Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Iniligtas Mula sa Lahat ng Aking Kabagabagan

Iniligtas Mula sa Lahat ng Aking Kabagabagan

Iniligtas Mula sa Lahat ng Aking Kabagabagan

Ayon sa salaysay ni Jean-Claude François

Dahil sa aking budhing sinanay sa bibliya, pitong taon akong nagdusa sa mahigit na 12 bilangguan. Sa kabila ng aking dinanas na hirap, masasabi ko pa ring pinagpala ako. Hayaan ninyong ipaliwanag ko.

ISINILANG ako sa Algiers, Algeria, noong Enero 9, 1937. Ang Pransiya ang namamahala noon sa Algeria, at si Itay ay opisyal ng hukbong Pranses. Dahil sa kaniyang trabaho, ilang buwan siyang naglalakbay sa Ehipto, Iraq, Lebanon, at Sirya, anupat halos wala na siyang panahon para sa kaniyang limang anak.

Napakahilig kong mag-aral at matataas ang aking marka. Pero iniisip ko ang mga tanong na, Bakit tayo namamatay, at paano nagkaroon ng kasamaan gayong ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at maibigin? Wala akong makuhang kasiya-siyang mga sagot. Gustung-gusto ko ring malaman kung paano nagkaroon ng buhay. Waring ang teoriya ni Darwin tungkol sa ebolusyon ang tanging makatuwirang paliwanag, kaya nang maglaon, naging ateista ako.

Nasagot Din sa Wakas!

Noong 1954, binigyan ako ng aking kaibigang si Georges, naging Saksi ni Jehova, ng buklet na Evolution Versus the New World. * Sabik na sabik ko itong binasa. Bukod sa pagbubunyag sa mga kabiguan ng teoriya ng ebolusyon, isiniwalat din ng buklet na pinatutunayan ng mga fosil ang ulat sa Genesis, na nagsasabing nilalang ng Diyos ang bawat nabubuhay na bagay “ayon sa uri nito.” (Genesis 1:12, 25) Pero hindi pa rin mawala-wala sa isip ko ang tanong tungkol sa kasamaan.

Si Georges ay payunir, o buong-panahong ministro, at gumugugol ng maraming panahon sa pagtuturo ng Bibliya, isang aklat na hindi ko pa kailanman nabasa. Masasagot kaya niya ang aking mga tanong? Pumunta ako sa maliit na apartment na tinitirhan niya at ng iba pang payunir, at nasagot mula sa Kasulatan ang marami sa aking mga tanong. Pagkaraan, pinasimulan ko ang sistematiko at lubhang kawili-wiling pag-aaral sa Bibliya. Mula noon, hindi ako nagsawa kailanman sa masusing pagsasaliksik sa Salita ng Diyos upang makuha ang nakapagpapatibay-pananampalatayang mga kayamanan.​—Kawikaan 2:1-5.

Dumadalo na rin ako sa mga pulong Kristiyano, na ginaganap noon sa silong ng isang restawran sa sentro ng Algiers. Malugod akong tinanggap ng mga Saksi, at nang maglaon ay regular na akong dumadalo. Nang ipatalastas na magkakaroon ng miting na gaganapin sa isang kalye, ipinasiya kong pumunta. Pagdating ko roon, napag-alaman kong mangangaral pala sa bahay-bahay ang nagtipong mga Saksi. (Gawa 20:20) Gayunman, hindi ako umalis, at sa ganitong paraan ako nakapagpasimula ng pangmadlang ministeryo.

Sa ikatlong pagkakataon ng aking pagpapatotoo, mag-isa na lamang akong nakikipag-usap sa mga may-bahay. Sa isang bahay, hindi ko makita-kita sa Bibliya ang teksto na aking binanggit. “Binata,” ang sabi ng may-bahay, “magturo ka sa iba kapag kaya mo na.” Sabay sara ng pinto. Mabigat ang loob ko nang maupo ako sa isang bangkô at hinanap ko ang tekstong iyon na hindi ko makita-kita. Nang mahanap ko iyon pagkalipas ng ilang minuto, bumalik ako at ipinakita ko ito sa lalaking nakausap ko.

Nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos noong Marso 4, 1956. Pagkalipas ng anim na buwan, isang mabigat na desisyon ang napaharap sa akin. Magpapayunir ba ako, o magtuturo sa paaralan sa isang liblib na lugar sa Algeria anupat mababawasan ang aking panahon sa ministeryo? Pinili kong magpayunir.

Galit na galit si Itay sa naging desisyon ko at itinutok sa aking lalamunan ang isang kutsilyo sabay utos sa akin na dapat akong umuwi gabi-gabi. Sinabi rin niya na hindi na ako puwedeng sumalo sa kanilang pagkain, kahit na bayaran ko pa ang lahat ng aking gastos. Kaya aalis ako ng bahay sa umaga nang gutom, kakain ng tanghalian sa labas kasama ng mga payunir, at magtitinapay sa hapunan bago umuwi.

Pag-iwas sa mga Bomba at Pag-ilag sa mga Bala

Nang panahong iyon, ipinakikipaglaban ng Algeria ang kanilang kalayaan mula sa Pransiya, at magulo noon ang Algeria dahil sa pambobomba at mababagsik na paghihiganti. May partikular na buwan na nagkaroon ng mahigit 100 pagsabog. Ang mga bomba ay inilalagay sa loob ng bus, bar, at mga istadyum. Mahirap mangaral noon. Takot magbukas ng pinto ang mga tao, at madalas na nagkakaroon ng curfew, hinahanapan ng ID ang mga tao, at kinakapkapan.

Noong Linggo, Setyembre 30, 1956, habang inaayos ko at ng iba pang payunir ang aming dakong pulungan, sumabog ang isang bomba sa restawran sa itaas, na pumatay at puminsala ng maraming tao. Mabuti na lamang at walang isa man sa amin sa ibaba ang nasaktan. Noong Disyembre, nangangaral kami ng isang sister sa mataong lansangan nang biglang may dumaang humahagibis na kotse at pinagbabaril ang mga tao mula sa nakabukas nitong bintana. Pumasok agad kami sa isang pinto, itinulak ko padapa ang sister at saka ako bigla ring dumapa. Nagtalbugan ang mga bala sa uluhan namin. Pagkatapos nito, lahat kami ay lalong naging maingat habang nagpapatotoo.

Tumanggi Akong Humawak ng Sandata

Noong Marso 1, 1957, tinawag ako para magsundalo. Yamang labag sa aking budhing Kristiyano ang paghawak ng sandata, nanalangin ako para maging matatag sa pagharap sa mga awtoridad. Hiniling ko rin na sana ay hindi kami magkatagpo ni Itay. Laking pasalamat ko nang sabihan akong magreport sa lunsod ng Lille, Pransiya, na malayo sa amin.

Pagkalipas ng anim na araw, dumating ako sa Citadel of Lille, isang tanggulan noon pang panahon ni Haring Louis XIV ng ika-17 siglo. Gamit ang Bibliya, ipinaliwanag ko ang aking neutral na paninindigan sa mga opisyal ng hukbo, na siya namang nagpabilanggo sa akin. Isang umaga, ako ay kinaladkad ng mga sundalo mula sa aking selda, kinapkapan, at nakita nila ang isang maliit na Bibliya. Pagkatapos ay pinasubsob nila ako sa yelo, inihagis ang aking Bibliya sa tabi ko, tinuunan ng puluhan ng baril ang batok ko, at pinanatili ako roon sa loob ng mga 30 minuto. Pagkaraan nito, laking tuwa ko nang ibalik sa akin ng mga guwardiya ang Bibliya, at hanggang sa ngayon, nasa istante ko pa rin ito. Gayunman, ilang taon kong ininda ang pananakit ng tiyan dahil sa pahirap na dinanas ko nang araw na iyon.

Pagkalipas ng ilang araw, binasa sa akin ng kumandante ang liham na tinanggap niya mula kay Itay. “Dapat siyang mapasunod. Pahirapan ninyo nang husto kung kinakailangan,” ang sabi sa liham. Dahil hindi ako nakipagkompromiso, ikinulong ako ng opisyal sa isang madilim na selda, anupat sa tabla ako natutulog nang may maliit na kumot. Ginawa kong palikuran ang isang sulok ng selda. Wala akong pampaligo, pansepilyo, o panghugas ng pinggan. Pagkalipas ng dalawang linggo, ipinadala ako sa bilangguan ng Fresnes sa Paris.

Nang sumunod na anim na taon, apat na ulit akong nasentensiyahan at nabilanggo sa 14 na piitan. Isang taglamig, dinala ako sa Fontevrault, isang monasteryo noong ika-12 siglo sa Loire Valley, na ginamit bilang bilangguan. Kinumpiska nila ang aking mga pag-aari nang dumating ako. Dahil pilit kong hinihingi ang aking Bibliya, isang buwan akong ibinartolina ng mga guwardiya. Doon, nakaharap ko na naman ang isa ko pang kalaban, ang lamig, na mas tumindi kung kaya inubo ako hanggang sa dumura ako ng dugo.

Pagkaraan ay inilipat naman ako sa mas makataong piitan​—ang Château de Turquant, malapit sa Saumur, kung saan ginagawang katulong sa bahay ng mga retiradong mahistrado ang mga bilanggo. Kabilang sa mga preso ay si Ahmed Ben Bella, ang susunod na presidente ng republika ng Algeria. Ilang buwan akong nagpatotoo sa kaniya. “Isa kang katutubo ng Algiers,” minsan ay sinabi niya sa akin, “at narito ka dahil ayaw mong humawak ng sandata laban sa mga taga-Algeria.” Iginalang niya ako dahil sa aking paninindigan.

Pinalakas ng Higit Pang mga Pagsubok

Humina ang aking katawan, at natuklasang may tuberkulosis ako at ipinadala sa isang sanitaryum sa timog ng Pransiya, kung saan naratay ako nang ilang buwan. Iminungkahi ng aking doktor na operahan ako upang alisin ang apektadong baga, at pumayag naman ako, sa kondisyon na ‘iiwas ako sa dugo.’ (Gawa 15:29) Sa galit ng doktor, ayaw na niya akong operahan. Anim na taon na ako ngayong nakabilanggo.

Kailangan na akong umalis sa sanitaryum sa kalagitnaan ng taglamig, at wala akong ibang damit kundi ang suot ko. Pero gaya ng pagpapadala ni Jehova kay Onesiforo para tulungan si apostol Pablo, nagpadala rin Siya ng tulong sa akin​—si Brother Adolphe Garatoni, ang kumupkop sa akin at naging “tulong na nagpapalakas” sa akin. (Colosas 4:11; 2 Timoteo 1:16-18) Sa tulong niya at ng isang doktor sa timog ng Pransiya, patuloy na bumuti ang aking kalusugan.

Nang panahong ito, nagkaroon ako ng malaking gastusin kung kaya nangailangan ako ng pera. Hindi ko alam kung paano ko ito mababayaran. Isang araw, may dumating na isang babaing hindi ko kilala. “Isa akong abogada,” ang sabi niya. “Pinapunta ako ng presidente ng Algeria, si Mr. Ben Bella para ibigay ito sa iyo.” Iniabot niya sa akin ang isang sobreng may lamang pera na sobra pang pambayad sa aking gastusin. Buong-puso akong nagpasalamat kay Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.

Kahanga-hangang mga Pribilehiyo at Magandang Kapareha

Ngayong malaya na ako, muli akong pumasok sa buong-panahong ministeryo. Sa kongregasyon ng Melun, malapit sa Paris, nakilala ko si Andrée Morel, 35 anyos na biyuda. Ang kaniyang unang asawa, isa ring Saksi, ay namatay sa isang aksidente sa kotse. Nagpakasal kami noong Setyembre 26, 1964. Noong Agosto 1, 1965, tumanggap kami ng atas bilang mga ministrong special pioneer. Bagaman hindi gaanong malusog si Andrée, nakapanatili pa rin siya sa buong-panahong paglilingkod sa loob ng 28 taon!

Noong 1967, naatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito, naglalakbay na ministrong dumadalaw at nagpapatibay sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Naglingkod kami sa gawing timog ng Pransiya mula Bordeaux hanggang Monaco, at sa loob ng isang taon, sa Paris. Dahil sa kalagayan ng aming kalusugan, hindi naging madali ang gawain bilang naglalakbay na tagapangasiwa, pero sa tulong ni Jehova, napaglingkuran namin ang mga kapatid sa loob ng 20 taon, hanggang 1986, nang maging special pioneer ulit kami.

Ang Buhay Ko Ngayon

Halos 70 taon na ako ngayon at paulit-ulit kong napatunayan na palaging pinalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang mabata ang mga pagsubok. Mangyari pa, ang bahagi ng lakas na iyan ay mula sa pag-aaral ng kaniyang kinasihang Salita, na sinisikap kong mabasa mula umpisa hanggang katapusan taun-taon.​—Isaias 40:28-31; Roma 15:4; 2 Timoteo 3:16.

Napatitibay kaming dalawa ni Andrée kapag nakikita namin ang mga tao na tumutugon sa mabuting balita at nag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova. Oo, sa paglipas ng mga taon, nakita namin na ginawa ito ng 70 sa aming estudyante sa Bibliya, na nagdulot sa amin ng walang-kahulilip at panghabang-buhay na kagalakan. Kapag iniisip-isip ko ang aming buhay, para bang isinulat ng salmista ang gusto naming sabihin: “Ang napipighating ito ay tumawag, at dininig ni Jehova. At mula sa lahat ng kaniyang mga kabagabagan ay iniligtas Niya siya.”​—Awit 34:6.

[Talababa]

^ par. 7 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na inililimbag ngayon.

[Larawan sa pahina 21]

Sa bilangguan sa Château de Turquant, malapit sa Saumur

[Mga larawan sa pahina 23]

Kaming mag-asawa noong 1967, at ngayon