Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mumunting Tren” na Nagliliwanag sa Dilim

“Mumunting Tren” na Nagliliwanag sa Dilim

“Mumunting Tren” na Nagliliwanag sa Dilim

▪ Sa katahimikan ng gabi sa kabukiran ng Brazil, isang napakaliit na “tren” ang lumitaw mula sa natutuyong sukal sa kagubatan. Dalawang pulang ilaw sa harapan ang tumatanglaw sa daraanan nito, at 11 pares ng manilaw-nilaw na berdeng lampara ang nagliliwanag sa tagiliran nito. Tiyak na hindi ito pangkaraniwang tren. Sa halip, isa itong 70-milimetrong uod mula sa pamilya ng uwang na Phengodidae, na makikita sa Hilaga at Timog Amerika. Dahil parang tren na may ilaw sa loob ng mga bagon nito, ang mga babaing uod na ito ay karaniwang tinatawag na mga uod na tren. Mumunting tren naman ang tawag dito ng mga tagabukid sa Brazil.

Kapag umaga, mahirap makita ang uod na kulay mapusyaw na kape. Ngunit sa gabi, kitang-kita ito dahil sa kamangha-manghang hanay ng ilawan nito. Pinaiilaw ito ng organikong sangkap na luciferin na sa tulong ng enzyme luciferase ay dumaraan sa oksidasyon upang makalikha ng liwanag. Kabilang sa mga kulay ng ilaw ay pula, dilaw, berde, at kulay-kahel.

Ang pulang ilaw sa harapan ay halos laging nagliliwanag​—ngunit hindi ang manilaw-nilaw na berdeng mga ilaw sa tagiliran. Ipinahihiwatig ng pagsasaliksik na sa tulong ng mga ilaw sa harapan, nakikita ng uod ang mga singsing-pari (millipede), ang paborito nitong biktima, samantalang ang mga ilaw sa tagiliran ay waring nagtataboy naman sa mga maninila, gaya ng langgam, palaka, at gagamba. Para bang sinasabi ng sinag: “Hindi ako masarap. Alis diyan!” Kaya naman, lumiliwanag ang mga ilaw sa tagiliran kapag naramdaman ng uod na may maninila. Nagliliwanag din ang mga ito kapag inaatake nito ang mga singsing-pari at kapag pinupuluputan ng babaing uod ang kaniyang mga itlog. Sa normal na mga kalagayan, ang mga ilaw sa tagiliran ay unti-unting lumiliwanag at pagkatapos ay dumidilim​—lahat sa loob ng ilang segundo​—anupat nauulit ang siklong ito sa tuwing kakailanganin.

Oo, kahit sa natutuyong sukal sa kagubatan, makakakita ang isa ng kamangha-manghang kagandahan, na nagpapaalaala sa mga salita ng papuri ng salmista sa Maylalang: “Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”​—Awit 104:24.

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Robert F. Sisson / National Geographic Image Collection