Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

KUNG minsan, ang taong nagtatanong ng “Bakit?” ay naghahanap ng kaaliwan at sagot, sapagkat kapag bumangon ang tanong dahil sa matinding pagdurusa, kailangang-kailangan niya ng pang-aliw. Nagbibigay ba ang Bibliya ng gayong kaaliwan? Pansinin ang tatlong mahalagang katotohanan sa Bibliya may kaugnayan sa bagay na ito.

Una, hindi maling itanong kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. May mga taong nag-iisip na ang pagtatanong ng ganito ay nagpapahiwatig ng kawalan ng pananampalataya o paggalang sa Diyos. Sa kabaligtaran, kung taimtim mong itinatanong ito, maraming kagalang-galang na tao ang nagtanong na rin nito. Tinanong ng tapat na propetang si Habakuk ang Diyos: “Bakit mo ipinakikita sa akin ang gayong napakalaking kawalang-katarungan? Bakit mo ipinahihintulot na ang karahasan, katampalasanan, krimen, at kalupitan ay lumaganap kahit saan?” (Habakuk 1:3, Contemporary English Version) Hindi pinagalitan ng Diyos na Jehova si Habakuk. Sa halip, ipinasulat niya ang mga tanong ng tapat na lalaking ito para mabasa nating lahat.​—Roma 15:4.

Ikalawa, mahalagang maunawaan na karamay mo ang Diyos sa iyong problema. Hindi siya malayo at hindi rin misteryoso; siya ay “maibigin sa katarungan,” at naririmarim sa kabalakyutan at sa pagdurusang dulot nito. (Awit 37:28; Kawikaan 6:16-19) Noong panahon ni Noe, ang Diyos ay “nasaktan sa kaniyang puso” dahil sa karahasang lumalaganap sa lupa. (Genesis 6:5, 6) Hindi nagbabago ang Diyos; ganito pa rin ang kaniyang nadarama sa nangyayari ngayon.​—Malakias 3:6.

Ikatlo, hindi kailanman galing sa Diyos ang kabalakyutan. Nilinaw itong mabuti ng Bibliya. Yaong mga taong isinisisi sa Diyos ang mga bagay na gaya ng pagpaslang at terorismo ay naninirang-puri sa kaniya. Pansinin ang sinasabi sa Job 34:10: “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat!” Ganito rin ang sinasabi sa Santiago 1:13: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” Kaya kung ikaw man ay dumaranas ng kasamaan, makatitiyak kang hindi iyon galing sa Diyos.

Sino ang Tagapamahala ng Sanlibutan?

Ang mga nabanggit sa itaas ay nag-iiwan pa rin sa atin ng tanong, Kung ang Diyos ay maibigin, makatarungan, at makapangyarihan, bakit tayo napalilibutan ng kasamaan? Dapat munang ituwid ang isang karaniwang maling akala. Iniisip ng marami na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang namamahala sa sanlibutang ito, ang siyang tuwirang kumokontrol sa lahat ng bagay. “Wala ni isa mang atomo o molekula sa uniberso ang di-sakop ng kaniyang aktibong pamamahala,” ang sabi ng presidente ng isang teolohikal na seminaryo. Iyan nga ba ang itinuturo ng Bibliya?

Hinding-hindi. Marami ang nagugulat kapag nalalaman nila ang talagang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kung sino ang namamahala sa sanlibutan. Halimbawa, sinasabi sa 1 Juan 5:19: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Sino itong isa na balakyot? Ipinakilala siya ni Jesu-Kristo bilang Satanas na Diyablo, na tinawag niyang “tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Ngayon, hindi ba’t makatuwiran lamang ito? Si Satanas ay malupit, mapanlinlang, at lipos ng pagkapoot​—mga ugaling naging dahilan ng karamihan sa pagdurusa ng tao. Pero bakit pinahihintulutan ng Diyos na mamahala si Satanas?

Isyung Ibinangon sa Eden

Ano kaya ang madarama ng isang maibigin at responsableng magulang kung hayagan siyang aakusahan na siya ay nagsisinungaling sa kaniyang mga anak, umaabuso sa kaniyang awtoridad, at nagkakait ng mabubuting bagay sa kanila? Mapasisinungalingan ba niya ang mapanirang-puring mga akusasyong iyon kung sasaktan niya ang umaakusa sa kaniya? Siyempre, hindi! Sa katunayan, kung ganito ang kaniyang gagawin, baka maging patunay pa ito na totoo nga ang mga akusasyon sa kaniya.

Ang ilustrasyong ito ay tumutulong upang ipaliwanag ang paraan ng pagharap ng Diyos na Jehova sa hamong ibinangon laban sa kaniya sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao sa isang lugar na tinatawag na Eden. Sinabi roon ng Diyos sa unang dalawang tao, sina Adan at Eva, ang kaniyang napakagandang proyekto para sa mga anak niya sa lupa. Pupunuin nila ang lupa, susupilin iyon, at gagawing isang pangglobong paraiso. (Genesis 1:28) Bukod diyan, daan-daang milyong espiritung mga anak ng Diyos ang interesadung-interesado sa nakapananabik na proyektong ito.​—Job 38:4, 7; Daniel 7:10.

Palibhasa’y bukas-palad na Diyos, binigyan ni Jehova sina Adan at Eva ng isang magandang harding tahanan na sagana sa lahat ng masasarap na prutas. May isang punungkahoy lamang na hindi nila dapat pakialaman​—ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Sa pamamagitan ng hindi nila pagkain mula sa punungkahoy na iyon, maipakikita nina Adan at Eva ang kanilang lubos na pagtitiwala sa kanilang Ama, anupat kinikilalang siya ang may karapatang magpasiya kung ano ang mabuti at masama para sa kaniyang mga anak.​—Genesis 2:16, 17.

Pero nakalulungkot, ang isa sa mga espiritung anak ng Diyos, dahil sa pagnanasang siya ang sambahin, ay nagsabi kay Eva na kung kakainin niya ang ipinagbabawal na bunga, hindi siya mamamatay. (Genesis 2:17; 3:1-5) Sa gayon, ang masamang anghel na ito, si Satanas, ay tahasang sumalungat sa Diyos, anupat pinalabas na sinungaling ang Diyos! Inakusahan din ni Satanas ang Diyos na nagkakait ng napakahalagang kaalaman kina Adan at Eva. Ipinahiwatig ni Satanas na ang mga tao mismo ang dapat magpasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Sa madaling salita, inakusahan ni Satanas ang Diyos na hindi karapat-dapat maging Tagapamahala at Ama at nagpahiwatig na siya, si Satanas, ang higit na karapat-dapat.

Sa pamamagitan ng tuso at mapanirang pagsisinungaling na iyon, ginawa ng anghel ang kaniyang sarili na Satanas na Diyablo. Ang mga pangalang ito ay nangangahulugang “Mananalansang” at “Maninirang-puri.” Ano naman ang ginawa nina Adan at Eva? Pumanig sila kay Satanas, at tumalikod sa Diyos.​—Genesis 3:6.

Puwede naman sanang puksain agad ni Jehova ang mga rebelde. Subalit gaya ng binanggit sa ating ilustrasyon, ang isyung iyon ay hindi malulutas ng marahas na pagganti. Alalahanin din na noong hamunin ni Satanas ang Diyos, milyun-milyong anghel ang nakikinig. Sa katunayan, isang malaki, ngunit di-binanggit na bilang ang sumama nang maglaon kay Satanas sa kaniyang pagrerebelde, anupat ginawa nilang mga demonyo ang kanilang sarili.​—Marcos 1:34; 2 Pedro 2:4; Judas 6.

Bakit Hindi Nakikialam ang Diyos?

Sa paghikayat kina Adan at Eva na humiwalay sa kanilang Maylalang, sa diwa, pinasimulan ni Satanas ang isang pamilya na hindi naman talaga nakapagsarili kundi napasailalim pa nga sa kaniyang awtoridad. Yamang naiimpluwensiyahan ng kanilang “ama,” ang Diyablo, alam man nila o hindi, ang pamilyang ito ay nagsimula nang pumili ng kanilang sariling mga tunguhin at pamantayan ng paggawi. (Juan 8:44) Subalit magdudulot kaya sa kanila ng tunay na kalayaan at walang-hanggang kaligayahan ang paraang iyan ng pamumuhay? Alam na alam ni Jehova na hindi. Gayunman, pinahintulutan niya ang mga rebelde na ipagpatuloy ang kanilang landasin ng pagsasarili, yamang sa pamamagitan lamang nito lubusang malulutas ang isyung ibinangon sa Eden.

Sa mahigit na ngayong 6,000 taon, ang sangkatauhan ay nakabuo na ng isang pandaigdig na sistema ng mga bagay, anupat nasubukan na ang lahat ng uri ng pamamahala at mga pamantayan ng paggawi. Natutuwa ka ba sa naging resulta? Talaga bang maligaya, payapa, at nagkakaisa ang pamilya ng tao? Maliwanag na ang sagot ay hindi! Sa halip, ang sangkatauhan ay sinasalot ng digmaan, gutom, likas na sakuna, sakit, at kamatayan, anupat ‘nawawalan ng saysay,’ ‘nasasaktan,’ at “dumaraing,” gaya ng sinasabi mismo ng Bibliya.​—Roma 8:19-22; Eclesiastes 8:9.

Gayunman, baka itanong pa rin ng ilan, ‘Bakit kaya hindi hinahadlangan ng Diyos ang mga trahedya?’ Hindi nga makatarungan at makalilito pa sa isyu kung lilitaw na wala namang masamang ibubunga ang pagrerebelde sa Diyos. Kaya hindi nakikialam si Jehova upang hadlangan ang lahat ng krimen at trahedyang tuwiran o di-tuwirang dulot ng pagsuway sa kaniya. * Hindi kailanman susuportahan ni Jehova ang mapanirang kasinungalingan na magtatagumpay raw ang sistema ni Satanas at na nasumpungan na nito ang susi sa kaligayahan! Subalit hindi naman ipinagwawalang-bahala ni Jehova ang mga nangyayari. Sa katunayan, abalang-abala siya, gaya ng makikita natin ngayon.

“Ang Aking Ama ay Patuloy na Gumagawa”

Ipinakikita ng pananalitang ito ni Jesus na ang Diyos ay hindi basta nakaupo lamang habang pinanonood ang mga nangyayari. (Juan 5:17) Sa halip, mula nang maganap ang rebelyon sa Eden, naging abalang-abala siya. Halimbawa, kinasihan niya ang mga manunulat ng Bibliya upang isulat ang kaniyang pangako na isang “binhi” ang darating at dudurog kay Satanas at sa lahat ng mga kampon nito. (Genesis 3:15) Karagdagan pa, sa pamamagitan ng Binhing iyan, bubuo ang Diyos ng isang pamahalaan, isang makalangit na Kaharian, na magbibigay ng pagpapala sa masunuring mga tao at tatapos sa lahat ng dahilan ng pagdurusa, maging sa kamatayan mismo.​—Genesis 22:18; Awit 46:9; 72:16; Isaias 25:8; 33:24; Daniel 7:13, 14.

Bilang isang hakbang sa katuparan ng napakagagandang pangakong iyon, isinugo ni Jehova sa lupa ang Isa na magiging pangunahing Tagapamahala ng Kahariang iyon. Ang isang ito ay walang iba kundi si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos. (Galacia 3:16) Kaayon ng layunin ng Diyos para sa kaniya, itinuon ni Jesus ang kaniyang turo sa Kaharian ng Diyos. (Lucas 4:43) Sa katunayan, aktuwal at patiunang ipinakita ni Kristo ang kaniyang gagawin bilang Hari ng Kahariang iyon. Nagpakain siya ng libu-libong nagugutom, nagpagaling ng maysakit, bumuhay ng patay, at nagpakita pa nga ng kaniyang kapangyarihan sa kalikasan sa pamamagitan ng pagpapahupa sa napakalakas na bagyo. (Mateo 14:14-21; Marcos 4:37-39; Juan 11:43, 44) Tungkol kay Jesus, ganito ang sabi ng Bibliya: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya.”​—2 Corinto 1:20.

Yaong nakikinig kay Jesus at lumalabas “mula sa sanlibutan”​—sistema ng mga bagay na hiwalay sa Diyos at pinamamahalaan ni Satanas​—ay tinatanggap sa pamilya ni Jehova. (Juan 15:19) Ang pangglobong pamilyang ito ng tunay na mga Kristiyano ay inuugitan ng pag-ibig, nagtataguyod ng kapayapaan, at determinadong alisin ang anumang bakas ng panatisismo at pagtatangi ng lahi sa gitna nila.​—Malakias 3:17, 18; Juan 13:34, 35.

Sa halip na itaguyod ang kasalukuyang sanlibutan, ang tunay na mga Kristiyano ay sumusuporta at naghahayag ng Kaharian ng Diyos bilang pagsunod sa utos ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:14. Pag-isipan ito: Sino ang nangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa buong daigdig? Sino ang tumatanggi, bilang pandaigdig na espirituwal na pamilya, na makibahagi sa digmaan at alitan ng mga bansa at tribo na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi? At sino ang nagpapaakay sa Salita ng Diyos may kinalaman sa kanilang paggawi, tanggapin man ng karamihan o hindi ang matataas na pamantayan nito? (1 Juan 5:3) Marami nang nakapapansin sa mga katangiang ito ng mga Saksi ni Jehova. Pakisuyong ikaw mismo ang sumuri sa katibayan.

Magpasiya Para sa Pamamahala ng Diyos!

Ang sangkatauhang humiwalay sa Diyos at nailigaw ni Satanas ay bumuo ng isang makasanlibutang sistema na nagdudulot ng patindi nang patinding kahapisan at kawalang pag-asa. Maging ang lupa mismo ay sinisira! Sa kabilang dako naman, si Jehova ay nagtatag ng isang makalangit na pamahalaan na nagpaganda sa kalidad ng buhay ng milyun-milyon at nagbigay ng tiyak na pag-asa sa bawat isa. (1 Timoteo 4:10) Alin ang pipiliin mo?

Ngayon na ang panahon para magpasiya, yamang hindi pahihintulutan ng Diyos na magpatuloy kailanman si Satanas at ang kaniyang masamang sanlibutan. Hindi pa rin nagbabago ang orihinal na layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa. Sa layuning iyan, ang kaniyang Kaharian at ang mga tagasuporta nito ay patuloy na lalakas, habang ang sanlibutan naman na kontrolado ni Satanas ay daranas ng patindi nang patinding “mga hapdi ng kabagabagan” hanggang sa wakasan na ito ng Diyos. (Mateo 24:3, 7, 8) Kaya kung taimtim ka nang nagtanong ng “Bakit?” sa Diyos, makinig ka sa kaniya sa pamamagitan ng pagsasapuso ng mensahe ng Bibliya tungkol sa kaaliwan at pag-asa. Ngayon pa lamang, ang iyong luha ng kalungkutan ay posible nang maging luha ng kagalakan.​—Mateo 5:4; Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

^ par. 19 Bagaman paminsan-minsan ay nakikialam ang Diyos sa mga ginagawa ng tao, ang mga ito ay hindi bilang pagsuporta sa kasalukuyang sistema. Sa halip, may kaugnayan ang mga ito sa katuparan ng kaniyang layunin.​—Lucas 17:26-30; Roma 9:17-24.

[Mga larawan sa pahina 7]

Nasisiyahan ka ba sa resulta ng pamamahala ng tao?

[Credit Lines]

Sanggol: © J. B. Russell/Panos Pictures; babaing umiiyak: © Paul Lowe/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 8, 9]

Isasauli ni Jesus ang Paraiso​—at bubuhayin pa nga ang mga patay