Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Roma—Sanlibong Taon ng Lungkot at Saya

Ang Roma—Sanlibong Taon ng Lungkot at Saya

Ang Roma​—Sanlibong Taon ng Lungkot at Saya

ANG okasyon ay gaya rin ng alinmang malaki at tradisyonal na kasalan. Napakaraming pagkain at inumin, at maririnig ang tugtugin sa buong bahay. Nagsisiksikan ang mga kamag-anak upang mabati ang mahiyaing nobyo at ang kaniyang nobya na masayang-masaya. Subalit hindi pa ito ang kasalan​—salu-salo pa lamang ito para sa magkatipan sa bisperas ng kanilang kasal, na dinaluhan ng mahigit 600 panauhin. Sa pagkakataong ito ay ihaharap ng pamilya ng nobyo ang dote sa magiging biyenan niya. Kinabukasan, sasamahan ng nobyo at ng pamilya niya ang kaniyang magiging asawa sa tahanan nito, kung saan magaganap na naman ang isa pang selebrasyon kasabay ng aktuwal na kasalan.

Lahat ng kamag-anak ng bagong kasal ay nagsasalita ng Romany​—isang wika na ituturing na banyaga saanman sila manirahan. Ang wikang ito na may iba’t ibang diyalekto, pati na ang maraming sinaunang tradisyon at kaugalian sa pag-aasawa, ay pawang minana ng mga taong nakakalat sa buong globo na walang sariling teritoryo ni pambansang pamahalaan man. Sila ang Roma. *

Sino ba ang Roma?

Kung tataluntunin natin ang wika, kultura, at henetika ng Roma, aakayin tayo nito pabalik sa hilagang India mga 1,000 taon na ang nakalilipas. Ang kanilang wika, bukod pa sa ilang salitang napahalo nitong nakalipas na panahon, ay maliwanag na nagmula sa India. Hindi gaanong malinaw kung bakit sila umalis sa India. Naniniwala ang ilang iskolar na ang kanilang mga ninuno ay malamang na mga bihasang manggagawa at mga tagapagtanghal na kasama ng mga grupo ng sundalong umalis sa kanilang sariling bayan dahil sa mga alitang militar. Anuman ang dahilan, nakarating ang Roma sa Europa matapos mandayuhan sa Persia at Turkey bago ang taóng 1300 C.E.

Sa Europa, nagkaroon ng magkasalungat na opinyon tungkol sa Roma. Sa isang panig, inidolo sila sa ilang nobela at pelikula bilang mapagpatuloy, masayahin, palipat-lipat na mga tao na malayang nagpapahayag ng lungkot at saya ng buhay sa pamamagitan ng mga sayaw at awit. Sa kabilang panig naman, hinahamak sila bilang di-mapagkakatiwalaan, kakatwa, at kahina-hinala​—lagi na lamang walang inaaniban, nakabukod at hiwalay sa lipunang nakapalibot sa kanila. Upang tulungan tayong maunawaan kung paano nagkaroon ng ganitong pananaw tungkol sa kanila, balikan natin ang nakaiintrigang nakaraan ng Roma.

Panahon ng Diskriminasyon

Noong Edad Medya, ang daigdig ng karamihan sa mga Europeo ay ang kanilang sariling nayon o bayan. Gunigunihin na lamang kung ano ang nasa isip nila nang una nilang makita ang dumarating na pami-pamilyang Rom. Tiyak na nakapaninibago ang maraming bagay tungkol sa mga ito. Bukod sa kanilang kayumangging balat, maiitim na mata at buhok, ang pananamit, kostumbre, at wika ng mga bagong salta ay ibang-iba talaga sa kanila at may tendensiya pa ang Roma na ihiwalay ang kanilang sarili​—isang kaugaliang namana nila sa bukud-bukod na antas ng lipunan sa India. Sa loob ng ilang dekada, ang sa simula’y pag-uusisa ng mga Europeo ay napalitan ng paghihinala.

Literal na inihiwalay ang Roma​—anupat napilitan silang magkampo na lamang sa gilid ng mga nayon at pinagbawalang pumasok o kahit bumili man lamang ng mga pangangailangan o sumalok ng tubig. “Dinudukot nila ang mga bata,” ayon sa tsismis, “at kinakain pa nga ang mga ito!” Kung minsan, inoobliga ng batas ang Roma na sa labas magluto para mausisa ng sinumang gustong tumingin sa iniluluto nila. Madalas na sa pag-uusisa, itinatapon ng mga ito ang pagkain ng mga Rom para sa araw na iyon. Kaya nga hindi nakapagtataka kung magnakaw na lamang ng pagkain ang ilang Rom para mabuhay.

Hinarap ng Roma ang diskriminasyon sa pamamagitan ng pananatiling sama-sama. Sa loob ng ilang siglo, nakadama sila ng suporta at kagalakan sa kanilang buhay pampamilya. Ayon sa kanilang kostumbre, asikasung-asikaso ng mga magulang na Rom ang kanilang mga anak, at asikasung-asikaso rin ng mga anak ang kanilang mga magulang anupat inaalagaan ang mga ito sa kanilang pagtanda. Mahigpit ding sumusunod ang maraming Rom sa tradisyonal na mga pamantayan ng paggawi at kagandahang-asal.

Palipat-lipat

Palibhasa’y halos walang tumanggap, nagpapalipat-lipat ang Roma. Dahil sa ganitong buhay, marami silang natutuhan gaya ng paglalatero, pagnenegosyo, at pagtatanghal. Nabubuhay nila ang kani-kanilang pamilya sa paggawa ng kinakailangang mga serbisyong ito. Sinamantala naman ng ilang babaing Rom ang kanilang reputasyon bilang mga espiritista, anupat madalas na nagpapanggap para kumita ng pera. Naiiwasan din ng palipat-lipat na pamumuhay ang panganib na mahawahan ng karumihan sa kultura o moral sa pamamagitan ng labis na pakikiugnay sa mga gadje​—wikang Romany para sa mga “di-Roma.” *

Samantala, humantong sa pag-uusig ang pagtatangi laban sa Roma. Pinalayas sila sa ilang bahagi ng Europa. Sa ibang lugar naman, inalipin ang Roma sa loob ng ilang siglo. Nang matapos ang pang-aaliping iyon noong mga taon ng 1860, lalong nangalat ang Roma, anupat napakarami ang nakarating sa Kanlurang Europa at mga lupain sa Amerika. Saanman sila makarating, dala nila ang kanilang wika, kostumbre, at talento.

Kahit inaapi, nakadarama rin paminsan-minsan ng kasiyahan ang Roma sa kanilang mga pagtatanghal. Sa Espanya, nabuo ang tugtog at sayaw na flamenco dahil sa pinagsamang kultura ng Roma at ng iba pa, samantalang sa Silangang Europa naman, pinag-aralan ng mga musikerong Rom ang lokal na mga katutubong awitin at dinagdagan ito ng kanilang naiibang istilo. Maging ang klasikal na mga kompositor, gaya nina Beethoven, Brahms, Dvořák, Haydn, Liszt, Mozart, Rachmaninoff, Ravel, Rossini, Saint-Saëns, at Sarasate, ay naimpluwensiyahan ng makabagbag-pusong himig ng tugtuging Rom sa mga pagtatanghal.

Ang Roma sa Modernong Daigdig

Sa ngayon, mga dalawang milyon hanggang limang milyong Rom​—sinasabi ng ilan na higit pa​—ang naninirahan sa halos lahat ng sulok ng daigdig. Karamihan ay nasa Europa. Hindi na nagpapalipat-lipat ang napakaraming Rom, at ang ilan sa kanila ay mayayaman na. Subalit sa maraming lugar, itinuturing pa ring mahirap ang Roma at madalas na namumuhay sa abang kalagayan.

Noong panahon ng mga Komunista sa Silangang Europa, idinikta ng pulitikal na ideolohiya na lahat ng mamamayan ay dapat na pantay-pantay. Bagaman hindi pare-pareho ang naging resulta, sinikap ng mga pamahalaan na kontrolin ang paglipat-lipat ng Roma sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng trabaho at pabahay. Kung minsan, nakatutulong naman ito sa kanilang kalusugan at uri ng pamumuhay. Ngunit hindi nito naalis ang negatibong pangmalas at opinyon sa pagitan ng Roma at di-Roma sa loob ng maraming siglo.

Ang mga pagbabago sa pulitika sa Silangang Europa noong mga taon ng 1990 ay nagbigay ng panibagong pagkakataon. Subalit ang mga pagbabagong iyon ay nagpagunita rin ng masaklap nilang karanasan nang bawasan ang mga programa sa pagkakawanggawa at ang pagpapatupad sa mga batas laban sa diskriminasyon na naging dahilan upang mapasadlak ang maraming Rom sa mas mahirap na kalagayan sa lipunan at ekonomiya.

Nagkaroon ng Pag-asa at Mas Magandang Buhay

Ganiyan ang kalagayan noon nang pumasok sa paaralan sa Silangang Europa si Andrea na may napakaitim at napakakintab na buhok. Siya lamang ang nag-iisang Rom na estudyante sa kanilang klase. Bagaman malakas ang loob, hindi niya napigil ang kaniyang luha habang ginugunita niya ang panunuya at pag-iwas sa kaniya. “Palaging pinakahuli akong pinipili kapag nagkakampihan kami para sa mga koponan sa laro,” nagugunita pa ni Andrea. “Gusto ko na sanang lumayo at pumunta sa India na kinabibilangan ko. Sa katunayan nga, may sumigaw minsan sa aking kaibigan, ‘Bumalik ka na sa India!’ Ang sagot naman niya, ‘Oo, kapag nagkapera ako.’ Walang lugar na matatawag naming sariling tahanan. Walang tumanggap sa amin kahit saan.” Palibhasa’y napakahusay magsayaw, nangarap si Andrea na maging sikat at sa gayon ay matanggap ng iba. Subalit noong tin-edyer siya, mas maganda ang natuklasan niya.

“Isang araw, dumalaw sa aming bahay ang kabataang babaing nagngangalang Piroska, isang Saksi ni Jehova,” ang kuwento ni Andrea. “Ipinakita niya sa akin mula sa Bibliya na iniibig ng Diyos ang bawat indibiduwal at hindi lamang ang kabuuan ng sangkatauhan. Ipinaliwanag niya na posible akong mápalapít sa Diyos kung gugustuhin ko. Dahil dito, nadama kong may nagpapahalaga rin pala sa akin. Nang malaman kong pantay-pantay naman pala ang tingin ng Diyos sa lahat ng tao, nagkaroon ako ng pagtitiwala sa aking sarili.

“Isinama ako ni Piroska sa mga pulong ng mga Saksi, kung saan nakilala ko ang Roma at di-Roma at nakita kong nagkakaisa sila. Nagkaroon ako ng tunay na mga kaibigang Saksi mula sa dalawang grupong ito. Matapos ang isa at kalahating taóng pakikipag-aral ng Bibliya kay Piroska, naging Saksi ni Jehova rin ako.” Sa ngayon, si Andrea at ang kaniyang asawa ay buong-panahong ebanghelisador, na nagtuturo sa iba tungkol sa magiliw na pag-ibig ng Diyos sa mga tao mula sa lahat ng bansa.

‘Tinanggap Bilang Kapantay’

Nang gunitain niya ang kaniyang kabataan, ganito ang ikinuwento ng Rom na si Hajro: “Palagi akong napapahamak dahil sa pakikibarkada sa mga batang lalaking walang paggalang sa batas. Minsan, ikinulong ako ng pulis dahil sa pagnanakaw habang kasama ng mga batang lalaking iyon. Nang iuwi ako ng mga pulis, mas natakot ako sa reaksiyon ni Inay kaysa sa mga pulis dahil, gaya ng maraming pamilyang Rom, itinuro sa akin na masamang magnakaw.”

Nang malaki na si Hajro, nakakilala rin siya at ang kanilang pamilya ng mga Saksi ni Jehova. Tumimo nang malalim sa puso ni Hajro ang pangako ng Bibliya na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang mga problema sa lipunan ng tao, pati na ang pagtatangi at diskriminasyon. “Hindi kailanman nagkaroon ang Roma ng sariling pambansang pamahalaan upang mangalaga sa kanila,” ang sabi niya. “Kaya naman para sa akin, nasa kalagayan ang Roma para pahalagahan ang mga pakinabang na idudulot ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng tao. Ngayon pa lamang ay nakikita ko na ang mga pakinabang na iyan. Pagpasok na pagpasok ko sa Kingdom Hall, nadama ko agad ang nadama ni apostol Pedro nang sabihin niya: ‘Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.’ (Gawa 10:34, 35) Tinanggap ako ng bawat isa bilang kapantay nila. Hindi ako makapaniwala nang marinig kong tawagin ako ng di-Roma na phrala​—‘kapatid,’ sa wikang Romany!

“Noong una, masyado akong sinalansang ng ilan sa aming pamilya. Hindi nila maintindihan ang mga pagbabagong ginagawa ko upang makapamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Pero ngayon, nakita ng aking mga kamag-anak at ng pamayanang Roma na ang paninindigan sa mga simulain ng Diyos ay nakapagpaligaya sa akin at nagdulot sa akin ng maraming magagandang resulta. Gusto rin ng marami sa kanila na mapabuti ang kanilang buhay.” Si Hajro ay naglilingkod ngayon bilang Kristiyanong elder at buong-panahong ebanghelisador. Ang kaniyang di-Romang asawa na si Meghan ay nagtuturo rin sa mga Rom at sa iba pa tungkol sa tulong na ibinibigay ng Bibliya upang magkaroon ng maligayang buhay​—ngayon at sa hinaharap. “Tanggap na tanggap na ako ng pamilya at pamayanan ng aking asawa,” ang sabi niya. “Natutuwa sila na isang di-Roma ang nagkainteres sa kanila.”

[Mga talababa]

^ par. 3 Sa iba’t ibang sulok ng daigdig, ang Roma ay tinatawag na Gypsy, Gitano, Zigeuner, Tsigani, at Cigány. Itinuturing na mapanghamak ang mga terminong ito. Ang Rom (sa pangmaramihan, roma), nangangahulugang “tao” sa kanilang wika, ang terminong ginagamit ng karamihan sa Roma upang tumukoy sa kanilang sarili. May ilang grupong nagsasalita ng Romany na kilala sa ibang pangalan, gaya ng mga Sinti.

^ par. 12 Bagaman mahigpit ang kapit ng ilang Rom sa maraming tradisyon, madalas na tinatanggap nila ang relihiyon ng nakararami sa teritoryong pinaninirahan nila.

[Blurb sa pahina 24]

Sa ngayon, naninirahan ang Roma sa halos lahat ng sulok ng daigdig

[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]

Noong panahon ng Nazi sa Europa, pinatay ni Hitler ang mga 400,000 Rom o higit pa sa kaniyang mga kampong bitayan, kasama ang mga Judio, mga Saksi ni Jehova, at iba pa. Noong 1940, bago pa man lumaganap ang kampanya ni Hitler ng paglipol, ginawa ng aktor sa pelikula na si Charlie Chaplin​—na lahing Rom mismo​—ang The Great Dictator (Ang Dakilang Diktador), isang pelikulang tumutuya kay Hitler at sa kilusang Nazi. Ang iba pang kilalang tagapagtanghal na nagsasabing mula sila sa lahing Rom ay ang aktor na si Yul Brynner, aktres na si Rita Hayworth (sa ibaba), pintor na si Pablo Picasso (sa ibaba), musikero sa jazz na si Django Reinhardt, at mang-aawit na si Esma Redžepova na taga-Macedonia. Mayroon ding mga Rom na naging inhinyero, doktor, propesor, at mga miyembro ng pambansang parlamento.

[Credit Lines]

AFP/Getty Images

Photo by Tony Vaccaro/Getty Images

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

Mga Saksing Roma

Maraming Roma ang naging Saksi ni Jehova. Ang ilan ay naglilingkod bilang elder sa kongregasyon at buong-panahong ministrong payunir. Itinuturing silang magandang halimbawa ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ng iba pang di-Roma. Ikinuwento ng isang Saksing Rom sa Slovakia: “Isang araw, kumatok sa pinto ng apartment namin ang isang di-Rom na kapitbahay. ‘May problema kaming mag-asawa, pero alam kong matutulungan ninyo kami,’ ang paliwanag niya. ‘Bakit kami?’ ang tanong namin. Sumagot siya, ‘Kung ang Diyos na sinasamba ninyong mga Rom ay nakatulong sa inyo na mapaganda ang kalidad ng inyong buhay, baka matulungan din niya kami.’ Binigyan namin siya ng isang kopya ng salig-Bibliyang aklat tungkol sa buhay pampamilya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

“Mayamaya, ang kaniyang asawang babae naman ang kumatok na may gayunding kahilingan, yamang hindi niya alam na nagpunta na sa amin ang kaniyang asawa. ‘Wala nang iba sa apartment na ito ang makatutulong sa amin,’ ang sabi niya. Binigyan din namin siya ng isang kopya ng aklat na iyon. Pareho nilang sinabi sa amin na huwag sabihin sa kanilang asawa na pumunta sila sa amin. Pagkalipas ng isa at kalahating buwan, pinasimulan namin ang pakikipag-aral ng Bibliya sa mag-asawa. Dahil sa pamumuhay namin ayon sa katotohanan ng Bibliya, tumaas ang tingin sa amin ng mga tao anupat sa amin sila humihingi ng espirituwal na tulong.”

[Mga larawan]

Narbonne, Pransiya

Granada, Espanya

“Nasa kalagayan ang Roma para pahalagahan ang mga pakinabang na idudulot ng Kaharian ng Diyos sa lahat ng tao.”​—Hajro

[Larawan sa pahina 22]

Poland

[Credit Line]

© Clive Shirley/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 22]

Ang Roma sa Inglatera, 1911

[Credit Line]

By courtesy of the University of Liverpool Library

[Larawan sa pahina 22, 23]

Slovakia

[Larawan sa pahina 24]

Macedonia

[Credit Line]

© Mikkel Ostergaard/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 24]

Romania

[Larawan sa pahina 24]

Macedonia

[Larawan sa pahina 24, 25]

Czech Republic

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Espanya

[Larawan sa pahina 25]

Nangarap si Andrea na maging sikat at matanggap ng iba sa pamamagitan ng sayaw

[Picture Credit Lines sa pahina 24]

Romania: © Karen Robinson/Panos Pictures; Macedonia: © Mikkel Ostergaard/Panos Pictures; Czech Republic: © Julie Denesha/Panos Pictures