Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ Araw-araw, 5.7 milyong pagtatangka sa buong daigdig ang ginagawa para dayain ang mga gumagamit ng Internet.—MAGAZINE, ESPANYA.
▪ “Noong 2005, walong sunud-sunod na taon nang lumalampas sa 30,000 katao ang nagpapakamatay sa Hapon.” Isa ang Hapon sa may pinakamataas na bilang sa buong daigdig.—MAINICHI DAILY NEWS, HAPON.
▪ “Sa nakalipas na 500 taon, 844 na uri ang nalipol (o nalipol na buhay-ilang) dahil sa kagagawan ng tao.”—IUCN, WORLD CONSERVATION UNION, SWITZERLAND.
▪ Ayon sa estadistika ng pamahalaan, 6 na porsiyento ng mga taga-Britanya—babae at lalaki—ang homoseksuwal. Ang batas na ipinasa noong 2005 ay “nagpapahintulot sa mga magkaparehang magkasekso na ‘magpakasal,’” at nagbibigay ito sa kanila ng mga karapatang tulad sa mga mag-asawang di-magkasekso.—THE DAILY TELEGRAPH, INGLATERA.
Bumibilis ang Daloy ng mga Glacier
“Bumibilis ang pagdaloy ng maraming malalaking glacier mula sa Greenland Ice Sheet,” ang ulat ng magasing Science. Ipinakikita ng pagsubaybay sa satelayt na nitong nakalipas na limang taon, halos makalawang ulit na bumilis ang daloy ng maraming glacier na ito sa Greenland, anupat umabot ng mahigit sa 12 kilometro bawat taon. Nitong nakalipas na sampung taon, lumaki ang nababawas na yelo mula sa mahigit 90 kilometro kubiko bawat taon tungo sa 220 kilometro kubiko bawat taon. Kaya nga sinasabi ng mga siyentipiko na “napakababa ng kasalukuyang tantiya sa pagtaas ng kapantayan ng dagat sa hinaharap.”
Ipinagdiwang ng mga Simbahan si Darwin
Halos 450 simbahang “Kristiyano” sa Estados Unidos ang nagdiwang ng ika-197 kaarawan ni Charles Darwin noong Pebrero 2006. Kabilang sa pagdiriwang ang “mga programa at sermon na nilayong magdiin na ang kaniyang teoriya ng biyolohikal na ebolusyon ay kaayon ng pananampalataya at na hindi na kailangang pumili ang mga Kristiyano sa pagitan ng relihiyon at siyensiya.” Ayon sa Chicago Tribune, ganito ang sabi ng nag-organisa ng pagdiriwang na si Michael Zimmerman, biyologo at dekano ng College of Letters and Sciences sa University of Wisconsin-Oshkosh: “Hindi mo na kailangang pumili. Puwede mong paniwalaan pareho.”
Kagaspangan sa Trabaho
“Ang kagaspangan sa trabaho ay sumasayang ng panahon, sipag at talento sa loob ng isang organisasyon,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Sa isang surbey sa halos 3,000 katao, natuklasan na mahigit 90 porsiyento “ang dumanas ng kawalang-galang sa trabaho.” Kalahati sa kanila ang nagsabi na sila ay “gumugol ng panahong dapat sana ay sa trabaho dahil lamang sa pag-aalala sa insidenteng iyon,” samantalang “binawasan [naman] ng 25 porsiyento ang kanilang sipag sa trabaho,” at 1 sa 8 ang nagbitiw. Ayon kay Christine Porath, isang propesor sa pangangasiwa sa University of Southern California, “ang pagbabawas ng sipag sa trabaho, madalas na pagliban, at pagnanakaw pa nga ay pawang palatandaan na ang isang organisasyon ay may suliranin sa kagaspangan,” ang sabi ng Journal.
Pagkalalaki-laking Basura sa Karagatan
Noong unang bahagi ng 2006, isang pagkalaki-laking basura sa karagatan ang “naanod patimog sa katubigan ng Hawaii, anupat natangay sa dalampasigan ng Isla ang napakaraming inabandonang mga gamit sa pangingisda at basurang plastik,” ang ulat ng The Honolulu Advertiser. Ang karamihan sa nakalutang na basura sa Hilagang Pasipiko ay natatangay ng agos patungo sa tahimik na bahagi ng karagatan, pero sa ilalim ng partikular na mga kalagayan ng atmospera, naaanod ang mga ito patungong Hawaii. Noong 2005, “mahigit 2,000 piraso ng basura ang natagpuan,” gayundin ang mahigit na 100 pangisdang lambat. Mapanganib para sa mga kinapal sa tubig ang basurang ito. Ganito ang sabi ni Charles Moore, tagapagtatag ng Algalita Marine Research Foundation: “Wala nang organikong isda ngayon sa karagatan. Nakakakain na silang lahat ng maliliit na piraso ng plastik.”