Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinakamahirap sa Lahat ng Tanong

Ang Pinakamahirap sa Lahat ng Tanong

Ang Pinakamahirap sa Lahat ng Tanong

“BAKIT?” Nakalulungkot makita ang matinding paghihirap at kirot na nakapaloob sa simpleng salitang ito. Malimit itong itinatanong ng mga tao pagkatapos ng sakuna o trahedya: Hinampas ng bagyo ang buong rehiyon anupat marami ang namatay at napinsala. Winasak ng lindol ang isang lunsod. Napuno ng matinding takot at karahasan ang isang payapa at simpleng araw dahil sa pagsalakay ng terorista. O isang aksidente ang puminsala o kumitil ng buhay ng isang minamahal.

Nakalulungkot sabihin na ang madalas na kabilang sa nagiging biktima ay ang walang kamalay-malay at walang kalaban-laban sa gitna natin. Nitong nakalipas na panahon, napakaraming ganitong sakuna ang naganap, anupat marami ang nagtatanong sa Diyos, “Bakit?” Tingnan ang ilang halimbawa:

▪ “Diyos ko, bakit po ninyo ito ginawa sa amin? Ano po ang nagawa naming kasalanan sa inyo?” Ito ang mga tanong ng isang matandang babae sa India matapos wasakin ng tsunami ang kanilang nayon, ayon sa ulat ng ahensiya sa pagbabalita na Reuters.

▪ “Nasaan ang Diyos? At kung kontrolado ng Diyos ang lahat, bakit Niya pinayagang mangyari ito?” Ito naman ang mga tanong ng isang pahayagan ng Texas, E.U.A., matapos mamaril ang isang tao sa loob ng simbahan, na sumugat at pumatay sa maraming nagsisimba.

▪ “Bakit pinahintulutan ng Diyos na mamatay siya?” Ito ang tanong ng isang babae matapos mamatay ang kaniyang kaibigan dahil sa kanser, anupat mag-isa na ngayong mag-aalaga ng limang anak ang asawa ng namatay.

Hindi lamang ang mga taong ito ang nag-aakalang Diyos ang may kagagawan ng kanilang mga problema. Halimbawa, tungkol sa mga likas na sakuna, halos kalahati sa mga sumagot sa kamakailang surbey sa Internet ang nagsabi na ang mga sakunang gaya ng bagyo ay galing sa Diyos. Bakit kaya napakarami ang nag-iisip nang ganito?

Kalituhan sa Relihiyon

Sa halip na magbigay ng kasiya-siyang mga sagot, ang mga lider ng relihiyon pa ang madalas na isa sa nagiging dahilan ng kalituhan. Bigyang-pansin natin ang tatlo lamang sa karaniwang sinasabi nila.

Una, ipinangangaral ng maraming lider ng relihiyon na nagpapasapit daw ang Diyos ng mga sakuna upang parusahan ang mga suwail. Halimbawa, sa Estados Unidos, matapos wasakin ng Bagyong Katrina ang New Orleans, Louisiana, sinabi ng ilang ministro na pinarusahan daw kasi ng Diyos ang lunsod. Tinukoy nila ang pagiging laganap ng katiwalian, sugal, at imoralidad. Binanggit pa nga ng ilan ang Bibliya bilang katibayan, anupat tinutukoy ang mga pagkakataon nang puksain ng Diyos ang napakasamang mga tao sa pamamagitan ng baha o apoy. Gayunman, pinipilipit ng mga pag-aangking iyan ang Bibliya.​—Tingnan ang kahong “Gawa ba ng Diyos?”

Ikalawa, sinasabi ng ilang klerigo na may sariling dahilan daw ang Diyos sa pagpapasapit niya ng mga kalamidad sa sangkatauhan subalit hindi ito abot ng ating pag-iisip. Hindi nagugustuhan ng marami ang ideyang iyan. Iniisip nila, ‘Talaga bang maaatim ng isang maibiging Diyos na magpasapit ng gayong kasamaan at pagkatapos ay hindi niya ipauunawa sa mga naghahangad ng kaaliwan at may-pagsusumamong nagtatanong, “Bakit?”’ Sinasabi pa nga ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.”​—1 Juan 4:8.

Ikatlo, inaakala ng ibang lider ng relihiyon na baka ang Diyos ay hindi naman talaga makapangyarihan sa lahat at hindi rin maibigin. Muli, ang ganitong paliwanag ay nagbabangon ng mahahalagang tanong. Wala bang kakayahan ang Isa na ‘lumalang ng lahat ng bagay’​—pati na ng di-malirip na kalawakan ng uniberso​—na pigilin ang pagdurusa sa lupang ito? (Apocalipsis 4:11) Paanong ang Isa na nagbigay sa atin ng kakayahang umibig, na ang Salita ay naglalarawan sa kaniya bilang ang mismong larawan ng pag-ibig, ay di-maaantig sa pagdurusa ng tao?​—Genesis 1:27; 1 Juan 4:8.

Mangyari pa, ang tatlong kababanggit na punto ay ilan lamang sa mga pagtatangka ng tao na ipaliwanag kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa​—ang tanong na maraming siglo nang naging palaisipan sa mga taong naghahanap ng kasagutan. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa mahalaga at napapanahong paksang ito. Gaya ng makikita mo, aalisin ng mahusay at makatuwirang paliwanag ng Bibliya ang ganitong kalituhan. Bukod diyan, nag-aalok ang Bibliya ng lubos na kaaliwan sa lahat ng nakaranas ng trahedya sa kanilang buhay.

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

Gawa ba ng Diyos?

Itinuturo ba ng Bibliya na ang Diyos ang may kagagawan ng likas na mga sakunang nakikita natin sa ngayon? Hinding-hindi! Ang mga paghatol ng Diyos gaya ng binabanggit sa Bibliya ay ibang-iba kaysa sa likas na mga sakuna. Una sa lahat, ang Diyos ay pumipili; binabasa niya ang puso ng mga indibiduwal at pinupuksa niya tangi lamang yaong itinuturing niyang balakyot, o napakasama. (Genesis 18:23-32) Isa pa, nagbibigay muna ng babala ang Diyos upang mabigyan ng pagkakataong makatakas ang mga matuwid.

Sa kabaligtaran naman, ang likas na mga sakuna ay dumarating nang walang babala o kung mayroon man ay pahiwatig lamang, at hindi nito pinipili kung sino ang papatayin at pipinsalain. Sa isang antas, lalo pang pinalubha ng sangkatauhan ang gayong mga sakuna sa pamamagitan ng pagsira sa likas na kapaligiran at pagtatayo ng mga gusali sa mga lugar na madalas ang lindol, baha, at masasamang lagay ng panahon.

[Credit Line]

SENA VIDANAGAMA/AFP/Getty Images

[Larawan sa pahina 4]

Nakalilito ang iba’t ibang sagot ng mga lider ng relihiyon