruhano. Isinulat ni Dra. Beverley Hunt, ng London, Inglatera, na “ang pagkawala ng dugo ay lubhang nakasalalay sa mga siruhano, at sumisidhi ang interes sa pagsasanay sa mga siruhano na matutuhan ang pagsasagawa ng haemostasis [mga paraan upang pahintuin ang pagdurugo] sa pag-oopera.” Sinasabi naman ng iba na napakamahal ng mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo, bagaman ipinakikita ng bagong mga ulat na kabaligtaran ang nangyayari. Subalit maraming doktor ang sasang-ayon sa sinabi ng medikal na direktor na si Dr. Michael Rose: “Ang sinumang pasyente na tumanggap ng paggagamot nang walang dugo ay, sa diwa, nakatanggap ng pinakamataas na kalidad ng operasyon na maaaring isagawa.” *

Pinakamataas na kalidad ng paggagamot​—hindi ba’t iyan ang gusto mo? Kung gayon, katulad mo ang mga taong nagdala sa iyo ng magasing ito. Pakisuyong ipagpatuloy mo ang pagbasa sa susunod na artikulo upang malaman ang kanilang kapansin-pansing paninindigan hinggil sa pagsasalin ng dugo.

[Talababa]

^ par. 19 Tingnan ang kahong  “Mga Alternatibo sa Pagsasalin ng Dugo,” sa pahina 8.

[Blurb sa pahina 6]

“Mag-isip nang isa, dalawa, o tatlong beses bago salinan ang mga pasyente.”​—Propesor Ian M. Franklin

[Blurb sa pahina 6]

“Kung ako o ang anak ko ang pasyenteng ito, papayag ba ako sa pagsasalin ng dugo?”​—Brian McClelland

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Kamatayan Dulot ng TRALI

Ang transfusion-related acute lung injury (TRALI), na unang iniulat noong unang mga taon ng dekada ng 1990, ay isang nakamamatay na reaksiyon ng sistema ng imyunidad dulot ng pagsasalin ng dugo. Batid na ngayon na taun-taon, daan-daan ang namamatay dahil sa TRALI. Subalit ipinapalagay ng mga eksperto na mas marami pa ang namamatay, yamang maraming tagapangalaga ng kalusugan ang hindi nakaaalam ng sintomas nito. Bagaman hindi maliwanag kung ano ang sanhi ng reaksiyon na ito ng imyunidad, sinabi ng magasing New Scientist na ang dugong sanhi nito ay “lumilitaw na nagmumula pangunahin na sa mga taong nahantad na sa iba’t ibang uri ng dugo, gaya ng . . . mga taong maraming beses nang nagpasalin ng dugo.” Sinasabi ng isang ulat na sa ngayon, ang TRALI ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga taong nagpasalin ng dugo sa Estados Unidos at Britanya, anupat nagiging “mas malaking problema [ito] para sa mga blood bank kaysa sa kilaláng mga sakit gaya ng HIV.”

[Kahon/Dayagram sa pahina 8, 9]

Ang mga Sangkap ng Dugo

Ang mga donor ng dugo ay karaniwan nang nagbibigay ng purong dugo. Subalit kadalasan, nagbibigay sila ng plasma. Bagaman ang ilang bansa ay nagsasalin ng purong dugo, mas karaniwan nang hinahati-hati ang dugo sa pangunahing mga sangkap nito bago ito suriin at gamitin sa paggagamot. Pansinin ang apat na pangunahing sangkap, ang papel na ginagampanan nito, at kung ilang porsiyento ito sa purong dugo.

PLASMA ang bumubuo sa 52 hanggang 62 porsiyento ng purong dugo. Ito ay isang likidong mapusyaw na kulay dilaw at siyang nagdadala ng mga selula ng dugo, protina, at iba pang substansiya.

Ang 91.5 porsiyento ng plasma ay tubig. Ang 7 porsiyento naman ng plasma (kasama na ang mga albumin, na bumubuo sa mga 4 na porsiyento ng plasma; mga globulin, mga 3 porsiyento; at fibrinogen, halos 1 porsiyento) ay binubuo ng mga protina kung saan kinukuha ang maliliit na bahagi ng plasma. Ang natitirang 1.5 porsiyento ng plasma ay binubuo ng iba pang mga substansiya, gaya ng mga nutriyente, hormon, gas sa palahingahan, electrolyte, bitamina, at duming nitroheno.

MGA PUTING SELULA NG DUGO (mga leukocyte) ang bumubuo sa halos 1 porsiyento ng purong dugo. Sinasalakay at nililipol ng mga ito ang anumang bagay na posibleng makapinsala sa katawan.

MGA PLATELET (mga thrombocyte) ang bumubuo sa halos 1 porsiyento ng purong dugo. Ito ang sanhi ng pamumuo ng dugo, anupat pinipigilan ang pagdurugo ng mga sugat.

MGA PULANG SELULA NG DUGO (mga erythrocyte) ang bumubuo sa 38 hanggang 48 porsiyento ng purong dugo. Pinananatili nitong buháy ang mga himaymay ng katawan sa pamamagitan ng pagdadala sa mga ito ng oksiheno at pag-aalis ng carbon dioxide.

Kung paanong ang plasma ng dugo ay maaaring pagmulan ng iba’t iba pang maliliit na bahagi, ang iba pang pangunahing sangkap ay maaaring iproseso upang maibukod ang mas maliliit, o katiting na bahagi ng dugo. Halimbawa, ang hemoglobin ay maliit na bahagi ng pulang selula ng dugo.

[Dayagram]

PLASMA

TUBIG 91.5%

MGA PROTINA 7%

MGA ALBUMIN

MGA GLOBULIN

FIBRINOGEN

IBA PANG MGA SUBSTANSIYA 1.5%

MGA NUTRIYENTE

MGA HORMON

MGA GAS SA PALAHINGAHAN

MGA ELECTROLYTE

MGA BITAMINA

MGA DUMING NITROHENO

[Credit Line]

Pahina 9: Blood components in circles: This project has been funded in whole or in part with federal funds from the National Cancer Institute, National Institutes of Health, under contract N01-CO-12400. The content of this publication does not necessarily reflect the views or policies of the Department of Health and Human Services, nor does mention of trade names, commercial products, or organizations imply endorsement by the U.S. Government

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

 Mga Alternatibo sa Pagsasalin ng Dugo

Sa loob ng nakalipas na anim na taon, ang mga Hospital Liaison Committee ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nakapamahagi na sa mga manggagamot ng libu-libong kopya ng video na Transfusion-Alternative Strategies​—Simple, Safe, Effective, sa mga 25 wika. * Ipinakikita ng video na ito ang pagtalakay ng kilaláng mga doktor sa buong daigdig hinggil sa mabibisang pamamaraan na ginagamit sa kasalukuyan upang gamutin ang mga pasyente nang hindi nagsasalin ng dugo. Nagbibigay-pansin ang mga tao sa mensahe ng video na ito. Halimbawa, pagkatapos panoorin ang programa noong huling bahagi ng 2001, ang National Blood Service (NBS) sa United Kingdom ay nagpadala ng liham kalakip ang isang kopya ng video na ito sa lahat ng manedyer ng mga blood bank at espesyalista sa dugo sa buong bansa. Pinasigla sila na panoorin ang programa dahil sa “unti-unti nang kinikilala na ang isa sa mga tunguhin ng mahusay na paggagamot ay iwasan ang pagsasalin ng dugo hangga’t maaari.” Kinilala ng liham na “ang pangkalahatang mensahe [ng video] ay kapuri-puri at lubos na sinusuportahan ng NBS.”

[Talababa]

^ par. 57 Makipag-ugnayan sa isa sa mga Saksi ni Jehova upang mapanood ang DVD na Transfusion Alternatives​—Documentary Series, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Fractionation​—Ang Paggamit sa Mas Maliliit na Sangkap ng Dugo sa Medisina

Dahil sa siyensiya at teknolohiya, nakilala at nakuha ang mga elemento mula sa dugo sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na fractionation. Upang ilarawan: Ang tubig-dagat, na binubuo ng 96.5 porsiyentong tubig, ay maaaring hati-hatiin sa pamamagitan ng mga proseso ng fractionation upang makuha ang iba pang mga substansiya nito, gaya ng magnesyo, bromine at, siyempre, asin. Sa katulad na paraan, ang plasma ng dugo, na bumubuo sa mahigit na 50 porsiyento ng purong dugo, ay mahigit 90 porsiyentong tubig at maaaring iproseso upang makuha ang maliliit na bahagi pati na ang mga protina, gaya ng albumin, fibrinogen, at iba’t ibang globulin.

Bilang bahagi ng paggagamot, maaaring irekomenda ng doktor ang gamot na pangunahin nang binubuo ng isang maliit na bahagi ng plasma. Ang isang halimbawa nito ay ang sagana-sa-protina na cryoprecipitate, na nakukuha sa pamamagitan ng pagpapalamig na mabuti sa plasma upang maging yelo ito at pagkatapos ay pagtunaw rito. Ang maliit na bahagi na ito ng plasma na hindi humahalo sa iba pang likido ay mayaman sa mga sangkap na nagiging sanhi ng pamumuo ng dugo at karaniwan nang ibinibigay sa mga pasyente upang pahintuin ang pagdurugo. Maaaring kasama sa ibang paggagamot ang produktong may maliit na bahagi ng dugo, pangunahin man ito o pangalawahing sangkap lamang ng gamot. * Ang ilang protina ng plasma ay ginagamit sa karaniwang mga iniksiyon na maaaring magpalakas sa imyunidad matapos mahantad ang isa sa mga mikrobyong nakapagdudulot ng sakit. Halos lahat ng maliliit na bahagi ng dugo na ginagamit sa paggagamot ay binubuo ng mga protinang masusumpungan sa plasma ng dugo.

Ayon sa Science News, “mula sa tinatayang libu-libong protina na karaniwan nang dumaraan sa daluyan ng dugo ng tao, iilang daan pa lamang ang nakikilala ng mga siyentipiko.” Habang sumusulong ang kaunawaan hinggil sa dugo, maaaring magkaroon pa ng bagong mga produkto mula sa mga protinang ito.

[Talababa]

^ par. 63 Ang maliliit na bahagi ng dugo ng hayop ay ginagamit din sa ilang produkto.

[Larawan sa pahina 6, 7]

Ang ilang manggagawa sa medisina ay napakaingat sa paggamit ng dugo