Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Maaalis ang Bisyong Ito?

Paano Ko Maaalis ang Bisyong Ito?

“Nagsimula ang bisyo kong masturbasyon noong walong taong gulang ako. Nang maglaon, nalaman ko ang pananaw rito ng Diyos. Ang sama-sama ng loob ko kapag nagagawa ko ito. ‘Paano iibigin ng Diyos ang isang katulad ko?’ ang tanong ko sa aking sarili. Sigurado akong hindi ako makapapasok sa bagong sanlibutan ng Diyos.”​—Luiz. *

KATULAD ni Luiz, baka nakaugalian mo na rin ang bisyong masturbasyon. Alam mo na malulugod sa iyo si Jehova kung paglalabanan mo ang tuksong gawin ito at kung magkakaroon ka ng pagpipigil sa sarili, isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23; 2 Pedro 1:5, 6) Pero kung minsan, nagagawa mo pa rin ito. Tuwing nagagawa mo ito, naiisip mong wala ka nang pag-asang magbago, na hindi mo na makakayang abutin ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos.

Ganiyan mismo ang tingin ng kabataang si Pedro sa kaniyang sarili. “Nang magawa ko uli ito, ang sama-sama ng loob ko,” ang sabi niya. “Naisip kong wala nang kapatawaran ang nagawa ko. Nahihirapan akong manalangin. Sinisimulan kong sabihin: ‘Jehova, hindi ko po alam kung diringgin ninyo ang panalanging ito, pero  . . .’” Ganito rin ang naiisip ng isang kabataang lalaki na nagngangalang André. “Pakiramdam ko’y ipokrito ako,” ang sabi niya. “Hindi ako makabangon sa umaga at hindi ko maharap ang maghapon. Nahihirapan akong manatili sa pulong Kristiyano o makibahagi sa ministeryo.”

Kung nadarama mo rin ang nadarama nina Luiz, Pedro, o André, lakasan mo ang iyong loob. Hindi ka nag-iisa, at hindi ka dapat mawalan ng pag-asa! Nilabanan ng maraming kabataan​—at mga adulto​—ang masturbasyon at napagtagumpayan nila ito. Magagawa mo rin ito. *

Pagharap sa Panunumbat ng Budhi

Gaya ng nabanggit, kadalasang binabagabag ng panunumbat ng budhi ang mga nahirati na sa masturbasyon. Walang alinlangan na mauudyukan ka ng ‘pagkalungkot sa makadiyos na paraan’ para alisin ang bisyong ito. (2 Corinto 7:11) Pero hindi makatutulong ang sobrang panunumbat ng budhi. Baka labis ka namang panghinaan ng loob anupat gusto mo nang sumuko sa pagdaig dito.​—Kawikaan 24:10.

Kung gayon, pagsikapan mong magkaroon ng tamang pananaw. Ang masturbasyon ay isang anyo ng karumihan. Maaari kang ‘alipinin nito sa iba’t ibang pagnanasa at kaluguran,’ at naglilinang ito ng mga saloobing nagpapasama sa isipan. (Tito 3:3) Samantala, ang masturbasyon sa sarili ay hindi naman isang anyo ng talamak na seksuwal na imoralidad, gaya ng pakikiapid. (Efeso 4:19) Kaya kung may problema ka sa masturbasyon, hindi mo dapat isiping nakagawa ka na ng di-mapatatawad na kasalanan. Ang susi ay ang paglaban sa simbuyo na gawin ito at huwag na huwag kang susuko!

Kung minsan, madaling panghinaan ng loob kapag nauulit ito. Kapag nangyari ito, dibdibin ang mga salita sa Kawikaan 24:16: “Sapagkat ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya; ngunit ang mga balakyot ay matitisod dahil sa kapahamakan.” Hindi masasabing balakyot ka na dahil sa pansamantalang pagkabigo. Kaya huwag kang susuko. Sa halip, suriin mo kung bakit nagawa mo uli ito, at sikapin mong huwag nang ulitin ang mga bagay na nagiging dahilan nito.

Sa halip na laging masuklam sa iyong sarili dahil sa iyong problema, maglaan ng panahon para makapagbulay-bulay sa awa at pag-ibig ng Diyos. Ganito ang sinabi ng salmistang si David na may mga kahinaan din: “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:13, 14) Oo, isinasaalang-alang ni Jehova ang ating di-kasakdalan at siya ay “handang magpatawad” kapag nagkakamali tayo. (Awit 86:5) Sa kabilang banda, nais niyang magsumikap tayong sumulong.

Anu-anong hakbang ang maaari mong gawin upang madaig ang bisyong ito at huwag nang maulit pa?

Ang Kahalagahan ng Pagtatapat

Sa kabila ng publisidad tungkol sa sekso sa maraming lupain, hindi pa rin mapag-usapan ng maraming tao ang sekso sa seryoso at marangal na paraan. Baka nahihirapan kang ipakipag-usap ang paksang ito kahit sa isang taong pinagtitiwalaan mo dahil nahihiya ka. Ganito ang komento ng isang Kristiyanong nakipaglaban din sa masturbasyon sa loob ng maraming taon: “Sana’y nagkalakas-loob akong ipakipag-usap ito sa iba noong kabataan pa ako! Binagabag ako ng panunumbat ng budhi sa loob ng maraming taon, at malaki ang naging epekto nito sa aking kaugnayan sa iba, at higit sa lahat, kay Jehova.”

Kanino mo ito dapat ipakipag-usap? Ang pinakaangkop na tao ay yaong may-gulang sa espirituwal, lalo na kung isang magulang. Maaari kang magsimula sa pagsasabing: “May ipagtatapat po sana ako sa inyong problema na matagal nang nagpapahirap sa akin, puwede po ba?”

Ipinasiya ni Mário na makipag-usap sa kaniyang tatay, na naging lubhang madamayin at maunawain naman. Inamin pa nga niya kay Mário na pinaglabanan niya rin mismo ang bisyong ito noong bata pa siya. “Napatibay ako nang husto sa katapatan at kataimtiman ng tatay ko,” ang sabi ni Mário. “Naisip ko na kung nakaya niya, makakaya ko rin. Lubha akong naantig sa saloobin ng tatay ko anupat napahagulgol ako.”

Nakapag-ipon ng lakas ng loob si André para kausapin ang isang elder na Kristiyano, at natuwa siya nang gawin niya ito. * “Habang pinakikinggan ako ng elder na iyon, nangilid ang kaniyang luha,” ang sabi ni André. “Nang matapos akong magsalita, tiniyak niya sa akin ang pag-ibig ni Jehova. Sinabi niya na marami ang may ganitong problema. Ipinangako niyang susubaybayan niya ang pagsulong ko at bibigyan niya ako ng mas maraming impormasyon mula sa mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Pagkatapos ko siyang makausap, ipinasiya kong patuloy na paglabanan ito​—kahit na maulit pa ito.”

Tulad nina Mário at André, may tulong kang makukuha sa pagsisikap mong paglabanan ang bisyong masturbasyon. Sundin ang payo na nasa kahong, “Unahan Mo Ito!” Oo, makaaasa kang kaya mong paglabanan ito!

Mas marami pang artikulo ang mababasa mula sa seryeng “Young People Ask . . .” sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

^ par. 6 Bagaman mga lalaki ang sinipi sa artikulong ito, pinaglalabanan din ng maraming kababaihan ang masturbasyon. Kaya kapit kapuwa sa babae at lalaki ang payong ibinibigay rito. Pansinin din na tinatalakay ng artikulong ito ang masturbasyon sa sarili. Ang paggawa nito sa hindi mo asawa ay kabilang sa tinatawag ng Bibliya na pakikiapid, isang napakalubhang kasalanan sa paningin ng Diyos.​—Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano Naman ang Masama sa Pakikipagtalik Bago ang Kasal?” sa aming isyu ng Hulyo 22, 2004, pahina 12-14.

^ par. 17 Baka gustong kausapin ng isang kabataang babae ang kaniyang ina o isang may-gulang na espirituwal na sister sa kongregasyon.

PAG-ISIPAN ITO

▪ Bakit mahalagang tandaan na si Jehova ay “handang magpatawad”?​—Awit 86:5.

▪ Anu-anong hakbang ang gagawin mo para madaig ang bisyong masturbasyon?

▪ Bakit hindi ka dapat mahiyang humingi ng tulong?

▪ Paano mo higit na maitutuon ang iyong isip sa mga bagay na malinis?

[Kahon/Larawan sa pahina 19]

Kung Maulit, Hindi Ibig Sabihing Bigo Ka Na!

Madaling isipin: ‘Bigo ako, kaya mabuti pang sumuko na lang ako.’ Paglabanan mo ang ganitong damdamin. Huwag mong hayaang mawalan ka ng pag-asa dahil lamang sa isa o higit pang pansamantalang pagkabigo.

Pag-isipan mo ang ilustrasyong ito: Kung umaakyat ka ng hagdan at napaatras ka nang isa o dalawang baytang dahil natalisod ka, sasabihin mo ba, ‘Bababa na lang ako sa paanan ng hagdan at saka papanhik ulit’? Siyempre, hindi! Kung gayon, bakit mo gagamitin ang maling pangangatuwirang ito sa paglaban sa masamang bisyong ito?

Kadalasang kasunod ng pansamantalang pagkabigo ang panunumbat ng budhi. Baka maging labis-labis ang pagkadama mo nito anupat isipin mong masama ka na talaga, na mahina ang iyong pagkatao at hindi ka karapat-dapat sa anumang mabuting bagay. Huwag mo namang labis-labis na sumbatan ang iyong sarili. Uubusin nito ang lakas mo sa pakikipaglaban. At tandaan mo ito: Pumarito sa lupa ang pinakadakilang taong nabuhay kailanman, si Jesu-Kristo, para tubusin ang mga makasalanan, hindi ang mga taong sakdal. Kaya walang sinuman sa atin ang makagagawa ng mga bagay nang may kasakdalan sa panahong ito.​—Mula sa isyu ng Abril 8, 1991 ng Gumising!, pahina 15.

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

Unahan Mo Ito!

▪ Pilitin mong mag-isip ng ibang bagay.​—Filipos 4:8.

▪ Iwasan mong tumingin sa mga bagay na pupukaw ng maling pagnanasa.​—Awit 119:37.

▪ Ipanalangin na magkaroon ka sana ng “lakas na higit sa karaniwan.”​—2 Corinto 4:7.

▪ Maging abala sa mga gawaing Kristiyano.​—1 Corinto 15:58.

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

Karagdagang Tulong

Para sa higit pang impormasyon sa pagdaig sa bisyong masturbasyon, tingnan ang kabanata 25 at 26 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.