Panayam sa Isang Biyokimiko
Panayam sa Isang Biyokimiko
NOONG 1996, inilabas ni Michael J. Behe, propesor ngayon sa biyokimiko sa Lehigh University sa Pennsylvania, E.U.A., ang kaniyang aklat na Darwin’s Black Box—The Biochemical Challenge to Evolution. Nasa Mayo 8, 1997, isyu ng Gumising! ang serye ng mga artikulo na may pamagat na “Paano Tayo Umiral?—Sa Aksidente ba o Disenyo?” na bumabanggit sa aklat ni Behe. Pagkalipas ng halos isang dekada matapos ilathala ang Darwin’s Black Box, nag-unahan ang mga siyentipikong nagtataguyod ng ebolusyon sa pagkontra sa mga argumento ni Behe. Pinaratangan siya ng mga kritiko na hinayaan niyang maimpluwensiyahan ng kaniyang relihiyosong paninindigan—isa siyang Romano Katoliko—ang kaniyang opinyon bilang siyentipiko. May iba namang nagsasabi na hindi ayon sa siyensiya ang kaniyang pangangatuwiran. Kinapanayam ng Gumising! si Propesor Behe upang alamin kung bakit nagdulot ng gayong kontrobersiya ang kaniyang mga ideya.
GUMISING!: BAKIT PO NINYO NASABI NA ANG BUHAY AY KATIBAYAN NG MATALINONG DISENYO?
PROPESOR BEHE: Kapag nakakakita tayo ng iba’t ibang piyesang pinagkabit-kabit para magamit sa iba’t ibang paraan, ipinalalagay natin na may nagdisenyo nito. Halimbawa, ang mga makinang ginagamit natin araw-araw—ang de-motor na pantabas ng damo, sasakyan, o kahit mas simpleng mga bagay. Ang halimbawang gusto kong gamitin ay ang panghuli ng daga. Maiisip mong dinisenyo ito dahil nakikita mo ang iba’t ibang piyesa na pinagkabit-kabit para manghuli ng daga.
Sapat na ang isinulong ng siyensiya upang matuklasan ang pinakasaligang antas ng buhay. At nakagugulat na natuklasan ng mga siyentipiko na may gumaganang masalimuot na makinarya maging sa molekula. Halimbawa, sa buháy na mga selula, may maliliit na molekulang “trak” na humahakot ng mga suplay mula sa isang panig ng selula papunta sa kabila. May pagkaliliit na molekulang “karatula” na nagsasabi sa mga “trak” na ito na lumiko sa kaliwa o sa kanan. Ang ilang selula naman ay may molekulang “motor” na tumutulak sa mga selula sa likido. Sa ibang konteksto, kapag nakikita ang gayong masalimuot na pagkakaayos, sinasabi ng mga tao na ang mga bagay na ito ay dinisenyo. Wala na kaming iba pang paliwanag kung bakit masalimuot ito, sa kabila ng sinasabi ng teoriya ni Darwin tungkol sa ebolusyon. Yamang paulit-ulit naming napatutunayan na ang ganitong uri ng pagkakaayos ay nagpapahiwatig ng disenyo, makatuwiran lamang na isipin naming mayroon ding matalinong nagdisenyo sa mga nagaganap na ito sa molekula.
GUMISING!: SA PALAGAY PO NINYO, BAKIT PO KAYA HINDI SANG-AYON ANG KARAMIHAN SA INYONG MGA KASAMA SA KONKLUSYON NINYO TUNGKOL SA MATALINONG DISENYO?
PROPESOR BEHE: Maraming siyentipiko ang hindi sang-ayon sa aking konklusyon dahil nakikita nila na ang ideyang ito tungkol sa matalinong disenyo ay may implikasyong hindi matatagpuan sa siyensiya—na waring
maliwanag na ipinahihiwatig nito na mayroon pang higit na nakatataas sa kalikasan. Hindi matanggap ng maraming tao ang konklusyong ito. Gayunman, natutuhan ko noon pa man na dapat sumunod ang siyensiya sa anumang sinasabi ng ebidensiya. Para sa akin, isang karuwagan na talikuran ang maliwanag na sinasabi ng katibayan dahil lamang sa hindi mo gusto ang pilosopikal na implikasyon ng konklusyon nito.GUMISING!: PAANO PO NINYO SINASAGOT ANG MGA KRITIKONG NAGSASABI NA ANG PAGTANGGAP SA IDEYA TUNGKOL SA MATALINONG DISENYO AY PAGPAPALAGANAP NG KAMANGMANGAN?
PROPESOR BEHE: Ang konklusyon tungkol sa disenyo ay hindi dahil sa kamangmangan. Hindi ito dahil sa isang bagay na hindi natin alam; ito’y dahil sa isang bagay na alam natin. Nang ilathala ni Darwin ang kaniyang aklat na The Origin of Species 150 taon na ang nakalipas, waring simple lamang ang buhay. Inakala ng mga siyentipiko na ang selula ay napakasimple anupat posibleng kusa na lamang itong lumutang mula sa putik ng karagatan. Pero mula noon, natuklasan ng siyensiya na ang mga selula ay napakasalimuot pala, mas masalimuot pa kaysa sa makinarya sa ating daigdig nitong ika-21 siglo. Ang masalimuot na pagkakaayos na iyan ay nagpapahiwatig na ang disenyo ay ginawa para sa isang layunin.
GUMISING!: MAY NAIPAKITA PO BANG KATIBAYAN ANG SIYENSIYA UPANG PATUNAYAN NA ANG EBOLUSYON, SA PAMAMAGITAN NG PAGPILI NG KALIKASAN, AY NAKALIKHA NG MASASALIMUOT NA MAKINA NG MOLEKULA NA SINASABI NINYO?
PROPESOR BEHE: Kung sasaliksikin mo ang mga lathalain sa siyensiya, matutuklasan mong walang sinuman ang gumawa ng seryosong pagtatangka—isang eksperimento o detalyadong modelo sa siyensiya—na magpapaliwanag kung paano nagkaroon ng gayong mga makina ng molekula sa pamamagitan ng mga prosesong sinasabi ni Darwin. Ito’y sa kabila ng katotohanan na sa lumipas na sampung taon mula nang ilathala ang aking aklat, ang maraming organisasyon sa siyensiya, gaya ng National Academy of Sciences at ng American Association for the Advancement of Science ay apurahan nang nananawagan sa kanilang mga miyembro na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang iwaksi ang ideya na ang buhay ay katibayan ng matalinong disenyo.
GUMISING!: PAANO PO KAYO NANGANGATUWIRAN SA MGA TAONG ANG IDINADAHILAN AY ANG DI-MAGANDANG DISENYO NG MGA HALAMAN O HAYOP?
PROPESOR BEHE: Kung hindi man natin alam ang dahilan kung bakit ginawa ang ilang bahagi ng isang organismo, hindi ito nangangahulugang wala na itong ginagampanang mahalagang papel. Inakala noon na hindi maganda ang pagkakadisenyo sa katawan ng tao at iba pang organismo dahil sa diumano’y walang-silbing mga sangkap nito. Halimbawa, ang apendiks at mga tonsil ay inakala noon na walang-silbing mga sangkap at madalas na inaalis na lamang sa pamamagitan ng operasyon. Subalit natuklasang mahalaga pala ang mga sangkap na ito sa sistema ng imyunidad, at hindi na ngayon ito itinuturing na walang silbi.
Ang isa pang bagay na dapat tandaan ay na sa biyolohiya, may ilang bagay na waring aksidenteng lumilitaw. Subalit hindi dahil ang aking kotse ay may yupi o lumambot ang goma ay nangangahulugan nang hindi ito dinisenyo. Sa katulad na paraan, dahil may ilang bagay sa biyolohiya na aksidenteng lumilitaw, hindi ito nangangahulugan na aksidenteng lumitaw na lamang ang de-kalidad at masalimuot na makinarya ng buhay, ang molekula. Hindi nga makatuwiran ang ganiyang argumento.
[Blurb sa pahina 12]
“Para sa akin, isang karuwagan na talikuran ang maliwanag na sinasabi ng katibayan dahil lamang sa hindi mo gusto ang pilosopikal na implikasyon ng konklusyon nito”