Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Nagiging Anghel ba ang mga Tao Pagkamatay Nila?

Nagiging Anghel ba ang mga Tao Pagkamatay Nila?

ISANG batang babae na nagngangalang Argyro ang namatay nang siya’y pitong taóng gulang pa lamang. Lungkot na lungkot ang kaniyang mga magulang habang tinitingnan nila siyang nakahiga sa kabaong sa kaniyang puting damit. Sa pagnanais na magbigay ng kaaliwan, sinabi sa kanila ng ministro: “Gusto ng Diyos ng isa pang anghel, kaya kinuha Niya si Argyro para makasama niya. Lumilipad-lipad na ngayon ang kaniyang kaluluwa sa palibot ng trono ng Makapangyarihan-sa-lahat.”

Maraming tao ang taimtim na naniniwala na ang mga anghel ay kaluluwa ng mga taong namatay, bagaman iilang relihiyon lamang ang opisyal na nagtataguyod sa paniniwalang iyon. Pinalaganap ng media ang ideyang ito sa mga pelikula at mga serye sa telebisyon tungkol sa mga namatay na ‘pinagkalooban ng mga pakpak’ at naging mga anghel dahil sa pagtulong at pagsasanggalang sa mga buháy.

Talaga bang inaasahan mong magiging anghel ang iyong mga mahal sa buhay pagkamatay nila? Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol dito? Upang masagot ito, suriin muna natin kung ano talaga ang sinasabi ng Banal na Kasulatan tungkol sa kayarian ng mga anghel at kung ano ba talaga ang kalagayan ng mga patay.

Mga Anghel​—Mga Natatanging Nilalang

Ang mga anghel ay di-nakikita at makapangyarihang mga lingkod ng Diyos na nakatira sa dako ng mga espiritu. Ang kanilang pag-iral ay hindi nakasalalay sa mga tao. Ang mga anghel ay mga espiritung nilalang ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Purihin [ng mga anghel] ang pangalan ni Jehova; sapagkat siya ang nag-utos, at sila ay nalalang.”​Awit 148:2, 5.

Isinisiwalat ng Bibliya na may milyun-milyong tapat na espiritung nilalang, kasama na ang mga serapin at kerubin, na masunuring tumutupad sa kani-kanilang itinakdang atas depende sa kanilang ranggo at tungkulin. (Awit 103:20, 21; Isaias 6:1-7; Daniel 7:9, 10) Kailangan bang mamatay ang mga tao para mapairal ng Diyos ang lahat ng mga anghel na iyon? Sa totoo lamang, talagang imposible iyan. Bakit?

Ipinakikita ng Bibliya na matagal nang nilalang ang mga anghel bago pa lalangin ang tao. Nang lalangin ni Jehova ang planeta na sa kalaunan ay paninirahan ng mga tao, ang mga anghel​—na matulaing inilarawan bilang mga bituing pang-umaga​—ay ‘magkakasamang humiyaw nang may kagalakan at sumigaw sa pagpuri.’ (Job 38:4-7) Kaya napakatagal na panahon na silang umiiral bago pa magkaroon ng tao sa lupa.

Bukod diyan, malaki ang pagkakaiba ng mga anghel at ng mga tao kung tungkol sa kayarian at sa papel na ginagampanan nila sa layunin ni Jehova. * Nilalang ng Diyos ang tao na “mas mababa nang kaunti kaysa sa mga anghel,” kaya tama lamang isipin na ang mga espiritung nilalang na iyon ay nakahihigit sa mga tao, na may higit na talino at kapangyarihan. (Hebreo 2:7) Ang “wastong tahanang dako” ng mga anghel ay ang langit. (Judas 6) Kung tungkol sa mga tao, orihinal na layunin ng Diyos na mabuhay sila nang walang-hanggan sa lupa. (Genesis 1:28; 2:17; Awit 37:29) Kung naging masunurin lamang sa Diyos ang unang mag-asawa, hindi sana sila namatay. Kaya buhat pa sa pasimula, magkaibang-magkaiba na ang papel na ginagampanan ng mga tao at ng mga anghel sa layunin ng Diyos.

Ano ang Nangyayari Pagkamatay ng Isang Tao?

Ang iba pang mahahalagang katanungan na kailangan nating suriin ay: Ano ang nangyayari sa mga taong namatay? Patuloy ba silang umiiral ngunit sa ibang anyo, marahil bilang mga anghel sa mga dako ng espiritu? Simple at maliwanag ang sagot ng Bibliya: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Kaya ang mga tao ay hindi na umiiral pagkamatay nila. Ang mga patay ay walang anumang nalalaman, nararamdaman, at nararanasan.

May pag-asa ba ang mga namatay? Oo! Ipinakikita ng Bibliya na ang pag-asa para sa karamihan ng mga namatay ay ang pagkabuhay-muli. Ang karamihan sa mga namatay ay bubuhaying muli bilang mga tao sa paraisong lupa.​—Lucas 23:43; Juan 5:28.

Iilang tao lamang ang may pag-asang buhaying muli sa langit. Maliit lamang ang bilang nila​—144,000 lahat-lahat. Gayunman, ibang-iba ang 144,000 ito sa mga nilalang na tinatawag na mga anghel. Halimbawa, ang 144,000 ay mamamahalang kasama ni Kristo bilang imortal na mga hari at saserdote. Mayroon silang awtoridad bilang mga hukom. (1 Corinto 6:3; Apocalipsis 20:6) Sila ba ang mga sanggol na namatay? Hindi. Sila ay mga tagasunod ni Kristo na nasubok na nang lubusan!​—Lucas 22:28, 29.

Isaalang-alang din ang pagkakaiba ng mga patay na tao at ng mga buháy na anghel. Samantalang ang mga patay na tao ay “walang anumang kabatiran,” ang mga anghel ay may sariling pag-iisip, may damdamin, at may kakayahang pumili. May kalayaan silang magpasiya. (Genesis 6:2, 4; Awit 146:4; 2 Pedro 2:4) Inilalarawan ang mga patay bilang “inutil,” o walang kapangyarihan, samantalang ang mga anghel ay “makapangyarihan sa kalakasan.” (Isaias 26:14; Awit 103:20) At samantalang ang mga inapo ni Adan ay namamatay dahil sa kasalanan at di-kasakdalan, ang mga anghel na may takot sa Diyos ay sakdal at may sinang-ayunang kalagayan sa harap ni Jehova.​—Mateo 18:10.

Maaaring ipinakikita ng kathang-isip na mga programa sa TV o mga pelikula ang ideya na ang mga anghel ay kaluluwa ng mga taong namatay, ngunit ang paniniwalang iyan ay hindi sinusuportahan ng Kasulatan. Ang mga katotohanan mula sa Bibliya na binanggit sa artikulong ito ay makatutulong sa atin upang hindi tayo magkaroon ng maling unawa sa kung ano ang mangyayari sa mga namatay nating mahal sa buhay. At tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mga tapat na anghel​—bukod na nilalang at makapangyarihang mga lingkod ng Diyos​—ay nakahihigit sa mga tao at laging handang gawin ang kalooban ni Jehova. Nakalulugod malaman na bahagi ng kalooban ng Diyos ang paggamit sa mga anghel na ito upang bantayan at tulungan ang mga taong taimtim na gumagalang kay Jehova at naghahangad na paglingkuran siya.​—Awit 34:7.

[Talababa]

^ par. 10 Kung minsan, ang terminong “anghel,” na literal na nangangahulugang “mensahero” ay may malawak na kahulugan, anupat maaaring tumukoy sa iba’t ibang espiritung nilalang at maging sa mga taong lingkod ng Diyos. Gayunman, sa artikulong ito, tinutukoy namin ang mga espiritung nilalang na karaniwang tinatawag sa Bibliya na mga anghel.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

▪ Ang mga namatay mo bang mahal sa buhay ay mga anghel na sa langit na naglilingkod sa Diyos?​—Eclesiastes 9:5, 10.

▪ Ang mga bata ba ay namamatay dahil gusto ng Diyos na mas marami pa siyang makasamang anghel?​—Job 34:10.

▪ Posible bang bumalik ang mga patay upang ipagsanggalang ang mga buháy?​—Isaias 26:14.

[Blurb sa pahina 29]

“Purihin [ng mga anghel] ang pangalan ni Jehova; sapagkat siya ang nag-utos, at sila ay nalalang.”​—Awit 148:2, 5