Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ “Ang koneksiyon ng karahasan sa media at pagiging agresibo [ng mga tin-edyer] sa tunay na buhay ay halos kasintibay ng koneksiyon ng paninigarilyo at kanser sa baga.”—THE MEDICAL JOURNAL OF AUSTRALIA.
▪ May natuklasang katibayan na nagpapahiwatig na ang mga fruit bat, na kinakain sa ilang bahagi ng Aprika, “ay maaaring likas na incubator ng Ebola virus.”—MACLEANS, CANADA.
▪ Ibinubunyag ng datos mula sa tanggapan ng attorney general sa Mexico na nitong nakaraang walong taon, hindi kukulangin sa 130,000 bata sa bansang iyon ang dinukot para ibenta, gamitin sa sekso o sapilitang pagpapatrabaho, o alisan ng maibebentang mga sangkap ng katawan.—MILENIO, MEXICO.
Labindalawang Taon sa Bilangguan—Bakit?
Tatlong Saksi ni Jehova ang 12 taon nang nakabilanggo sa Sawa, Eritrea, Silangang Aprika. Walang kasong isinampa laban sa kanila, at hindi sila kailanman nilitis. Walang puwedeng dumalaw sa kanila, kahit kapamilya nila. Ang dahilan? Tumanggi silang maglingkod sa militar. Hindi kinikilala ng batas sa Eritrea ang pagtangging ito na udyok ng budhi. Kapag inaaresto ang mga kabataang lalaki, ikinukulong sila sa isang kampo militar, kung saan madalas silang binubugbog nang husto at pinahihirapan sa iba’t ibang paraan.
Banta ba sa Buhay-Ilang ang Internet?
“Pinabibilis ba ng Internet ang paglipol sa elepante ng Aprika?” ang tanong ng The New York Times. Naniniwala ang ilang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga hayop na gayon nga at nanganganib din ang marami pang ibang uri. Sinasabing lumago ang kalakalan ng hayop sa Internet nang lumawak din mismo ang Internet. Nang galugarin ang mga Web site na wikang Ingles sa loob ng tatlong buwan, natuklasan na “ibinebenta ang mahigit 6,000 ilegal o posibleng ilegal na mga bagay mula sa buhay-ilang,” pati na ang mga bahay ng pagong, eskulturang gawa sa buto ng elepante, at maging mga buháy na black leopard.
Ekolohikal na Sentrong Pampainit
“Mayroon nang sentrong pampainit na ginagatungan ng mga buto ng olibo,” ang ulat ng pahayagang El País sa Espanya. Ang mapagkukunan ng enerhiyang ito ang nagsusuplay ng init at mainit na tubig sa di-kukulangin sa 300 bahay sa Madrid. Bilang panggatong, mura lamang ang mga buto ng olibo, mas mababa nang 60 porsiyento kaysa sa langis at 20 porsiyento kaysa sa uling. Hindi nito dinurumhan ang kapaligiran, yamang ang inilalabas nitong carbon dioxide kapag sinusunog ay kasindami lamang ng inilalabas nito kapag nabubulok. Bentaha rin na madali itong makuha. Ang mga buto ng olibo ay naiiwan pagkatapos pigain ang langis mula sa olibo, at tanyag ang Espanya bilang nangungunang pinanggagalingan ng langis ng olibo sa buong daigdig.
Apat-na-Libong-Taóng Noodles
Sinasabi ng mga siyentipiko na may nahukay sila na tinatawag nilang “kilalang pinakamatandang noodles,” ang ulat ng The New York Times. Ang mga ito ay manipis, dilaw, 50 sentimetro ang haba, at gawa sa mijo na matatagpuan sa Tsina. Nakuha ang mga ito sa loob ng nakasarang luwad na nakabaon sa burak na tatlong metro ang lalim malapit sa Ilog Huang sa gawing hilagang-kanluran ng Tsina. Malamang na gumuho ang lugar dahil sa lindol at “malaking baha” mga 4,000 taon na ang nakalilipas, ayon sa lathalaing Nature. May kinalaman sa debate kung nagmula ba ang pasta sa Italya, Gitnang Silangan, o Silangan, ganito ang sinabi ng isa sa mga nakatuklas nito na si Houyuan Lu ng Chinese Academy of Sciences ayon sa Times: “Ang pag-aaral na ito ay nagpapatunay na sa Tsina ginawa ang pinakaunang noodles.”