Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Milyun-milyon ang Dadalo—Dadalo Ka Ba?

Milyun-milyon ang Dadalo—Dadalo Ka Ba?

Milyun-milyon ang Dadalo​—Dadalo Ka Ba?

▪ Dadalo saan? Sa “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova! Mahigit na pitumpung ganitong tatlong-araw na kombensiyon, na nagsimula sa Estados Unidos noong huling dulong sanlinggo ng Mayo, ang nakaiskedyul na idaos sa mga lunsod sa buong Pilipinas sa buwan ng Nobyembre at Disyembre 2006 at sa unang linggo ng Enero 2007.

Magsisimula ang sesyon nang 8:30 n.u. sa pagtugtog ng musika. Sa araw ng Biyernes, itatampok ang mga paksang gaya ng “Magbigay-Pansin sa mga Pangako ni Jehova Hinggil sa Kaligtasan” at “Kung Paano Inililigtas ni Jehova ang mga Napipighati na Humihingi ng Tulong.” Magtatapos ang pang-umagang sesyon sa pinakatemang pahayag na “Mga Paglalaan ni Jehova Para sa Ating ‘Walang-Hanggang Katubusan.’”

Bibigkasin sa panghapong sesyon ng Biyernes ang mga pahayag na “Magiliw na Pinangangalagaan ni Jehova ang mga May-edad Na,” “Kaligtasan Mula sa Makirot na Kabagabagan,” at “Ang Papel ng mga Anghel sa Pag-uukol ng ‘Pangmadlang Paglilingkod.’” Ang simposyum na “Si Jehova​—‘Tagapaglaan ng Pagtakas’” ay may apat na bahagi at susundan ng huling pahayag ng sesyon na “Walang Sandata ng Kaaway o Sumasalansang na Dila ang Magtatagumpay.”

Kasama sa pang-umagang sesyon ng Sabado ang simposyum na may tatlong bahagi at pinamagatang “Magpatuloy sa Ministeryo ‘Nang Walang Humpay,’” pati na ang mga pahayag na “Iniligtas Mula sa Bitag ng Manghuhuli ng Ibon” at “Sinasaliksik ang ‘Malalalim na Bagay ng Diyos.’” Magtatapos ang pang-umagang programa sa pahayag na susundan ng bautismo sa tubig para sa mga kuwalipikado.

Kasama sa mga pahayag sa Sabado ng hapon ang “Panatilihin ang Maka-Kasulatang Pananaw sa Pangangalaga sa Kalusugan,” “Anong Espiritu ang Nangingibabaw sa Inyong Buhay?,” “Panatilihin ang ‘Panali na Tatlong-Ikid’ sa Pag-aasawa,” at “Mga Kabataan, ‘Alalahanin Ngayon ang Inyong Dakilang Maylalang.’” Ang huling pahayag na “Namumuhay Ka ba na Isinasaisip ang Araw ni Jehova?” ay naglalaan ng praktikal na payo para sa ating panahon.

Kasama sa pang-umagang programa sa Linggo ang simposyum na pinamagatang “Ang Kaharian ng Langit ay Tulad ng . . .” Tatalakayin sa maikli ng apat na pahayag ang ilang talinghaga ni Jesus.

Susunod sa pang-umagang programa ang pahayag tungkol sa tampok na bahagi ng kombensiyon, ang drama na kumpleto sa kostiyum at batay sa kabanata 13 ng aklat ng Bibliya na Mga Unang Hari. Itatampok sa panghuling sesyon ng kombensiyon sa Linggo ng hapon ang pahayag pangmadla na “Malapit Na ang Kaligtasan sa Pamamagitan ng Kaharian ng Diyos!”

Ngayon pa lamang ay magplano nang dumalo. Upang malaman ang lokasyon na pinakamalapit sa inyo, makipag-ugnayan sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.