Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Libangan ng Marami Noong Unang Siglo

Libangan ng Marami Noong Unang Siglo

Libangan ng Marami Noong Unang Siglo

Di-mabilang ang nasaktan at marami ang namatay, pati na mga bata, dahil sa kaguluhan sa pagitan ng mga tagahanga ng magkalabang panig sa isport mula sa magkalapit na lunsod sa timugang Italya. Dahil sa trahedyang ito, sampung taóng ipinasara ng mga awtoridad ang ampiteatro.

ANG mga ulat ng kaguluhang gaya nito ay hindi na bago sa mga pahayagan sa ngayon. Ngunit ang partikular na pangyayaring ito ay naganap halos 2,000 taon na ang nakalilipas noong namamahala pa si Emperador Nero. Inilarawan ng Romanong istoryador na si Tacitus ang kaguluhang ito, na naganap sa ampiteatro ng Pompeii noong paligsahan ng mga gladiator, nang mag-away ang mga taga-Pompeii at ang mga tagahanga ng isport mula sa kalapit na lunsod ng Nuceria.

Noong unang siglo, napakahilig ng mga tao sa libangan. Ang malalaking lunsod ng Imperyo ng Roma ay may mga teatro, ampiteatro, at mga sirko, at may ilang lunsod na kinaroroonan ng lahat ng tatlong ito. “Ang mga laro,” ang sabi ng Atlas of the Roman World, “ay nagsasangkot ng nakatatarantang panganib at katuwaan . . . [at] sistematikong pagdanak ng dugo.” Ang mga nagpapatakbo ng karo ay nakasuot ng matitingkad na kulay, at bawat pangkat ay kumakatawan sa isang grupo sa lipunan, ito man ay sa pulitika o sa antas ng katayuan sa lipunan. Halos mahibang sa katuwaan ang mga tagahanga kapag lumabas na ang kanilang paboritong pangkat. Naging popular na popular ang mga nagpapatakbo ng karo anupat idinidispley ng mga tao sa kanilang bahay ang litrato ng mga ito, at napakalalaki ng ibinabayad sa mga ito.

Nagtatanghal din ang mga lunsod ng madudugong sagupaan ng mga gladiator at ng sagupaan ng tao at hayop, na wala man lamang sandata ang tao kung minsan. Ayon sa istoryador na si Will Durant, “ang mga nahatulang kriminal, na binibihisan kung minsan ng balat ng hayop upang makahawig nito, ay inihahagis sa mga hayop na ginutom muna nang husto para sa okasyong iyon; wala nang mas sasakit pa sa ganitong uri ng kamatayan.”

Talagang ‘nasa kadiliman ang isip’ ng mga taong tuwang-tuwa sa ganitong di-makadiyos na libangan at “nawalan na [sila] ng lahat ng pakiramdam sa moral.” (Efeso 4:17-19) Noong ikalawang siglo, isinulat ni Tertullian: “Sa gitna [ng mga Kristiyano], walang sinasabi, o makikita, o maririnig, na ganitong kabaliwan ng sirko, kapangahasan ng mga teatro, [at] kabuktutan ng arena.” Sa ngayon, nag-iingat din ang tunay na mga Kristiyano na mahantad sa mararahas na libangan sa anumang paraan​—babasahin, telebisyon, o mga laro sa computer​—anupat inaalaala na kinapopootan ni Jehova ang “sinumang umiibig sa karahasan.”​—Awit 11:5.

[Larawan sa pahina 30]

Moseyk ng isang nanalong nagpapatakbo ng karo

[Larawan sa pahina 30]

Larawan ng isang lalaking nakikipaglaban sa babaing leon

[Larawan sa pahina 30]

Unang-siglong teatro sa Roma

[Credit Line]

Ciudad de Mérida

[Picture Credit Lines sa pahina 30]

Top and bottom left: Museo Nacional de Arte Romano, Mérida