Kung Bakit Tayo Naniniwala sa Maylalang
Kung Bakit Tayo Naniniwala sa Maylalang
Nakikita ng maraming eksperto sa iba’t ibang larangan ng siyensiya ang matalinong disenyo sa kalikasan. Para sa kanila, hindi makatuwirang maniwalang basta na lamang umiral ang pagkasali-salimuot na buhay sa lupa. Kaya marami-rami ring siyentipiko at mananaliksik ang naniniwala sa Maylalang.
Ang ilan sa kanila ay naging mga Saksi ni Jehova. Kumbinsido sila na ang Diyos ng Bibliya ang Disenyador at Tagapagtatag ng pisikal na uniberso. Bakit ganito ang naging konklusyon nila? Tinanong ng Gumising! ang ilan sa kanila. Mag-iisip-isip ka sa mga komento nila. *
“Di-malirip na Kasalimuutan ng Buhay”
▪ WOLF-EKKEHARD LÖNNIG
IMPORMASYON: Sa nakalipas na 28 taon, ang trabaho ko ay may kinalaman sa henetikong mutasyon ng mga halaman. Dalawampu’t isa sa mga taóng iyon ang ginugol ko sa Max Planck Institute for Plant Breeding Research, sa Cologne, Alemanya. Halos tatlong dekada na rin akong naglilingkod bilang elder sa kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova.
Dahil sa aking obserbasyon at eksperimento sa henetika at pag-aaral sa biyolohikal na mga asignaturang tulad ng pisyolohiya at morpolohiya, nakita ko ang di-mabilang at malimit na di-malirip na kasalimuutan ng buhay. Sa aking pag-aaral sa mga paksang ito, napatibay ang aking pananalig na ang buhay, maging ang pinakasaligang mga anyo nito, ay may isang matalinong pinagmulan.
Alam na alam ng mga nasa larangan ng siyensiya kung gaano kasalimuot ang buhay. Pero karaniwan nang inihaharap ang kamangha-manghang katotohanang ito sa konteksto ng ebolusyon. Gayunman, para sa akin, mabubuwag ang mga argumento laban sa ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang kapag sinuri na itong mabuti ayon sa siyensiya. Ilang dekada ko nang napag-aralan ang mga argumentong ito. Pagkatapos kong maingat na pag-aralan ang mga bagay na may buhay at pag-isipan kung gaano kahusay gumana ang mga batas ng uniberso para umiral ang buhay sa lupa, naudyukan akong maniwala sa Maylalang.
“Lahat ng Inoobserbahan Ko ay May Sanhi”
▪ BYRON LEON MEADOWS
IMPORMASYON: Nakatira ako sa Estados Unidos at nagtatrabaho sa National Aeronautics and Space Administration sa larangan ng laser physics. Kasama ako ngayon sa mga nagpapasulong ng teknolohiya upang mapaunlad ang pagsubaybay sa klima ng buong globo, lagay ng panahon, at iba pang pangyayari sa mga planeta. Isa akong elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa bandang Kilmarnock, Virginia.
Sa aking pananaliksik, lagi kong nagagamit ang mga simulain sa pisika. Sinisikap kong alamin kung paano at bakit nangyayari ang ilang bagay. Sa aking pinag-aaralan, kitang-kita ko ang ebidensiya na ang lahat ng inoobserbahan ko ay may sanhi. Naniniwala akong makatuwirang tanggapin ayon sa siyensiya na ang Diyos ang orihinal na sanhi ng lahat ng bagay sa kalikasan. Talagang di-nagbabago ang mga batas ng kalikasan anupat naniniwala ako na inilagay ang mga ito ng isang Organisador, isang Maylalang.
Kung napakaliwanag na ng konklusyong ito, bakit marami pa ring siyentipiko ang naniniwala sa ebolusyon? Hindi kaya mayroon nang konklusyon ang mga ebolusyonista bago pa man nila siyasatin ang kanilang ebidensiya? Hindi na ito bago sa mga siyentipiko. Pero gaano man kapani-paniwala ang isang obserbasyon, hindi pa rin ito garantiya na magiging tama ang konklusyon. Halimbawa, baka igiit ng isang taong nagsasaliksik sa laser physics na ang liwanag ay isang alon, na gaya ng alon ng tunog, sapagkat madalas na parang alon kung gumalaw ang liwanag. Pero hindi pa kumpleto ang kaniyang konklusyon sapagkat ipinahihiwatig din ng ebidensiya na ang liwanag ay gumagalaw bilang isang grupo ng partikula, na kilala bilang mga photon. Sa katulad na paraan, isang bahagi lamang ng ebidensiya ang pinagbabatayan ng konklusyon ng mga taong naggigiit na totoo ang ebolusyon, at hinahayaan nilang maimpluwensiyahan ng kanilang patiunang mga konklusyon ang pagtingin nila sa ebidensiya.
Nagugulat ako kapag may tumatanggap sa teoriya ng ebolusyon bilang katotohanan gayong ang ebolusyonistang “mga eksperto” mismo ay nagtatalu-talo kung paano ito diumano nangyari. Halimbawa, iisipin mo bang totoo ang aritmetika kung may mga ekspertong nagsasabi na ang kabuuan ng pinagsamang 2 at 2 ay 4, samantalang sinasabi naman ng ibang eksperto na ang kabuuan nito ay 3 o marahil ay 6? Kung ang papel ng siyensiya ay tumanggap lamang ng mga bagay na mapatutunayan, masusubukan, at magagawang muli, ang teoriya na iisa lamang ang ninuno ng lahat ng buhay ay hindi totoo ayon sa siyensiya.
“Hindi Maaaring Umiral ang Isang Bagay Mula sa Wala”
▪ KENNETH LLOYD TANAKA
IMPORMASYON: Ako ay isang heologo at nagtatrabaho ngayon sa U.S. Geological Survey sa Flagstaff, Arizona. Halos tatlong dekada na akong kasama sa pananaliksik sa iba’t ibang larangan ng heolohiya, lakip na ang heolohiya ng mga planeta. Marami sa aking sinaliksik na mga artikulo at mapa ng heolohiya ng Mars ang nailathala sa mga kinikilalang babasahin sa siyensiya. Bilang Saksi ni Jehova, gumugugol ako ng mga 70 oras buwan-buwan sa pagpapalaganap ng pagbabasa ng Bibliya.
Tinuruan akong maniwala sa ebolusyon, pero hindi ako makapaniwala na ang pagkalakas-lakas na enerhiya na kinailangan para magawa ang uniberso ay nabuo nang walang tulong ng makapangyarihang Maylalang. Hindi maaaring umiral ang isang bagay mula sa wala. Nakita ko ang isa pang matibay na argumento mula mismo sa Bibliya na nagpapatunay na mayroon ngang Maylalang. Ang aklat na ito ay naglalaman ng maraming halimbawa ng mga katotohanan sa siyensiya kung saan doon ako eksperto, tulad ng ang lupa ay pabilog at nakabitin “sa wala.” (Job 26:7; Isaias 40:22) Matagal nang naisulat ang mga katotohanang ito sa Bibliya bago pa ito mapatunayan ng pagsisiyasat ng tao.
Isip-isipin na lamang ang paraan ng pagkakagawa sa atin. Mayroon tayong mga pandamdam, kabatiran sa sarili, matalinong pag-iisip, kakayahang makipag-usap, at damdamin. Sa partikular, nadarama, napahahalagahan, at naipahahayag natin ang pag-ibig. Hindi maipaliwanag ng ebolusyon kung paano umiral ang kamangha-manghang mga katangiang ito ng tao.
Itanong mo sa iyong sarili, ‘Matibay at maaasahan ba ang pinagmumulan ng impormasyong ginagamit upang sumuporta sa ebolusyon?’ Ang rekord ng heolohiya ay kulang, komplikado, at nakalilito. Hindi maipakita ng mga ebolusyonista gamit ang siyentipikong mga pamamaraan sa laboratoryo ang diumanong mga proseso ng ebolusyon. At bagaman ang mga siyentipiko sa pangkalahatan ay gumagamit ng maaasahang mga teknik sa pananaliksik para makakuha ng datos, kadalasang naiimpluwensiyahan sila ng makasariling mga motibo sa pagbibigay ng kahulugan sa kanilang mga tuklas. Kilala ang mga siyentipiko sa paggigiit ng kanilang sariling kaisipan kapag ang datos ay hindi malinaw o nagkakasalungatan. May mahalagang papel din dito ang kanilang karera at ang tingin nila sa kanilang sarili.
Bilang siyentipiko at estudyante ng Bibliya, hinahanap ko ang buong katotohanan, na kaayon ng mga obserbasyon at ng lahat ng katotohanang nalalaman na upang makuha ang pinakatumpak na pagkaunawa. Para sa akin, ang paniniwala sa Maylalang ang pinakamakatuwiran sa lahat.
“Ang Kitang-kitang Disenyo sa Selula”
▪ PAULA KINCHELOE
IMPORMASYON: Maraming taon na akong mananaliksik sa larangan ng biyolohiya ng selula at molekula at ng mikrobiyolohiya. Nagtatrabaho ako ngayon sa Emory University, sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Nagboboluntaryo rin ako bilang guro ng Bibliya sa komunidad na nagsasalita ng wikang Ruso.
Bilang bahagi ng edukasyon ko sa biyolohiya, apat na taon akong nagbuhos ng pansin sa selula lamang at sa mga sangkap nito. Habang dumarami ang aking natututuhan tungkol sa DNA, RNA, protina, at mga metabolic pathway, lalo akong namamangha sa pagiging masalimuot, organisado, at tumpak ng mga ito. At bagaman napahanga ako sa dami ng natututuhan ng tao tungkol sa selula, mas napahahanga ako sa dami ng maaari pang matutuhan. Ang kitang-kitang disenyo sa selula ang isang dahilan kung bakit naniniwala ako sa Diyos.
Natuklasan ko sa aking pag-aaral ng Bibliya kung sino ang Maylalang—ang Diyos na Jehova. Kumbinsido ako na hindi lamang siya matalinong Disenyador, kundi isang mabait at maibiging Ama rin naman na nagmamalasakit sa akin. Ipinaliliwanag ng Bibliya ang layunin ng buhay at nagbibigay ito ng pag-asang magkaroon ng maligayang kinabukasan.
Baka hindi makapagpasiya ang mga kabataang tinuturuan ng ebolusyon sa paaralan kung ano ang kanilang paniniwalaan. Maaaring nalilito na sila. Kung naniniwala sila sa Diyos, isa itong pagsubok sa kanilang pananampalataya. Pero mahaharap nila ang pagsubok na ito kung susuriin nila ang napakaraming kamangha-manghang bagay sa kalikasan na nakapalibot sa atin at kung patuloy silang lalago sa kaalaman tungkol sa Maylalang at sa kaniyang mga katangian. Nagawa ko ito mismo at ang naging konklusyon ko ay na tumpak ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang at hindi ito salungat sa tunay na siyensiya.
“Ang Pagiging Elegante ng Simpleng mga Batas”
▪ ENRIQUE HERNÁNDEZ-LEMUS
IMPORMASYON: Ako ay isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Isa rin akong theoretical physicist na nagtatrabaho sa National University of Mexico. Ang trabaho ko ngayon ay hanapin ang posibleng paliwanag mula sa thermodynamics kung bakit nagaganap ang mga penomenong tinatawag na gravothermal catastrophe, mekanismo sa paglaki ng bituin. Nagtrabaho rin ako may kinalaman sa kasalimuutan ng mga DNA sequence.
Napakasalimuot ng buhay para sabihing nagkataon lamang ang pag-iral nito. Halimbawa, pansinin kung gaano karami ang impormasyong nasa molekula ng DNA. Ang matematikal na probabilidad na makagawa ng isang kromosom nang di-sinasadya ay wala pang 1 sa 9 na trilyon, napakaliit nga anupat imposible nang mangyari. Para sa akin, isang kahangalan na maniwalang makabubuo ang mga puwersang walang talino hindi lamang ng isang kromosom kundi ng lahat ng kasalimuutang nasa mga nilalang na may buhay.
Bukod dito, kapag pinag-aaralan ko ang napakasalimuot na paggalaw ng materya, mula sa pagkaliit-liit na anyo hanggang sa paggalaw ng gahiganteng mga ulap sa kalawakan, hangang-hanga ako sa pagiging elegante ng simpleng mga batas na gumagabay sa kanilang paggalaw. Para sa akin, ang mga batas na ito ay hindi basta akda lamang ng Dalubhasang Matematiko—parang lagda ito ng isang Napakagaling na Dalubsining.
Kadalasang nagugulat ang mga tao kapag sinasabi ko sa kanila na isa akong Saksi ni Jehova. Kung minsan, tinatanong nila ako kung paano ko nagawang maniwala sa Diyos. Mauunawaan naman ang kanilang reaksiyon, yamang ang karamihan sa mga relihiyon ay hindi humihikayat sa kanilang miyembro na humiling ng katibayan para sa itinuturo sa kanila ni hinihimok man silang magsaliksik tungkol sa kanilang paniniwala. Gayunman, pinasisigla tayo ng Bibliya na gamitin ang ating “kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 3:21) Dahil sa lahat ng ebidensiya sa kalikasan na nagpapakitang may matalino itong disenyo, pati na ang ebidensiya mula sa Bibliya, kumbinsido ako na hindi lamang umiiral ang Diyos kundi interesado rin siya sa ating mga panalangin.
[Talababa]
^ par. 3 Ang pananaw ng mga eksperto sa artikulong ito ay hindi nangangahulugang pananaw rin ng pinagtatrabahuhan nila.
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Mars in background: Courtesy USGS Astrogeology Research Program, http://astrogeology.usgs.gov