Kung Bakit Hindi Ako Nagdiriwang ng Halloween
Kung Bakit Hindi Ako Nagdiriwang ng Halloween
NOONG NAKARAANG TAON, habang abala ang kaniyang mga kapitbahay sa paghahanda para sa Halloween—sa ilang bansa, isang popular na taunang okasyon na punung-puno ng espiritismo—iba naman ang nasa isip ng 14-anyos na si Michael, taga-Canada. Sa isang sanaysay na isinulat niya para sa paaralan, sinabi ni Michael:
‘Ngayong gabi ay bisperas ng Halloween. Nang dumungaw ako sa aming bintana, nakita kong may mga dekorasyong nitso at kalansay ang lahat ng harap ng bahay ng aming kapitbahay at may mga jack-o’-lantern sa kanilang mga bintana. * Inaayos ng mga magulang ang kostiyum ng kanilang mga anak; ang mga bata naman ay sabik na sabik nang malaman kung gaano karaming kendi ang maiipon nila kinabukasan.
‘Iba naman ang aming pamilya. Walang dekorasyon ang harap ng aming bahay, at walang ilaw ang aming mga bintana. Tinatanong ako ng mga tao kung bakit hindi ako nagdiriwang ng Halloween. Ang simpleng dahilan kung bakit hindi ito ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ay dahil sa pinagmulan nito. *
‘Ang nakapagtataka, gusto ko ang panahon ng Halloween. “Bakit?” baka itanong mo. Dahil pinag-iisip ako nito. Pinag-iisip ako nito kung bakit hindi ko ginagawa ang ilang bagay. Dapat masagot ng bawat isa kung mahalaga o hindi ang pinagmulan ng isang kaugalian. Mahalaga para sa akin ang pinagmulan. Halimbawa, marami ang maiinis kapag nagbihis ng uniporme ng Nazi ang kanilang mga kapitbahay. Bakit? Dahil sa pinagmulan ng uniporme ng Nazi at sa kahulugan nito—mga simulaing di-gusto ng marami. Ayoko ng mga simulaing inilalarawan ng diyablo, masasamang espiritu, at mga mangkukulam, at ayokong mapaugnay sa kanila. Makabubuting pag-isipan ang mga ginagawa natin at kung bakit natin ito ginagawa at gawin ang mga bagay ayon sa simulain sa halip na dahil popular ito. Kaya gusto ko ang panahong ito ng taon. Ipinagmamalaki kong iba ako at pinaninindigan ko ang aking paniniwala.’
[Mga talababa]
^ par. 3 Ang jack-o’-lantern ay bunga ng kalabasang inalisan ng laman at binutasan upang magmistulang mukha na may ilong, bibig, at mga mata. Nilalagyan ng kandila o iba pang uri ng ilaw ang loob nito.
^ par. 4 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising! ng Oktubre 8, 2001, pahina 5-10.