Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Ang Bitag ng Pag-inom​—Nanganganib Ka Ba? (Oktubre 8, 2005) Marami na akong nabasang mga sulat mula sa mga mambabasa na nagsasabi: “Tamang-tama ang pagdating ng artikulong ito.” Hindi ko akalaing madarama ko iyon, ngunit iyon mismo ang sinabi ko sa aking sarili habang binabasa ko ang seryeng ito na itinampok sa pabalat. Matagal-tagal na kasi akong nababahala sa aking araw-araw na pag-inom, kahit na hindi ito humahantong sa pagkalasing. Saka naman dumating ang seryeng ito. Pagkabasa ko sa mga panganib ng pag-inom, noon ko nadamang panahon na para makawala sa problemang ito.

K. W., Alemanya

Binanggit ng seryeng ito ang karanasan ni Hilario, na naging manginginom sa loob ng 30 taon at ‘maraming beses na bumalik sa pag-inom.’ Sinabi niyang yaong mga kakongregasyon niya ay ‘laging nasa tabi niya para magbigay ng pampatibay-loob.’ Pero hindi ba nararapat siyang sawayin o itiwalag pa nga mula sa kongregasyong Kristiyano?

R. L., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Hindi binabanggit sa maikling paglalarawan sa karanasan ni Hilario kung kailan siya naging bautisadong Kristiyano sa 30-taóng pakikipagpunyagi niya sa alkohol. Hindi rin binanggit kung sinaway siya ng matatanda sa kongregasyon. Pero binanggit sa artikulo na binigyan si Hilario ng “napapanahong payo mula sa Bibliya,” na paminsan-minsan ay isinasagawa ng isang hudisyal na komite. Kung minsan, kasali sa pakikipagpunyagi sa alkoholismo ang pana-panahong pagbalik sa pag-inom, katulad ng nangyari kay Hilario. Pakisuyong tingnan “Ang Bantayan,” Nobyembre 1, 1983, pahina 7-11, kung paano pinangangasiwaan ang bagay na ito kapag isang bautisadong Kristiyano ang nasasangkot.

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kaya Ako Naaakit sa Di-kanais-nais na mga Tao? (Hulyo 22, 2005) Tinulungan ako ng artikulong ito na matantong kailangan kong magkaroon ng tiyak na mga tunguhin. Ito ang nagpatibay sa determinasyon kong iwasan ang masasamang kasama. Ngayon ay marami na akong naging kaibigan sa kongregasyon, bata at matanda, at dahil dito, nadama ko ang pagmamahal ng mga umiibig kay Jehova at ng mga nagpapasigla sa akin na manatili sa landas ng buhay.

M. D., Mexico

Determinadong Maabot ang Aking Tunguhin (Hunyo 22, 2005) Napaluha ako habang binabasa ko ang karanasan ni Martha. May epilepsi rin ako. Sampung taon na akong naglilingkod bilang buong-panahong ebanghelisador, at mahirap ito kung minsan​—lalo na kapag inaatake ako ng sakit ko. Dahil sa kuwento ni Martha, lalong tumibay ang determinasyon kong huwag sumuko. Nagbigay ito ng malaking kaaliwan sa akin.

J. S., Poland

Nakikipagpunyagi rin ako sa problemang katulad ng kay Martha. Pagkabasa ko ng kuwento niya, naging maingat na rin ako sa pagkain. Sa mahigit na sampung taon, hinayaan kong malimitahan ng epilepsi ang paglilingkod ko kay Jehova. Ngunit halos tatlong taon na ang nakalilipas, nagpasiya akong maging isang buong-panahong ebanghelisador, at hindi ako nagsisisi. Pagpalain nawa kayo ni Jehova dahil sa inyong paglalathala ng gayong nakapagpapatibay na mga karanasan!

B.C.C., Brazil

Ang talagang nakapagpatibay sa akin tungkol sa artikulong ito ay ang bagay na hindi kailanman sumuko si Martha. Naaliw ako sa punto na kahit na may mga panahong kailangan niyang huminto sa kaniyang paglilingkod, taglay pa rin niya ang timbang na pangmalas at pagtitiwala na si Jehova ay nalulugod sa buong-kaluluwa nating paglilingkod.

S. H., Hapon

Katulad ng kay Martha ang situwasyong kinakaharap ko, at kinailangan kong tanggapin ang mga limitasyon ko. Tulad ni Martha, nagawa kong maglingkod bilang buong-panahong ebanghelisador. Kaya talagang nakapagpapatibay sa akin ang kaniyang kuwento.

F. G., Switzerland