Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
May Problema ba Ako sa Pagkain?
“Kung minsan kapag nakaupo na ako para kumain, ninenerbiyos ako at nanginginig. Takot akong tumaba. Sinasabi ko sa aking sarili, ‘Kailangan ko pang magbawas nang dalawang kilo.’”—Melissa. *
“Gusto kong maging maganda, at ayaw na ayaw kong tumaba. Pero ayaw kong malaman ng iba na isinusuka ko ang aking kinakain. Talagang nakakahiya.”—Amber.
“Sinasabi ko sa aking sarili: ‘ . . . Kaunti lang ang kakainin ko ngayon . . .’ Pero siguradong pagdating ng hapon, kakain pa rin ako nang kakain. Pagkatapos, makokonsiyensiya ako, at gugustuhin ko nang mamatay.”—Jennifer.
GUSTO mong maging maganda, at normal lamang iyan. Gusto mong maaliw kapag ikaw ay balisa o nanlulumo. Wala rin namang masama riyan. Subalit kung katulad ka ng mga batang babaing sinipi rito, baka nga may problema ka. Kung mayroon nga, hindi ka nag-iisa. Ang totoo, milyun-milyong kabataan—karamihan ay mga babae—ang may problema sa pagkain. *
Suriin natin ang anorexia, bulimia, at pagkain nang sobra-sobra. May kani-kaniyang sintomas ang bawat problemang ito, pero ang lahat ng ito ay may kinalaman sa di-normal na ugali sa pagkain. Kung nakikita mo ang sarili mo sa alinman sa sumusunod, huwag kang mag-alala dahil may makukuha namang tulong. Puwede ka pang gumaling!
Sumaryo
▪ ANOREXIA. Gaano man siya kapayat, kapag tumingin sa salamin ang isang babaing may anorexia, ang nakikita niya ay isang pagkataba-tabang tao. Para magpapayat, iistriktuhan niya nang husto ang kaniyang sarili. “Biláng na biláng ko palagi ang mga kalori,” ang sabi ng isang may anorexia. “Planadung-planado ang aking kakainin sa buong sanlinggo at kapag medyo naparami sa kalori ang kinain ko, hindi na muna ako kakain at papanayin ko ang aking ehersisyo. Iinom ako ng hanggang anim na pampadumi araw-araw.”
Di-magtatagal, unti-unti nang lilitaw ang sintomas ng anorexia. Ang karaniwang palatandaan ng may anorexia ay pamamayat, subalit posible ring dumanas siya ng panlalagas ng buhok, panunuyo ng balat, pagkahapo, at paghina ng buto. Nagiging iregular ang pagreregla o naglalayag pa nga ito sa loob ng sunud-sunod na mga buwan.
Parang hindi naman nakapipinsala ang mga sintomas na ito, pero tandaan—Nakamamatay ang anorexia. Natuklasan ng isang pag-aaral na sa malao’t madali, hanggang 10 porsiyento ng mga may ganitong sakit ang namamatay, karaniwan nang dahil sa hindi na gumagana ang ilang sangkap ng katawan o dahil sa iba pang problema may kinalaman sa maling paraan ng pagkain.
▪ BULIMIA. Sa halip na umiwas sa pagkain, ang batang babaing may bulimia ay kain nang kain, anupat nakauubos nang hanggang 15,000 kalori sa loob lamang ng dalawang oras! Pagkatapos naman ay ilalabas niya ang kaniyang kinain, sa pamamagitan ng pagsuka o pag-inom ng mga pampadumi o pampaihi.
Ang pagkain nang sobra-sobra ay kadalasan nang inililihim. “Pagkatapos ng klase, kapag nauunahan kong umuwi ang iba, madalas na kakain ako nang kakain,” ang sabi ng isang batang babae. “Nag-iingat ako para wala silang makitang ebidensiya.” Pero pagkatapos ng pagkain nang sobra-sobra, nakokonsiyensiya ako. “Inis na inis ako sa aking sarili,” ang sabi niya, “pero alam kong mababawi ko naman ang aking ginawa. Aakyat ako ng bahay, susuka, at bukod sa giginhawa ang kalooban ko, madarama kong kontrolado ko pa rin ang aking buhay.”
Bagaman waring nakabubuti ang paglalabas ng pagkain, mapanganib ito. Ang maling paggamit ng pampadumi ay nagpapahina sa sapin ng bituka at maaaring humantong sa pamamaga o impeksiyon. Ang madalas na pagsuka ay nagdudulot ng dehydration, pagkabulok ng ngipin, pinsala sa lalaugan, at maging sakit sa puso.
▪ PAGKAIN NANG SOBRA-SOBRA. Gaya ng may bulimia, ang isa na sobra-sobra kung kumain ay nakauubos ng napakaraming pagkain. Kaya lamang, hindi niya inilalabas ito. Dahil dito, masyado na siyang bumibigat. Gayunman, ang ilan ay nagpapakagutom pagkatapos kumain nang napakarami o kaya naman ay nag-eehersisyo nang husto. Kung minsan, kapag napananatili ang timbang sa ganitong paraan, hindi napapansin ng pamilya at mga kaibigan ang problema ng isang sobra-sobra kung kumain.
Gaya ng mga may anorexia at bulimia, hindi rin maganda ang ugali sa pagkain ng mga taong sobra-sobra kung kumain. Ganito ang sabi ng isang batang babae tungkol sa kaniyang sarili at sa iba pang may ganitong problema: “Pagkain ang aming personal at lihim na kaibigan—ang aming tanging kaibigan pa nga marahil.” Ang isa naman ay nagsabi: “Habang kain ako nang kain, wala na akong pakialam sa ibang bagay. Parang wala nang mahalaga sa akin kundi pagkain—nakagiginhawa ito—pero pagkatapos, ako ay nakokonsiyensiya at nanlulumo.”
Kahit hindi ilabas ang pagkain, mapanganib pa rin ang sobra-sobrang pagkain. Maaari itong magdulot ng diyabetis, mataas na
presyon ng dugo, sakit sa puso, at marami pang iba. Apektado rin nito ang emosyon.Posible Bang Mangyari Ito sa Iyo?
Mangyari pa, walang problema sa pagkain ang karamihan sa mga taong gustong magpapayat o gumanda ang katawan. Gayunman, matapos talakayin ang nasa itaas, iniisip-isip mo marahil na baka papunta ka na rin doon. Tanungin mo ang iyong sarili:
▪ Ikinahihiya ko ba kung paano ako kumain?
▪ Itinatago ko ba sa iba kung paano ako kumain?
▪ Wala na bang mahalaga sa akin kundi pagkain?
▪ Nagtitimbang ba ako hindi lamang minsan sa isang araw?
▪ Handa ba akong makipagsapalaran para pumayat?
▪ Sinubukan ko na ba ang pampasuka, pampadumi, o pampaihi?
▪ Apektado na ba ng aking ugali sa pagkain ang pakikisalamuha ko sa iba? Halimbawa, mas gusto ko bang magsolo sa halip na may kasama para makakain ako o makapaglabas ng pagkain nang walang nakaaalam?
Kung ang sagot sa mga tanong na ito ay nagpapahiwatig na may problema ka, itanong sa sarili:
▪ Talaga bang masaya ako sa ganitong uri ng buhay?
Ano ang puwede mong gawin tungkol dito?
Kumilos Na Ngayon!
Una, aminin mo muna sa iyong sarili na may problema ka nga. “Nang makapag-isip-isip ako,” ang sabi ni Danielle, “Natuklasan kong ang nadarama at nakaugalian ko ay katulad din ng mga batang babae na may anorexia. Nakatatakot aminin ang katotohanang ginagawa ko rin ang kanilang ginagawa.”
Ikalawa, ipanalangin mo kay Jehova ang iyong problema. * Ipakiusap mo sa kaniya na bigyan ka sana ng kaunawaan kung bakit ka nagkaroon ng ganitong problema upang mapaglabanan mo ito. Puwede mong tularan ang panalangin ni David: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga nakababalisang kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang nakasasakit na lakad, at patnubayan mo ako sa daan ng panahong walang takda.”—Awit 139:23, 24.
Sa kabilang dako naman, baka nagdadalawang-isip kang mawala ang iyong problema sa pagkain. Baka nakadepende ka na rito na parang nagiging sugapa ka na. Isa pang bagay ito na dapat ipanalangin kay Jehova. Ganiyan ang ginawa ni Danielle. “Noong una,” inamin niya, “talagang ayokong gumaling. Kaya ipinanalangin kong magkaroon sana ako ng pagnanais na gumaling.”
Ikatlo, makipag-usap sa isang magulang o iba pang adulto na makatutulong sa iyo. Hindi ka hihiyain ng mapagmalasakit na mga adulto. Sa halip, sisikapin nilang tularan si Jehova, na tungkol sa kaniya ay sinabi ng Bibliya: “Hindi siya nanghamak ni narimarim man sa kapighatian ng napipighati; at hindi niya ikinubli ang kaniyang mukha mula sa kaniya, at nang humingi siya sa kaniya ng tulong ay kaniyang dininig.”—Awit 22:24.
Oo, hindi madali ang paggaling. May mga kalagayang kailangan na ng tulong ng doktor. * Ang mahalaga ay ang kumilos. Ganiyan ang ipinasiyang gawin ng isang batang babae na may bulimia. “Isang araw,” ang sabi niya, “napag-isip-isip kong kontrolado na nga ako ng paglalabas ng pagkain. Pero hindi ako sigurado kung maihihinto ko ito. Sa wakas, ginawa ko ang pinakamahirap na bagay na kailangan kong gawin. Humingi ako ng tulong.”
Magagawa mo rin ito!
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 6 Yamang mga babae ang karamihang may problema sa pagkain, sa kasariang ito natin sila tutukuyin. Gayunman, kapit din sa mga kalalakihan ang marami sa mga simulaing tinatalakay rito.
^ par. 32 Kapag nababagabag, makaaasa ka sa personal na malasakit ni Jehova sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga tekstong gaya ng sumusunod: Exodo 3:7; Awit 9:9; 34:18; 51:17; 55:22; Isaias 57:15; 2 Corinto 4:7; Filipos 4:6, 7; 1 Pedro 5:7; 1 Juan 5:14.
^ par. 35 Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na anumang paggamot na ginagawa nila ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.
PAG-ISIPAN ITO
▪ Sa palagay mo, may problema ka ba sa pagkain? Kung oo, kanino ka maaaring humingi ng tulong?
▪ Paano mo matutulungan ang isang kaibigang may problema sa pagkain?
[Kahon sa pahina 19]
“Sa palagay ko, may problema ka . . .”
Kung may isang kapamilya o kaibigan na nagsabi nito sa iyo, paglabanan mo ang tendensiyang mangatuwiran agad. Halimbawang napansin ng isang kaibigan na natatastas ang tupi sa likod ng damit mo. Hindi ba’t matutuwa ka na sinabi niya ito sa iyo bago pa ito tuluyang matastas? Ang sabi ng Bibliya: “May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Kapag may nagmalasakit sa iyo dahil sa problema mo, ipinakikita lamang ng isang iyon na gayong uri siya ng kaibigan!
[Kahon/Larawan sa pahina 19]
“Gustung-gusto kong pumayat”
“Unti-unti akong namamayat. Nabunutan pa nga ako ng mga wisdom tooth, kaya hindi ako makakain. Dito nagsimula ang aking anorexia. Wala na akong inisip kundi ang aking hitsura at katawan. Gusto ko pang pumayat nang pumayat. Nakababahala na ang pinakamababa kong timbang. Laking pinsala ang ginawa ko sa aking katawan! Hindi na humahaba ang aking mga kuko ngayon. Nagulo na ang orasan ng katawan ko. Apat na ulit na akong nakunan. Maaga akong nagmenopos, at halos hindi gumagana ang aking metabolismo. May colitis din ako. Ang lahat ng ito ay dahil lamang sa gustung-gusto kong pumayat.”—Nicole.
[Kahon sa pahina 20]
Kapag umulit
Maaaring nagtagumpay ka sa iyong problema sa pagkain, subalit baka umulit na naman ito pagkalipas ng ilang linggo o mga buwan pa nga. Kapag nagkaganito, huwag kang susuko. Sinasabi ng Bibliya na “ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit.” (Kawikaan 24:16) Hindi dahil umulit ito ay nabigo ka na. Idiniriin lamang nito na kailangan mong maging determinado pa sa iyong pasiya, malaman ang mga palatandaang malapit na naman itong umulit, at marahil minsan pang lumapit sa matutulunging indibiduwal na aalalay sa iyo.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
Magbasa pa tungkol dito
Kung may problema ka sa pagkain, makabubuting magbasa ka tungkol sa paksang ito. Habang dumarami ang nalalaman mo tungkol sa problema, lalong nagiging madaling labanan ito. Malamang na makinabang ka kung rerepasuhin mo ang nakatutulong na impormasyon na lumabas sa Gumising! ng Enero 22, 1999, pahina 3-12, at Abril 22, 1999, pahina 13-15.
[Kahon sa pahina 21]
PAALAALA SA MGA MAGULANG
Kung may problema sa pagkain ang inyong anak, ano ang magagawa ninyo? Una, maingat na repasuhin ang impormasyon sa artikulong ito at sa iba pang mga reperensiyang ibinigay sa pahina 20. Sikaping unawain kung bakit siya nagkaganito.
Napansin na marami sa mga may problema sa pagkain ang may mababang pagtingin sa sarili at likas na perpeksiyonista, anupat napakalaki ng inaasahan sa kanilang sarili. Tiyakin ninyong hindi kayo ang maging dahilan ng ganitong pag-uugali. Patibayin ninyo ang inyong anak. (Isaias 50:4) At upang maiwasan ang pagiging perpeksiyonista, ‘makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran.’—Filipos 4:5.
Suriin din ninyo ang inyong saloobin sa pagkain at timbang. Naidiriin ba ninyo nang di-sinasadya ang mga bagay na ito, sa salita o sa gawa? Tandaan, napakasensitibo ng mga kabataan sa kanilang hitsura. Kahit biro lamang ang pagbanggit sa “baby fat” o sa biglang-laki, nagpapasok ito ng mga alalahanin sa isip ng isang nagdadalaga na madaling maimpluwensiyahan.
Matapos maingat na timbang-timbangin ang mga bagay-bagay, masinsinan ninyong kausapin ang inyong anak.
▪ Pag-isipang mabuti kung ano ang sasabihin at kung kailan ito sasabihin.
▪ Ipaliwanag ninyong mabuti ang inyong pagmamalasakit at pagnanais na makatulong.
▪ Huwag kayong magugulat kung ang unang reaksiyon niya ay ang mangatuwiran.
▪ Maging matiyaga sa pakikinig.
Ang pinakamahalaga, tulungan ninyo mismo ang inyong anak sa pagsisikap niyang gumaling. Gawin ninyong proyekto bilang pamilya ang paggaling!
[Larawan sa pahina 21]
Baka kailangan mong ipanalangin na magkaroon ka sana ng pagnanais na gumaling