Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Halika’t Masdan ang Rumaragasang Mekong

Halika’t Masdan ang Rumaragasang Mekong

Halika’t Masdan ang Rumaragasang Mekong

ANG Ilog Mekong ay bumabagtas sa anim na bansa sa Asia at ikinabubuhay ng mga 100 milyon katao mula sa halos 100 grupong katutubo at etniko. Nakakakuha taun-taon ng 1.3 milyong tonelada ng isda sa ilog​—mas marami nang apat na beses kaysa sa North Sea! Sa haba na 4,350 kilometro, ito ang pinakamahabang ilog sa Timog-Silangang Asia. At yamang tumatawid ito sa maraming bansa, maraming pangalan ang ilog, ang pinakakilala​—Mekong​—ay pinaikling anyo ng pangalang Mae Nam Khong sa wikang Thai.

Mula sa itaas ng kabundukan ng Himalaya, ang Mekong ay rumaragasang pababa sa mga dalisdis ng kabundukan at bumubulusok sa malalalim na bangin. Kapag dumaloy na ang tubig nito sa labas ng Tsina, kung saan tinatawag itong Lancang, halos kalahati na ng haba ng ilog ang natawid nito at humugos na sa taas na 4,500 metro. Ang dulong kalahatian ng Mekong ay bumabagsak lamang nang 500 metro. Kaya talagang mas mabagal dumaloy ang bahaging ito ng ilog. Paglabas ng Tsina, ang ilog ay nagsisilbing hangganan ng Myanmar at ng Laos, at ito rin ang kalakhang bahagi ng hangganan ng Laos at Thailand. Nagsasanga ito sa Cambodia at umaagos sa Vietnam sa dalawang direksiyon at tumutuloy sa South China Sea.

Sa huling bahagi ng dekada ng 1860, naghanap ang mga Pranses ng malalayagan ng barko sa Mekong patungong Tsina. Pero nawalan sila ng pag-asa nang masalubong nila ang rapids (napakabilis na rumaragasang ilog) malapit sa bayan ng Kratie, sa Cambodia, at ang sunud-sunod na talon na tinatawag na Khone Falls, sa timugang Laos. Mas maraming tubig ang bumabagsak mula sa Khone Falls kaysa alinmang talon sa buong daigdig, at doble pa nga ang dami nito kaysa sa Niagara Falls, na nasa hangganan ng Canada at Estados Unidos.

Ilog ng Buhay

Mahalaga ang Mekong sa ekonomiya ng Timog-Silangang Asia. Ang Vientiane, kabisera ng Laos, at ang Phnom Penh, kabisera ng Cambodia, ay mga daungang lunsod sa ilog. Pababa ng ilog, ang Mekong ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga taga-Vietnam. Nagsasanga ito roon sa pitong direksiyon, anupat bumubuo ng delta na may sukat na 25,000 kilometro kuwadrado, at tinatayang 3,200 kilometro ang haba. Dinidilig ng saganang katubigan nito ang mga bukid at palayan at nag-iiwan ng mahalagang banlik kung kaya tatlong beses umaani ng palay taun-taon ang mga magsasaka. Sa katunayan, ang Vietnam ang ikalawang pinakamalaking tagaluwas ng tanyag na pagkaing ito, na Thailand lamang ang nakadaig.

Tinatayang 1,200 uri ng isda ang nabubuhay sa Mekong, at inaani ang ilan sa mga ito pati na mga hipon. Isang popular na isda mula roon, ang trey riel, ay tanyag na tanyag sa natatanging dahilan​—ipinangalan ito sa salapi ng Cambodia, ang riel. Sa Mekong din matatagpuan ang nanganganib malipol na uri ng hito na lumalaki nang hanggang 2.75 metro. Noong 2005, nakahuli ang mga mangingisda ng isang hito na tumitimbang nang 290 kilo, ang pinakamalaking isdang-tabang marahil sa buong daigdig! Ang isa pang uri na nanganganib din malipol sa Mekong ay ang Irrawaddy dolphin. Sinasabi ng mga mananaliksik na wala pang 100 nito ang natitira na lamang sa ilog.

Hindi lamang pinagkukunan ng pagkain ng milyun-milyon katao ang Mekong, daanan din ito ng mga sasakyang pantubig na iba’t iba ang laki​—maliliit na bangkang pampasahero, malalaking barkong pangkargada, at mga barkong paroo’t parito sa laot. Ang ilog ay popular din sa mga turista, na ang marami sa kanila ay nais makarating nang lampas pa sa Khone Falls para makapasyal sa Vientiane. Ang lunsod na ito, na kilala sa mga kanal, pagoda, at bahay na nasa tukod, ay sentro na ng komersiyo, pulitika, at relihiyon sa loob ng mahigit 1,000 taon. Mula sa Vientiane, maaaring umakyat pasalunga ng ilog patungong Louangphrabang. Ang daungang lunsod na ito ang minsang naging kabisera ng malaking estado ng Thai-Lao at naging maharlikang kabisera ng Laos maging noong pananakop ng Pransiya. Nangingibabaw pa rin sa makasaysayang lunsod ang impluwensiya ng mga mananakop na Pranses.

Nagkaroon ng maraming nakababahalang pagbabago sa Mekong nitong mga nakaraang panahon. Kabilang dito ang nakapipinsalang kaugalian sa pangingisda, pagkalbo sa kagubatan, at pagtatayo ng pagkalalaking dam na hydroelectric. Para sa mga nagmamasid, waring hindi na makontrol ang situwasyon. Subalit may pag-asa pa.

Ipinangangako ng Bibliya na malapit nang makialam ang ating maibiging Maylalang sa mga gawain ng tao sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. (Daniel 2:44; 7:13, 14; Mateo 6:10) Sa ilalim ng patnubay ng sakdal na pandaigdig na pamahalaang iyan, ang buong lupa ay mananagana, at ang mga ilog, sa makasagisag na diwa, ay ‘papalakpak ng kanilang mga kamay’ sa kagalakan. (Awit 98:7-9) Makipalakpak din nawa ang rumaragasang Mekong.

[Larawan sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TSINA

MYANMAR

LAOS

THAILAND

CAMBODIA

VIETNAM

Ilog Mekong

[Larawan sa pahina 24]

Palayan, Mekong Delta

[Larawan sa pahina 24]

Mga 1,200 uri ng isda ang matatagpuan sa Ilog Mekong

[Larawan sa pahina 25]

Nakalutang na palengke, Vietnam

[Picture Credit Lines sa pahina 24]

Palayan: ©Jordi Camí/age fotostock; pangingisda: ©Stuart Pearce/World Pictures/age fotostock; larawan sa likuran: © Chris Sattlberger/Panos Pictures

[Picture Credit Lines sa pahina 25]

Palengke: ©Lorne Resnick/age fotostock; babae: ©Stuart Pearce/World Pictures/age fotostock