Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Banal na Eksperimento” ng mga Quaker

“Banal na Eksperimento” ng mga Quaker

“Banal na Eksperimento” ng mga Quaker

NOONG Hulyo 1656, ang barkong Swallow, mula sa Barbados sa West Indies, ay dumaong sa Boston, Massachusetts, na ngayon ay Estados Unidos ng Amerika. Iniutos ni Richard Bellingham, pangalawang gobernador ng kolonya ng Massachusetts, na huwag pababain ang mga pasaherong sina Mary Fisher at Ann Austin. Kabilang sa kanilang mga dala-dalahan ang 100 aklat na sinasabing naglalaman ng “tiwali, heretiko, at mapamusong na mga doktrina.”

Ang mga aklat ay sinunog sa pamilihan. Pagkatapos, ang dalawang babae ay ibinilanggo, hinubaran, at sinuri kung may palatandaan ng pagiging mangkukulam. Isinara ang bintana ng kanilang selda, at sa loob ng limang linggo, ang dalawang babae ay nakakulong sa dilim. Sinumang maglakas-loob na kumausap sa kanila ay magmumulta ng limang pound. Nang dakong huli, pinauwi na rin sina Mary Fisher at Ann Austin sa Barbados.

Isang mananalaysay nang panahong iyon ang nagtanong sa mga mahistrado: “Bakit ba gayon na lamang ang takot ninyo sa pagdating ng dalawang babae, na para bang isang malakas na hukbo ang sumalakay sa inyong hangganan?” Sa katunayan, ang dalawang “mapanganib” na babaing ito ang unang misyonerang Quaker na dumating sa Hilagang Amerika. Sino ba ang mga Quaker, at bakit sila itinuring na isang banta?

Ang Society of Friends

Ang mga Quaker, o Religious Society of Friends, ay lumitaw sa Inglatera noong ika-17 siglo. Ang nagtatag ng Friends ay si George Fox (1624-91), anak ng manghahabi na isinilang sa Leicestershire. Matapos makarinig diumano ng makahimalang tinig, sinabi ni Fox na nakakausap niya ang Diyos nang tuwiran at nakatatanggap siya ng kaliwanagan nang walang tagapamagitang tao. “Ang tradisyonal na petsa ng simula ng Society of Friends ay 1652,” ang sabi ng aklat na A Religious History of the American People.

Bakit tinawag na mga Quaker ang Friends? Isang reperensiyang akda ang nagsasabi na sila ay “nangingisay bago ang mga sandali ng pagsisiwalat ng Diyos.” Sinasabi naman ng ibang reperensiyang akda na sila ay “nanginginig dahil sa damang-damang pagpipitagan sa sukdol na kadalisayan at karingalan ng Diyos.” Layunin ng mga Quaker na masumpungan ang relihiyosong katotohanan at muling mapasigla ang sinaunang Kristiyanismo.

Para sa patnubay, sinasabi nilang umaasa sila sa banal na espiritu, sa mga propeta ng Bibliya, sa mga apostol ni Kristo, at sa panloob na “liwanag,” o “tinig,” ng diumano’y espirituwal na katotohanan. Kaya naman ang mga pulong nila ay panahon ng pananahimik bilang grupo habang ang bawat isa ay humihiling ng patnubay ng Diyos. Sinumang makatanggap ng mensahe mula sa Diyos ay maaaring magsalita. *

Ang mga Quaker ay naniniwala sa katarungan, di-natitinag na katapatan, simpleng pamumuhay, at di-paggamit ng dahas. Naniniwala sila na lahat ng Kristiyano, pati mga babae, ay dapat makibahagi sa ministeryo. Kinatakutan at pinagsuspetsahan ang mga Quaker dahil hinamon nila ang mga relihiyosong organisasyon, iniwasan ang pagpaparangya at seremonya, at inangking may patnubay sila ng panloob na tinig at hindi ng uring klerigo. Ang nakababahala sa lahat ay ang kanilang sigasig sa pagmimisyonero, na pumukaw ng galit, pang-uumog, at pagsalansang ng mga opisyal.

Sa Inglatera, ang mga Quaker ay inuusig at ibinibilanggo, at sa New England, pinalalayas at pinapatay pa nga sila. Halimbawa, sa pagitan ng 1659 at 1661, ang mga misyonerong sina Mary Dyer, William Leddra, William Robinson, at Marmaduke Stephenson ay binitay sa Boston. Ang iba ay ipinosas, hineruhan, o hinagupit. Ang ilan naman ay pinungusan ng tainga. Isang lalaking nagngangalang William Brend ang nilatigo nang 117 ulit sa kaniyang hubad na likod gamit ang lubid na inilublob sa alkitran. Subalit sa kabila ng ganitong kalupitan, dumarami pa rin ang mga Quaker.

Si William Penn at ang “Banal na Eksperimento”

Simula noong 1681, isang malaking pagbabago ang naganap sa buhay ng mga Quaker sa Hilagang Amerika. Si William Penn (1644-1718), kabataang Ingles na nakumberte sa Society of Friends, ay nagtatag ng isang kolonya ayon sa mithiing Quaker at pinangangasiwaan ng mga Quaker, na tinawag na “banal na eksperimento” sa pamamalakad. Yamang si Penn ay pasipistang anak ng Britanong admiral, nabilanggo siya dahil sa pangangaral at pagsulat niya tungkol sa kaniyang mga pananaw.

Bilang bayad-utang sa ama ni Penn, ipinagkaloob ng Hari ng Inglatera kay Penn ang isang malaking lupain sa Hilagang Amerika. Isang karta mula sa hari ang nagbigay kay Penn ng halos lubus-lubusang kapangyarihan sa bagong kolonya, na tinawag na Pennsylvania, na nangangahulugang “Penn’s Woods,” bilang pag-alaala kay Admiral Penn. Doon ay may kalayaan sa relihiyon ang mga tao anuman ang kanilang pananampalataya.

Isinugo muna ni Penn ang pinsan niyang si William Markham sa Amerika bilang ahente niya upang makuha ang suporta ng ilang Europeong sakop ng bagong kolonya at upang bumili ng lupa sa mga Katutubong Amerikano. Noong 1682, naglayag si Penn sa Ilog Delaware at nakita niya sa kauna-unahang pagkakataon ang kaniyang kolonya. Gumawa siya ng makatarungang kasunduan sa mga katutubo sa Shackamaxon (tinatawag ngayon Kensington, bahagi ng Philadelphia). Pagkaraan, mga isang kilometro mula Shackamaxon, isinaplano niya at pinanganlan ang isang bagong pamayanan, na tinawag niyang Philadelphia, nangangahulugang “Pag-ibig na Pangkapatid.” Mabilis itong lumaki.

Bumalik si Penn sa Inglatera at ipinamalita ang bagong kolonya upang himukin ang mga tao na lumipat doon. Isinulat niya ang tungkol sa magandang lupain at kagubatan, napakagandang ilog, maiilap na hayop, at mga balat ng hayop. Ipinangako niya na itataguyod ng bagong pamahalaan ang pagpaparaya sa relihiyon at payapang pagsasamahan. Lahat ay malugod na tinatanggap​—mga negosyante, mahihirap, at mga idealistang sabik makipagtulungan para magkaroon ng mahusay na pamahalaan.

Dahil sa pag-asang mahahango sila mula sa panlipunan at pulitikal na mga problema sa Europa, dumayo ang mga Quaker mula sa Inglatera at Hilagang Ireland. Nagdatingan ang mga Mennonita at katulad na mga grupo mula sa rehiyon ng Rhine sa Europa. Karamihan sa unang mga nakipanirahan ay ang mga Quaker, at binanggit ni Penn ang napakagandang simula ng kolonya. Noong 1683, sumulat siya: “Ginanap ang dalawang pangkalahatang kapulungan, . . . at di-kukulangin sa pitumpung batas ang naipasa nang walang isa mang tumutol.” Gayunman, ang positibong damdaming ito ay hindi nagtagal.

Nabigo ang Eksperimento

Ayon sa karta ng kolonya ni Penn, ang lahat ay may kalayaang sumunod sa idinidikta ng kanilang budhi. Kaya nang lumitaw na kailangan ang karahasan upang mapanatili ang batas at kaayusan, naging problema ang pagiging pasipista ng mga Quaker​—problemang unti-unting lumaki. Sa simula, iniwasan ni Penn ang isyu sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga kinatawang di-Quaker na magiging, ayon sa kaniya, “mahigpit paminsan-minsan sa ating kapuwa kung kinakailangan.” Noong 1689, lalong napalagay sa pagsubok ang paninindigan ng mga Quaker dahil sa posibleng pakikipagdigma sa Pransiya.

Lalong nagkaproblema nang dumagsa ang mga bagong salta, karamihan ay di-Quaker, at mang-agaw ng lupa ng mga Katutubong Amerikano. Sa gayon, habang nagiging minoridad na lamang ang mga Quaker, unti-unting nasira ang kanilang magandang pakikipagsamahan sa mga katutubo.

Dumating ang huling dagok sa pulitikal na awtoridad ng mga Quaker nang magdeklara ng pakikidigma ang gobernador at ang kaniyang konseho sa mga tribo ng Delaware at Shawnee noong 1756. Dahil dito, nagbitiw ang mga Quaker sa pamahalaan na tumapos sa kanilang rehimen. Kaya mga 75 taon matapos itong pasimulan, ang “banal na eksperimento” ni Penn sa pamamalakad ay nagwakas.

Nang maglaon, nanamlay na rin ang relihiyosong sigasig ng mga Quaker habang umuunlad sila sa materyal. Ganito ang sabi ng Quaker na si Samuel Fothergill: “Yamang nabaling na sa sanlibutang ito ang kanilang pansin, hindi na maituro [ng mga nakipanirahang Quaker] sa kanilang mga anak ang mga simulaing nalimutan na rin nila mismo.” Nang maglaon, naglitawan na rin ang mga sekta.

Maaaring naging marangal naman ang adhikain ni Penn at ng kaniyang mga tagasuporta at pansamantala silang nagtagumpay; subalit hindi nila naunawaan o ipinagwalang-bahala nila ang turo ni Jesus na siya at ang kaniyang mga alagad ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Kung gayon, bilang simulain, anumang proyekto, gaano man kaganda ang intensiyon, na nagtatangkang pagsamahin ang relihiyon at pulitika ng sanlibutan, ay gumagawa nito nang walang pagpapala ng Diyos o ng kaniyang Anak. (Santiago 4:4; 1 Juan 5:19) Kaya naman, hindi ito magtatagumpay.​—Awit 127:1.

[Talababa]

^ par. 8 Sa ngayon, marami nang simbahang Quaker ang may bayarang ministro na nagsasagawa ng mga serbisyo sa mas organisadong paraan.

[Kahon sa pahina 12]

“ANG KAHARIAN KO AY HINDI BAHAGI NG SANLIBUTANG ITO”

Bakit kaya sinabi ni Jesus ang mga salitang ito na nakaulat sa Juan 18:36? Magiging malinaw ang sagot kapag naunawaan natin kung ano ang Kaharian ng Diyos. Ang Kaharian ng Diyos, na pangunahing tema ng turo ni Jesus, ay walang iba kundi isang pandaigdig na pamahalaan sa ilalim ni Jesu-Kristo. (Isaias 9:6, 7; Lucas 4:43) Sa halip na mamahala sa pamamagitan ng mga tao, ang Kaharian ang mag-aalis sa kanila at ito ang magiging tanging pamahalaan sa lupa. (Daniel 2:44; 7:13, 14) Ito ang pangyayaring binanggit ni Jesus sa huwarang panalangin nang sabihin niya: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ang masunuring mga sakop ng Kahariang iyan ay magkakaroon ng isang kalidad ng buhay na hindi kailanman maibibigay ng taimtim na mga taong gaya ni William Penn​—magkakaroon sila ng sakdal na kalusugan at walang-hanggang buhay sa mapayapang kapaligiran sa paraiso.​—Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4.

[Larawan sa pahina 10]

Pulong ng mga Quaker sa Philadelphia, ika-19 na siglo

[Larawan sa pahina 10]

Ang Quaker na si Mary Dyer habang dinadala sa bitayan sa Massachusetts Bay Colony

[Larawan sa pahina 11]

Mga Quaker nang papaalis ng Inglatera, ika-17 siglo

[Larawan sa pahina 11]

Si William Penn nang gumagawa ng kasunduan sa mga Katutubong Amerikano, 1682

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Both pictures: © North Wind Picture Archives

[Picture Credit Lines sa pahina 11]

Boats: © North Wind Picture Archives; treaty: Brown Brothers