Mga Wader—Ang Pinakadakilang mga Palaboy sa Daigdig
Mga Wader—Ang Pinakadakilang mga Palaboy sa Daigdig
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
GUNIGUNIHIN na dalawang buwan kang nagpalipas ng tag-araw sa hilaga sa tundra sa Artiko, kung saan halos hindi lumulubog ang araw. Ngunit habang papalapit ang taglamig, nagtungo ka sa Timog Amerika, Australia, o Timog Aprika. At sa natitirang bahagi ng taon, nagpalipat-lipat ka ng lugar, anupat nasuyod mo ang mga dalampasigan ng bawat kontinente sa paghahanap ng paborito mong pagkain. Ito ang tipikal na istilo ng pamumuhay ng marami sa mga wader sa daigdig.
Ang mga wader ay mga ibon na gustung-gustong manginain sa mababaw na tubig. * Sa malamig na mga buwan sa Hilagang Hemisperyo, nagtitipon ang mga shorebird na ito sa maputik na mga wawa, dalampasigan, maputik o mabatong baybayin, sa mga lugar na bihirang puntahan ng mga tao. Sa mainit na mga buwan, kapag nagdadagsaan ang mga turista sa mga dalampasigan, nandarayuhan ang karamihan sa mga wader sa mga rehiyon sa Artiko at sa mga rehiyong malapit dito, kung saan ang maikling tag-araw ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon upang mapag-isa at ng saganang pagkain na kailangan nila para sa pag-aalaga sa kanilang mga inakáy.
Walang matitingkad na kulay ang mga wader, pero ang kanilang kahanga-hangang paglipad at kapansin-pansing mga marka sa pakpak ay hinahangaan ng maraming nagmamasid. “[Ang mga shorebird] ay maaaring lumipad habang sumasayad nang bahagya sa tubig ang dulo ng kanilang pakpak o sa altitud na anim na kilometro o higit pa. Talagang mga dalubhasa sa paglipad ang mga ito,” ang sabi ng aklat na Shorebirds—Beautiful Beachcombers.
Ligtas Kapag Marami
Madalas magsasama-sama ang mga shorebird sa malalaking langkay kung saan marami ang pagkain. Waring nagtitipon sila sa malalaking langkay para maging ligtas. Mas gusto ng mga maninilang ibon na gaya ng mga peregrine falcon (isang uri ng halkon) na tugisin ang mga nagsosolong ibon, samantalang maaaring mapigilan silang sumalakay sa isang langkay ng mga ibon. At kung libu-libong ibon ang sama-samang nagmamasid, mas malamang na madali nilang makikita ang isang maninila. Upang makinabang sa karagdagang proteksiyong ito, maraming wader na binubuo ng iba’t ibang uri ang nagsasama-sama.
Kapag lumipad ang langkay ng mga shorebird, napakaganda nitong pagmasdan. Daan-daan o libu-libo pa ngang dikit-dikit na mga ibon ang paikut-ikot at paliku-liko, taas-baba, na para bang may isang di-nakikitang kamay na kumokontrol sa kanilang lahat. “Ang katotohanan na ang libu-libong ibon na lumilipad nang magkakasama at napakabilis, at kayang magmaniobra nang biglaan at may eksaktong koordinasyon ay isa nang himala,” ang sabi ng Handbook of the Birds of the World. Sa pagsusuri sa mga larawang kuha ng high-speed na kamera sa
langkay ng mga dunlin, nahinuha ng mga ornitologo na maaaring pasimulan ng isang ibon ang isang maniobra na mabilis na tinutularan ng iba pang ibon sa langkay.Nakapaglalakbay Sila sa Buong Daigdig
Ang ilang wader ay talagang nakapaglalakbay sa buong daigdig. Halimbawa, nagpaparami ang mga red knot at sanderling sa mas malayong bahagi ng hilaga kaysa sa halos lahat ng iba pang ibon. Maaaring masumpungan ang mga wader sa mga dalampasigan sa halos lahat ng bahagi ng daigdig at maaaring makapaglakbay sila nang mga 32,000 kilometro sa kanilang taunang pandarayuhan.
Bagaman kailangan ng mga wader na tumawid sa mga karagatan sa kanilang pandarayuhan, hindi sila nakalalangoy at hindi kailanman nagpapahinga sa ibabaw ng tubig. Kaya kailangan nilang magdala ng malaking reserba ng enerhiya—na kung ihahambing ay mas marami pa kaysa sa gasolinang dala ng isang malaking eroplano, yamang sa paglipad, 40 porsiyento ng kabuuang timbang nito ay gasolina. Paano naiipon ng mga wader ang kinakailangan nilang enerhiya?
“Naiipon nila [ang enerhiya] sa anyong taba at napakalakas nilang kumain sa mga putikan sa baybayin anupat sa loob ng ilang linggo lamang, halos nadodoble nila ang kanilang timbang kapag tag-araw,” ang paliwanag ni David Attenborough sa aklat na The Life of Birds. “Ang mga reserbang ito [ng taba] ay mas malaki kaysa sa maaaring ipahiwatig ng estadistika, sapagkat marami sa kanilang mga laman-loob, pati na ang kanilang utak at ang kanilang bituka, ay lumiliit upang mabigyan ng lugar ang karagdagang [taba] at mapanatili ang kanilang timbang.”
Ang isang kahanga-hangang manlalakbay ay ang Pacific golden plover, na nandarayuhan mula sa Alaska hanggang sa mga Isla ng Hawaii. Bukod sa katatagan na kailangan para sa 4,500-kilometrong paglalakbay nang walang hinto, ang kakayahan nitong matagpuan ang Hawaii sa gitna ng karagatan ay isang himala sa paglalayag ng mga ibon. Sinubaybayan ang paglipad ng isang golden plover, at natuklasan na natapos nito ang paglalakbay nang wala pang apat na araw. At isang may-edad nang ibon ang mahigit 20 ulit nang nagpabalik-balik doon!
Kapag nagdatingan na sila sa Artiko kung saan sila nagpaparami, nagiging
abalang-abala ang matatag na mga manlalakbay na ito. Sa loob ng dalawang linggo, kailangan silang makahanap ng kapareha at teritoryo, at gumawa ng pugad. Pagkatapos, mayroon silang mga tatlong linggo upang limliman ang mga itlog at ng karagdagang tatlong linggo para alagaan ang kanilang mga inakáy. Sa pagtatapos ng Hulyo, pabalik na muli sila sa timog.Mga Panganib sa Pandarayuhan
Maraming panganib ang napapaharap sa mga shorebird sa kanilang mahahabang paglalakbay. Ang isang malaking banta ay ang mga tao. Noong ika-19 na siglo, iniulat ng naturalistang si John James Audubon na isang grupo ng mga mangangaso ang namaril at nakapatay ng 48,000 American golden plover sa isang araw. Sa ngayon, medyo nakakabawi na ang kabuuang populasyon ng uring ito ng ibon sa buong daigdig, pero malamang na mas kakaunti pa rin ito kaysa sa bilang ng napatay noong araw na iyon.
Ang isa pang mas malaking banta sa mga wader ay ang pagkawala ng mga latian. Nahihirapan ang mga shorebird na makibagay sa pagkawala ng gayong mga latian. “Ang kinagawiang pagpaparami, pandarayuhan at nakagawiang pinagpapalipasan ng taglamig ng mga wader ay nabuo sa paglipas ng libu-libong taon ngunit napakadali lamang para sa tao na baguhin o sirain ang mga ito,” ang paliwanag ng aklat na Shorebirds—An Identification Guide to the Waders of the World. Ang kaligtasan ng milyun-milyong wader ay nakasalalay sa preserbasyon ng ilang mahahalagang lugar na hinihintuan nila sa panahon ng kanilang pandarayuhan.
Ang isang pangunahing halimbawa ay ang Delaware Bay, sa kahabaan ng baybayin ng timog-kanlurang New Jersey, E.U.A. Doon, mga isang daang libong red knot ang nagtitipon tuwing tagsibol para pagpiyestahan ang mga itlog ng mga horseshoe crab. Napakatakaw ng mga ibong ito yamang katatapos lamang nilang gawin ang “isa sa pinakamahaba at walang tigil na paglalakbay sa daigdig ng mga ibon.” Sa loob ng dalawang linggo, nakapaglakbay sila ng 8,000 kilometro patungo sa lugar na ito mula sa timog-silangang Brazil, at sa panahong iyon ay kalahati ng timbang nila ang nababawas.
Maaaring makatulong ang pagsisikap ng mga conservationist upang matiyak na hindi masisira ang paboritong mga hintuang ito ng mga shorebird. Marahil may ganitong lugar malapit sa inyo. Kapag napagmasdan mo ang isang langkay ng mga wader na sumasalimbay sa ibabaw ng mga alon o napakinggan mo ang kanilang napakagandang huni, hindi mo na sila malilimutan.
Gaya ng isinulat ng naturalistang si Arthur Morris, “lahat ng mga nagmamasid sa mga shorebird ay may iisang karaniwang karanasan: ang bawat isa sa amin ay napakaraming ulit nang tumayo sa tiwangwang na mga dalampasigan o maputik na baybayin at pinagmasdan ang isang langkay ng mga sandpiper na may magkahalong madilim at puting kulay, nagpapaikut-ikot at sumasalimbay nang sabay-sabay. At sa bawat pagkakataon na nangyayari ito, natitigilan kami at namamangha.”
[Talababa]
^ par. 4 Kabilang ang mga wader, o shorebird, sa siyentipikong kategoryang Charadrii at mayroong mahigit na 200 uri ang mga ito.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 18]
Ekspertong mga Biyahero sa Daigdig
Ang mga red knot marahil ang pinakamalayo ang nalalakbay. Ang mga nagpaparami sa malayong hilaga ng Canada ay kadalasang nagpapalipas ng taglamig alinman sa Kanlurang Europa o sa dulong bahagi ng Timog Amerika (mahigit na 10,000 kilometro ang layo)
[Credit Line]
KK Hui
Ang mga langkay ng halos isang milyong dunlin ay makikita sa Netherlands at Mauritania
Malayo ang nararating ng mga bar-tailed godwit mula sa mga lugar sa Siberia kung saan sila nagpaparami, at naglalakbay sila patungo sa British Isles, Timog Aprika, Gitnang Silangan, Australia, o New Zealand
Matatagpuan ang nagtatakbuhang mga sanderling sa kahabaan ng mga dalampasigan sa halos lahat ng bahagi ng daigdig. Maaaring magparami ang ilan kahit sa mga lugar na halos 950 kilometro ang layo sa Polong Hilaga
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Upang makatawid sa malawak na mga karagatan, kailangang makaipon ang mga “wader” ng maraming reserba ng taba, yamang hindi sila maaaring magpahinga sa tubig
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ligtas ang mga “sanderling” kapag marami sila
[Larawan sa pahina 17]
“Eurasian oystercatcher”
[Larawan sa pahina 17]
Isang “spotted redshank” na naghahanap ng pagkain sa mga latian
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Top and bottom panoramic photos: © Richard Crossley/VIREO