Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kanino Ka Dapat Maniwala?

Kanino Ka Dapat Maniwala?

Kanino Ka Dapat Maniwala?

“Sabihin pa, bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”​—HEBREO 3:4.

SANG-AYON ka ba sa lohika ng manunulat na ito ng Bibliya? Mula nang isulat ang talatang ito, 2,000 taon nang nasasaksihan ng sangkatauhan ang pagsulong ng siyensiya. Mayroon pa kayang nag-iisip na ang disenyong nakikita sa kalikasan ay katibayan na may Disenyador, isang Maylalang​—ang Diyos?

Marami ang magsasabing oo, kahit sa industriyalisadong mga bansa. Halimbawa, sa Estados Unidos, nakita sa isang surbey na ginawa ng magasing Newsweek noong 2005 na 80 porsiyento ng mga tao ang “naniniwalang nilalang ng Diyos ang uniberso.” Hindi ba nakapag-aral ang mga taong ito kung kaya ganito ang kanilang paniniwala? Buweno, mayroon bang siyentipiko na naniniwala sa Diyos? Noong 1997, iniulat ng Nature, isang babasahin sa siyensiya, na halos 40 porsiyento ng sinurbey na mga biyologo, pisiko, at matematiko ang naniniwalang may Diyos na hindi lamang umiiral kundi nakikinig at sumasagot din sa mga panalangin.

Gayunman, tutol na tutol dito ang ibang mga siyentipiko. Kamakailan, sinabi ni Dr. Herbert A. Hauptman, nagwagi ng Nobel Prize, sa isang komperensiya sa siyensiya na ang paniniwala sa mga himala, lalo na ang paniniwala sa Diyos, ay hindi kaayon ng tunay na siyensiya. “Ang ganitong paniniwala,” sabi niya, “ay nakapipinsala sa lahi ng tao.” Maging ang mga siyentipikong naniniwala sa Diyos ay atubili ring magturo na ang disenyo ng mga halaman at hayop ay katibayan na may isang Disenyador. Bakit kaya? Ang isang dahilan ay ang sinabi ni Douglas H. Erwin, isang paleobiologist sa Smithsonian Institute: “Ang isa sa mga tuntunin ng siyensiya ay, walang himala.”

Puwede mong hayaang diktahan ka ng iba kung ano ang dapat mong isipin at paniwalaan. O baka gusto mo namang ikaw mismo ang tumuklas sa ilang ebidensiya at bumuo ng sarili mong konklusyon. Habang binabasa mo ang kamakailang mga tuklas ng siyensiya na tatalakayin sa susunod na mga pahina, tanungin ang iyong sarili, ‘Makatuwiran kayang sabihing may isang Maylalang?’

[Blurb sa pahina 3]

Ikaw mismo ang tumuklas sa mga ebidensiya

[Kahon sa pahina 3]

MGA CREATIONIST BA ANG MGA SAKSI NI JEHOVA?

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa ulat ng paglalang na nasa aklat ng Bibliya na Genesis. Gayunman, hindi masasabing creationist ang mga Saksi ni Jehova. Bakit hindi? Una, maraming creationist ang naniniwala na ang uniberso at ang lupa at ang lahat ng nabubuhay roon ay nilalang sa loob ng anim na araw na may tig-24 na oras mga 10,000 taon na ang nakalilipas. Subalit hindi ito ang itinuturo ng Bibliya. * Gayundin, naniniwala ang mga creationist sa maraming doktrinang wala naman sa Bibliya. Ibinabatay ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang relihiyosong mga turo tangi lamang sa Salita ng Diyos.

Bukod diyan, ang terminong “creationist” sa ilang lupain ay singkahulugan ng mga grupong Pundamentalista na aktibo sa pulitika. Hinihikayat ng mga grupong ito ang mga pulitiko, hukom, at mga edukador na ipatupad ang mga batas at mga turo na kaayon ng relihiyosong paniniwala ng mga creationist.

Ang mga Saksi ni Jehova ay neutral pagdating sa pulitika. Iginagalang nila ang karapatan ng mga gobyerno na gumawa at magpatupad ng mga batas. (Roma 13:1-7) Gayunman, dinidibdib nila ang sinabi ni Jesus na “hindi sila bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14-16) Sa kanilang pangmadlang ministeryo, binibigyan nila ng pagkakataon ang mga tao na matutuhan ang kabutihan ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Subalit hindi nila nilalabag ang kanilang Kristiyanong neutralidad sa pamamagitan ng pagsuporta sa hangarin ng mga grupong Pundamentalista na magtatag ng mga kautusang sibil na pipilit sa iba upang sundin ang mga pamantayan ng Bibliya.​—Juan 18:36.

[Talababa]

^ par. 11 Pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Salungat ba sa Siyensiya ang Ulat ng Genesis?” sa pahina 18 ng isyung ito.