Tower Bridge—Pintuang-daan ng London
Tower Bridge—Pintuang-daan ng London
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
KAYA itong tukuyin ng mga banyagang hindi pa nakararating sa Inglatera. Dinadayo ito ng libu-libong turista taun-taon. Tinatawid ito araw-araw ng mga residente ng London, marahil nang hindi man lamang iniisip ang pinagmulan nito. Ang Tower Bridge ang isa sa pinakatanyag na palatandaan ng London.
Ang Tower Bridge, na hindi dapat ipagkamali sa katabi nitong London Bridge, ay iniuugnay sa kalapit nitong Tower of London. Noong 1872, pinag-isipan ng Parlamento ng Inglatera ang panukalang magbibigay ng awtorisasyon para gumawa ng tulay sa Thames. Sa kabila ng pagtutol ng gobernador ng Tower, ipinasiya ng Parlamento na ituloy ang paggawa ng isa pang tulay sa kondisyon na ibabagay nila ang disenyo nito sa istilo ng Tower. Naitayo ang kasalukuyang Tower Bridge mula sa opisyal na panukalang ito.
Noong ika-18 at ika-19 na siglo, maraming tulay ang nagdurugtong sa magkabilang pampang ng Thames, at ang pinakatanyag ay ang Old London Bridge. Pagsapit ng 1750, naging mabuway na ang pundasyon ng tulay na ito sa ilog at dito nagsisikip ang trapiko. Sa ilalim nito, nagsisiksikan ang mga barko sa buong daigdig para makadaong sa puwerto nito. Napakaraming barko sa daungan noon anupat makalalakad daw ang isa nang kilu-kilometro sa ibabaw ng kubyerta ng nakadaong na mga barko.
Sa kahilingan ng Korporasyon ng London, iminungkahi ng arkitekto ng lunsod na si Horace Jones ang pagtatayo ng tulay na taas-baba (drawbridge) at istilong Gotiko sa pababa mula sa London Bridge. Maalwang makadaraan dito ang mga barkong pakanluran sa Thames patungo sa daungan. Para sa maraming tao, may bago sa disenyong ito.
Naiibang Disenyo
Marami nang lugar na nalakbay si Jones, at dahil sa maliliit na tulay na taas-baba sa mga kanal ng Netherlands, naisip niya ang tulay na parang siso. Ang tanyag na ngayong hugis ng Tower Bridge, na ginamitan ng makamodang paraan ng pagtatayo na may bakal na balangkas at kongkreto sa labas, ay disenyong iginuhit ng kaniyang pangkat.
Ang Tower Bridge ay may dalawang malalaking tore na pinagdurugtong ng nakalululang dalawang daanan ng tao na 34 na metro ang taas mula sa kalsada at mga 42 metro mula sa katamtamang pinakamataas na antas na naaabot ng tubig ng ilog. Nasa dulo ng mga kalsada mula sa magkabilang pampang ang counterweighted bascule o siso. Ang pagkalalaking pohas na ito ng tulay ay tumitimbang nang mga 1,200 tonelada at naghihiwalay habang pumapaitaas sa anggulong 86 na digri. Ligtas na nakadaraan sa ilalim nito ang mga barko na hanggang 10,000 tonelada ang bigat.
Pang-angat ng Tulay
Hydraulic power ang nagpapaangat sa mga pohas ng tulay para bumukas, nagpapatakbo ng mga elebeytor na sinasakyan ng mga tao mula sa kalsada pataas hanggang sa daanan ng tao, at nagpapaandar sa signal ng trapiko. Oo, tubig ang ginamit para gumana ang tulay na ito! At malakas ang puwersa nito—doble pa sa kailangang gamitin.
Sa ilalim ng dulo ng tulay sa gawing timog, may nakalagay na apat na boiler na naglalabas ng singaw sa pressure na mga lima hanggang anim na kilo bawat sentimetro kuwadrado at nagpapaandar sa dalawang pagkalalaking pambomba. Ang mga ito naman ang naglalabas ng tubig sa pressure na 60 kilo bawat sentimetro kuwadrado. Para mapanatili ang puwersang kailangan para iangat ang tulay, anim na malalaking tipunan ang nag-iimbak ng pressurized na tubig. Ito ang nagpapatakbo sa walong makina na nagpapaangat naman sa mga tulay. Kapag pinaandar na ito, aangat na ang mga pohas ng tulay mula sa pinagkakabitan nitong 50 sentimetro ang sukat. Isang minuto lamang at sagad nang maitataas ito.
Pagpasyal sa Modernong Tower Bridge
Pinalitan na ngayon ng kuryente ang lakas mula sa singaw. Pero tulad noon, kapag umaangat ang Tower Bridge, humihinto ang mga sasakyan sa kalsada. Namamangha ang mga dumaraan, mga turista, at iba pang bisita sa pagtaas at pagbaba ng tulay.
Tutunog ang hudyat, bababa ang mga halang sa kalsada, patatawirin ang huling sasakyan, at ihuhudyat ng mga kumokontrol sa tulay na wala nang dumaraan. Walang kaingay-ingay na makakalas ang apat na malalaking turnilyong pandugtong at aangat ang mga pohas ng tulay. Saka naman mapapansin ang ilog. Ang barko man ay panghila, panlibangan, o panlayag, susundan ng lahat ng mata ang pagtawid ng sasakyang pantubig. Pagkalipas ng ilang minuto, magbabago ang hudyat. Bababa na ang tulay, at aalisin na ang mga halang sa mga kalsada. Mauunang tumawid ang mga siklista bago ang mga naghihintay na sasakyan. Pagkalipas ng ilang segundo, tahimik na namang maghihintay ang Tower Bridge sa susunod nitong hudyat.
Hindi lamang pinanonood ng interesadong dumadayo ang paulit-ulit na pangyayaring ito. Sasakay siya kasama ng iba pa sa elebeytor paakyat sa tore sa hilaga para hangaan ang mga detalye ng kasaysayan ng tulay, na maingat na nakadispley sa eksibit na “Karanasan ng Tower Bridge” na may modelong gumagalaw. Ang kamangha-manghang inhinyeriya at marangyang seremonya ng pagbubukas ng tulay ay ipininta sa mga kambas at ang kamangha-manghang istraktura ng Tower Bridge ay makikita sa parang batik-batik at kulay-sepyang mga litrato at mga displey.
Makikita ng dumadayo ang magandang tanawin sa London mula sa nakalululang daanan ng tao. Sa gawing kanluran, makikita ang St. Paul’s Cathedral at ang mga gusali ng bangko sa pinansiyal na distrito at, sa malayo, ang tore ng Post Office. Aasahan namang makita sa gawing silangan ang mga daungan, pero matatagpuan na ngayon ang mga ito malayu-layo na mula sa modernong lunsod. Sa halip, nakatutuwang makita ang Docklands, itinayong kapalit ng lumang mga gusali sa lunsod, na may mga gusaling naiiba ang disenyo. Kahali-halina, kaakit-akit, kapansin-pansin—oo, angkop na inilalarawan ng mga terminong ito ang tanawin mula sa tanyag na palatandaang ito ng London.
Kapag pumasyal ka sa London, bakit hindi mo suriin ang makasaysayang pagtatayo nito? Pagkatapos mong dumalaw, matatandaan mo ang kamangha-manghang nagawa ng inhinyeriya rito.
[Larawan sa pahina 16]
Isa sa dalawang pambomba na pinatatakbo ng singaw at nagpaandar noon sa mga makina
[Credit Line]
Copyright Tower Bridge Exhibition
[Larawan sa pahina 16, 17]
Sagad na umaangat ang dalawang pohas ng tulay sa loob ng wala pang isang minuto
[Credit Line]
©Alan Copson/Agency Jon Arnold Images/age fotostock
[Picture Credit Line sa pahina 15]
© Brian Lawrence/SuperStock