Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Paglalang?
“Nang talakayin ang ebolusyon sa klase, ibang-iba iyon sa lahat ng itinuro sa akin. Iniharap ito bilang isang bagay na totoo, kaya hindi ako nakakibo.”—Ryan, 18.
“Noong mga 12 anyos ako, masugid na ebolusyonista ang aking guro. May simbolo pa nga ni Darwin ang kaniyang kotse! Nagdalawang-isip tuloy akong sabihin ang aking paniniwala sa paglalang.”—Tyler, 19.
“Kabang-kaba ako nang sabihin ng guro ko sa araling panlipunan na ebolusyon ang susunod naming leksiyon. Alam kong kakailanganin kong ipaliwanag sa klase ang aking paninindigan sa kontrobersiyal na isyung ito.”—Raquel, 14.
TULAD nina Ryan, Tyler, at Raquel, baka kinakabahan ka rin kapag pinag-uusapan sa klase ang paksang ebolusyon. Naniniwala kang “nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 4:11) Nakikita mo sa iyong paligid ang ebidensiya ng matalinong disenyo. Pero sinasabi ng mga aklat-aralin pati na ng iyong guro na tayo ay bunga ng ebolusyon. Sino ka ba naman para makipagkatuwiranan sa mga “eksperto”? At ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga kaklase mo kapag nagsalita ka tungkol sa . . . Diyos?
Kung nag-aalala ka sa mga tanong na tulad nito, relaks ka lang! Hindi lamang ikaw ang naniniwala sa paglalang. Ang totoo, may mga siyentipikong hindi naniniwala sa teoriya ng ebolusyon. At mayroon ding mga guro. Sa Estados Unidos, mga 4 sa 5 estudyante ang naniniwala sa Maylalang—sa kabila ng sinasabi ng mga aklat-aralin!
Subalit baka itanong mo, “Ano ang sasabihin ko kapag kinailangan kong ipagtanggol ang aking paniniwala sa paglalang?” Lakasan mo ang iyong loob sapagkat bagaman mahiyain ka, kaya mo pa ring manindigan. Pero kailangan ng paghahanda.
Suriin ang Iyong Paniniwala!
Kung pinalaki ka ng Kristiyanong mga magulang, baka naniniwala ka lamang sa paglalang dahil iyon ang itinuro sa iyo. Pero ngayong malaki ka na, gusto mong sambahin ang Diyos gamit Roma 12:1) Pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano noong unang siglo na “tiyakin . . . ang lahat ng bagay.” (1 Tesalonica 5:21) Paano mo ito magagawa may kinalaman sa paglalang?
ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran,” at magkaroon ng matibay na pundasyon para sa iyong paniniwala. (Una, pag-isipan ang isinulat ni Pablo tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.” (Roma 1:20) Habang iniisip mo ang mga salitang ito, tingnan mong mabuti ang katawan ng tao, ang lupa, ang malawak na uniberso, ang kalaliman ng dagat. Suriin mo ang kamangha-manghang daigdig ng mga insekto, mga halaman, at mga hayop—anumang larangan na interesado ka. Pagkatapos, gamit ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran,” itanong sa iyong sarili, ‘Ano ang nakakumbinsi sa akin na mayroon ngang Maylalang?’
Para masagot ang tanong na iyan, tiningnan ng 14-anyos na si Sam ang katawan ng tao. “Napakaraming detalye at napakasalimuot nito,” ang sabi niya, “at ang lahat ng bahagi nito ay magkakaugnay na gumagana. Hindi maaaring bunga lamang ng ebolusyon ang katawan ng tao!” Sang-ayon dito si Holly, 16 anyos. “Mula nang masuring may diyabetis ako,” ang sabi niya, “marami akong natutuhan tungkol sa paraan ng paggana ng katawan. Halimbawa, kamangha-mangha ang napakalaking trabahong ginagawa ng lapay—isang maliit na sangkap na nakatago sa likod ng tiyan—para paganahin ang dugo at ang iba pang sangkap ng katawan.”
Ibang anggulo naman ang nakikita ng ilang kabataan. “Para sa akin,” ang sabi ng 19-anyos na si Jared, “ang pinakamatibay na ebidensiya ay ang pagkakaroon natin ng espirituwalidad, at ang ating kakayahang humanga sa kagandahan at ang ating pagnanais na matuto. Hindi kailangan ang mga katangiang ito para mabuhay, gaya ng sinasabi sa atin ng ebolusyon. Ang tanging makatuwirang paliwanag para sa akin ay na may naglagay sa atin dito na nagnanais na masiyahan tayo sa buhay.” Ganito rin ang naging konklusyon ni Tyler na binanggit kanina. “Kapag naiisip ko ang papel ng mga halaman sa pagpapanatili ng buhay at ang di-malirip na kasalimuutan ng mga bahagi nito, kumbinsido ako na mayroon ngang Maylalang.”
Mas madaling ipaliwanag ang paglalang kung napag-isipan mo na itong mabuti at kung talagang kumbinsido ka rito. Kung gayon, tulad nina Sam, Holly, Jared, at Tyler, maglaan ka ng panahon para pag-isipan ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos. Saka mo “pakinggan” ang “sinasabi” ng mga ito sa iyo. Ang konklusyon mo ay walang-alinlangang magiging kapareho ng kay apostol Pablo—na “napag-uunawa . . . sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa” hindi lamang ang pag-iral ng Diyos kundi pati ang kaniyang mga katangian. *
Alamin Kung Ano Talaga ang Itinuturo ng Bibliya
Bukod pa sa pagmamasid sa mga bagay na ginawa ng Diyos, kailangan mo ring alamin kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya nang sa gayon ay maipagtanggol mo ang paglalang. Hindi na kailangan pang pagtalunan ang mga bagay na
hindi tuwirang binabanggit ng Bibliya. Pansinin ang ilang halimbawa.▪ Sinasabi ng aklat-aralin ko sa siyensiya na bilyun-bilyong taon nang umiiral ang lupa at ang sistema solar. Walang sinasabi ang Bibliya kung gaano katagal na ang lupa o ang sistema solar. Ang sinasabi nito ay kaayon ng ideya na ang uniberso ay bilyun-bilyong taon nang umiiral bago pa magsimula ang unang “araw” ng paglalang.—Genesis 1:1, 2.
▪ Sinasabi ng guro ko na imposibleng nilalang ang lupa sa loob lamang ng anim na araw. Hindi sinasabi ng Bibliya na ang bawat isa sa anim na “araw” ng paglalang ay literal na 24 na oras. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 18-20 ng magasing ito.
▪ Tinalakay sa klase namin ang maraming halimbawa kung paano nagbago ang mga hayop at mga tao sa paglipas ng panahon. Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga bagay na may buhay “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:20, 21) Hindi nito sinusuhayan ang ideya na nagmula ang buhay sa mga bagay na walang buhay ni sinasabi man nito na sinimulan ng Diyos ang proseso ng ebolusyon sa pamamagitan ng isang selula. Gayunman, ang bawat “uri” ay may potensiyal na maging sari-sari. Kaya posible naman ayon sa sinasabi ng Bibliya ang ideya na magkaroon ng mga pagbabago sa bawat “uri.”
Manalig Ka sa Iyong Paniniwala!
Walang dahilan para mailang o mahiya ka dahil naniniwala ka sa paglalang. Kapag tinimbang ang ebidensiya, talagang makatuwiran—kaayon pa nga ng siyensiya—na maniwalang tayo ay bunga ng matalinong disenyo. Sa bandang huli, ang ebolusyon—hindi ang paglalang—ang nangangailangan ng matibay na paniniwala kahit walang lohikal na katibayan at ng paniniwala sa mga himala kahit walang tagapaghimala. Sa katunayan, kapag binasa mo ang ibang artikulo sa isyung ito ng Gumising!, walang-alinlangang makukumbinsi ka na may ebidensiya ang paglalang. At kapag napag-isipan mo itong mabuti gamit ang iyong kakayahan ng pangangatuwiran, mas lalakas ang loob mong ipagtanggol sa klase ang iyong paniniwala.
Iyan ang natuklasan ni Raquel na binanggit kanina. “Lumipas pa ang ilang araw bago ko napag-isip-isip na hindi ko pala dapat sarilinin ang aking mga paniniwala,” ang sabi niya. “Binigyan ko ang aking guro ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na ang ilang bahagi ay minarkahan ko para mapansin niya. Nang maglaon, sinabi niya sa akin na nabago ang tingin niya sa ebolusyon at na sa hinaharap, isasaalang-alang niya ang impormasyong ito habang itinuturo ang paksang ito!”
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
^ par. 14 Maraming kabataan ang nakinabang nang repasuhin ang impormasyong nasa mga publikasyong tulad ng Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? at Is There a Creator Who Cares About You? Ang dalawang aklat na ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
PAG-ISIPAN ITO
▪ Ano ang ilang paraan para madali mong maipaliwanag sa paaralan ang iyong paniniwala sa paglalang?
▪ Paano mo maipakikita ang iyong pasasalamat sa Isa na lumalang ng lahat ng bagay?—Gawa 17:26, 27.
[Kahon sa pahina 27]
“NAPAKARAMING EBIDENSIYA”
“Ano ang sasabihin mo sa isang kabataan na pinalaking naniniwala sa Maylalang ngunit tinuturuan ng ebolusyon sa paaralan?” Ito ang itinanong sa isang microbiologist na Saksi ni Jehova. Ang sagot niya? “Dapat mong ituring na isang pagkakataon ito para patunayan sa iyong sarili na umiiral nga ang Diyos—hindi lamang dahil ito ang itinuro sa iyo ng iyong mga magulang kundi dahil nasuri mo ang katibayan at ito ang naging konklusyon mo. Kung minsan, kapag hinilingan ang mga guro na ‘patunayan’ ang ebolusyon, hindi nila ito magawa at napag-iisip-isip nila na tinatanggap nila ang teoriya dahil lamang sa ito ang itinuro sa kanila. Baka ganiyan din ang mangyari sa iyo may kinalaman sa iyong paniniwala sa Maylalang. Kaya sulit na patunayan mo sa iyong sarili na talagang umiiral ang Diyos. Napakaraming ebidensiya. Hindi ito mahirap hanapin.”
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
ANO ANG NAKAKUMBINSI SA IYO?
Ilista sa ibaba ang tatlong bagay na nakakumbinsi sa iyo na mayroon ngang Maylalang:
1. ․․․․․․․
2. ․․․․․․․
3. ․․․․․․․