Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Matutulungan Mo ba ang mga Patay?

Matutulungan Mo ba ang mga Patay?

“Noon pa man, ang Simbahan ay . . . nag-aalay na ng mga panalangin alang-alang sa [mga patay] . . . nang sa gayon, kapag nadalisay sila, mamasdan nila ang Diyos sa napakaligayang pangitain.”​—“Katesismo ng Simbahang Katoliko.”

ANG mga tao sa lahat ng lipi ay palaisip sa kalagayan ng mga patay. Baka nadama mo na ang pighati at pangungulila ng isang namatayan. Baka iniisip mo kung may malay pa ang mga patay, kung nagdurusa sila o namamayapa, at kung may magagawa ka pa para tulungan sila.

Maraming relihiyosong tao ang naniniwalang matutulungan nila ang mga patay. Halimbawa, naniniwala ang mga Hindu na kung susunugin ang katawan ng kanilang mahal sa buhay sa pampang ng Ilog Ganges at isasaboy ang abo nito sa katubigan, matitiyak nila ang walang-hanggang kaligayahan ng kaluluwa ng namatay na taong iyon. Sa Silangan, sinusunog ng mga Budista ang mga kotse, bahay, damit, at pera na gawa sa papel, sa pag-aakalang magagamit ng patay ang mga ari-ariang ito sa kabilang daigdig. Sa Aprika naman, binubuhusan nila ng alak ang palibot ng puntod, sa pag-asang makatutulong sa patay ang handog na ito.

Itinuturo naman ng Katolisismo na kapag namatay raw ang isang tao nang hindi pinagsisisihan ang ilang partikular na “mortal na kasalanan,” hindi siya tatanggap ng paglingap ng Diyos. Ang kalagayang ito ay “tinatawag na ‘impiyerno.’” Sa kabilang banda, itinuturo nito na ang taong may paglingap ng Diyos ay makaaasa ng “sukdulan at tiyak na kaligayahan” kasama ng Diyos sa langit, subalit pagkatapos lamang na madalisay nang husto. Kailangan sa pagdadalisay ang pananatili nang ilang panahon sa purgatoryo upang sumailalim sa “apoy na nakapaglilinis” bilang kaparusahan sa mga pagkakasalang napatatawad. Pero habang nasa purgatoryo, matutulungan ang isang tao ng mga suffrage​—mga panalanging iniaalay ng tanggapan ng simbahan alang-alang sa namatay​—at ng mga Misa para sa kaniya. Ang gayong mga serbisyo ay kadalasang binabayaran ng mga kaibigan at kamag-anak ng namatay.

Likas lamang na gagawin mo ang lahat para pagaanin ang anumang pagdurusa na maaaring dinaranas ng iyong mga namatay na mahal sa buhay. Kung puwede nga silang tulungan, hindi kaya malinaw na ipaliliwanag ng Diyos kung paano ito gagawin? Tingnan natin ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagtulong sa mga patay.

Ang Kalagayan ng mga Patay

Ang lahat ng kaugaliang nabanggit sa itaas ay batay sa paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa, samakatuwid nga, na may bahagi ng tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng kaniyang pisikal na katawan. Iyan ba ang itinuturo ng Bibliya? “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay,” ang sabi nito, “ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan. Gayundin, ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naglaho na, at wala na silang anumang bahagi hanggang sa panahong walang takda sa anumang bagay na gagawin sa ilalim ng araw. Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.” (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Ang Sheol ang Hebreong salita para sa karaniwang libingan ng sangkatauhan.

Tungkol sa epekto ng kamatayan sa kamalayan ng tao, sumulat ang kinasihang salmista: “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”​—Awit 146:4.

Ang sinasabi ng Bibliya ay mapanghahawakan at makatuwiran. Ano sa palagay mo? Pahihirapan kaya ng isang maibiging ama ang kaniyang mga anak dahil sa makasalanang mga tendensiyang bahagi na ng kanilang pagkatao? (Genesis 8:21) Siyempre, hindi. Kaya bakit ito gagawin ng ating makalangit na Ama? Nang gayahin ng ilan sa sinaunang Israel ang paganong ritwal na pagsunog ng kanilang mga anak bilang hain sa huwad na mga diyos, hinatulan ni Jehova ang gayong karima-rimarim na gawain, anupat tinukoy itong ‘isang bagay na hindi niya iniutos ni pumasok man sa kaniyang puso.’​—Jeremias 7:31.

Ang kasalanan ng tao ay nagbubunga ng kamatayan, hindi ng pagpapahirap sa kabilang buhay. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ayon sa Kasulatan, at “siya na patay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.”​—Roma 5:12; 6:7, 23.

Hindi pinahihirapan ang mga patay. Sa halip, para silang natutulog nang mahimbing, walang malay​—walang nadaramang kaluguran o kabaligtaran nito. Kung gayon, walang alinlangan na ang lahat ng pagtatangka ng mga tao na tulungan ang mga patay ay salungat sa turo ng Bibliya.

Ano ang Pag-asa ng mga Patay?

Hindi ito nangangahulugan na habang-buhay nang walang malay ang iyong mga namatay na mahal sa buhay. Sa kabaligtaran, napakaganda ng pag-asa nila.

Bago niya buhaying muli ang kaniyang minamahal na kaibigang si Lazaro, sinabi ni Jesus na ‘gigisingin ko siya mula sa pagkakatulog.’ (Juan 11:11) Minsan naman, ipinaliwanag niya na “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Ang mga bubuhaying muli ay mapawawalang-sala na sa kanilang dating kasalanan at samakatuwid ay hindi na pahihirapan pa dahil sa kanilang ginawa noong nabubuhay pa sila. Magkakaroon sila ng pagkakataon na matutong maging maligaya sa buhay sa ilalim ng sakdal na mga kalagayan. Napakaganda ngang pag-asa!

Kung kaakit-akit sa iyo ang pag-asang ito, huwag mag-atubiling alamin kung mapanghahawakan nga ang mga pangakong ito. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

▪ May malay pa ba ang mga patay?​—Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 6, 10.

▪ Hahayaan ba ng Diyos na maghirap ang mga patay sa maapoy na impiyerno?​—Jeremias 7:31.

▪ May pag-asa ba ang mga patay?​—Juan 5:28, 29.