Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?

Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?

Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?

SA PALAGAY mo, may layunin kaya ang buhay? Kung totoo ang ebolusyon, magiging makatuwiran ang siniping pangungusap sa babasahing Scientific American: “Ipinahihiwatig ng ating makabagong-panahong pagkaunawa sa ebolusyon . . . na walang layunin ang buhay.”

Pag-isipan ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Kung walang layunin ang buhay, wala kang magiging tunguhin sa buhay kundi gumawa ng kaunting kabutihan at, marahil, magpamana ng iyong henetikong mga katangian sa susunod na henerasyon. Kapag namatay ka, hindi ka na iiral kailanman. Resulta lamang ng aksidente sa kalikasan ang iyong utak, na may kakayahang mag-isip, mangatuwiran, at magbulay-bulay sa layunin ng buhay.

Hindi lamang iyan. Iginigiit ng maraming naniniwala sa ebolusyon na hindi raw umiiral ang Diyos o na hindi siya makikialam sa mga gawain ng tao. Alinman dito, ang ating kinabukasan ay magiging nasa kamay ng mga lider sa pulitika, akademya, at relihiyon. Ayon sa nakalipas na rekord, magpapatuloy ang kaguluhan, alitan, at katiwalian na sumisira sa lipunan ng tao. Kung totoo nga ang ebolusyon, magkakaroon na ng dahilan para mabuhay ang isa ayon sa kasabihan: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.”​—1 Corinto 15:32.

Makatitiyak ka sa isang bagay. Hindi sang-ayon ang mga Saksi ni Jehova sa mga pangungusap sa itaas. At hindi rin sang-ayon ang mga Saksi sa basehan ng mga pangungusap na iyon​—ang ebolusyon. Sa kabaligtaran, naniniwala ang mga Saksi na totoo ang Bibliya. (Juan 17:17) Kaya naniniwala sila sa sinasabi nito kung paano tayo umiral: “Nasa iyo [Diyos] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Napakahalaga ng ibig sabihin ng mga salitang ito.

Makabuluhan ang buhay. May maibiging layunin ang ating Maylalang para sa lahat ng nagpapasiyang mamuhay ayon sa kaniyang kalooban. (Eclesiastes 12:13) Kalakip sa layuning ito ang pangakong buhay sa isang daigdig na wala nang kaguluhan, alitan, at katiwalian​—wala pati kamatayan. (Isaias 2:4; 25:6-8) Mapatutunayan ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig na kapag nakilala ng isa ang Diyos at ginawa ang Kaniyang kalooban, ang buhay ay magkakaroon ng kabuluhan na hindi maibibigay ninuman!​—Juan 17:3.

Mahalaga talaga kung ano ang pinaniniwalaan mo, sapagkat makaaapekto ito hindi lamang sa kaligayahan mo ngayon kundi sa iyong buhay sa hinaharap. Nasa iyo ang pasiya. Paniniwalaan mo ba ang isang teoriya gayong hindi nito maipaliwanag kung bakit may disenyo sa kalikasan? O tatanggapin mo ba ang sinasabi ng Bibliya, na ang lupa at ang mga nabubuhay roon ay resulta ng napakagaling na Disenyador​—si Jehova, ang Diyos na siyang ‘lumalang sa lahat ng bagay’?​—Apocalipsis 4:11.