Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Pagbabago sa Gumising! Natapos kong basahin kagabi ang Enero 2006 isyu ng Gumising! Gustung-gusto ko ang mga pagbabago rito! Ang Gumising! ay isa na ngayong magasing mas magagamit sa pag-aaral, na dinisenyo upang mag-isip ang mambabasa. Mula umpisa hanggang katapusan, nakikita ko ang patnubay ni Jehova para sumulong tayo sa espirituwal.

B. N., Canada

Ako po ay 16 na taóng gulang. Malaki ang maitutulong ng mga pagbabago sa Gumising! sa pag-aaral namin ng Bibliya. Ang ilang artikulo ay may sunud-sunod na tanong upang tulungan ang mambabasa na bulay-bulayin ang kaniyang nabasa. Gustung-gusto ko pong gamitin ang Gumising! sa aking mga takdang-aralin sa paaralan. Patuloy po sana ninyo kaming bigyan ng ganitong magaganda at kapaki-pakinabang na impormasyon.

S. N., Namibia

Napalalakas ng Aking Pananampalataya​—Namumuhay Nang May ALS (Enero 2006) Pagkabasa ko ng karanasan ni Jason Stuart, parang lumiit ang lahat ng problema ko. Napag-isip-isip kong pinahahalagahan ni Jehova ang paglilingkod natin sa kaniya depende sa ating kalagayan. Hanga ako sa asawa ni Jason dahil sa kaniyang sakripisyo at pagtitiwala kay Jehova. Ang karanasang ito ay mananatili sa puso ko at tutulong sa akin na maharap ang darating pang mga problema.

C.R.S., Peru

Napaiyak ako nang mabasa ko ang kuwento ni Jason, hindi lamang dahil sa nabagbag ako nang mabasa ko ang kaniyang mga pinagdaraanan kundi, bilang Saksi ni Jehova, ipinagmamalaki ko na nagkaroon ako ng isang espirituwal na kapatid na gaya niya. Nakita ko sa artikulo ang kahalagahan ng pagiging handa sa mga pagsubok, yamang “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay posibleng sumapit sa sinuman sa atin.​—Eclesiastes 9:11.

T. A., Hungary

Namatay si Inay dahil sa ALS. Kaya naman nabagbag ang puso ko sa karanasan ni Jason. Pinatibay ako ng kaniyang halimbawa na patuloy na gawin ang aking buong makakaya sa aking ministeryo. Nananalangin ako na patuloy sanang palakasin ni Jehova ang kapatid na ito at ang kaniyang asawa.

L.Z.G., Paraguay

Ang puspusang personal na pag-aaral na ginawa ni Jason noong wala pa siyang sakit, na siyang pinagkukunan niya ng espirituwal na lakas kapag kailangan niya ito, ang nag-udyok sa akin na mag-isip. Pinatibay nito ang aking determinasyon na maging mas masigasig sa aking personal na pag-aaral ng Bibliya.

Y. M., Hapon

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong​—Bakit Ko Sinasaktan ang Aking Sarili? (Enero 2006) Noong aking kabataan, pinaglalabanan ko ang droga at alak, pero ang pinakamabigat kong problema ay ang pananakit sa aking sarili. Patuloy ko itong pinaglalabanan, at ang mga artikulong kagaya nito ay nagpapalakas sa akin na magbata. Wala akong maapuhap na salita para masabi ang aking pasasalamat.

E. C., Estados Unidos

Naging bahagi na ng buhay ko ang pananakit sa sarili mula pa noong tin-edyer ako. Ngayon ay 56 na taon na ako. Apat na taon ko nang naitigil ang pananakit na ito sa sarili, pero kung minsan nagkakaroon ako ng napakalalaking problema anupat gustung-gusto ko nang gawin ito uli. Naabot ng artikulong ito ang kaibuturan ng aking puso. Matutulungan nito ang mga taong tulad ko na muling maharap ang buhay.

Hindi ibinigay ang pangalan, Netherlands

Ako po ay 17 taóng gulang at gusto ko po sanang pasalamatan kayo dahil sa artikulong ito. Problema ko po ang pananakit sa sarili. Kamakailan lamang, naghiwa na naman po ako sa sarili. Pagkatapos po, lumapit ako kay Inay at humiling na manalangin kami. Sa kabila ng problemang ito, alam ko pong mahal pa rin ako ni Jehova. Napakalaking tulong po ng artikulo ninyo, at nagpapasalamat po ako sa Diyos dahil dito!

N. M., Czech Republic

“Hindi totoo ito!” Iyan po ang naging reaksiyon ko nang makita ko ang artikulong ito. Ako po ay 18 taóng gulang. Sinasaktan ko po ang aking sarili. Natutulungan po akong masupil ang aking damdamin kapag nasasaktan ako. Madalas ko pong gustong pahirapan ang aking sarili, at hindi ko po alam kung paano ko mapaglalabanan ang gayong damdamin. Gulat na gulat po ako nang makita ko ang artikulong ito. Napaiyak ako at nagpasalamat kay Jehova sa panalangin. Sa organisasyon lamang ni Jehova tayo makakakita ng ganitong kaaliwan!

A. P., Russia

Noong 14 anyos ako, sinimulan kong paglabanan ang paghihirap ng damdamin sa pamamagitan ng pananakit sa sarili. Minsan, naospital pa nga ako dahil dito. Malaking tulong sa akin ang diary upang makontrol ang aking mga sintomas. Gayundin, kapag natutukso akong saktan ang aking sarili, tinatawagan ko ang isang maunawaing kaibigan. Napakalaking tulong din ng panalangin. At kapag nadarama kong hindi ako karapat-dapat manalangin, sinasamahan akong manalangin ng aking mga kaibigan at mga elder na Kristiyano. Mahirap na labanán ito, pero natutuhan ko na itong harapin at tinatanggap ko ang lahat ng makukuhang tulong para hindi ko na saktan ang aking sarili.

N. W., Alemanya

Makikita sa unang pahina ng artikulong ito ang isang batang babaing sinasabunutan ang sarili, at binanggit ng artikulo si “Sara,” na sumasabunot sa kaniyang buhok para parusahan ang sarili. Ang aking anak ay may trichotillomania, isang sakit na ang sintomas ay pagsabunot sa buhok. Ang sakit na ito ay kaugnay ng obsessive-compulsive disorder. Ito’y dahil sa di-mapaglabanang puwersa at hindi dahil gusto niyang saktan ang kaniyang sarili. Ang pagsabunot sa buhok ay hindi humahantong sa paghiwa sa sarili.

M. H., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Ang terminong “trichotillomania,” na inimbento noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, ay tumutukoy sa diperensiya sa paggawi na kakikitaan ng di-mapigil na kagustuhang sabunutan ang sarili. Gaya ng sinikap ipakita ng aming larawang maingat na pinili, ang pagsabunot sa buhok ay ginagawa ng ilan para saktan ang kanilang sarili. Subalit hindi naman ibig sabihin nito na lahat ng gumagawa ng di-mapigil na pagsabunot ay tumutukoy na sa pananakit sa sarili na inilalarawan sa aming artikulo. Gaya ng ipinaliwanag ng nabanggit na mambabasa, kung minsan ang paggawing iyon ay mas may kaugnayan sa “obsessive-compulsive disorder.”

Anuman ang kalagayan, ipinaliliwanag ng ilang eksperto na dapat isaalang-alang ang dahilan ng “trichotillomania” upang maiangkop ang paggamot sa pangangailangan ng bawat pasyente. Kung gayon, isang katalinuhan para sa mga may ganitong problema na kumonsulta sa doktor upang matingnan at magamot nang angkop sa kaniya.

Paano Mo Sasagutin? (Enero 2006) Tuwang-tuwa ako sa bagong bahaging ito! Tinuturuan namin ang aming mga apo, at napakagandang dagdag ito sa kanilang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at sa mga artikulo ng Gumising! na binabasa nila bilang bahagi ng kanilang atas sa paaralan. Salamat sa matinding malasakit ninyo sa mga kabataan.

B. E., Estados Unidos

Medyo mahirap po ang bahaging ito, pero tuwang-tuwa po ako kapag nakukuha ko ang sagot! Kagabi, magdamag ko pong binasa ang pahinang ito; talaga po namang nakapananabik! Paglaki ko po, gusto kong makatulong sa paggawa ng magasing ito para may matuto pang iba tungkol kay Jehova!

D. H., Estados Unidos

Ako po ay walong taóng gulang. Ginagamit po ng aming pamilya ang pahinang ito sa aming pampamilyang pag-aaral. Gustung-gusto po namin ang pagsasaliksik na dapat naming gawin. Maaaring mahirap ang bahaging “Sino Ako?,” pero gusto po namin ang hamong ito. Ituloy po sana ninyo ito.

C. W., Estados Unidos