Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Buhay sa Death Valley

Buhay sa Death Valley

Buhay sa Death Valley

NOONG 1848, may nahukay na ginto malapit sa Sacramento, California, E.U.A. Nang sumunod na taon, mga 80,000 nagbabaka-sakaling yumaman ang humugos sa estado. Noong Disyembre 25, 1849, isang grupo, bahagi ng isang tren na may mga 100 bagon na naglalakbay pakanluran mula Salt Lake City, ang pumasok sa tinatawag ngayong Death Valley. Inisip nila na mas malapit kung dadaan sila sa tigang na libis na ito malapit sa hangganan ng California at Nevada.

Malamig ang klima sa libis nang panahong iyon ng taon, subalit mapanganib ang daan. Nagbukud-bukod ang grupo at nagkani-kaniya sila ng ruta. Ang isang grupo na may mga kasamang babae at bata ay hindi na nakalabas sa libis sa mga bundok sa kanluran. Dahil sa matinding pagod at papaubos na suplay, nagkampo sila sa isang bukal malapit sa tinatawag ngayong Furnace Creek at nagtuloy sa isang balon ng tubig na nang maglaon ay tinawag na Bennett’s Well. Mula roon, dalawang lalaking 20 anyos, sina William Manly at John Rogers, ang umalis upang humingi ng tulong. Naiwan naman ang iba.

Inakala nina Manly at Rogers na mararating nila ang lunsod ng Los Angeles sa loob lamang ng ilang araw. Hindi nila alam na mga 300 kilometro pa pala ito patimog-kanluran. Pagkatapos ng halos dalawang linggong paglalakad, narating din nila ang San Fernando Valley, ang hilagang bahagi ng lunsod. Doon sila nakakuha ng mga suplay at dali-dali silang bumalik.

Pagdating nila sa kanilang kampo pagkalipas ng 25 araw, wala silang makita kahit isang tao. Nagpaputok si Manly ng baril, at lumabas ang isang lalaki mula sa ilalim ng bagon. Ganito ang isinulat ni Manly pagkaraan: “Itinaas niya ang kaniyang mga kamay at sumigaw​—‘Dumating na sila. Dumating na sila!’” Naglabasan din ang iba na halos hindi makapagsalita sa sobrang tuwa. Dahil kina Manly at Rogers, lahat ay nakaligtas maliban sa isang lalaki​—umalis siya ng kampo at mag-isang naglakad palabas ng libis. Nang paalis na ang mga nagkampong ito, isang babae diumano ang lumingon at nagsabi, ‘Paalam na, Death Valley!’ At iyon na nga ang naging pangalan nito.

Lupaing Sukdulan ang Kalagayan

Ang Death Valley​—mga 225 kilometro ang haba at nasa mga 8 hanggang 24 na kilometro ang lapad​—ang pinakatuyo, pinakamababa, at pinakamainit na lugar sa Hilagang Amerika. Ang temperatura ng hangin sa Furnace Creek ay naiulat na 57 digri Celsius, samantalang ang temperatura naman ng lupa ay umiinit nang 94 na digri Celsius​—6 na digri ang baba sa boiling point ng tubig sa kapantayan ng dagat! *

Ang katamtamang dami ng bumabagsak na ulan ay wala pang limang sentimetro taun-taon, at may mga taon na talagang walang ulan. Ang pinakamababang lugar sa buong Kanlurang Hemisperyo​—86 na metro ang baba sa kapantayan ng dagat​—ay nasa libis malapit sa maalat at maliit na lawa sa Badwater. Mga 140 kilometro lamang ang layo, makikita naman ang 4,418 metrong Bundok Whitney​—ang pinakamataas na taluktok sa Estados Unidos sa labas ng Alaska.

Noong 1850, nakahukay ng pailan-ilang ginto sa libis sa Salt Spring. Ang mga nakipagsapalaran ay nakakita rin doon ng pilak, tanso, at tingga. Sumulpot sa buong libis ang mga minahang bayan na may kakatwang mga pangalan na gaya ng Bullfrog, Greenwater, Rhyolite, at Skidoo. Ngunit nang maubos ang mga batong mineral, ang sumulpot na mga bayang ito ay naging patay na mga bayan. Subalit noong 1880, ang borax​—puting kristal na mineral na ginagamit sa paggawa ng sabon at iba pang produkto​—ay natuklasan sa Death Valley, na humantong sa pinakamatagumpay na panahon ng pagmimina sa buong kasaysayan ng libis na ito. Hanggang 1888, pangkat-pangkat na binubuo ng 18 mula at 2 kabayo ang humihila sa dalawahang limang metrong bagon na may kargang borax sa nakapapagod na biyahe patungong bayan ng Mojave na 270 kilometro ang layo. Subalit walang nagbibiyahe mula Hunyo hanggang Setyembre; napakainit ng panahong iyon para sa tao at hayop.

Itinalaga bilang pambansang bantayog ang Death Valley noong 1933. Unti-unting pinalawak ang mga hangganan nito hanggang 1.3 milyong ektarya. Noong 1994, ang lugar na ito ay naging Death Valley National Park​—ang pinakamalaking pambansang parke sa kontinente ng Estados Unidos.

Punung-puno ng Buhay ang Death Valley

Mauunawaan naman kung iisipin ng isa na walang nabubuhay sa Death Valley. Subalit daan-daang uri ng hayop ang nagdaraan o namamahay roon, at marami sa mga ito ay sa gabi gumagala dahil sa init. Ang pinakamalaking mamalya ay ang mga mariringal na pandisyertong tupa na may malalaking sungay, na manaka-nakang pumapasok sa libis mula sa karatig na kabundukan. Mayroon ding mga uring kuneho, paniki, bobcat, coyote, sorra, kangaroo rat, leon, porcupino, rabit, skunk, asno, bayawak, ahas, at pagong-bundok. May mga ibon din na ulók, lawin, kandangaok, uwak, sandpiper, buwitre, at daan-daan pang mga uri.

Isa sa pinakamatibay sa lahat ng kinapal na ito ay ang mga kangaroo rat. Puwede silang mabuhay nang hindi umiinom kahit isang patak ng tubig sa buong buhay nila! “Ang lahat ng tubig na kailangan nila para mabuhay ay nakukuha nila mula sa harina at taba ng kinakain nilang tuyong butil na tinutunaw ng kanilang katawan,” ang sabi ng isang magasin. At para makapaglabas ng ihi, mga limang ulit na mas kaunting tubig lamang ang kailangan ng kanilang bato kaysa sa kailangan ng mga bato ng tao. Natatakasan ng maliliit at naghuhukay-ng-lungga na mga dagang ito ang sobrang init sa maghapon dahil sa gabi sila naghahanap ng pagkain.

Mahigit isang libong sari-saring pananim ang makikita sa libis. Ang mga Shoshone, mga Indian na naninirahan doon sa loob ng mahigit isang libong taon, ay naghahanap ng mga halamang naroroon na puwede nilang kainin at gamitin sa paggawa ng mga kagamitan sa pagluluto. Kung alam mo ang hinahanap mo, ang sabi nila, marami kang makikitang pagkain sa Death Valley.

Kapag Namulaklak ang Disyerto

Paminsan-minsan, nagsisibol ng maraming pagkagagandang ligaw na bulaklak ang Death Valley. Tumutubo ang mga ito mula sa di-mabilang na mga butong nasa lupa​—na ilang dekada nang nakabaon kung minsan​—at naghihintay lamang ng tamang-tamang kombinasyon ng ulan at temperatura para sumibol. “Maraming taon na ring hindi kami nakakakita ng bulaklak,” ang sabi ng botaniko sa National Park Service na si Tim Croissant.

Subalit noong taglamig ng 2004/2005, naiulat ang pinakamaraming pag-ulan sa Death Valley​—mahigit tatlong ulit sa karaniwan. Dahil dito, umusbong ang mahigit 50 uri ng mga ligaw na bulaklak, kasali na ang larkspur, lila, orkid, poppy, primrose, mirasol, at verbena. Para kang nasa tindahan ng bulaklak dahil sa bango ng libis, ang sabi ng isang turista. Mangyari pa, umaakit ng mga bubuyog at iba pang insekto ang mga bulaklak. Kaya kapag namumulaklak ang Death Valley, maririnig mo rin ang pagaspas ng munting mga pakpak.

Kung papasyal ka sa libis na ito na sukdulan ang kalagayan, tiyakin mong nasa kondisyon ang iyong sasakyan at marami kang dalang tubig. At kung mapasabay ka sa mga bubuyog, magdala ka na rin ng kamera. Pag-uwi mo, magugulat ang iyong pamilya at mga kaibigan sa dami ng buhay na makikita sa Death Valley.

[Talababa]

^ par. 7 Ang pinakamainit na 58.0 digri Celsius sa buong daigdig ay naiulat noong 1922 sa Libya. Subalit sa pangkalahatang temperatura kung tag-init, lumilitaw na ang Death Valley ang pinakamainit na lugar sa buong lupa.

[Blurb sa pahina 15]

Ang pinakatuyo, pinakamababa, at pinakamainit na lugar sa Hilagang Amerika

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

Isda sa Disyerto!

Apat na uri ng kahanga-hangang maliliit na isdang tinatawag na desert pupfish ang nabubuhay sa Death Valley. Kung taglamig, ang anim-na-sentimetrong kinapal na ito na kulay-pilak ay nakatago sa burak ng mga sapa at lawa roon. Pagkatapos, kapag umiinit na ang tubig sa tagsibol, sila ay nagiging aktibo at dumarami. Ang mga lalaking isda ay nagiging kulay matingkad na asul at alistong nakabantay sa kanilang teritoryo laban sa ibang mga lalaking isda. Subalit dahil sa nakapapasong init sa tag-araw madaling natutuyo ang tubig, at napakaraming pupfish ang namamatay. Ang nakaliligtas ay yaong mga nakatatagal sa napakaalat na tubig na maaaring umabot sa temperaturang 44 na digri Celsius.

[Credit Lines]

Top fish: © Neil Mishalov--www.mishalov.com; bottom fish: Donald W. Sada, Desert Research Institute

[Mga mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Estados Unidos ng Amerika

California

Death Valley National Park

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Mules: Courtesy of The Bancroft Library/University of California, Berkeley

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Burros: ©Joseph C. Dovala/age fotostock; top panorama: © Neil Mishalov--www.mishalov.com; flowers: Photo by David McNew/Getty Images