Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Pinaglalapit Kami ng Pagkain Nang Magkakasama”

“Pinaglalapit Kami ng Pagkain Nang Magkakasama”

“Pinaglalapit Kami ng Pagkain Nang Magkakasama”

SAMA-SAMA bang kumakain ang inyong pamilya kahit minsan man lamang sa isang araw? Nakalulungkot sabihin, sa abalang daigdig ngayon, ang pagkain ay nagiging madalian at kani-kaniya na lamang sa maraming sambahayan. Subalit bukod sa kailangan ito ng katawan, ang pagkain nang sama-sama bilang pamilya ay may pinupunan na mas mahalagang pangangailangan​—masayang pag-uusap at pagbubuklod ng pamilya.

Si Algirdas, ang kaniyang asawang si Rima, at ang kanilang tatlong anak na babae ay nakatira sa bansang Lithuania sa hilagang bahagi ng Europa. “Bagaman nagtatrabaho ako at pumapasok naman sa paaralan ang aking mga anak na babae,” ang sabi ni Algirdas, “isinaayos namin ang aming iskedyul upang magkasama-sama kami sa hapunan. Habang kumakain kami, malaya kaming lahat na nagkukuwento tungkol sa nangyari sa maghapon at nagsasabi ng mga problema, mga iniisip, mga plano, mga gusto at di-gusto. Sinasamantala rin namin ang panahong ito para pag-usapan ang espirituwal na mga bagay. Walang-alinlangang pinaglalapit kami ng pagkain nang magkakasama.”

Dagdag pa ni Rima: “Ang paghahanda ng pagkain kasama ang mga bata ay nagbibigay rin ng pagkakataon para sa matalik na pag-uusap. Tuwang-tuwa ang aking mga anak sa kanilang sama-samang pagtatrabaho sa kusina, at kasabay nito ay natututo rin sila ng kapaki-pakinabang na mga kasanayan. Kaya naman, nagtatrabaho na kami, nalilibang pa.”

Sina Algirdas, Rima, at ang kanilang mga anak ay nakikinabang nang husto dahil naglalaan sila ng panahon para magkasama-sama sa pagkain. Kung hindi pa ninyo ito ginagawa, bakit hindi isaayos na kumaing magkakasama bilang pamilya kahit minsan man lamang sa isang araw, kahit na nagsosolong magulang ka. Mas malaki ang magiging pakinabang nito kaysa sa anumang sakripisyong gagawin ninyo.